1
“OKAY ka lang diyan, Andie?” lapit sa kanya ni Eve, ang wedding planner at may-ari ng Romantic Events, isang wedding planning agency kung saan konektado ang Flavor and Spice bilang accredited caterer nito.
Nasa buffet table siya at tinitiyak na maayos na nakahanda roon ang mga pagkain. She had a competent staff pero hindi niya inaasa doon ang lahat. Palagi na ay hands-on siya sa mga catering services nila. Isa pa, espesyal ang okasyong iyon sapagkat kasal iyon ng isa sa wedding girls ng Romantic Events. Si Nicole, ang eksperto sa honeymoon travel.
At halos lahat ng wedding girls ay feeling nostalgic. Sa pangalawang pagkakataon ay sa Baguio City ang kasalan sapagkat significant ang lugar na iyon para kay Nicole at Artemis na siyang mapapangasawa nito. Nauna nang doon nagpakasal si Eve. At bagaman malayo ang kanilang naging biyahe, isa man ay hindi kinaringgan ni kinakitaan ng reklamo bagkus ay tuwang-tuwa pa para kay Nicole.
“Okay na okay! Ako pa ba?” nakangiting sagot niya. “Kailan ba ako hindi naging okay? Tingnan mo nga, mas fresh pa ako sa lettuce nitong vegetable salad ko.”
Napabungisngis si Eve. “Gusto ko lang namang makasiguro. Malayo din itong biyahe. Aba, kung hindi nga lang second home na sa akin itong Baguio, iindahin ko ang biyahe natin dito.”
“Luckily, hindi ako kasali diyan. Alam mo naman ako, may batalyon ng assistant. Utos lang ako nang utos. Besides, second home ko din naman itong Baguio. Remember, may catering business din kami dito. Iyon nga lang, iyong ate ko ang boss dito. Di ba nga, iyong mga staff ko, kay Ate Vicky ko na lang hinugot kaysa naman hakutin ko pa lahat ng staff ko sa Manila. Saka ayos lang sa akin. Siyempre, kasal ito ni Nicole, ‘no! Basta para sa wedding girls, kahit saan pa ang venue, go tayo,” mahabang sabi niya.
“Kungsabagay. Hindi bale, for the next three weeks naman ay wala tayong kasal so break na rin natin iyon. Nakakaramdam lang talaga ako ng stress lately. Aba, hindi ko alam kung anong virus ang dumapo sa mga wedding girls. Buhat nang mag-asawa ako, isa-isa na ring nagsipag-asawa.”
“Nagrereklamo ka kasi hindi ka kumita. Libre kasi ang serbisyo mo,” tudyo niya.
“Of course not! Lahat naman kayo ay nagkaroon din ng share nu’ng kasal namin ni Ryan. Saka kahit wala kayong share, okay lang sa akin iyon. Ang dami na nating pinagsamahan para kwentahin ko pa iyong effort ko sa bawat kasal. Medyo nakaka-miss lang iyong iba, kasi dati-rati basta may kasal, kumpleto tayo. Pero ngayon, iyong iba nga assistant na lang nila ang ipinapadala nila.”
“Busy na sa family life, ano ang magagawa natin?”
“Wala. Nakaka-miss lang talaga,” ani Eve. “Si Scarlett, bihira na nating makasama. Puro assistant na lang niya ang nag-aayos ng mga bulaklak.”
Natawa siya. “Buntis na naman, iyon ang dahilan. Alam mo naman si Calett, sobrang selan maglihi. At delikado sa kanya na magbiyahe pa nang ganito kalayo kaya reasonable naman kung bakit hindi siya nakarating dito. But in fairness, ang ganda ng bouquet na ginawa niya para kay Nicole, ha?”
“Siyempre, katerno ng design ng gown ni Nicole saka noong flowers sa cake. Alam mo naman ang mga iyon, talagang nag-coordinate pa para kay Nicole. Iba talaga si Julianne pagdating sa designs ng mga gown.”
“Yeah, right. Si Geraldine, hindi ba at buntis na naman din? Mabuti nga at nakukuha pang mag-bake ng cake kahit ang laki na ng tiyan. Iyon nga lang, hindi na rin advisable na magbiyahe. Eight months na ang tiyan niya, di ba? Si Shelby naman, talagang priority na ang pag-aalaga sa baby niya kaya lullabies na ang kinakanta lately kaysa wedding songs. Besides, hindi naman lahat ng nagpapakasal lately, kumukuha ng wedding singer. Si Ysa ba, ano ang balita?”
