MARIA ALEXANDRA'S P.O.V:
"MALEX!"
Napalingon ako sa aking likuran nang may tumawag sa aking pangalan at nang makilala ko kung sino ito, tumigil ako sa paglalakad.
"Christina, pawisan ka yata?" wika ko at inayos ang pagkakasukbit ng aking bag sa aking balikat at sabay na kaming naglakad ni Christina sa kalsada.
"Te, katirikan ba naman ng araw sinong hindi pagpapawisan? Papasok ka na ba sa trabaho mo?" aniya at kumuha ng tisyu sa kanyang bag at marahang pinunasan ang pawis na namumuo sa kanyang noo at leeg.
Alas tres na ng hapon ngunit heto kami at naglalakad sa ilalim ng sikat ng araw at walang payong bilang panangga sa aming balat.
"Hmm.. Maraming tao ang darating ngayon sa casino dahil katapusan na naman ng buwan."
Christina De Belen, isa sa mga itinuturing kong kaibigan at kapatid na rin dito sa mundong ibabaw. Halos hindi na kami mapaghiwalay o mas tamang sabihin na ayaw niyang humiwalay sa akin.
"Sigurado ka na ba talagang ayaw mong umalis doon? Isa yung underground casino. Ako ang kinakabahan sayo sa tuwing pumapasok ka sa trabaho, paano kung mapahamak ka?"
"Mapahamak man ako o hindi, ang Diyos na ang bahala sa akin. Kailangan kong malaman ang totoo kung sino ang pumatay sa tatay ko."
Walong taon na ang lumipas mula nang patayin ang aking ama sa aking harapan at kasalukuyan akong nakikitira sa bahay nila Tito Ramon, ang kaibigan ni Daddy na siyang kumupkop sa akin na siyang ama ring ni Christina.
Sariwa pa rin sa aking isipan kung paano nilang pinatay ang ama ko at sa mga lumipas na taon, hindi ako tumigil na maghanap ng sagot at dinala ako sa isang underground casino.
Ang The Last Gamble.
May nakapagturo sa akin na doon ko umano matatagpuan ang mga taong pumaslang sa aking ama at sa kabutihang palad ay natanggap ako doon bilang manager ng casino at tatlong taon na ako namamasukan dito.
"Ang tagal na non, Malex. Kahit si Papa ay wala ring mahanap na impormasyon tungkol sa mga taong sinasabi mo."
"Wala namang masama kung subukan kong maghanap ng impormasyon tungkol sa lugar na yun basta ba makuha ko lang ang hustisya na nararapat sa ama ko."
"At kung makuha mo nga ang hustisya? Ano nang balak mo?"
"Mananahimik na ako."
Napangiwi na lang si Christina sa akin at nang marating namin ang gusali kung saan ako nagtatrabaho, naghiwalay na kaming dalawa dahil sa restaurant siya nitong hotel na papasukan namin samantalang ako ay sa underground casino pupunta.
Pumasok na ako sa loob ng elevator at pinindot ang isang nakatagong button sa mismong pader at dinala ako nito sa isang napaka-imposibleng lugar na hindi mo aakalaing umiiral sa makabagong mundo.
Nang bumukas ang elevator, sumalubong sa akin ang madilim na basement at tanging ang ilaw ng elevator ang siyang nagbibigay ng liwanag sa akin kaya naman kinuha ko ang cell phone sa aking bag at binuksan ang flashlight niyon.
Tinahak ko ang daan patungo sa isang bakal na pintuan at may dalawang lalaki na nakatayo roon bilang bantay.
"I.D?" ani ng isa na agad kong pinakita ang I.D na ang underground casino mismo ang may gawa. "Malex Gonzalez, bagong front desk manager?"
"Yes." Tipid na sagot ko at ibinalik niya sa akin ang I.D.
"Pwede ka ng pumasok."
Tinanguhan ko na lamang sila at pinagbuksan nila ako ng pinto at nahigit ko ang sarili kong hininga nang magsimulang humakbang ang aking mga paa papasok sa loob.
Ang The Last Gamble ay hindi lamang isang lugar; ito ay isang bulong na alamat, isang ginintuang hawla para sa desperado at imoral.
Ito ay isang kaharian kung saan ang mga kapalaran ay nabubuo at nasisira sa isang iglap, at kung saan ang mga taya ay laging mas mataas kaysa sa simpleng pera.
"Malex, nandito ka na pala?" Salubong sa akin ng isang lalaki na halos kaedad ko lang at nakasuot ng puting long sleeve, itim na pantalon, sapatos at bow tie sa leeg.
"Vincent, anong oras ako magsisimula?" usisa ko at sabay kaming naglakad habang tinatahak ang engrandeng entrance ng underground casino.
"Alas sais ng gabi ang madalas na pagpasok ng mga taong handang magwaldas ng pera at bilang manager, sa front desk ka muna habang wala pa ang mga bisita."
Halos nalibot ko na yata ang lahat ng trabaho rito sa loob ng casino ngunit hindi pa ako nakakapasok sa mismong function hall nitong lugar kung saan naglalaro ang mga mayayaman.
At ito ang unang araw na pwede kong pasukin ang isang mundo na hindi inaasahan ng mga normal na tao na tulad ko.
Tinanguhan ko si Vincent at sinamahan niya ako papuntang front desk at walang laman yun bukod sa computer set.
"Bukod sa manager ay ikaw rin ang haharap sa mga bisita na papasok ngayon at tulad ng sabi ko, huwag kang makikipag-usap sa kahit na sino kung hindi naman importante. Lahat ng impormasyon ng mga taong papasok rito ay nakarecord na sa computer kaya hindi ka mahihirapan. Ang kailangan mo na lang gawin ay sauluhin ang bawat mukha na makikita mo sa araw-araw na nagtatrabaho ka rito."
"Pagsapit ng alas otso ng gabi, pwede ka nang pumasok at samahan akong magbantay habang naglalaro sila sa loob."
"Sige, ako na ang bahala."
Iniwan na ako ni Vincent sa front desk at napatitig na lang ako sa logo ng The Last Gamble at wala sa sariling ginalaw ang mouse at tumambad sa akin ang napakahabang listahan ng mga taong labas-pasok sa lugar na ito.
Karamihan sa kanila ay pamilyar sa akin ngunit mas lamang ang ibang pangalan na hindi ko kilala lalo na ang may pangalang 'master gambler.'
Sa sobrang tutok ko sa pagbabasa ng mga pangalan, hindi ko namalayang unti-unti na palang nagsisipasukan ang mga bisita at hindi pa sana mapipigtas ang atensyon ko mula sa computer nang may bumulong sa aking tainga.
"Mind if you find a person for me using your own system?"
Agad akong napalingon sa kanan at nakita ang isang lalaki na nakasuot ng tuxedo at maaliwalas ang mukha.