PALABAS na siya ng school nang may tumawag sa kanya. Ganoon na lamang ang pagkairita at inis niya nang malingunan niya ang taong tumatawag sa kaniya.
Nakataas ang isang kilay niyang humarap dito. “Ikaw, na naman. Di ba sinabi ko sa iyo tigilan mo na ako.” mataray na wika niya kay Penny. Ano kaya ang ginagawa ng lalaki na ito dito?
“Gusto sana kitang yayain na kumain sa labas,” medyo nahihiya nitong wika sa kanya.
“Hindi ako puwede. May gagawin pa akong dapat tapusin. At saka hindi pa tapos ang klase ko.”
Tila naman nalungkot ito sa sinabi niya. “Kahit ngayon lang, Ivy. Kahit isama mo iyong dalawa mong kaibigan.”
Napatingin siya ng daretso kay Penny. Nakikita niya dito na seryoso ito at talagang gusto siyang i-treat ng pagkain.
“Ano bang meron at gusto mo akong isama sa labas na kumain?” tanong niya dito.
“Birthday ko ngayon, kaya gusto kong i-treat ka. Isama muna rin sina Rose at Maysisa. Para may kasama ka.” wika nito sa kaniya.
Tumango-tango siya dito. “Happy birthday, Penny. Hindi ko alam na birthday mo pala. Sige, pumapayag na akong kumain tayo sa labas.” nakangiti niyang wika dito. “ Pero puwede bang mamaya ng hapon kasi may klase pa ako.”
Biglang sumilay ang ngiti nito sa labi. “Thank you, Ivy. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon.” nakangiti nitong wika sa kaniya. Akmang yayakapin siya nito ngunit umiwas siya at umatras ng kunti dito.
“Ikaw, Penny, ha. Hindi porkeʼt pumayag akong sumama sa iyo feeling close ka na agad sa akin.” nakataas ang isang kilay niyang wika kay Penny.
“Teka, anong ginagawa mo pala dito sa school?” nagtataka niyang tanong dito.
“May binili lang ako. At saka ikaw talaga ang pakay ko dito. Actually, kanina pa ako dito. Nakatambay ako diyan kay manong guard. Inaabangan kitang lumabas dahil yayayain nga kitang kumain sa labas.” wika nito sa kanya.
Tumango siya dito. “ Sige, Penny mauna na ako sa'yo. Pupuntahan ko sina Maysisa.” paalam na wika niya kay Penny.
“ Okay, Ivy. Dadaanan kita mamaya sa inyo.”
Kumunot ang noo niya dito. “ Sinasabi ko sa iyo, Penny hindi ako sasama kapag hindi kasama iyong dalawa. Kaya bago ka pumunta sa amin. Siguraduhin mong kasama muna iyong dalawa.”
Nagpaalam na ito sa kanya. Habang lumalakad ito ay pasipul-sipol pa. Napailing na lamang siya habang sinusundan ng tingin ang lalaki. Bakit nga ba hindi niya kayang mahalin ito. Mabait naman ito guwapo at higit sa lahat magiging prinsesa siya kapag ito ang makakatuloyan niya. Pero kahit anong gawin nito wala talaga. Hindi niya kayang mahalin ito. Kaibigan lang ang kaya niyang ibigay dito.
Nagulat pa siya ng magsalita si Maysisa sa kanyang likod. “Hoy! Sinong iniisip mo diyan at tulala ka?” wika nito sa kanya na may pagtataka.
“Sissy, bakit kaya hindi ko kayang mahalin si Penny?” tanong niya dito.
“Kasi nga si Gov. Matthew ang mahal mo. Kaya hindi mo kayang mahalin si Penny.” nakangiti na wika ni Rose.
Kununot tuloy ang noo niya sa sinabi ni Rose sa kanya. “Hindi ko siya mahal, ano ba kayong dalawa. Tigilan nga ninyo ako.” wika niya sa dalawa sabay talikod at pumasok muli sa loob ng school.