“Naku! Ayaw pang tapusin ang honeymoon!” naiiling na wika ni Eve. “Mabuti na lang at magaling iyong mga staff niya sa K&Y Salon niya para pansamantalang kapalit niya bilang make-up artist ng bride and entourage. Luka-luka na iyon, kung mambasted ng lalaki dati, ganoon na lang. Ngayon namang na-in love, apat na buwan na ayaw pang humiwalay sa pantalon ng napangasawa!”
“Sus! Nagsalita ang hindi besotted sa asawa. Kung ikaw nga, eh, hanggang ngayon obvious pa ring nababaliw kay Ryan, eh. Ilang taon na ba kayong married?”
“Magpa-five,” proud na sagot nito. “Binibiro nga ako, eh. Pakasal daw kami uli sa fifth anniversary namin.”
“Why not?”
“Eh, hindi naman ganoon ang nakasanayan ng tao. Siguro sa tenth year na lang naman. Binibiro ko nga. Sabi ko, kaysa magpakasal uli, honeymoon na lang. Mainam nga iyon para naman magkaroon na ng kasunod si Blue.”
Tumaas ang kilay niya. “As if, ang tagal ninyo nang walang honeymoon. Mukha ngang hindi na kayo umalis sa stage na iyon, eh.”
“Masarap ang feeling, Andie. Ikaw ba, hindi ka pa mahahawa ng virus? Ni boyfriend, wala ka yata? Pampito na si Nicole buhat nang ikasal ako. Ikaw na kaya ang susunod?”
Umikot ang mga mata niya. “Utang na loob, Eve, huwag ka nang gumaya sa mga kamag-anak ko. Kahit ano yata ang topic ng usapan, mauuwi at mauuwi sa pag-aasawa ko. Puwede ba, spare me. Wala pa naman akong treinta pero kung mag-panic sila, para bang magme-menopause na ako.”
“Aba, ako naman nagtatanong lang. Wala akong balak na magbigay sa iyo ng pressure. Ikaw itong defensive agad,” kantiyaw nito sa kanya.
“Kasi naman, parang hindi mo kilala ang mga kamag-anak ko.” At eksaherado siyang lumingon sa catering staff. Flavor and Spice was her own venture of their family business—sa Baguio City man o sa Manila. Nasa dugo ng kanilang pamilya ang galing sa pagluluto kaya naman iyon na ang ginawa nilang negosyo. Ibang mga pinsan ang nagsisilbing staff niya. Kapag ganitong may catering service sila, naturalmente na sila-sila rin ang magkakasama.
“Oo nga,” ani Eve. “At kung hindi ako nagkakamali, sa kasalang ito ay may tititigan na naman ang mga kamag-anak mo para ireto sa iyo.”
“Yeah, right. At ang matitipuhan nila para sa akin, hindi ko naman type,” tikwas ang nguso na wika niya.
“Malay mo this time, iyong type nila, type mo na rin.”
“Ewan!” tatawa-tawa lang na sabi niya. “By the way, since break tayo ng ilang linggo, dito muna siguro ako sa Baguio. Diyan na lang muna ako kina Ate. Parang bakasyon ko na rin.”
“Yes, why not? Mainam nga iyon, makapag-relax ka. Kami nga rin ni Ryan, nagbabalak umuwi sa Aklan. At malamang, sa Boracay na kami mag-stay. May property naman sila doon.” Napalingon ito sa entrance kung saan nagsisimula nang magdatingan ang mga bisita. “O, siya, mamaya na tayo mag-tsika. Back to work na.”
“MISS, WALA NA bang leche flan?”
Napangiti si Andie nang lapitan siya ng isang bata—na sa itsura ay hindi na mukhang bata. Isa ito sa mga flower girls pero mukha nang little bridesmaid dahil sa laki at katabaan. The girl’s face was innocent but she could see the little devil in her eyes. Charming kung ngumiti kaya naman may instant fondness din siya dito.
Isa pa, sanay na siya sa sangkatutak niyang pamangkin sa mga kapatid at pinsan kaya natural na ang pagkagiliw niya sa mga bata. At bukod doon, parang nakikita niya sa bata ang itsura niya noong kasing-edad pa siya nito. Di-hamak na mas mataba pa nga siya. At nakaka-relate siya sa interes nito sa pagkain. Tambay siya sa kusina. Alaga siyang bigyan ng pagkain ng mga kusinera ng catering nila. Sa totoo lang, baka nga mas matakaw pa siya noon.
