Kabanata 20: Sa Kagubatan

1447 Words
"Ba-bakit n'yo ba ako dinala rito?" nagtatakang tanong ni Juan sa dalawang lalaking nasa harap niya. Ramdam niya ang simoy ng hangin sa paligid na tumatama sa kaniyang balat. Kasalukuyan siyang nakatayo sa silong ng mga puno ng Acascia. Nakatitig pa rin sa kaniya ang dalawang lalaki na para bang may binabalak ang mga ito. "A-ano ba talaga ang gagawin n'yo sa akin?" Inis niyang tinapunan ng tingin ang dalawang lalaki. Nakangiti lamang itong pinagmamasdan siya at dahan-dahang lumapit sa kaniya ang Guwardiya. May hawak itong itak kaya naisip niyang tatagain siya nito. Tiyak ito na ang kaniyang katapusan dahil may binabalak ang mga ito sa kaniya. Hindi iyon maaaring mangyari sa kaniya dahil siguradong walang makakakita sa kaniyang bangkay kung papatayin siya ng mga ito. "D'yan ka lang huwag na huwag kang lalapit sa akin!" Napapaatras na lamang siya sa kaniyang likod. Kinuha niya ang isang patpat na kahoy na kaniyang natapakan at ito ang pinantutok niya sa Guwardiyang lumalapit. Kumabog nang kumabog ang kaniyang dibdib. Gusto na niyang tumakbo ngunit iniisip niya na kung tatakbo siya'y siguradong babarilin naman siya ng Heneral na kinatatakutan niya. Ayaw pa niyang mamatay kaya napapaatras na lamang siya. "Sabing d'yan ka lang e!" usal pa niya sa Guwardiya ngunit patuloy pa rin ito sa paglapit. Iwinasiwas niya ang hawak-hawak niyang patpat para hindi makalapit sa kaniya ang lalaki ngunit tuloy-tuloy pa rin talaga ito sa paglapit. Patuloy pa rin siyang humahakbang sa likod ngunit hindi niya namalayan ang isang malaking puno ng Acascia kaya napasandig na lamang siya rito. "Ano ba talagang gagawin n'yo sa akin? Papatayin n'yo ba talaga ako?" nagtatakang tanong niya rito. Agad na gumuhit ang malalamig na pawis sa kaniyang mukha. Kasunod ng paghihimutok ng kaniyang dibdib. "Bakit tila takot na takot ka sa amin? Akala ko ba'y isa kang tulisan?" nagtatakang tanong ng Guwardiya sa kaniya at tuluyan na nga itong nakalapit sa kaniyang kinatatayuan. "Hindi ako tulisan! Bakit ba ganiyan ang mga pinagsasabi n'yo sa akin?" Inis niyang tiningnan ang Guwardiya. "Heneral hindi daw po siya isang tulisan?" usisa ng Guwardiya, at tumingin ito sa mukha ng Heneral na tinitingnan din sila. "Niloloko mo ba kami?" usisa pa nito, at biglang sinuntok ang kaniyang sikmura. Uminit bigla ang sikmura niya nang masuntok iyon ng Guwardiya. Namimilipit siya sa sakit at napaluhod na lang siya bigla. "A-ano ba talagang kasalanan ko sa inyo? Ba-bakit n'yo ako ginaganito?" Napahawak na lamang siya sa kaniyang sikmura dahil patuloy na sumasakit ito. Nabitiwan niya ang hawak-hawak niyang patpat at muli niyang tiningnan ang Guwardiya. "Kung para sa akin papaslangin na dapat kita ngayon. Ang tulad mong tulisa'y hindi na binubuhay pa," ani pa nito. "Hindi ako tulisan. Wa-wala akong kasalanan sa inyo at isa pa't hindi ko kayo kilala." "Isa kang tulisan at huwag mo nang itanggi pa! Nagkasala ka sa bansang España pati na rin ang mga kasamahan mo," sagot ng Guwardiya, sabay tutok ng itak sa kaniyang mukha. "Hi-hindi ko alam ang mga pinagsasabi n'yo sa akin." Lumapit pa sa kaniya ang Guwardiya at bigla nitong hinawakan ang mabubuhaghag niyang buhok. "Ganoon ba?" usisa pa nito at bigla siyang dinapalan sa mukha ng malapad nitong palad. Napasubsob siya sa lupa dahil sa puwersang lumapat sa kaniyang mukha. Pakiramdam niya'y binunutan siya ng mga ngipin sa sobrang sakit na nararamdaman niya ngayon. Hindi pa nakuntento ang Guwardiya at tinutukan pa nito ng baril ang kaniyang ulo. "Pasasabugin ko ang ulo mo. Pasalamat ka naririyan si Heneral dahil hindi na dapat binubuhay ang katulad mo," ani pa ng Guwardiya. Mga ilang sandali lamang ay hinawakan nito ang kaniyang mga kamay at agad naman itong tinaliian. "Talian mo ng mabuti iyan," wika ng Heneral. Kasalukuyang nakatingin lamang ito sa kanila habang humihithit ng tabako. "Subukan mong pumalag. Hindi na ako magdadalawang isip na paslangin ka," sambit ng Guwardiya habang tinatalian nito ng lubid ang kaniyang mga kamay. Napalunok na lamang siya sa kaniyang laway at hindi na lamang siya pumalag dahil baka tuluyan na nga siyang patayin ng Guwardiya. Tinikom na lamang niya ang kaniyang bibig baka magalet pa ito sa kaniya. "Tumayo ka riyan," utos ng Guwardiya. Tumayo siya kahit na sumasakit pa rin ang kaniyang sikmura. Hindi na lamang niya iyon inisip at inisip na lamang niya na nanganganib ang kaniyang buhay. Mga ilan sandali pa ay tinulak na siya ng Guwardiya