Zoe
Marahan kong iminulat ang mga mata ko. Nakaramdam ako ng kaginhawaan dahil sa hangin na dumadampi sa buong mukha ko.
Masyadong malabo ang mga mata ko nang maidilat ko ito ng bahagya. Ang alam ko talaga ay hindi ko masyadong naimulat ang mga mata ko. Ang alam ko ay parang may mga taong nakamasid sa akin habang nakahiga ako sa kung saan.
"Buhay pa ba sya?" Biglang may nagtanong
"Baliw ka talaga Grayson! Nahimatay lang sya. Lakasan mo pa kasi ang pagpaypay sa kanya, napakalamya mo naman." Dinig kong wika ng isa
"Nangangalay na nga yung kili-kili ko eh. Pati mga hita ko namamanhid na. Kanina pa sya natutulog sa hita ko. Kayo naman dito, nakakapagod kaya!" Sabi yata nung Grayson
Dinig na dinig ko ang kanilang tawanan.
Parang nagising ang diwa ko nang marinig ko ang kanilang tawanan. Sila ba ang pitong lalaking pinapanood ko kanina? Sila ang tumulong sa akin nang mawalan ako ng malay?
Sila yung mga gwapong lalaki na ang galing sumayaw at umawit na syang hinahangaan ko kanina? Nakakahiya!
Parang ayoko nang dumilat pa dahil nahihiya ako sa kanila. Anong gagawin ko?
"Kakaiba ang amoy nya! Parang amoy medyas na isang buwang ginamit?"
Sabi pa nung Grayson.
Napakagat labi ako. Hindi nya alam ang pinagdaanan ko kanina, kaya naging ganito ang amoy ko. Pinagsiksikan ko lang naman ang sarili ko sa tambak ng basura para lang mataguan ko ang mga batang hamog na humahabol sa akin. Nakakainis sya! Pinapahiya nya ako sa mga kasama nya! Hindi nya dapat ako hinuhusgahan kaagad.
Kung maaari ko lang ipagtanggol ang sarili ko ay kanina ko pa ginawa. Kaya lang ay wala akong lakas ng loob na gawin ito dahil nahihiya ako sa kanilang grupo.
"Grabeh ka naman sa kanya Grayson!" Sabi ng isa nilang kasama.
"Kayo kaya dito sa pwesto ko nang maamoy nyo!"
"Baka hindi naman sya yung nangangamoy, amuyin mo nga ng malapitan??" Sabi ulit ng isa.
Napalunok ako sa mga narinig ko. Anong balak gawin ng Grayson na 'to sa akin? Aamuyin nya talaga ako para makumpirma na ako nga ang nangangamoy medyas na ginamit ng isang buwan?
At kung makumpirma nya ang totoo? Ano naman ang gagawin nya? Itutulak nya ba akong palayo?
Bigla ko na lang naramdaman na parang may yumuko sa bandang uluhan ko. Bigla ring sumikip ang dibdib ko dahil parang may nakadagan na sa akin. Parang biglang nagbutil ang pawis sa noo ko.
Nang imulat ko ng todo ang mga mata ko ay nakita ko ang mukha nung Grayson na 'yon. Mukha syang diring diri sa naging itsura nya habang inaamoy nya ako. Nagkatitigan kaming dalawa. Ikinagulat nya nang makita nyang gising na ako.
"Ahhhhhhh!" Sigaw nya
Aba! Sya pa ang may ganang sumigaw? Hiyang hiya naman ako sa kanya.
Napabangon na rin ako mula sa pagkakahiga ko sa kanyang mga hita. Niyakap ko ang sarili ko at inilibot ko ang mga tingin ko sa kanilang pito.
Lahat sila ay may magagandang ngiti sa akin. Lahat sila ay tila nag-aalala sa nangyari sa akin. Si Grayson lang ang parang natakot at nagulat sa reaksyon ng mukha nya. Ibang klase naman ang lalaking ito. Parang duwag at malamya!
Nangibabaw ang katahimikan habang tinitignan nila ako. Ngunit biglang kumalam muli ang sikmura ko. Dinig na dinig nilang lahat ang tunog ng tiyan ko na parang may giyera sa loob nito.
Unang tumawa yung Grayson.
"Grabe yung tiyan mo! Mandirigma ah!" Pang-aasar pa nya
Napakagat labi ako. Hiyang hiya na ako sa mga sinasabi nya sa akin. Kanina ang sabi nya ay amoy medyas ako na sa isang buwang ginamit. Tapos ngayon ay parang mandirigma ang tunog ng tiyan ko? Nakakainis na talaga sya!
Ilang saglit pa ay may nag-abot sa akin ng isang pirasong biskwit at isang bote ng tubig. Napakacute ng dimples nya. Sa palagay ko ay sya ang pinakamatanda sa kanila dahil sa matikas na tindig nya .
Kaagad kong inabot ang biskwit na ibinibigay nya. Hindi ko na kailangang mag-inarte dahil talagang gutom na gutom na ako. Kapag hindi ko tinanggap ang alok nya ay malamang na sa morge na ko pupulutin nito.
Kahit biskwit lang ang kinakain ko ay tila isa itong masarap na pagkain dahil kagabi pa ako hindi kumakain. Wala pa akong matinong kain nitong mga nakalipas na araw dahil nga sa pagmamalupit ni Tiya Berta sa akin.
