Beatrice Manuel
Nanigas ako sa kinatatayuan ko kaya napahinto ako. Hindi ako puwedeng magkamali. Kahit sandali lang ang encounter namin kanina ay malinaw na malinaw pa rin sa isip ko ang mukha niya. Iyong lalaking muntik na naming mabangga. Iyong lalaking may sugat sa braso na hanggang ngayon ay naiisip ko pa rin.
Bigla ay napatingin ang lalaki dito sa kinatatayuan ko. Malayo ang distansya pero alam kong natigilan siya at tumingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit parang may kuryente na dumaloy sa katawan ko sa mismong sandali na nagtagpo ang mga mata namin
Sa dami ng empleyado at mga taong nandito sa mall. Bakit siya pa ang makakasalubong ko? At bakit siya may dalang karton mula mismo sa bodega ng mall namin?
Empleyado siya talaga dito!?
“Bea?” Biglang sambit ni Ate Krista kaya napatingin ako sa babae.
Nakakunot ang noo ni Ate Krista at sinundan ang direksyon ng tingin ko kanina.
“Kilala mo siya?”
Binaling ko ang tingin muli sa lalaki pero hindi na ito nakatingin sa akin at naglalakad na habang buhat ang karton sa balikat nito.
“Ah… siya ‘yong… muntik naming mabangga kaninang umaga.” sambit ko na lang na naka-focus na nang tingin kay Ate Krista.
“Ha?” nanlaki rin ang mga mata ni Ate Krista. “Ano?! Nabangga ninyo?!”
“Hindi naman talaga nabangga,” mabilis kong paliwanag “Muntik lang. As in konti na lang. Kaya lang, eh… nasugatan yata ang braso niya. Pero ayaw niyang magpatulong. Hindi ko rin alam kung bakit.”
Napatingin ulit si Ate Krista sa lalaki na palabas ng pinto habang may bitbit na malaking karton. “Kung nasaktan pala siya ay dapat nagpa-check up siya. Pero pumasok pa talaga siya? Napakasipag na empleyado.”
“Ewan ko rin, Ate,” mahina kong sabi na binaling na lang muli ang tingin papalayong likod ng lalaki. “Parang ayaw talaga niya ng kahit anong tulong mula sa amin. Tapos kanina… tinanong ko pa siya ng pangalan, pero hindi niya ako sinagot.”
Doon na binaling ni Ate Krista ang tingin sa akin kaya tinanggal ko na muli ang tingin sa likod no’ng lalaki. Sobrang sexy nito at ang lakas ng katawan. Parang kayang bumuhat ng babae na walang kahirap hirap.
“Craig pangalan niya, Bea. Bagong hire sa logistics, siguro mga nasa mahigit isang buwan na.”
Craig?
Muling kumabog ang dibdib ko. Pati pangalan niya ay ang sexy sa pandinig. At least, may pangalan na siya ngayon. Pero nakakataka na alam ni Ate Krista ang pangalan ng lalaki. Sa dami ng empleyado ng mall. Sa dami ng tenants dito ay nakakataka na may kakilala siyang pangalan ng isang empleyado. Lalo na at nasa logistics pa ‘yon ng department store.
“Ano, pupuntahan natin?” dagdag na tanong pa ni Ate Krista, na parang naguguluhan kung dapat bang tawagin ang lalaki o hindi.
Mabilis akong umiling. “’Wag na, Ate. Baka lalo lang siyang mainis. Kanina pa siya parang… may tinatagong inis sa akin.”
“Hmm…” nagtaas ng kilay si Ate Krista. “Well, ikaw bahala. Pero crush mo ba?”
Biglang nanlaki ang mata ko at naramdaman ko ang pag-iinit ng pisngi ko.
Mas matinding iling ang ginawa ko. “Naku, hindi, Ate ah!” Tumaas ang boses ko.
Mabuti at hindi matao dito sa lugar na kinatatayuan namin.