“Gusto mo pa?” tugon niya dito. “Baka naman sumakit na ang ngipin mo. Puro sweets ang kinakain mo. Ayaw mo ba ng fresh vegetable salad?” Inilapit niya dito ang bowl. “Masarap ito. Healthy pa. Come on, try it.”
Nalukot ang ilong ng bata at parang hindi pagkain ang pinag-ukulan ng tingin. “Kambing lang ang kumakain ng damo.”
Napanganga siya.
“Narinig ko iyon, Twinkle,” sabad ng isang tao na lumapit sa kanila. “Masama iyon, hindi ka dapat nagsasalita ng ganoon.”
“Daddy!” may takot na sambit ng bata.
“Say sorry to her,” utos nito.
Tila umamong parang tupa ang bata nang tumingala sa kanya. “Sorry, miss.”
Ngumiti naman siya. “It’s okay. So leche flan talaga ang gusto mo?”
“Don’t indulge her,” wika ng ama nito. “She had enough.” Inabot na nito ang balikat ng bata. “Come on, Twinkle. Hinahanap ka ng Tita Tricia mo. Sige, miss,” kaswal na lingon nito sa kanya at humakbang na.
“Suplado,” pabulong na wika niya. Matalim na matalim ang irap na ginawa bago binalingan ang trabaho niya. Inutusan niya ang isang staff na maglagay pa ng pagkain sa mesa. Tapos na ang kainan subalit may ilan pang bisita na bumabalik sa buffet table.
“Ate Andie, sabi ni Ate Vicky, nasa limit na iyong pagkaing nailabas,” ani Precy na bantulot sumunod.
“I know. Alam naman nila na may extra charge na. Sige, maglabas ka pa ng dessert at finger foods. Ate Vicky!” tawag niya sa panganay na kapatid. “Dito ka muna. Magsi-CR lang ako.”
Tumaas ang kilay ng kapatid niya. “Magre-retouch ka? Nakita kita kanina may kausap kang lalaki. Ang guwapo, ah! At kilala ko iyon. Bagay kayo.”
Umismid siya. “Tumahimik ka riyan. Guest iyon. Lahat naman sa iyo, familiar ang mukha.”
“Eh, di ba, perfect na hunting ground ang mga kasalan para makahanap ng mapapangasawa? Isa pa, Baguio ito. Sa aming mga negosyante dito, halos kilala na namin ang isa’t isa.” At ngumiti ito nang makahulugan. “Kilala ko ang lalaking iyon.”
“Utang-na-loob!” pikon na wika niya at tumalikod na.
Pagpihit niya sa direksyon ng CR ay nakita niyang muli ang lalaking ama ng flower girl. Nasa grupo ito ng mga abay at tila nagkakatuwaan sa pinag-uusapan. Hindi man sinasadya ay napatitig siya dito. He seemed having a good time. Kung makatawa ay parang huling pagtawa na iyon.
“Hindi na mukhang suplado,” saloob-loob niya.
At guwapo nga. He looked the very picture of good health and success. The kind of man you might see pictured in GQ. The kind of man whose charm was effortless and completely ingrained.
“Hmp!” ingos niya nang mapansin ang tinatakbo ng isip. Tila guilty pa na bumilis ang hakbang patungo sa CR.
“Miss!”
Napalingon siya nang makita si Twinkle na palabas naman mula sa CR. Awtomatiko nang gumuhit ang ngiti niya mga labi nang bumaling dito.
“My name is Andie,” wika niya dito.
“Andy? Parang pangalan ng lalaki.”
“A-n-d-i-e. It’s from Adrienne. Wait, did you wash your hands? Galing ka sa CR.”
Tumango ito. Itinaaas pa ang dalawang kamay na parang kakanta ng I Have Two Hands. “Sorry talaga kanina, Miss Andie.”
Nagkibit siya ng balikat. “Okay lang. Karaniwan naman talaga sa mga bata na ayaw ng gulay. Ilang taon ka na?”
“Seven.”
“You are Twinkle, right?”
“Yes. And not the little star.”
Napabungisngis siya. “Obvious naman, eh. Mukha ka nang ten years old.”
“Masarap kasing kumain. Miss Andie, puwede bang bigyan mo ako ng leche flan? Pero huwag mong papakita kay Daddy. Mapapagalitan ako nu’n!”
“Eh, hindi kaya ako naman ang mapagalitan?”
Tinitigan siya ni Twinkle na parang nag-iisip ng isasagot. “Miss Andie, ang sarap talaga ng food ninyo.”
And with that, wala na siyang nagawa kung hindi dalhin ito sa dessert table.