“HMP! Suplado! Guwapo pa naman sana,” tikwas ang ngusong bulong ni Andie habang siya na mismo ang nagliligpit ng pinagkainan ni Twinkle. Napagpatong-patong na niya ang mga china nang mamataan niya ang isang waiter. “Pakialis mo na nga ito,” aniya at tumayo na rin.
“Andie!” kaway sa kanya ni Vicky. “Gusto mo bang malaman kung ano ang alam ko tungkol sa kausap mo kanina?” anito nang makalapit siya.
“Hindi na ako interesado. Suplado. Isa pa, may anak na. Di siyempre, may asawa na iyon. Besides, kahit naman kaninong binata diyan, wala akong interes.”
Tumaas lang ang kilay ni Vicky. “He’s Jesse Azarcon. Kapatid niya iyong bayaw ng groom. Years ago, lumipat sila ng anak niya dito sa Baguio. If I’m not mistaken, he holds the seat at Azarcon Group of Companies. Taga-rito naman talaga ang kanilang pamilya. One of the richest in the city, Andie. And he’s not married. I mean, not anymore. He’s now one of the most sought-after bachelor in town. I guess, annuled na sila ng dati niyang asawa.”
“Well, maliban sa pangalan, alam ko nang lahat ng sinabi mo. Oh, yung estado niya whether annuled siya or hindi, hindi ko rin pala alam.”
Namilog ang mga mata ni Vicky. “Nagkakilala na kayo?”
“Not exactly. Iyong anak niya ang kausap ko. Iyong bata ang kuwento nang kuwento tungkol sa kanya--- sa kanila. Hay, naku! Sa lahat naman ng magulang, nagpasalamat nga mukha namang utang-na-loob ko pa! Pinakain ko na nga’t lahat ang anak niya, eh.”
“Ah, si Twinkle! Ano ka ba naman, Andie. On diet iyong bata. Kita mo naman, ang layo ng laki ng katawan sa talagang edad. Kung ako man ang nanay no’n, magiging on alert na ako sa pagkain ni Twinkle. Intindihin mo na rin si Jesse.”
Bumuntong-hininga siya. “Bakit ba pag-uusapan natin iyon? Kumusta na ba ang buffet? Marami pa rin ba ang bumabalik?”
“Hindi na masyado. Pinatanggal ko na nga rin iyong main dishes since nakakain na ang lahat. Pica-pica na lang ang binabalikan ng iba. Oo nga pala, ikaw na ang bahala mamaya sa pagliligpit. Babalik na ako sa Session Road. Kailangan na ako sa puwesto ko doon.”
“No problem. Kayang-kaya ko iyan. Teka, nasabi mo na ba kay Kuya Bernie na magbabakasyon ako sa inyo?”
“Oo. Walang problema doon. Kung gusto mo nga raw ng tahimik, doon ka sa bahay namin sa Bakakeng.”
“Aano naman ako doon? Kung kayong tunay na may-ari, hindi ninyo tinitirhan iyon.” Isang magandang bahay ang pinagawa nito sa isang subdivision doon. Iyon nga lang, mas natitirhan yata iyon ng mga transient na dumadayo sa Baguio dahil binuksan din ng kapatid niya ang naturang bahay para pansamantalang tuluyan ng mga turista. Hindi pa siya napupunta doon dahil busy siya sa sariling catering business niya. Ayaw namang ipakita ng kapatid niya nag itsura ng bahay kahit sa picture para surprise daw.
“Mas sanay na kami sa Session tutal nandoon iyong business namin. Saka, malaki naman ang itaas noon, puwede talagang tirhan. Mabuti pang doon ka na lang, Andie para ma-relax ka nang husto.”
“Ayaw mo lang yata akong ampunin, eh,” tudyo niya sa kapatid.
“Hindi sa ganoon. Kaya lang, hindi ba’t kaya nagbabakasyon ay para ma-relax? Paano ka mare-relax kung negosyo pa rin ang nasa paligid mo? Remember, hindi lang catering ang business namin. May restaurant din. Maanong iiwas mo muna ang sarili mo sa walang lubay na apoy sa kalan,” paliwanag nito.
