Chapter 22

1431 Words
Parang gusto ko ulit maligo. Gusto kong kumaripas ng takbo pabalik sa kwarto at mag-ayos man lang ng sarili, o kahit ang mag-spray man lang ng pabango sa katawan, hindi ko naman magawa. Gusto ko pa sanang maghanap ng ibang gagawin, pero naalala kong nakapaglaba na pala ako kanina. Hindi rin ako makapagluto ng ulam dahil napansin ko iyong mga plastic bag sa lamesa na tingin ko ay dala kanina ni Brent. Talagang nag-abala pa siyang mag-take out ng pagkain. Bumuntonghininga ako. Wala na rin akong pagpipilian pa. Isa pa, bisita ko naman siya, hindi ng kung sino. Kaya kailangan ko rin siyang harapin. Matapos kong maibalik ang mop at iyong timba ay lumabas ulit ako sa sala. Linggo ngayon kaya natural na nandito ang tatlo kong kapatid, kagaya ko ay wala ring pasok. Ngunit pinaalis yata sila ni Mama dahil bigla silang nawala. "Anong ginagawa mo rito?" mas mahinahon kong tanong. Pinunasan ko ang dalawang palad mula sa suot kong shorts. Dahan-dahan pa akong lumapit sa pwesto nila. Nakaupo si Brent sa pahabang sofa, samantalang si Mama ay naroon sa pang-isahang sofa at ako naman ay sa isa pang single sofa. "Napadaan lang," simpleng sagot ni Brent. Napadaan? Bakit, saan ba siya galing? "Ang bait pala nitong boss mo, Lalaine." Si Mama na nangingiti, iyong ngiti na parang may gustong ipabatid. "Oo, mabait naman talaga 'yan." Minsan lang ay may saltik, pero madalas kung sumpungin ng kamanyakan. Sa sinabi ko ay napangiti si Brent. Kahit hindi ko siya tingnan ay kitang-kita ko iyon. Pati ang mga paninitig niya na para bang kinakalkula ang emosyon ko, tipong gusto akong basahin. Kahit nariyan si Mama na nagmamasid sa aming dalawa ay wala rin siyang pakialam. "Ay, oo nga pala, magsasaing na muna ako," pamamaalam ni Mama. Sinundan ko ito ng tingin nang tumayo siya sa pagkakaupo. Sumenyas ito sa akin na ako na muna ang bahala kay Brent bago siya nagtungo sa loob ng kusina. Naiwan na lang kami ni Brent sa sala, pero hindi pa rin ako panatag. Maang kong binalingan si Brent at naabutan ko ang mga mata niyang nakapaskil sa akin. "Magkikita naman tayo bukas, hindi mo naman na kailangan pang dumaan dito sa bahay," palatak ko rito. "Hindi mo sinasagot iyong tawag ko," aniya sa mababang boses. Dahil lang doon? At dahil lang din doon kaya ganito na humataw ang puso ko? Halos sampalin ko ang sarili. Pakiramdam ko'y bigla akong natuwa. "Syempre... nakatulog na ako kagabi." "Kaninang umaga ay hindi ka rin sumasagot." Bahagya siyang ngumuso, animo'y nagtatampo. "Nagte-text ako, wala ka ring reply." "Busy ako. Marami akong ginawa kanina, naglaba at nagligpit ng kwarto." "I see..." Tumango-tango siya, para bang nakuha na nito iyong tamang sagot sa akin. "Akala ko ay nagtatampo ka... o 'di kaya ay katawagan mo na iyong ex mo." Nangunot ang noo ko, hindi ko na narinig iyong huling sinabi niya dahil halos pabulong na lamang iyon. "Saan ako magtatampo?" Hindi siya sumagot. Tila pa nag-iwas ng tingin nang pagmasdan niya ang buong bahay namin. Isa-isa nitong tinitingnan ang mga picture frame mula sa TV rack cabinet namin, ganoon din ang mga nakasabit sa dingding. Isang palapag lang itong bahay namin na gawa sa semento. Matagal na rin dahil naipatayo pa ito noong kinasal sina Mama at Papa. Mabuti nga talaga na nabawi ko at natubos ko ito sa bangko. Malaking tulong din na dumating sa buhay ko si Brent. Parang mas higit pa sa pangangailangan ko iyong ibinibigay niya sa akin ngunit hindi ko alam kung bakit kailangan niya pang gawin iyon. Dahil lang ba sa simpleng dahilan na personal assistant niya ako? Na naibibigay ko rin ang pangangailangan ng katawan niya? Bakit? Ganito din ba siya kabait kay Renzo? Gusto kong umasa, pero mas magandang huwag na lang. "Dito ka na kumain, marami akong nasaing na kanin," ani Mama na bahagyang sumilip sa amin mula sa kusina. Nilingon siya ni Brent. "Sige po." Tumitig ako kay Brent. Nasilayan ko ang pagngiti niya sa Mama ko. Dahan-dahan naman niyang ibinalik ang atensyon sa akin. Naabutan niya ang paninitig ko. Mabilis akong nag-iwas ng tingin. Simula noong ma-realize ko na nagugustuhan ko na si Brent ay hindi ko na kaya pang matagalan ang mga mata