Luna
Matapos kumain, nagpaalam na rin kami kay Christian na mauuna na at may pasok pa ngunit si Joan, nagpaiwan pa. Sasabay na daw siya sa munisipyo upang puntahan ang Daddy niya.
“Pero may pasok pa tayo” sagot ko dito ngunit imbis na sumagot, nginitian lang ako nito at sa loob ng ngiti na yun ay tila isang pilyang plano ang naiisip niya.
“Bahala kana nga, tara na babe mala late na ako. Sige po Kap, thank you” inaya ko si Tristan at saka nagpaalam sa grupo.
Habang palabas, nagtanong naman si Tristan tungkol kay Joan.
“Hayaan mo na yun. May naiisip na naman sigurong gawin yun” sabi ko naman dito.
Naglakad kami hanggang sakayan ng tricycle, malapit naman na rin ang eskwelahan sa lugar na ito kaya pwede na kaming mag tricycle mula dito. Inalalayan ako ni Tristan makasakay pagkaraan ay siya naman. Nang makaupo, hinawakan ni Tristan ang kanang kamay ko.
“Hindi ka ba napapagod sa ginagawa mo babe? Pagkatapos sa school didiretso ka sa barangay tapos ay sa school ulit? Ako ang napapagod sa ginagawa mo eh” alalang pagtatanong nito. Hinawakan ko naman ang kamay naming magkasalikop saka ko ito nginitian.
“Babe, ok lang ako. Huwag mo akong alalahanin. Kaya ko to” sinagot ko ito nang may ngiti sa mga labi ko.
“Parang nangangayayat kana oh. Kumakain kaba?” Hinawakan pa nito ang kaliwang pisngi ko.
“Oo naman. Kaya ko babe, dont worry hmmp” tinignan ako nito na tila tinitimbang ang sinabi ko. Sa huli wala din itong nagawa kaya buntong hininga na lang ang sinagot nito.
“Pag ako nakapag trabaho after ng graduation, hindi mo na to mararanasan babe. Sa bahay ka na lang, aalagaan mo na lang ako at ang magiging mga anak natin” nahampas ko lang ito sa braso.
“Aray, bakit?” Tanong nito habang ako naman ay natatawang binalingan ito.
“Kung ano ano kasi naiisip mo”
“Totoo naman ah. Pagkatapos ng graduation, papakasal na tayo. Ayaw mo ba?” Sagot muli nito sa akin.
“Syempre gusto. Wala na akong gustong makasama kundi ikaw lang pero huwag naman pagka graduate agad. Grabe ka naman babe, mag work naman ako” protesta ko naman sa gusto nitong mangyari.
“Nagwo work kana ngayon, naranasan mo na. Ok na yan”
“Hindi naman to yung kursong kinuha ko eh. Tsaka tutulong pa ako kina nanay” napahinga naman ito nang malalim saka sumangayon. Sa huli, wala din naman itong magagawa at kahit naman dumating ang araw na ikasal kami, gusto ko pa ring magtrabaho upang makatulong sa pagunlad ng pamilya naming dalawa.
Huminto ang tricycle sa tapat ng gate ng school, hindi pumayag si Tristan na magbayad ako. Siya ang nagbayad sa tricycle. Sabi niya sa susunod daw ay ako naman ang taya. Ganun naman kami ni Tristan, hindi rin ako pumapayag na palaging siya ang gagastos. Kahit nga minsan ay ayaw niya, sabi niya kasi sya daw ang lalaki at obligasyon daw niya iyon pero wala naman itong nagagawa kapag nagpupumilit na ako.
Naglakad kami papasok sa gate ng magkahawak ang kamay hanggang sa magsalita itong muli.
“Gusto ko babe, 3 anak natin ah” nasamid akong bigla sa sinabi nito.
“Ok ka lang babe?” Tanong nito habang hinihimas ang likuran ko. Nang makabawi saka ko ito sinagot.
“Ano ba yan Tristan, nakakagulat ka naman. 3? Ikaw ba manganganak?” Sagot ko dito. Natawa naman ito saka muling hinawakan ang kamay ko at nagumpisang maglakad.
“Kaya ko naman kayong buhayin, kahit nga anim o sampung anak pa yan basta ikaw ang nanay” tinignan ko naman ito na nakangiting nakatanaw sa malayo habang naglalakad.