Napangiti siya. “Okay, nakumbinse mo na ako. Pero baka naman singilin mo rin ako ng transient rate?”
“Luka-luka! Ihahatid kita doon. Iiwan ko na lang iyong owner-type jeep para may service ka. Kung bakit kasi hindi mo pa inakyat dito sa Baguio ang kotse mo.”
“Sa service van ako sumakay dahil naghakot din ako ng gamit para sa catering na ito. Pero salamat na rin. Kahit owner lang, at least, service pa rin iyon kaysa naman mag-taxi o mag-jeep.”
“Baka naman hindi ka na marunong mag-drive sa mga kalsada dito? Nasanay ka na masyado sa kapatagan.”
“Ay, over ka naman. Siyempre kaya ko pa ring mag-drive dito sa Baguio. Dito ako natutong magmaneho, di ba?”
“Madali ka namang tumanda sa mga direksyon, di ba? Anyway, madali lang namang puntahan iyong bahay na iyon.”
“Bahay nga ba?” tudyo niya sa kapatid. “Mansyon yata ang ipinagawa mo, eh.”
“Mansyon ka diyan!” irap nito. “Palibhasa kasi puro ka negosyo kaya hanggang ngayon, hindi mo pa napapasyalan iyong bahay ko na iyon. Anyway, for the time being doon ka na muna. You’ll enjoy the serenity of the place.”
“Serenity?” ulit niya at inikot ang mga mata. “Sigurado ka?”
“Oo, tahimik doon. Alam mo ba ang mga property doon, ni walang bakod. Okay na okay ang neighborhood. American style ang subdivision. Noong ipagawa namin iyong bahay, magpapabakod sana kami kaso iyong ibang mga nauna doon, wala namang mga bakod so parang nakahiyan na rin namin. Anyway, tahimik namang talaga. May guards din naman. Zero-crime rate, I assure you.”
“Naku! Masama iyan. Baka ma-enjoy ko nang husto iyong bahay mo ay doon ko na gustuhing tumira.”
“Why not? Pauupahan ko sa iyo monthly, mura lang.” At nagkatawanan na lang silang magkapatid.
“Excuse me,” lapit sa kanila ni Eve at nginitian din si Vicky. “Andie, tawag tayo ni Nicole. Souvenir shot daw nating mga wedding girls.”
“Sa itsura kong ito?” aniya at niyuko ang narumihang damit. “Ayoko, makakasira lang ako sa picture.”
“Si Maxine ang photographer in case you’ve forgotten. Hindi problema sa kanya iyang dumi ng damit mo. If I know, ipupuwesto ka lang niya sa gawing likuran at sino pa kaya ang mag-aakalang madumi ang damit mo? Come on, hindi papayag si Nicole na walang souvenir picture ang mga wedding girls.”
And with that, pinili niyang tumalima na lamang kaysa makipagtalo pa.
“ANDIE, MUKHANG ipinako mo na ang sarili mo sa buffet. Hindi kita napansing nag-circulate, ah?” wika sa kanya ni Nicole matapos ang ilang sandali ng pictorial nila. Ang groom nito ay sandaling nagpaalam para estimahin ang isang bisita.
“Alam mo naman ako, kina-career ko ang catering,” nakangiting sagot niya. “Look at this. Ebidensya na talagang nagtatrabaho ako.” At ipinakita pa niya ang suot na namantsahan.
Napasimangot si Nicole. “Sayang naman ang damit.”
Umiling siya. “Isasama ko lang itong ibabad sa mga mantel parang bago na uli,” biro niya.
“Luka-luka ka talaga! By the way, may ipapakilala daw sa iyo si Art.”
Tumaas ang kilay niya. “Matchmaking?”
“Matunog ka yata ngayon?” tugon naman ni Nicole.
“Hay, puwede ba? Hindi ako interesado. Teka, saan ba ang honeymoon ninyo? Mausisa ko lang?”
“Dito sa Baguio.”
“What?” gilalas na wika niya, hindi gustong maniwala. “You’re kidding.”
“Totoo. Postpone ang biyahe namin abroad. On the way na ako, di ba? Though may go signal naman ang doktor na puwede kaming magbiyahe, mas gusto namin na ipagpaliban na lang muna. Mahirap na. Ayaw naming ilagay sa risk ang baby.”
“Oh, sabagay nga. Ilang buwan na ba iyan?” Bumaba ang tingin niya sa tiyan nito na hindi pa naman gaanong halata ang umbok.
“Mag-aapat. Balita ko, dito ka din sa Baguio magbabakasyon sandali? Pasyal ka sa bahay namin. Ibibigay ko sa iyo ang address.”
“Sus! Magiging istorbo lang ako sa iyo.”
“Ah, siyempre, tatawag ka muna bago ka pupunta. Huwag kang pupunta nang unannounced at baka nga masorpresa ka!” sakay naman ni Nicole sa biro niya.
“Nicole, sweetheart,” balik ni Artemis dito na akay ang batang si Twinkle. “Magpapaalam na daw itong bulilit na ito.”
“Hindi na ako bulilit!” depensa ng bata at namilog ang mga mata nang mapatingin sa kanya. “Miss Andie!”
“Hmm, mukhang nag-bonding na kayo ng pamangkin ni Tricia.”
“Close na kami niyan,” ayon naman niya at nginitian ang bata. “Friends na tayo, di ba, Twinkle?”
“Yes, yes.” Inabot nito si Nicole at hinalikan sa pisngi. “Uuwi na kami, Tita Nicole. Thank you po sa inyo ni Tito Art sa gift.” At bukod sa mga bagong kasal ay hinalikan din siya nito. “Sa iyo din, Miss Andie, thank you sa food. Sana may next time pa.”
Napahagikgik siya. “Hayaan mo, basta may next time, pakakainin uli kita. Pero huwag tayong magpapahuli sa daddy mo para hindi na tayo masupladuhan.”
“Sinupladuhan ka ni Jesse?” sabad ni Artemis.
Bumaling siya dito at nagkibit ng balikat. “Wala iyon.”
“So, nagkakilala na pala kayo,” wika naman ni Nicole, nasa ekspresyon ang panunudyo. “Siya pa naman ang balak naming ipakilala sa iyo.”
Itinago niya sa paningin nina Twinkle at Art ang pag-arko ng kanyang mga kilay. “We’re not properly introduced to each other. Dahil lang kay Twinkle kaya parang naging maliit ang mundo sa amin. But it’s all right. Kung sa mababait nga na lalaki, hindi ako interesado, sa mga suplado pa kaya?”
Tumikhim si Nicole. “Sigurado ka, ha? Isipin mo na lang si Ysa, ubod ng allergic sa mga lalaki pero nagkaroon din ng katapat. And look at me, wala na sanang balak mag-asawa but look, eto ako ngayon, bride for the second time around. At soon-to-be mommy,” magkahalo ang pagmamalaki at excitement na sabi nito.
“I’m happy for you, Nicole,” nakangiting sabi niya. “Masaya ako para sa lahat ng mga wedding girls na nakakahanap na ng partners nila for life. Pero masaya din ako sa buhay ko ngayon. Single and unattached. Walang hassle, walang pressure. Trabaho lang ang inintindi ko which I’m also gonna have a break from dahil kulang isang buwan na walang kasalan sa Romantic Events. Sasamantalahin ko na din ang pagkakataon. It’s fun to be single and free. At alam mo din naman iyan, Nicole.”
Ngumiti din ito sa kanya. “Alam ko nga, Andie. At alam ko din na ang mga linyang iyan ay gasgas na sa ilan sa mga wedding girls. Mga single na hindi handang magpatali. And I was once one of them. Totoo, masaya ang buhay. Pero mas masaya, Andie, when you find the one whom you will share the rest of your life with. I know, super abused nang linya, but it’s really true. I hope that you’ll find that special someone of yours soon.”
She sighed. “Mukha naman tayong nag-e-emote, eh.” Niyakap niya si Nicole. “Congratulations, Nicole. I’m really glad that you find happiness now.” At pagkuwa ay binalingan din niya si Artemis at kinamayan ito. “Congratulations din, Art.”
“Thank you,” halos sabay na sagot ng mga bagong kasal.