Trisha
Peace.
Calmness.
Ito na yata ang gabing pinakakalmante siya. Dala marahil ng nainom na beer. Totoo pa lang nagdadala ng panandaliang pagkalimot ang serbesa.
Sandali lang ngunit para sa kanya ay napakalaking ginhawa sa naghihirap niyang kaluluwa.
Itinaas niya ang kanang kamay upang hayaang tamaan ng maliwanag na sinag ng buwan. Nakaugalian na dito sa probinsya na matulog na bukas ang bintana upang papasukin ang sinag ng buwan.
Nagniningning ang kamay niya sa tama ng liwanag. Mapu-purify ba noon ang nabuong galit sa puso niya?
Betrayal.
Kapag lumambot ang puso niya ay inabandona na niya ang pinagdaang paghihirap ng dad niya.
Alaala na hindi madaling kalimutan o isantabi na lang. Dahil doon para na rin siyang namatay. Mas malala dahil daig niya pa ang nagmistulang Patay na buhay.
Bumaling siya ng higa patungo sa kabila at nasopresa siyang makita si Kevin. Nakatagilid ito at nakaharap sa kanya. Nagcast ng anino ang buwan sa mukha nito. Nagniningning ang side na tinatamaan ng liwanag habang madilim naman ang hindi.
Isa bang civilian si Kevin na naiipit sa digmaang sinimulan niya? Sa digmaan na siya na lamang mag-isa ang nagpapatuloy dahil noon pa man ay tapos na iyon?
"Kevin.." Usal niya. Hindi niya napigilan ang sariling magaan na haplusin ang maliwanag na side ng mukha nito upang i-trace ang hugis ng parte noon. Nag-umpisa siya sa makakapal nitong kilay, pababa sa nakapikit nitong mga mata na biniyayaan ng mahahabang pilikmata, patungo sa matangos nitong ilong at laging mapulang mga labi.
Nababaliw na siya kung patatawarin ito.
Malaking kahangalan.
Binawi niya ang kamay sa mukha ni Kevin ngunit maagap iyong ibinalik nito at ipina-cupped sa kanya ang gilid ng sarili nitong mukha.
Nagmulat ito ng mga matang tagos hanggang kaluluwa kung makatangin upang salubungin ang nagulat niyang mga mata.
Kanina pa ba ito gising?
Alam ba nito ang ginawa niya?
Hinatak niya ang sariling mga kamay at pinakawalan naman siya ni Kevin. Nakahinga siya ng maluwag kahit papaano.
Natatakot siya sa mga mata ni Kevin kapag tinititigan siya nito ng ganoon. Ayaw niyang maarok nito ang malambot niyang side para dito. Ang side niyang nais itong patawarin.
Tumalikod siya dito ngunit maagap siyang hinila ni Kevin palapit dito at mahigpit na ikinulong sa mga bisig nito. Nagtangka siyang kumawala ngunit mas lalo lamang humihigpit ang pagkakayakap ni Kevin sa beywang niya.
"Natatakot ako Trish na hindi na kita maabot..."anas nito sa gilid ng tenga niya. "Natatakot ako.."natigilan siya ng maramdaman ang pagpatak ng ilang butil ng luha nito sa leeg niya.
Hindi patas na makadama siya ng simpatya kay Kevin. Hindi tama.
Bakit kailangang madurog unti-unti ang itinayo niya at ipinalibot na pader nang pagkapoot dito?
Na kay Kevin na ang lahat, hindi ba? Maayos na bahay, magandang school, madaming kaibigan, kamag-anak at mapagmahal na ina.
Samantalang siya, bukod sa inagaw na ni Kevin ang lahat sa kanya ay iniwan pa nitong nag-iisa lang siya sa mundo.
Asan ang hustisya? Asan...
Hindi sapat ang pagluha lang nito para pagbayaran ang lahat ng nawala sa kanya.
Ubod-lakas na kumawala siya kay Kevin. Buhay na buhay ang poot niya sa mga oras na ito.
