Kabanata 28: Nabuslot
Nabuslot - nahulog sa butas
Ali’s POV
“Halika na kasi.” Sabay hila sa ‘kin ni Frances.
Nilagpasan naming dalawa yung may mga magagandang ilawan sa may pader. Pumasok kaming dalawa sa may front desk kanina kung saan kami galing nila TJ.
Nilalamig ako. Siguro dahil sa malakas na simoy ng hangin sa rooftop. Pero hindi ko rin maipaliwanag kung anong nararamdaman ko. Parang may mangyayari. Kinakabahan ako na natatakot. Pero slight lang. More of nabibigla ako sa mga bagay-bagay. Yung biglang may darating na lang tapos hihilahin ka literal.
Patuloy lang kaming dalawa sa paglalakad.
“Kumusta ka na?” tanong niya sa akin.
“Saan mo ba ‘ko dadalhin?” tanong ko rin sa kaniya.
“Ito naman chill ka lang. Hindi naman kita ikukulong. Tsaka nandito pa rin naman tayo sa hotel, oh. Hindi ka mawawala.” Dahilan niya sa akin.
Natahimik lang ako.
“Hindi ka ba natutuwa na nagkita tayo ulit? Para naman wala tayong pinagsamahan.”
“Sorry. Nabibigla lang ako. Kala ko kung ano na’ng mangyayari.” Paghingi ko ng paumanhin.
“Sige ok na ‘yun. Pero nakaka-offend ah.” Pagtataray niya.
“Pero saan nga tayo pupunta? Bakit biglaan naman?” tadtad ko ng tanong sa kaniya.
“Ang tagal na rin kitang hinahanap or i-try i-contact pero para kang bulang nawala. Siguro tadhana na ang nagdala sa ating dalawa. It’s time!”
Napatingin ako sa kaniya. Kita mo ang kaunting lungkot pero may ningning sa kaniyang mga mata na nagpapahiwatig ng “sa wakas, mangyayari na ang dapat mangyari.”
Nag-elevator kaming dalawa. Ramdam ko naman yung pilit niya kong pinapakalma dahil panay ang kausap niya sa akin.
Makadaan ang ilang floors ay lumabas na kami mula sa elevator.
“Buti hindi ka na ganun katahimik ngayon. Tapos sumasama ka na sa ibang tao. Akala ko talaga pamilya mo yung kanina,” kausap niya sa ‘kin.
“Birthday kasi ng kapatid ng j-“
“Wow naman!” Sabay napahawak siya sa kaniyang braso.
Nahinto agad ako sa pagsasalita dahil nasanggi si Frances ng mga lalaki.
“Ayos ka lang? Nasaktan ka ba?” tanong ko sa kaniya.
“Ok naman ako,” sagot niya pero iniinda pa rin niya ang braso niya.
“Sigurado ka ba? Parang ang lakas ng pagkakabangga nila sa ‘yo.
“Teka lang. Alam ko yung ginawa ni Kathryn sa ganito, eh.”
Nagulat ako nung tinanggal niya ang kanang heels niya at tsaka binato sa mga lalaking nakabangga sa kaniya na patuloy na naglalakad.
“Gangster!!!”
Ako yung nahiya para sa ginawa niya. Gusto kong lamunin ng lupa bigla.
“Anong ginagawa mo? Nakainom ka ba?”
Lumingon yung mga lalaki sa banda namin at unti-unting naglakad patungo sa aming direksyon.
“Hoy! Pasalamat ka at babae ka,” wika ng isang lalaking nakapormal na suot pero daig pa ang lasing kanto kung magsalita.
“Bakit? Ano naman ngayon kung babae ako? Ano? Hindi ka na lalaban?” Patuloy na pag-aangas at pag-p-provoke ni Frances sa kanila.
“Itigil mo na ‘yan,” bulong ko sa kaniya. “Halika na.”
“Iuwi mo na nga ‘yang girlfriend mo.” Singit ng isa nilang kasama.
Hinila ko na si Frances kahit na hindi ko alam kung saan talaga kami papunta.
“Ayan! Kung walang laban, umalis na lang.” Sabay nagtawanan ang mga lalaki.