“Oo nga pala. Hindi mo nga mahal si gov ngayon. Dahil crush mo lang naman siya. Kaya ka nga nag-apply ng scholarship kay Gov. Matthew, eh.” mapag-asar na wika ni Maysisa.
Humarap siya sa dalawa at sinamaan ng tingin. “Kaibigan ko ba talaga kayong dalawa?” naiinis niyang tanong sa dalawa.
Pero ang dalawang hinayupak tinawanan lamang siya. Ang sarap pag-umpugin ang mga ulo. Kaya sa inis niya nagpatuloy na lang siya sa paglalakad. Pikon na talaga siya.
“Sissy, paano kung magkita kayo tapos marealize mo na hindi lang crush ang nararamdaman mo. Kundi mahal mo na pala siya.” tanong ni Rose sa kanya ng magsabay na sila sa paglalakad.
“Ang tanong, kung pipirmahan ba ni gov ang scholarship mo. Dahil ang sabi ni tita kanina hindi daw ngayon tumatanggap at pinirmahan ni gov ang mga nag-apply ng scholarship.” wika ni Maysisa.
Kaya naman napalingon siya dito. “Bakit daw?”
Nagkibit-balikat ito. “Hindi ko alam, sissy. Walang sinabi si tita kung anong dahilan.”
“Naku! Subukan niyang huwag pirmahan ang aking scholarship na request. Malalaman niya ang hinahanap niya.” galit niyang wika.
“Sissy, relax malay mo naman pinirmahan na ni gov.”
Sana nga, dahil iyon na lang ang pag-asa niya para nakatapos siya ng pag-aaral. Naaawa na siya sa kanyang Itay dahil halos doon na ito natutulog sa palengke. Para lamang makatapos siya ng pag-aaral. At ngayon may isa pa silang problema.
Nagbuntong-hininga siya nang malalim. Hindi lingid sa dalawa ang pagbuntong-hininga niya. Kaya naman nagtanong ang mga ito.
“Ang lalim non, ah. May problema ba sissy?” tanong ni Rose sa kaniya.
“Hindi ko alam kung paano sasabihin kina Itay at Inay. Na buntis si Ate Ericka.” wika niya.
“Ano?! Buntis si Ericka!” sabay na tanong ng dalawa sa kanya.
Tumango siya at umupo sa bakanteng upuan na nandoon. “Noong isang araw ko pa nalaman. Kasi nakita ko iyong pregnancy test niya. Kaya tinanong ko siya kung tama ba iyong nakita ko.” malungkot na sambit niya kina Maysisa at Rose.
“Bakit hindi si Ericka ang magsabi kina Tita Medina at Tito Marsing?”
“Natatakot si Ate, alam naman ninyo na inataki na sa puso si Inay. Kaya ayaw sabihin ni Ate baka atakihin na naman si Inay.” malungkot niyang wika sa dalawa.
Naramdaman niya ang paghagod ng mga kamay nito sa likod niya. “Sissy, habang maaga pa at hindi pa halata ang tiyan ng Ate mo. Sabihin na ninyo kay Tita Medina. Kasi kapag sa iba pa niya malaman baka lalong ikasama iyon ni Tita.” payong wika ni Maysisa sa kanya.
Umiling-iling siya. “Natatakot ako hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanila. Kaya nga nag-apply ako ng scholarship para kahit papaano hindi na nila proproblemahin ang pag-aaral ko.”
“ Sissy, maayos din `yan. At sigurado akong matatanggap nina Tita ang kalagayan ng Ate mo.”
“Sana nga mga sissy.” tanging sambit niya lang. “Tayo na at may klase pa ako.” yaya niya sa dalawa. Laking pasalamat niya at naging kaibigan niya ang dalawa. May nasasabihan siya ng problema niya. Bahala na mamaya kung paano niya sasabihin sa kanyang magulang ang kalagayan ng kanyang Ate Ericka.