papalapit sa kinatatayuan ng Heneral. "Lamapit ka ron kay Heneral," wika pa nito, at buong puwersa siyang tinulak. Napasubsob muli siya dahil sa pagkakatulak nito. "Bilis!" usal nito sa kaniya. "Dalian mo!" Sinapok nito ng ubod lakas ang kaniyang ulo kaya bigla siyang napatigil sa paglakad. "Arayyyy!" sigaw niya at nilingon muli niya ang Guwardiya ngunit tinutukan siya nito ng baril sa mukha kaya humakbang muli siya. Patuloy pa rin ang paghakbang ng kaniyang mga paa papalapit sa kinatatayuan ng Heneral. Maya-maya pa'y nakarating na rin siya sa harap ng Heneral. Kitang-kita niyang patuloy pa rin ito sa paghihit ng tabako. "Lumapit ka pa!" utos ng Guwardiya. Nanginig bigla ang mga tuhod niya nang makatapat niya ang mukha ng Heneral. Ayaw talaga niya itong makita dahil ito ang nagpakulong sa kaniya. Nang maubos na ang hinihithit nitong tabako ay lumapit na ito sa kaniya kaya napaatras siya sa likod. "Bakit ba takot na takot ka sa akin mang-mang na Indio?" nakangiti nitong usisa. "Nakikita mo ba ito?" bigla nitong hinugot ang baril nito at itinutok sa kaniyang mukha. "A-anong gagawin mo? Ba-barilin mo ako?" nanginginig niyang tinig. "Takbo!" utos nito sa kaniya. Kitang-kita niyang gumuhit ang ngiti sa mukha ng dalawang lalaki. "Hu-huwag n'yo akong papatayin," pagmamakaawa niya sa mga ito. "Kaya nga pinatatakbo ka namin para sa iyong kalayaan." "Tumakbo ka na sabi ni, Heneral," singit ng Guwardiya. "Hindi. Ayaw ko!" "Tatakbo ka o babarilin na kita?" tanong ng Heneral. "Hi-hindi n'yo ako mapapatakbo." Iling-iling niya sa kaniyang ulo. "Estupido!" Itinaas ng Heneral ang baril nito sabay kalabit sa gatilyo dahilan upang umalingangaw ang putok sa buong kagubatan. Kumabog nang kumabog ang kaniyang dibdib habang napapahakbang siya paatras sa likod. Patuloy pa rin niyang tinitingnan ang mukha ng dalawang lalaki. Nakikita niya sa mga mata ng mga lalaki na seryosong-seryoso na papatayin siya ng mga ito. "Tatakbo na lang ako. Papatayin naman nila talaga ako," wika niya sa kaniyang isipan kaya agad na siyang kumaripas ng takbo palayo sa dalawang lalaki. "Heneral, baka ho makalayo siya?" usisa ng Guwardiya kay Heneral Cuenco. "Mang-mang wala ka bang tiwala sa akin?" inis na tanong ni Heneral Cuenco at tinutok na nito ang hawak-hawak nitong baril kay Juan na tuloy-tuloy pa rin sa pagtakbo. Patuloy pa ring sumasakit ang sikmura ni Juan habang siya ay tumatakbo. Pakiramdam niya ay bibigay na ang kaniyang mga tuhod dahil sumasakit na rin ang mga ito. "Kailangan kong makatakas dito," wika niya habang siya ay tumatakbo ngunit hindi pa rin siya nakakalayo sa dalawang lalaki. Naaaninag pa rin siya ng mga ito. Maya-maya pa'y isang putok ang kaniyang nadinig kaya napalingon siya saglit sa kaniyang likuran. Hindi siya maaring magkamali. Ang putok na iyon ay nanggaling sa kinatatayuan ng dalawang lalaki kaya napahinto siya saglit. Nilingon muli niya ang dalawang lalaki at isa pang putok ang nadinig niya na nanggaling din doon. Noo'y may biglang mahinang tunog na sumipol at lumapat sa kaniyang tagiliran. Tiningnan niyang mabuti ang kaniyang tagiliran nang biglang may gumuhit na dugo roon kaya agad niya itong hinawakan. "Ma-may tama ako..." Bumilog ang kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang kamay niyang puro dugo. Mga ilang saglit lamang ay biglang na ring naglabo ang kaniyang paningin kaya napasubsob na lamang siya sa nagkukumpulang mga dahon ng Acascia. "Ma-matay na ata ako," wika niya habang papikit-pikit ang talukap ng kaniyang mga mata. ---------------------------------------------------------------- "Heneral, tinamaan n'yo ho siya sa ikalawang putok," napapangiting wika ng Guwardiya. "Napaslang n'yo na ata siya." "Halika tingnan natin," sambit naman ni Heneral Cuenco. Dali-dali ang mga itong tumakbo patungo sa kinahahandusayan ni Juan. Tuluyan nang nawalan ng malay si Juan nang makalapit ang dalawang lalaki. Umupo ang mga ito sa tapat niya at hiwakan ng mga ito ang kaniyang dibdib. "Buhay pa siya, Heneral. Tumitibok pa ho ang kaniyang puso," ani ng Guwardiya at hiwakan naman nito ang kaniyang tagiliran kung nasaan naroroon ang tama niya. "Heneral, daplis lang pala ang pagkakatama mo sa kaniya." "Mabuti kung ganoon. Bumalik na tayo sa kuwartel," mabilis na wika ni Heneral Cuenco at bigla na itong tumayo. "Ano hong gagawin ko sa kaniya?" "Ang mabuti'y buhatin mo na siya. Hindi natin siya maaring iwan dito," tugon ni Heneral Cuenco.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD