Tulala at problemado akong naglalakad papasok sa aming tahanan. Bitbit ko pa rin ang dalawang bagay na ipinahiram sa akin ng taong ni hindi ko man gaanong kilala. Laylay ang balikat at wala akong ganang pumasok sa loob.
"Oh, anak! Ginabi ka yata?"salubong sa akin ni Nanay na pinapakain ang bunso kong kapatid. Akala ko ay papagalitan o sesermunan niya ako dahil sa ginabi na ako ng uwi.
Bumaling sa akin si nanay at nang mapansin niya sigurong wala akong planong sumagot ay nilapitan niya ako.
"Anak,may problema ka ba? Pagpasensyahan mo na si Nanay ah dahil...."
Bago pa ituloy ni Nanay ang sasabihin niya ay pinutol ko na ito.
"Huwag po kayong mag-alala Nay, ayos lang po ako. Dahil lang po siguro ito sa ulan kanina"paniniguradong saad ko.
Tinitigan lang ako ni Nanay na para bang sinusuri kung ako ba ay nagsasabi talaga ng totoo. Nginitian ko si Nanay at nang makita kong kumbinsido na siya ay nagpaalam na ako para magbihis.
Mahirap lang kami kaya hindi rin gaano kalaki ang kwarto ko. Mabilis lang akong nakabihis at isinalampak kaagad ang aking katawan sa kama kong gawa lang sa kahoy.
Taimtim kong tinitigan ang payong at jacket na ipinahiram sa akin ni Rance.Hindi ko pa rin maialis sa aking isipan kung paano ito ibabalik sa kanya at para makapagpasalamat na rin.
Kung para sa iba ay malaking biyaya at pwede na itong hindi ibalik pero para sa akin ay hindi. Kailanman ay hindi kami tinuruan ni Nanay na umangkin ng mga gamit na hindi namin pag-aari maliban na lang kung kusa na lang itong ibinigay.
Sa halip na mag-isip pa ng kung ano-ano ay mas pinili kong ipikit ang dalawa kong mata at mabilis na nakatulog dahil na rin siguro sa pagod.
Kinabukasan ay mabigat ang aking katawan at wala akong ganang kumain nang umalis ako sa aming tahanan.Alam kong nagtataka na si Nanay sa mga inasal at ikinikilos ko pero kailangan kong magsinungaling para hindi na siya mag-alala.
Sino bang ina ang hindi magtatanong kung makita niya ang anak niyang nakasuot ng makapal na jacket kahit maaliwalas naman ang panahon? Wala naman,'di ba? Kahit labag sa loob ko ang magsinungaling pero ginawa ko pa rin ito.
Pagkarating ko sa aming classroom, mabilis kong ibinagsak ang aking sarili sa aking upuan at idinantay ang aking ulo sa arm chair. Ramdam ko sa aking sarili na hindi simpleng sinat lang ito pero kailangan kong pumasok para hindi mawala ang scholarship ko. Ito lang ang tanging daan para makapagtapos ako at matulungan ko ang aking pamilya.
Ipinikit ko muna ang aking mga mata dahil wala pa namang guro.
Pero wala pang limang minuto nang umidlip ako ay bigla ng umingay ang aming classroom. Hindi ko alam kung may guro na ba pero sa mga naririnig kong mga tilian ng aking kaklase ay hindi guro ang pumasok.
"Hoy, Elisha!Gumising ka dali!!!"
"Elisha!!"
Mula sa aking tabi ay rinig na rinig ko ang sigaw ng aking kaibigan, si Shara. Kahit masakit ang aking ulo ay dahan-dahan ko itong inangat para tingnan siya.
"Ano?"walang kabuhay-buhay kong tanong.
Alam kong kinikilig siya base sa nakikita ko ngayon sa mga mata niya. Namumula rin ang kanyang pisngi at hindi ko alam kung anong dahilan. Gusto ko mang alamin pero sumasakit na talaga ang aking ulo.
"Elisha..si---"
"Good morning Class!"
Pinilit ko pa ring makisabay ng maayos sa aking mga kaklase para batiin si Ma'am. Hindi ko rin ipinahalata kay Shara na wala ako sa kondisyon ngayon. Praning pa naman ito kapag nagkataon.
