MARIEL PENINCULA
Tinitigan ko ng masama si Harold. Bumalik lang sa normal itsura ng mukha ko nang maalala ko na amo ko na nga pala ang kaharap ko ngayon. Kasi naman.
Parang ang laki ng galit nito lagi sa anak niya kahit wala namang ginagawang masama.
Binalikan ako ng masamang tingin ni Harold pero pagkalipas ng ilang segundo, bumuntong hininga siya ng malalim at saka lumabas ng kuwarto.
Ano 'yon? Absuwelto na ba ko kahit nagtaray ako sa kanya?
Pft! Madali lang pala kausap amo ko.
Tumingin ako sa direksiyon ni Manang Anna at nakatingin pa rin siya sa akin ng masama. Ito naman parang amo kung umasta sa akin.
"Huwag mo na ulit uulitin 'yon kung ayaw mong matanggal sa mansion ng mas maaga."
Pagkatapos magsalita ni Manang Anna ay nakuha pa niyang iikot ang mata niya sa direksiyon ko bago siya tuluyang umalis ng kuwarto at iniwan kaming dalawa ni Kleo.
Napakamot na lang ako sa aking ulo pagkaalis nila. Akala ko sesermunan pa ko ng mahaba. Mabuti na lang at umalis din agad sila.
Umupo na lang ako sa may kama at hinawakan sa magkabilang balikat si Kleo. Tinitigan ko siya sa kanyang mga mata.
"Ikaw, bata ka. Naiintindihan mo ba ko?" panimulang tanong ko sa kanya.
Tumango naman siya bilang tugon sa akin.
"Yes, mommy."
Nakagat ko ang ibabang labi ko nang marinig ko ang sinabi niya. Nako. Hayan na naman siya.
"Kleo, let's go and take a bath first."
Napapahid ako sa sarili kong noo kahit wala namang pawis pagkatapos kong magsalita. Aba'y napa-straight english ako ng wala sa oras. Hindi ko nga alam kung naintindihan ni Kleo 'yong sinabi ko pero mukhang naintindihan naman niya dahil nakangiti pa siya sa akin ngayon.
Med'yo nakahinga ako ng maluwag dahil mukhang tama naman ang english na nasabi ko.
"Sure, mommy."
Nauna na kong naglakad patungo sa banyo. Suwerte ko nga dahil may banyo nang sarili ang kuwarto na binigay sa akin.
'Yong nasa isipan ko kasi ay matutulog ako sa kuwarto kung saan natutulog ang mga katulong dito sa mansion.
Ngayon na naisip ko ang tungkol dito. Bakit nga kaya ako dito pinatulog ni Harold? Mukhang planado na talaga ng mokong na 'yon ang lahat. Mukhang alam na niyang pupunta rin dito si Kleo kaya dito na rin niya ko pinatulog. Alangan namang magpumilit matulog si Kleo katabi ko tapos kuwarto ko kasama pa ng ibang katulong? Parang ang pangit nga namang tingnan no'n?
"Mommy, it's so cold!"
Natigilan ako sa pag-iisip nang marinig ko ang malakas na sigaw ni Kleo.
Nanlaki ang mata ko habang nakatingin kay Kleo. Hindi ko rin namalayan na nabitawan ko na rin pala ang hawak ko sabon.
Hala, shet! Nakalimutan ko 'yong warm water.
Nilibot ko yung paningin ko sa paligid. Shet! Paano ba gagawin ko? Ano ba pipindutin ko?
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Ano nang gagawin ko rito?
May nakita akong tatlong button. Marunong naman akong magbasa pero wala namang words na nakalagay doon. Iba't iba lang ang kulay.
"Kleo, alin dito ang warm water?" nakangiti kong binalingan ng tingin 'yong bata.
Kaso lang nagtataka lang siyang nakatingin sa direksiyon ko. Mukhang nanginginig na nga siya dahil sa lamig.
Patay! Baka magkasakit pa si Kleo. Hindi pa nagsisimula ang trabaho ko, nagkasakit na agad ang alaga ko.
Hindi ko na alam kung anong gagawin ko pero bigla na lang bumukas ang pinto ng banyo. Nakalimutan ko pang i-lock kanina.
Pumasok sa loob si Harold at sa pagkakataon na 'to, pakiramdam ko mas lalong tumigil ang pag-ikot ng mundo ko.
Ito na ba ang pagkakataon para salubungin ko ang kamatayan ko?
"What are you doing?" walang gana niya pang tanong sa akin.
"Ahm, naglilinis ng katawan si Kleo. Bakit?"
Hindi ko namalayan ang sarili ko na napatitig na rin pala ako kay Harold. Nang mapansin kong nakatingin na rin pala siya sa akin ay agad akong umiwas ng tingin sa kanya.
Tss. Bakit ba nakasuot lang ng bathrobe ang isang 'to? Nakikita ko kaya 'yong dibdib niya. Yabang din! Porke't may abs lang akong nakikita sa kanya.
"Turn on the warm water, then."
Tumingin ako ulit sa may mga buttons.
"Saan nga ulit dito 'yon, sir?" tanong ko sa kanya.
"To the right side from the last button."
Lumabas na si Harold pagkatapos niyang magsalita.
Nakahinga na ko ng maluwag dahil nagawa ko na rin sa wakas ang dapat kong gawin. Ilang minuto na rin ang lumipas at natapos ko na ring linisan ng katawan si Kleo.
Kinuha ko na rin ang bathrobe ni Kleo para makatulog na rin siya. Hindi pa naman mas'yadong late pero gabi na rin kasi ang kailangan matulog ng maaga ni Kleo. Bata pa ang isang 'to.
Sana lang matulog siya ng maaga at hindi na niya ko guluhin pa.
Ganado pa ko pagkalabas namin ng banyo pero natigilan lang ako ulit dahil nasa loob pa pala ng kuwarto si Harold.
Tsk. Akala ko naman umalis na siya.
"Sir, may kailangan pa ba kayo?" nakangiti kong tanong sa kanya.
Mabilis naman siyang umiling sa 'kin.
"Nothing. I'm just going to sleep here as well."
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya.
"You mean, dito po? Sa kuwarto rin na 'to?" nagtataka kong tanong sa kanya sabay turo sa malaking kama.
Shet! Hindi naman ako nainform na ang kapalit pala ng pagtulog ko dito sa kuwartong 'to ay makakatabi ko ang anak ng amo ko at ang amo ko mismo.
Parang hindi na lang ako babysitter nito. Parang ginawa na rin talaga nila kong fake mommy nitong si Kleo.
Aba! Hindi naman 'yon kasama sa napag-usapan namin kaya anong sinasabi ni Harold ngayon?
"Yes."
Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pang sabihin ang laman ng isipan ko ngayon dahil tuluyan nang humiga sa higaan si Harold at sumunod naman sa kanya si Kleo.
Ang galing nga dahil may enough space talaga na nilaan sila para sa akin.
Parang hindi talaga tama ang nangyayari ngayon. Mali talaga 'to.
"Sir, kung gano'n naman pala. Mukhang maling kuwarto yata ang kinalalagyan ko. Saan po ba ko tutuloy?"
Pinili ko na lang magpatay-malisya kaysa naman humiga rin ako rito. Ayo'ko no!