Pasalamat ‘tong mga ‘to at ayoko ng gulo dahil lang sa mga walang ka-kwenta-kwentang bagay. Tsaka hindi ko naman girlfriend ‘tong kasama ko.
“Hindi naman ako lasing. Gusto ko lang talaga gayahin si Kathryn.” Biglang kausap niya sa ‘kin.
“Ang lakas din ng trip mo, ‘no?” mahina kong sabi para hindi niya marinig pero gusto ko ring marinig niya.
“Malapit na tayo. Doon tayo sa dulo.” Sabay turo niya sa dulong pinto sa hallway.
“Papasok tayo sa isang kwarto?”
Kung ano-ano agad ang pumasok sa isip ko.
“Baliw! Ang bastos mo naman. Ano ka ba? Hindi ganun ‘yun. Unless gusto mo rin talaga.” Pang-aasar niya sa ‘kin.
“Ano ngang gagawin natin?”
“May ipapakilala lang ako sa ‘yo.”
Pagkarating namin sa dulong bahagi ng hallway ay kumatok na si Frances. Makalipas ang ilang segundo ay may nagbukas ng pinto.
“Kanina ka pa nila hinahanap. Saan ka ba nagpunta?” tanong ng isang babae kay Frances.
Mas matangkad siya sa kaniya. Mga 5’5 ata siya.
Napansin niya ‘ko.
“Ah, Ma, galing lang ako sa taas. Nandun pa rin sila Richard or baka pasunod na rito. And maybe God’s will na rin na nagpaiwan ako dun dahil…” Sabay tumingin din siya sa akin.
Teka, kanina pa ‘ko gulong-gulo. Ano na ba ‘tong mga nangyayari?
“Sino naman siya?” tanong ni Mrs. Narciso kay Frances.
“Si Ali, Ma.”
Nagkamayan kaming dalawa.
“Magandang gabi po,” bati ko sa kaniya.
“Sige pasok ka muna.” Yaya niya sa akin.
Nakangiti lang silang dalawa kaya naman napipilitan lang din ako ngumiti.
Naupo kaming dalawa sa may sofa.
“Akala ko ba mag-uusap lang tayo? Bakit kailangan dito pa?” Halos taasan ko na siya ng boses dahil naiinis na rin ako.
“Hindi na ‘ko magpapaliguy-ligoy pa. May kailangan ka kasing malaman.”
Natahimik ako. Bigla akong pinagpawisan.
“Ano ‘yun? Anong dapat kong malaman?”
Sobra na ‘kong kinakabahan. May nagawa ba ‘ko? May surprise? Anong meron? Anong okasyon? Ang daming tanong sa isipan ko.
Lumabas mula sa may maliit na dining area si Mrs. Narciso na may dala-dalang juice.
“Pasensya na hindi na kita natanong kung anong gusto mo. Itong orange juice, inom ka muna.” Sabay abot niya sa akin.
Kinuha ko ito pero inilapag ko rin sa maliit na mesa.
Tumingin akong muli kay Frances.
“Ma,” tawag niya sa kaniyang magulang.
Lumapit si Mrs. Narciso sa kaniya at hinawakan nito ang kaniyang mga kamay.
“Alam kong may gusto kang sabihin kaya sabihin mo na.” Mahinahon niyang sabi.
Tinignan ako ni Frances. Mukhang konti na lang ay maluluha na siya.
“Ali, hindi mo ba talaga naaalala?”
“Ang alin?”
“Yung nangyari sa ‘tin.”
Napaisip ako.
“Wala naman, ah!”
Alam kong wala dahil hindi naman natuloy. ‘Yan ang sinasabi ko sa sarili ko.
“Siguro hindi mo na maalala dahil lasing ka nung panahon na ‘yun. Pero ginawa natin ‘yun nung gabing ‘yun!” Pagpupumilit niya.
Hindi ako makaimik. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko na rin alam kung ano ang totoo.
“Please ‘wag ka ng gumawa ng kwento. Umalis ka kaagad nung gabing ‘yun ‘di ba?”
Pakiramdam ko maiiyak na lang din ako.
“May nabuo tayong dalawa. Alam kong ikaw ang ama.”
Biglang nawindang ang mundo ko. Gumuho ito bigla.
“Hindi totoo ‘yan.” Napatayo na ‘ko mula sa pagkakaupo.