Lumakad siya patungo sa pinakadulong silid na siyang ibinigay sa kanya ni Vanna.
Naupo siya sa mababang kutson at niyakap ang magkabila niyang tuhod habang nakasandal sa malamig na pader ang likod niya. Isinubsob niya ang mukha sa tuhod niya.
Masakit. Nasasaktan siya.
Nag-iisa lang siya sa napakalawak na kawalan.
Hindi siya kumilos ng makarinig ng kaluskos at yabag na papalapit sa kanya.
Tumabi sa kanya si Kevin at idinantay sa balikat niya ang braso nito.
Warmth..
Kusang pumikit ang mga mata niya. Hindi siya nagreklamo ng kabigin siya ni Kevin at isiksik sa dibdib nito.
Warmth...
Vanna
Magaan ang pakiramdam niya kahit pa may kaunting hangover. Masaya kasi sa kaalaman na nasa dulong silid ang kinaiinisan niyang si Trisha. Hindi pa tapos ang silid na iyon at iyon ay inilalaan ng mga magulang sa mga trabahador nila sa bukid na nakikitulog sa kanila.
Sa naisip ay napabungisngis siya.
Masyado kasi itong makasarili at mayabang. Ayaw niya dito. Napipilitan lang siyang pakisamahan ito.
Unang nakilala niya ito five years ago. Nagbakasyon ang mga ito dito sa bayan nila.
Halatang maykaya ito dahil sa mga mamahaling gamit. Sa maputing balat at pantay na kutis.
Inis siya kaagad dito habang magiliw naman siya kay Kevin dahil madaling makagaanan ng loob ito. May mababait na mga mata si Kevin habang may nangmamaliit na mga mata si Trisha.
Instant sikat siya sa mga kabarkada niyang babae dahil sa kagwapuhan ni Kevin kahit bata pa ito noon habang sa mga kalalakihan naman ay naitsapwera ang ganda niya dahil kay Trisha.
Hindi niya mapapatawad si Trisha dahil ang lalaking mahal niya ay naakit nito.
Ngumiti siya sa salamin na kaharap kaysa ang sumimangot. Hindi makakabuti sa mukha niya kung magkakaroon ng premature wrinkles dahil kay Trisha na mukha lang ang maganda.
Hinagod niya ng hindi lalampas isang daan ang maitim niyang buhok na hanggang balikat bago nagpasyang lumabas ng kanyang silid.
Maaga pa naman. Base sa orasan sa silid niya ay alas kwarto na ng umaga. Maya-mayang alas singko ay babangon na ang parents niya para maglinis ng bakuran nila at maghanda ng makakain. Maaga talagang gumising ang matatanda niya.
Nagpasya siyang yayain si Kevin na manguha ng itlog ng mga itik. May mahigit trenta silang mga inahing itik sa bakuran na siyang pinagkukunan nila ng itlog sa umaga.
Ilang beses siyang kumatok sa silid ng paboritong Pinsan ngunit walang responde. Nagpasya siyang pihitin ang doorknob at napangiti nang madiskubreng bukas iyon.
"Kevin!"masiglang sabi niya ng buksan ang pinto ngunit tumambad sa kanya ang magulong higaan.
Kinumbinsi niya ang sariling nasa palikuran lang ito na nasa labas pa ng bahay nila.
Naisip niyang puntahan si Trisha. Tiyak na nanakit ang likod nito. Walang kama o papag sa silid nito. May mga salansan pa ng sako ng mga palay sa isang gilid ng pader doon.
Hindi naman ito mamamatay kung hindi kumportable ang higaan nito. Makaranas man lang ito ng konting hirap.
Binuksan niya nang maliit ang kurtina para silipin ang prinsesa niyang pinsan.
Nanlaki ang mga mata niya ng makitang nakasandal ang ulo at katawan nito kay Kevin na kapares nitong nakaupo ang posisyon.
Tulog ang mga ito at nagngingitngit siya dahil sinamahan ito ni Kevin sa silid na inilaan niya dito para parusahan ito.