MARIEL PENINCULA
"Naintindihan mo ba lahat ng sinabi ko?" tanong sa akin ng matandang katulong dito sa mansion. Nagpakilala siyang si Anna.
Puro tango na lang ang naging sagot ko sa kanya kahit na ang totoo ay hindi ko naman mas'yadong naintindihan ang mga pinagsasabi niya kanina.
Hindi ko talaga as in naintindihan lahat. Shet! Kawawa agad ako nito kapag may nagawa akong mali. Akala ko naman kasi madali lang mag-alaga ng puslit pero marami pa lang kailangang gawin.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Ayos lang. Nasa isipan ko pa rin ang tumataginting na five million.
Nako. Kapag hindi binigay sa akin 'yon, magwewelga talaga ako. Alam ko namang mayaman ang amo ko at mukhang barya lang sa kanya ang amount na binanggit niya pero sana totoo ang lahat ng sinabi niya sa akin dahil kung hindi, maghahanap talaga ako ng mangkukulam at ipapakulam ko siya. Tsk!
"Oh siya. Maiwan na kita rito sa kuwarto mo. Hintayin mo. Magpahinga ka muna ngayong araw at bukas magsisimula na ang trabaho mo."
Tinitigan pa ko ng masama ni Manang Ana bago siya tuluyang umalis sa harapan ko. Habang ako naman ay nanatiling nakangiti hanggang sa tuluyan na siyang lumabas ng kuwarto.
Nang maiwan na kong mag-isa ay saka lang ako nakahinga ng maluwag. Grabe 'yon! Pakiramdam ko hinusgahan na niya buong pagkatao ko habang kausap niya ko kanina.
Pero, buti na lang hindi pa ko start ngayon. May time pa ko para pag-isipan lahat. May time pa ko para umayaw. Shet! Kulto kaya ng mga masasamang tao ang bahay na 'to. Base pa sa kilos nila ay halatang may nagawa na talaga silang masama.
"Young master!"
Napatayo ako sa kinauupuan ko nang bigla na lang bumukas ang pinto ng kuwarto na tinutuluyan ko ngayon.
Nanlaki ang mata ko dahil nasa harapan ko na ngayon 'yong bata na natutulog lang kanina.
"Mom!"
Namalayan ko na lang ang lahat nang maramdaman ko ang pagyakap sa akin nang bata. Mahilig talaga yumakap 'tong bata 'to ah. Kaso lang, ang hilig din niya kong tawaging nanay niya. Tss.
Kasunod ni Kleo, pumasok din sa loob si Manang Anna na nakatingin na naman ng masama sa akin. Gusto ko rin nga sana siyang tingnan ng masama kahit mas matanda siya sa akin pero hindi ko ginawa. Bukod sa mas matanda nga siya, mas mataas pa ang katungkulan niya sa akin. Parang ang sama ko naman kung may attitude na agad ako kahit hindi pa nagsisimula ang unang araw ng trabaho ko.
"Young master, please listen to me. She is not your mom. You need to sleep early so you will also get up early tomorrow."
Lumapit sa amin si Manang Anna at nilayo niya sa akin si Kleo. Kaya lang, nagpumiglas pa si Kleo at kumapit pa siya sa laylayan ng damit ko.
Teka, sandali. Parang nakita ko na ang ganitong eksena dati.
"No! I want my mom. Don't separate us!"
Napasapo ako sa sarili kong noo at bumuntong hininga ng malalim. Walang patutunguhan ang usapan na 'to kung paulit-ulit lang din ang sasabihin nila sa isa't isa.
Tumingin ako sa direksiyon ni Manang Anna at ngumiti ako sa kanya kahit na ang sama na talaga sobra ng tingin niya sa 'kin.
Hinawakan ko sa balikat si Kleo kaya napataas ang tingin niya sa direksiyon ko. Ngumiti ako sa kanya nang magtama ang mata naming dalawa.
Pagbigyan na. Ngayon lang ako aaktong mabait. As in ngayon lang.
"Kleo, sundin mo na si Manang Anna. Bukas naman ay magsasama na rin tayong dalawa. Bukas din makikilala mo na rin ako," nakangiti kong saad sa kanya.
Bukas din malalaman na rin niya na hindi talaga niya ko nanay. Tss.
Nakita kong humihikbi ng una si Kleo pagkatapos niyang marinig ang sinabi ko pero pagkalipas ng ilang minuto ay tumango na rin siya bilang tugon sa sinabi ko.
"Promise? Promise you will not leave me alone?"
Tumango na lang ako kay Kleo bilang tugon para tuluyan na siyang umalis at maiwan na kong mag-isa.
"As I thought, I don't want to leave you, Mom. I will stay here. I promise I'm not going to do anything. Please. . ." Nagsisimula nang bumagsak sa magkabilang mata ni Kleo ang kanyang mga luha.
Napakamot na lang ako sa aking ulo dahil hindi ko alam kung anong dapat kong gawin sa kanya. Grabe! Kung magsalita ang bata na 'to ay parang may kausap akong matanda. Isa pa, panay pa ang pag-english niya. Tinalo pa niya ko. Pft!
Natatawa na lang akong tumingin sa direksiyon ni Manang Anna na hindi na malaman kung ano ang kanyang gagawin. Mabuti na nga lang at hindi na masama ang tingin niya sa 'kin dahil kung gano'n pa rin ay hindi ko alam kung anong gagawin ko sa kanya.
Magsasalita pa lang sana ako pero bigla na lang bumukas ulit ang pintuan ng kuwarto at pumasok sa loob si Harold. Yung tatay ni Kleo.
Mabuti naman at nagpakita na rin ang mokong na 'to! I mean itong amo ko. Siguro naman ay kaya na niyang kausapin ang anak niya na nanay pa rin ang pagkakakilala sa akin 'di ba?
"Kleo."
Isang salita pa lang ang binibigkas ni Harold pero bigla na lang tumakbo si Kleo at nagtago sa likuran ko. Naramdaman ko rin ang mahigpit na pagkapit niya sa akin. Nagsalubong tuloy ang dalawang kilay ko dahil sa pagtataka.
Bakit parang natatakot na naman ang batang 'to sa ama niya?
"Kleo, come here and go to your room."
Lumipas ang isang minuto pero wala man lang nagsalita sa likuran ko. Hanggang sa nakarinig na lang ako ng mahinang paghikbi.
Tumingin ako sa direksiyon ni Harold. Tsk. Sino ba ang hindi matatakot kung ganito ang itsura ng tatay niya? Mukha siyang killer sa isang movie sa uri pa lang ng pagtitig niya.
Bumuntong hininga ako ng malalim at narinig naman ako ng dalawang matandang kasama ko.
"Huwag n'yo nang pilitin ang bata kung ayaw niya nga. Dito na siya matutulog kasama ko. Ako na ang bahala sa kanya," seryoso akong tumingin sa direksiyon ni Harold.
Nagsalubong naman ang dalawang kilay niya sa sinabi ko habang si Manang Anna naman ay nakatingin na naman ng masama sa akin.