“Ako din naman, basta ikaw ang tatay pero huwag naman sampu. Ang hirap nun” natawa itong muli saka hinalikan ang kamay ko. Nagpatuloy kami sa paglalakad. Sino ba naman ang hindi papangarapin ding magkapamilya sa taong mahal mo diba? Kahit sampung anak o isang dosena, handa akong ibigay dahil alam ko lahat ng magiging anak namin ni Tristan ay bunga ng aming pagmamahalan.
Nakarating kami sa aking room. Nagpaalam na rin ito ngunit sa gymnasium na lamang daw siya, hihintayin na niya ang paguwi ko upang may kasabay akong umuwi. Kahit ayaw ko, mapilit ito. May dalawang oras na lang din naman kung sakali na maghihintay sya. Huling dalawang subj na lang naman at tapos na ang aming klase. Nagpaalam na si Tristan, ako naman ay pumasok na sa loob ng classroom.
“Luna, tawag ka ni Mam Santos” sabi ni Lyn na kaeskwela ni tristan. Nasa ikatlong taon namin nun sa high school nang lapitan ako ni Lyn sa bintana. Wala pa ang teacher namin ng panahong iyon.
“Huh? Bakit daw?” Tanong ko naman. Unang una, bakit ako pinapatawag ni Mam Santos eh hindi ko naman siya teacher. Pangalawa, tungkol naman kaya saan?
“Sandali lang daw” sabi ni Lyn. Tumango na lang ako. Umalis si Lyn saka ako lumabas ng classroom at pinuntahan ang katapat na room namin. Nang nasa pintuan na ako ng room nila Tristan biglang nagsigawan ang mga estudyante.
“Mam, bakit po?” Tanong ko kay Mam Santos.
“Halika Luna, pumasok ka muna sandali” alanganin naman akong pumasok ngunit pinilit ako ni Mam Santos. Nang pagpasok ko sa loob, lalong tumindi ang hiyawan ng mga estudyante.
“Hooooo, ayiiieeee” mga naririnig ko sa hiyawan nila.
“Puntahan mo dun si Tristan, kanina kapa niyan hinahanap eh” nagulat naman ako sa sinabi ni Mam Santos. Tinignan ko lang ito saka ko hinanap ang pwesto ni Tristan. Nakita ko itong nangingiti ngunit muli kong binalingan si Mam Santos.
“Sige na, puntahan mo muna. Kanina pa nababali ang leeg niyan kakatanaw sayo sa labas eh. Hindi na nakikinig sa klase, tanaw na lang ng tanaw sayo sa bintana” nahiya ako sa sinabi ni Mam Santos. Naramdaman ko ang paginit ng mukha ko sa pagkapula nito at the same time, sa loob ko, nandito yung pakiramdam na gusto mong mahiyaw sa kilig. Lalo pang tumindi ang hiyawan ng mga kaklase ni Tristan nang lapitan ko ito sa upuan.
“Ano ba yun?” Tanong ko dito na tila ba parang nahihiya. Wala din naman itong nagawa, tumayo ito saka inalalayan ang kamay ko.
“Mam, dito muna siya ah” sigaw nito sa kanyang teacher. Hinampas ko ito sa braso saka ako tumayo at naglakad palabas. Lumingon ako dito bago ako makalayo “Siraulo ka” bigkas ng bibig ko dito. Lalong nagtawanan ang mga kaklase niya maging si Mam Santos.
“Sige po Mam” paalam ko sa teacher.
“Ayan Tristan ah, baka pwede ka nang makinig sa klase, nakita mo na inspirasyon mo” sabi ni Mam Santos.
“Mapapangasawa mam” sigaw naman ni Tristan. Siraulo talaga nasa isip isip ko. Agad agad akong lumabas ng classroom at bumalik sa classroom ko.
“Anong nangyari bakit ang ingay doon?” Salubong sakin ni Nelly.
“Wala, siraulo talaga tong si Tristan. nakakahiya” nang tanawin naman ni Nelly ang kabilang room, patuloy pa rin sa hiyawan at tawanan ang mga kaklase ni Tristan.
End of flashback
“Hoy, day dreaming kana naman dyan” agaw ni Nelly sa isip ko nang bigla na lang mabalik sa ala ala ko ang unang beses na masabi ni Tristan sa akin na ako ang gusto niyang mapangasawa.
“Pagod lang besh” sagot ko dito.
“Pagod eh abot tenga ang ngiti mo. Bilisan mo na, kanina pa naghihintay yung pinagpapantasyahan mo dyan” napatingin ako sa bintana ng room, nandun na si Tristan sa labas, naghihintay. Agad agad naman akong tumayo at sinalubong ito sa labas ng isang matamis na ngiti.