Lumipas ang ilang oras ay hindi niya sinabi sa akin kung sino si Amanda. Hindi nga rin niya ako tinawag sa opisina niya para kami ay kumain dahil lunch time na kaya napag-isip ko na mag-order na lang ng pagkain at sabihin na lang sa kasama ko na siya ang magbigay maya-maya ng pagkain ni Kazimir.
May Assistant Secretary si Kazimir. Kumuha siya dahil ayaw niya akong pagtrabahuin. Minsan nga ay naaawa ako sa Assistant Secretary dahil siya minsan ang sumasalo ng mga trabaho ko pero mukhang wala naman itong kaso sa kaniya.
Nang dumating ang aking order ay tinignan ko agad si Bella kung busy ba ito pero napansin kong nakasandal lang siya sa kaniyang upuan marahil ay nagpapahinga saglit.
“Bella, maaari mo bang ibigay kay Sir Kazimir itong pagkain at inumin?” tanong ko at tumingin naman siya kaagad.
“Sige, Ma’am,” sambit niya kaya naman ngumiti ako at nagpasalamat.
Nag-order din ako ng pagkain ni Bella bilang treat na rin sa mga panahong siya ang sumasalo sa aking mga trabaho. Kaya nagpapasalamat akong mayroong Assistant Secretary si Kazimir dahil hindi ako mahihirapang maghabol ng mga naiwan kong trabaho.
Pagkarating naman ni Bella sa aming desk ay niyaya ko na siyang makisabay sa akin dahil may in-order ako para sa kaniya. Noong una ay ayaw niya pero kalaunan ay napapayag ko rin.
Mas bata siya sa akin ng ilang taon. Hindi rin kami gaanong nag-uusap kasi ni Bella sa mga bagay na hindi related sa aming trabaho kaya siguro ito ay nahihiya pero dahil ako ang mas matanda sa amin ay hindi ko hahayaan na mahiya sa akin lalo na at hindi naman mataas ang position ko rito sa aking trabaho.
Matapos kumain ay nagpahinga kami saglit dahil panigurado ay marami na naman kaming gagawin. Hindi naman namin puwedeng ipagpabukas ang mga trabaho namin ngayon dahil ayaw naming matambakan.
Documents kasi ang aming ine-encode at base sa nababasa kong nilalaman nito ay puro mahahalaga kaya naman doble ingat din kami minsan. Matapos naming i-encode ang mga documents ay ilalagay namin sa folder at itatago.
“Ma’am, mauuna na po akong umuwi,” pukaw ni Bella sa aking atensiyon. Napatingin naman ako sa kaniya at tumango.
“Mag-iingat ka, Bella,” saad ko na siya namang ikinangiti niya bago gumayak. Itinutok ko ulit ang aking atensiyon sa aking ine-encode dahil malapit na ring matapos. Aayusin ko pa kasi ang mga documents kaya nagmamadali ako para na rin makapasok ako sa opisina ni Kazimir.
Hindi ko rin namalayan ang oras. At saka ko lang napansin noong nagpaalam na si Bella na uuwi. Masiyado akong naging busy para lang kalimutan ang nangyari kanina. Wala rin yatang balak si Kazimir na ikuwento sa akin iyon dahil tila ayaw niya akong kausapin.
Ayaw ko namang mag-isip ng negatibo dahil may tiwala ako sa kaniya pero sana ay huwag naman niyang abusuhin. Bago pa lamang kami sa relasiyon namin pero bakit pakiramdam ko ay lumalayo na siya sa akin?
Kaya ayaw kong nag-iisip ng kung ano dahil mas lalo lang akong malulungkot. Hindi ko rin naman inaasahan na sangkot ang isang tao sa relasiyon namin. Pakiramdam ko ay matagal na silang magkakilala lalo pa at nahimigan ko ang inis ni Kazimir nang siya ay magsalita.
“Kumain ka na ba?” tanong ko kay Kazimir nang makauwi ako. Hindi ko siya hinintay dahil ang sabi niya sa akin ay matatagalan siya sa pagtatrabaho. Nagtawag na lang siya ng driver para ihatid ako.
Hindi ko alam kung dapat ko bang isipin na iniiwasan niya ako pero nang maalala ko ay baka may problema lamang sa kompanya kaya ganito ang kaniyang ginagawang trato sa akin.
Kailangan ko lang sigurong lawakan ang isip ko dahil hindi naman palaging sa akin umiikot ang mundo niya. Ganito naman palagi sa isang relasiyon, eh! Hindi palaging masaya. Minsan ay magkakaroon ng problema.
“Yes. Dumaan ako kanina sa isang restaurant. Maliligo na ako dahil may tatapusin pa akong trabaho,” saad nito at nilampasan lang ako.
Nalaglag naman ang aking puso dahil sa ginawa niya. Hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin at hinalikan kagaya ng ginagawa niya. Kahit yakap man lang sana pero hindi.
Gumuhit ang sakit sa aking lalamunan kaya huminga ako nang malalim para pilit pakalmahin ang aking sarili. Hindi dapat ako umiyak dahil kailangan kong intindihin ang problema niya kung mayroon man.
Tinapunan ko ng tingin ang aking mga niluto at napagpasiyahang ligpitin na lang ito dahil nawalan ako ng ganang kumain.
Bakit ganoon? Ang lamig.
Hindi ko alam kung dahil ba sa aircon kaya ako nilalamig o baka dahil sa trato niya sa akin. Kung makipag-usap siya sa akin ay para lamang akong kaibigan niya. Hindi na niya ako tinatawag na baby or love.
Sa pagkaaalala ko ay wala naman akong kasalanan. Naging ganiyan lang siya noong narinig niyang mayroon iyong Amanda at gustong bisitahin siya. Ayaw ko sanang mag-isip ng kung ano pero tao lang naman ako. Mabilis makuryoso sa bagay.
Nang mailigpit ko ang mga niluto ko at napagpasiyahan na ilagay na lang sa ref ay agad kong kinuha ang cellphone ko upang i-search ang pangalan ni Amanda. Mga achievements niya agad ang nagpakita at tama nga ang akala ko dahil siya ay isang modelo sa ibang bansa ngunit kilala rin siya rito sa Pilipinas.
Napag-isip-isip kong i-search ang pangalan ni Kazimir at Amanda kung may naging nakaraan ba sila dahil hindi ako mapakali lalo na sa ginagawang trato sa akin ni Kazimir. Hindi siya ganoon sa akin dahil sobrang lambing niya at makikita mo agad ang emosiyon niya sa kaniyang mukha at mga mata.
Si Kazimir Zale Monreal at Amanda Suarez ay namataang magkasama sa isang kilalang restaurant na pagmamay-ari ni Miguel Zyair Mijares.
Napalunok ako sa nabasang headline ng article kaya naman binuksan ko ito na agad tumambad sa akin ang mga litrato na kung saan ay masayang nakangiti ang dalawa.
Napako ang mga mata ko kay Kazimir na nawawala na ang kaniyang mga mata habang masayang nakikipag-usap kay Amanda.
Kaya ba sinabi niyang napadaan siya sa isang restaurant pero hindi niya sinabing may kasama siyang ibang babae?