"Oh!By the way class---"
Bago pa ituloy ni Ma'am Kristel ay tumayo na ako.
"Ma'am?...."
Alam kong walang patutunguhan ang pagpasok ko ngayon. Mas lalong sumakit ang aking ulo. Ramdam ko na rin ang init ng aking katawan.
"What is it Miss Rodriguez?"
Sa halip na sagutin si Ma'am ay isa-isa kong iniligpit at kinuha ang aking mga gamit. Alam kong maraming mga mata ang nakatingin sa akin ngayon. Naguguluhan at nagtatanong.
Bago pa ako tumalikod ay nilingon ko muna si Shara at ipinakitang ayos lang ako. Na wala siyang dapat ipag-alala.Pagkatapos,dahan dahan akong lumapit kay Ma'am Kristel at kinuha ang isa niyang kamay.
"My God!Ang taas ng la---"
"Ma'am, can I?"mahinang tanong ko kay Ma'am. Sigurado akong naiintindihan ni Ma'am kung ano ang nais kong sabihin at kung bakit pinutol ko ang kanyang mga salita.
"Kaya mo bang umuwi ng mag-isa?"
Mabilis akong tumango.
"Okay.You may leave Miss Rodriguez, but please take care of yourself and have a good rest. Don't worry. I will inform the dean about it.Just come back here if you're totally okay"
"Maraming salamat Ma'am"
Hindi ko na muling liningon ang aking mga kaklase at dumiretso na palabas ng classroom. Alam kong mag-aalala lang si Shara sa akin kapag ginawa ko ito at iyon ang pinakaiiwasan ko.
Ayokong ring mag-alala siya sa akin.
Simpleng ulan lang naman iyon kahapon pero heto na ako ngayon,tinamaan na ng lagnat. Haysstt..Bakit ba kasi ang bilis kong tamaan ng sakit?
Napahawak na lang ako sa aking sintido nang sumakit na naman ang aking ulo. Hindi ko alam kung makakarating pa ba ako sa amin.
Itutuloy ko na sana ang paglalakad nang may humablot sa aking braso. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko nang makita ang taong kaharap ko ngayon.
"s**t!Ang taas ng lagnat mo!"
Hindi ko alam kung anong isasagot sa kanya. Gusto kong magtanong sa kanya pero nahihiya ako. Wala akong lakas ng loob. Hindi naman pala siya mahirap hagilapin dahil siya pa ang kusang lumapit sa akin pero ang problema lang ay hindi ko dala 'yong payong at jacket niya dahil basa pa ang mga ito. Gusto kong magtanong kung bakit siya nandito.
Sinusundan niya ba ako? Imposible.
Inalis ko ang pagkakahawak niya.
"Ahmm...Rance mauna na ako"sambit ko.
Ihahakbang ko na sana ulit ang aking mga paa nang pigilan niya naman ako.
"Wait...I'll take you to the hospital"
Mabilis akong umiling. Lagnat lang naman 'to at isa pa wala akong pera.
Naguguluhan na ako sa kanya. Oras ng klase tapos ang isang Rance Smith ay nandito at kaharap ko pa. Kakaiba.
"Psshhh..If you don't want, just...go with me"
Hindi na ako nakasagot nang mabilis niya akong hinila at ipinasok sa kanyang sasakyan. Wala ng lakas ang buo kong katawan. Tumataas yata ang lagnat ko. Gusto ko na ring magpahinga.
"Rance?"tawag ko sa pangalan niya.
Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lakas ng loob ko para tawagin ang pangalan niya. Kitang-kita ng dalawang mata ko ang nag-aalala niyang mukha. At hindi ko mawari kung bakit.
"Take a nap first,Elisha"rinig kong sabi niya.
Kahit makapal na ang suot kong jacket pero ramdam ko pa rin ang lamig na yumayakap sa buo kong katawan.
Inaantok na rin ako.
"Saan mo ako dadalhin?"
"Home"rinig kong tugon niya bago ako tuluyang nilamon ng kadiliman.