Kabanata 24: Tangkakal
Tangkakal - tanggol o ligtas
One week no social media. Puro naka-off ang notifications. Mas madali kasi mag on at off ng settings kaysa mag-deactivate at mag-reactivate. And masusubukan talaga ang kakayahang magtimping 'wag mag-open. Ako pa ba?
Tsaka wala namang makakausap. Ako lang din dadaldal sa kanila so mas mabuti ng ako na lang ang lumayo ‘di ba. Mas papayapa ang mga buhay namin.
Next week na ulit mag-open for online enrollment. Mas gusto ko munang mapag-isa o ‘di kaya ay yung malayo muna sa acads na usapan. Mamaya kung ano-ano na naman ang maisip ko. Kesyo bagsak ako or kung ano pa man.
Tamang gawa lang ng gawaing bahay. Oras na para sa paborito kong gawin kapag paparating na ang Pasko! Time for decorating our house! At least sa ganito ay makakalimot din muna ako sa mga bagay na ilang araw na ring nasa isipan ko. Mabuti na ring may pagkaabalahan para malayo ang isip sa mga tao diyan.
Habang busy si Mama sa mga orders, kami ni Jas ang nagkakabit ng mga garlands, Christmas lights, Christmas balls, at Christmas tree. Nakami-miss yung Christmas nung bata pa ako. Mas dama ko siya noon. Ngayon kasi parang hindi mo na nakikita at nararamdaman ang pasko. O ‘di kaya dahil lahat ng taga rito sa amin ay matatanda na at wala na masyadong bata. Kasi sa dati naming lugar, maingay pero masaya. Ang daming nagpapamigay. Ang gagalante kahit pa alam mong kapos din sa buhay. Bakit ganun ‘no? Yung mayayaman pa yung hindi mo malaman kung madadala ba nila ang pera sa hukay.
Dumaan din ang mga araw na nanonood lang ako ng mga series. Gumagawa din ako ng art para mapahinga naman ang mata at ang kamay naman ang gumalaw. Para may time for both hobbies diba. Kaso naaalala ko siya kada may ginagawa ako. Naaalala ko rin siya sa tuwing sumasagi sa isip ko yung mga sinabi niya tungkol sa mga gawa ko, sa mga nakasabit sa dingding ng kwarto ko.
'Pag nagluluto naman si Mama, pinapanood ko lang siya. Hanggang sa nakatayo na 'ko sa tabi niya. Hanggang sa ako na ang may hawak ng sandok at sinusubukang magluto.
Hindi ko alam pero ang dami kong gustong gawin. Gusto ko lang talaga malayo indirectly. Tsaka malay mo may maging dulot din ang pagiging marunong kong magluto.
Kinabukasan ng umaga ay kumpleto kami. Kagabi pa lang ay nag-iisip na 'ko. Pero hindi ako nakaramdam ng takot. Wala yung sobrang anxiety. Para ngang sobrang willing na ng sarili ko na magsabi. Ang galing lang kasi thinking about coming out to my family doesn't stress me anymore. It's like my fears are gone. Pero syempre kinakabahan pa rin ako.
Hindi ko na naiisip kung papalayasin ako o masasaktan o makaririnig ng nga masasakit na salita. Ang alam ko lang ay may mga tao akong matatakbuhan. At naniniwala akong kahit anong mangyari ay iintindihin ako ng pamilya ko.
Kagabi pa lang ay gusto ko ng gisingin sila Papa at magsabi na. Na-imagine ko na yung sarili ko na nagpapaliwanag sa kanila. Kulang na nga lang ay gumawa na ako ng script para may guide at walang linyang makalilimutan.
Lumabas ako ng kwarto ko matapos kong maghilamos at magmumog. Nakita ko sila Jas na nakaupo na sa may mesa. Narinig ko na nag-uusap sila.
"Sa'n tayo magsisimba bukas?" tanong ni Papa kay Jas.
"Sa St. Therese na lang para medyo malapit sa kainan at mall."
Naupo ako sa tabi ni Jas.
"Mall na naman nako," wika ko.
"Bakit ba? May bibilhin ako, eh," sagot niya sa 'kin.
Inihain na ni Mama ang sinangag sa mesa kasama ng tocino at itlog.
Nanalangin muna kami at tsaka nagkaniya-kaniya.
"Lumabas na ba ang grades niyo?" tanong ni Papa.
"Opo. Top 2 po ako this sem! With high honors." Masayang balita ni Jas.
"Aba! Ang galing-galing naman ng anak natin!" Proud na sabi ni Mama.
"Totoo ba 'yan 'nak? Hindi mo kami niloloko?" Hindi makapaniwala si Papa pero ngiting-ngiti siya.
Pinakita ni Jas ang list ng top nila sa klase mula sa cellphone niya.
"Aba, totoo nga! Nandito ang pangalan mo, Jaslyn Javier." Kulang na lang ay magtatalon si Papa sa sobrang tuwa.
"Pa, ako rin!" Singit ko. "Kala mo ikaw lang, ah." Pang-aasar ko kay Jas.
Nagbelatan kaming dalawa na parang mga bata.
"Dean's lister po ako," I humbly said it.
"Ang galing ng accountant natin, Ma," masayang sambit ni Papa.
Nakikita kong nangingilid ang luha niya. Alam kong ito ang pangarap niya sa amin bukod sa makapagtapos. Lalo pa sa akin na nasa dream course niya. Ako na lang yung naging daan para ma-fulfill ni Papa ang mga naudlot niyang pangarap.
Tuwang-tuwa lang din si Mama na tinitignan kaming tatlo.
And at this moment, naramdaman kong eto na. Kahit pa ang random at ang outlier ng sasabihin ko.
"Ma, Pa..." tawag ko sa kanilang dalawa. "may sasabihin po ako." I sounded calm.
"O, ano yun?" tanong ni Mama.
"Alam ko pong mahal na mahal niyo kami ni Jas." Napakapit sa kamay ko si Jas. I needed that, honestly.
"Syempre mga anak namin kayo. Hindi niyo alam ga'no namin kayo kamahal hanggat hindi pa kayo nagiging magulang," wika ni Papa.
"Gusto ko lang pong maging open sa inyo dahil magulang ko po kayo at mahal na mahal ko rin po kayo." I continued.
"Ano bang nangyayari? Hindi ko maintindihan." Gulong-gulo si Mama.
"Ngayon, ang alam ko lang po ay kahit anong mangyari ay iintindihin niyo po ako. Na hindi ko na po kailangan pang magtago."
"Diretsuhin mo na kami, Jay. Anong gusto mong sabihin?" Pagputol ni Papa sa sinasabi ko.
"Na ganito pa rin naman po ako tsaka hindi ako magbabago. Ang tanging iba lang po ay yung taong mamahalin ko. Iba sa gusto niyo po para sa 'kin." Pagpapatuloy ko.
"Ito na nga ba ang kinatatakutan ko. Bakla ka?" Napatingin ako kay Papa.
"Opo." I answered without thinking anymore. "Ano pong ibig niyong sabihin na ito na ang kinatatakutan niyo?"
Naiiyak na si Mama at ang kapatid ko.
"Natatakot ako para sa 'yo, anak. Ang brutal ng mundo sa labas." Paliwanag ni Papa.
"Pero tanggap ka namin, 'nak. Hindi ko maisip gaanong paghihirap ang pinagdaanan mo sa sarili mo pero masaya akong nasabi mo na ngayon. Alam kong makahihinga ka na ng maluwag. Nandito lang kami." Tumayo si Mama para lapitan at yakapin ako.
Nagsimula na rin akong maiyak.