“Tsk!” Napapailing si Ate Krista “Sus. Bakit nagba-blush ka bigla.” HAlata na ang panunukso ni Ate Krista.
Pakiramdam ko ay lalo akong nag-blush. Malamig ang aircon pero parang pinagpawisan ako.
“Ano ka ba, Ate. Alam mo naman na may fiancé na ako, si Adrian!”
Mas natawa naman si Ate Krista. “Ano ka ba, sobrang exaggerated mo naman. Kaloka. Crush lang naman, eh. Alam mo… wala naman masama na magka-crush ka sa iba. Lalo na ‘yang Craig na ‘yan. Sikat na sikat ‘yan dito sa mall kahit baguhan. Tignan mo nga ako kilala ko! Siya lang ang tanging empleyado na kargador dito ang kilala ko. Ang daming nagkaka-crush sa kanya sa backoffice, eh.”
Natitigilan naman ako at hindi ko alam ang ire-react.
“Ano ka ba, Ate… Hindi ko siya crush. Nag-worry lang ako kasi nga ay baka nga malala ‘yung gasgas niya.” Ang sabi ko na lang para matigil ang panunukso niya.
Ewan ko ba at biglang kabado bente ako.
Nagkibit balikat si Ate Krista.
“Ikaw yata ang may crush, Ate, eh.” Bigla kong tukso para ma-divert sa kanya.
“Oo. Ang gwapo kasi at ang lakas ng appeal. Kahit may anak na. Sobrang yummy, eh… Pero crush lang 100 percent.” Biglang natawa si Ate Krista at ako naman ay nabigla.
“M-may anak na siya?” hindi ko tuloy na maiwasang itanong.
Sabagay bakit hindi ko ba maiisip na wala siyang anak at asawa. Sobrang hot ng Craig na ‘yon para maging single. Baka babae na ang nagkandarapa do’n. Tsaka parang lagpas 30 na nga ang edad.
“Yeah, may anak siya, pero single daw. Narinig ko lang ‘yun ha.”
Para bang may malamig na hangin na dumaan sa pagitan namin ni Ate Krista.
“Bea?” tawag ulit ni Ate Krista nang napansin niya ang panandaliang pananahimik ko.
“Ha? Ahh… W-wala. Na-shock lang ako. Hindi kasi siya mukhang may anak na,” mabilis kong sabi sabay iwas ng tingin.
Tumawa ulit si Ate Krista. “Kaya nga. Pero hindi lahat ng may anak, halata agad. Ang dami pa ring nababaliw sa kanya rito kahit single father siya.”
“Single dad siya?” Bigla na naman ako natigilan.
“Hay, naku, Bea… Halatado ka, girl… Parang interested ka din doon kay hot daddy, ha… Ingat din… na-issue kasi siya last month, eh. Natatandaan mo ‘yung cashier na nawawala last month.”
Agad akong napaangat ng kilay. “Yung sinabi mo kanina?”
Tumango siya. “Oo. Eh may nakakita raw na isang beses, magkasama daw si Craig at ‘yung cashier na ‘yon sa labas ng mall. At kinabukasan, biglang nawala na ‘yung babae. Kaya ayun, kumalat ang tsismis dito. Alam mo na sakto na bagong trabahador lang siya dito tapos may gano’n nakita sa kanya.”
Nanlamig ang palad ko. “So… ibig mong sabihin, iniisip ng mga tao—”
“Na may kinalaman si Craig,” putol ni Ate Krista sa sasabihin ko. “Pero tsismis lang ‘yon. Wala namang patunay. Hindi rin kinulit ng pulisya si Craig kasi wala silang nakitang ebidensya. Pero Bea, alam mo naman ang mga tao na mabilis manghusga. Pero ‘yun nga. Nakalimutan na rin naman ng mga empleyado dito na nai-issue siyang may kinalaman, eh. Nadala talaga sa lakas ng appeal.”