Ilang segundo ko lang yatang naubos ang pagkain na iyon. Pagkatapos ay ininom ko agad ang tubig dahil kanina pa rin ako nauuhaw.
Pakiramdam ko ay isang buwang hindi nadampian ng tubig ang lalamunan ko dahil sa sobrang uhaw ko. At pakiramdan ko rin ay ligtas na ako sa bingit ng kamatayan dahil sa tubig na iyon.
Kahit paano ay gumaan talaga ang pakiramdam ko dahil nalamanan na rin ang sikmura ko.
"Salamat." Mahinang wika ko.
Saka lang ako nagpasalamat pagkatapos kong maubos ang pagkain at tubig na ibinigay nya.
"Ako si Rocky, ang leader at Kuya nila. Ikaw, anong pangalan mo? Saan ka nakatira?"
Napahawak ako sa aking batok dahil sa dami nyang tanong. Sya pala si Rocky, ang matikas nilang leader. Bagay talaga sa kanya ang maging leader dahil ang mga salita nya ay talagang makapangyarihan. Kasing tigas din ng bato ang mga salita nya na hindi mo maaaring balewalain.
"Ahhm, a-ako si Zoe. Wala na akong bahay eh. Mag-isa na lang ako sa buhay." Halos paos kong wika sa kanila.
Nang marinig nila ang sinabi ko ay tila tumahimik ang buong paligid. Wala silang ibang naging reaksyon. Hindi ko alam kung naaawa ba sila sa akin. Tila hindi sila makapaniwala na mag-isa na lang ako sa buhay.
Tumayo sa harapan ko si Rocky. Hinimas himas nya ang buhok ko at ngumiti sya sa akin.
Parang nagkaroon ako ng pag-asa sa mga ngiti nyang iyon sa akin.
"Kung gusto mo ay sumama ka na lang sa amin. Tinatahak din naming lahat ang magulong mundo dito sa labas. Sinusubukan namin ang kapalaran namin, baka sakaling matupad ang pangarap naming maging sikat na grupo ng mga mang-aawit at mananayaw." Sabi sa akin ni Rocky.
Kung gayon ay kagaya ko sila na wala nang mga magulang at nakikipagsapalaran din sa mundong ito? Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Mukha naman silang mabubuting tao. Walang masama kung sumama ako sa kanila at sabay-sabay naming tahakin ang magulong mundong ito.
"Okay lang ba sa inyo na may kasama kayong babae?" Tanong ko
"Syempre hindi, nakakailang kaya yun. Pero, pipilitin na lang naming mag-adjust para sayo." Bigla na namang wika nung Grayson.
Ngumiwi ako sa kanya. Nakakainis talaga sya!
"Ayos! May baby girl na tayo. May taga timpla na ng kape at taga laba na tayo!" Sabi nung isa
Napanguso ako. Gagawin pala nila akong katulong? Aalilain pala nila ako?
"Syempre joke lang yon!" Sabay bawi ng isa nilang kasama
"Welcome to the group Zoe!" Sabi ni Rocky
Nagulat ako nang yakapin nila akong lahat .
Ramdam na ramdam ko ang mainit nilang pagtanggap sa akin. Pakiramdam ko ay nagkaroon agad ako ng mga kapatid na lalaki sa isang iglap lang.
Nagkaroon ako ng mga Kuya sa katauhan nina Rocky, Hunter, Axel, Jet, Eryx, Jethro at ang nakakatawa ngunit minsan ay nakakainis na si Grayson.
Mula ngayon ay sila na ang makakasama ko sa mundong puno ng panganib. Simula ngayon ay sisikapin kong pakisamahan ang pitong lalaking ito na nag-uumapaw ang pangarap sa buhay.
Nangungupahan sila sa isang maliit na apartment sa Maynila. At ang pagtugtog at pagsasayaw sa mga parke ang kanilang ikinabubuhay. Paminsan minsan ay sinusubukan nila ang kapalaran nila sa pag-aaudition sa malalaking TV networks dahil pangarap nilang sumikat gamit ang kanilang talento. Ang galing naman nila. Talagang punong-puno sila ng determinasyon sa buhay.
Ang pinaka-ikinagulat ko sa kanilang kwento, ay lahat sila nagmula sa isang bahay ampunan. Kahit masalimuot ang kanilang nakaraan ay ginawa nilang inspirasyon ito para magpatuloy sa buhay at abutin ang kanilang mga pangarap.
"Teka, bakit ba kasi amoy medyas ka na isang buwang ginamit?"
Binuksan na naman ni Grayson ang kwento tungkol sa amoy ko. Ang lahat tuloy ay hindi na mapigilan ang kanilang mga halakhak. Lahat sila ay pinagtatawanan ang amoy ko na hindi maintindihan. Hindi ko na alam kung paano ko ipagtatanggol ang sarili ko.
Ang lalaking ito talaga, lagi na lang akong pinapahiya!
Ngunit nang magkatinginan kaming muli ay parang may kakaibang pumintig sa puso ko.
Ngayon ko lang naramdaman ang bagay na ito.
Bigla akong nahiya sa kanya.
Ewan ko! Basta may kakaiba!