niya, pakiramdam ko ay matutunaw ako. Alam ko rin na parang ang bilis, higit isang linggo pa lang noong magkakilala kami, pero ganito talaga yata kapag lahat na ay naibigay mo sa isang lalaki. Hindi malabong pati ang puso at kaluluwa mo ay maibigay mo rin. Malakas akong tumikhim. Hindi rin nagtagal nang maluto iyong sinaing ni Mama, tinawag na niya kami pati na ang mga kapatid kong nasa labas. Nakapwesto na kami sa lamesa, si Mama iyong nasa kabisera. Ako iyong nasa kanan niya habang katabi ko si Brent. Si Luna ay katapat ko at kahilera sina Lance at Liam. Pinangunahan ni Liam ang pagdarasal. "Amen," sabay-sabay naming bigkas. Tumunog ang mga kalansing ng kubyertos ngunit tikom ang aming mga bibig. Tila may dumaang anghel sa gitna namin at maging si Mama ay tahimik na. Tila nakikiramdam na lang siya sa amin. "Ikaw si Kuya Brent, 'di ba?" Pwera lang kay Luna na alam ko na kung saan patutungo itong pagtatanong niya. Ngumiti si Brent. "Oo, ako nga." "Ikaw ang palaging katawagan ni Ate sa gabi?" dugtong pa niya. Marahang tumango si Brent. "Oo." Si Mama ay pasalit-salit ang tingin sa dalawa, samantalang gusto ko na lang subuan itong si Luna para hindi na makapagsalita pa. Pinanlalakihan ko na ito ng mata, pero hindi siya natitinag. Panay pa ang ngiti niyang mapang-asar sa akin. Sisiguraduhin ko talagang sa sahig siya matutulog mamaya. "Ilang taon ka na pala... Sir?" tanong naman ni Mama. Mahinang natawa si Brent. "Kahit Brent na lang po ang itawag ninyo sa akin." "Sige, Brent." Madaling kausap si Mama, sabay sulyap sa pwesto ko. "Twenty nine na po," sagot ni Brent sa kaninang tanong ni Mama. "Ah, mabuti at tinanggap mo itong anak ko? Twenty three pa lang ito, e." Nagtaas ako ng tingin dito. Bakit? Kailan pa naging basehan ang edad? Huli ko nang natanto na iba ang ibig sabihin ni Mama roon, na masyado akong bata kumpara kay Brent. Mukhang na-realize din ni Mama na hindi lang simpleng boss si Brent para sa akin. Na hindi lang trabaho ang namamagitan sa aming dalawa. Kasi wala namang boss ang magpupunta sa bahay ng empleyado niya, unless may okasyon at kasama ang iba pa naming katrabaho. Pero hindi, siya lang talaga mag-isa ang pumunta rito. May dala pang pagkain. Kaya ano na lang ang iisipin ni Mama? Gusto ko iyong linawin kay Mama, pero anong sasabihin ko? Kahit mabagal ang oras, hindi nagtagal ay natapos din kaming kumain. Nasa sala na ang mga kapatid ko at nanonood kasama si Mama. Nagpresinta kasi itong si Brent na siya na raw ang maghuhugas. "Ako na," madali kong sambit at dumeretso sa lababo, hindi rin siya nagpapigil at tumabi rin sa akin. "Hindi ka ba galit?" mahinang tanong ni Brent habang nakikisawsaw sa pinggan na hinuhugasan ko. "Bakit ako magagalit?" "Dahil nandito ako." "Bakit? Kung nagalit ba ako kanina ay uuwi ka?" Nilingon ko siya at nagtaas ng kilay sa kaniya, nagulat pa ako nang bigla niyang lagyan ng bula ang ilong ko. "Brent!!" Malakas siyang tumawa na alam kong dinig nila Mama mula sa sala. Sa inis ko ay sinampal ko siya ng maraming bula. Lalo siyang bumulanghit ng tawa. Maligalig na halakhak niya ang pumupuno sa apat na sulok ng aming kusina. Napansin ko pa ang magkakapatong na ulo nina Mama, Luna, Lance at Liam sa b****a ng pintuan, lihim silang sumisilip pero kitang-kita ko naman. "Cutie," aniya habang nangingiti akong pinagmamasdan. Inirapan ko siya. Hindi na pinansin at bumalik na lamang ulit sa paghuhugas. Hay naku. Iwas na iwas na nga ako na huwag tuluyang mas mahulog sa kaniya, pero heto siya, lintik talaga— grabe rin kung magtaksil itong puso ko, kinikilig din. Sinusubukan kong lumayo sa kaniya ngayon, maging iritado kapag kaharap siya ngunit parang ang hirap mawalan ng pake sa kaniya. Maliliit na bagay na ginagawa niya ay malaking impact na sa akin. Ito... itong pagbisita niya sa amin. Sino bang hindi aasa? Sino bang hindi mag-aasam sa katulad ni Brent? Malakas akong bumuntonghininga. "Lumayas ka rito sa tabi ko kung hindi ka seseryoso maghugas diyan," palatak ko. "Naghuhugas naman ako." "Umayos ka!" "All right! Noted, baby." Nag-isang linya ang labi ko dahil sa narinig. Hindi ko rin alam kung pa-fall lang ba siya at natural na sa kaniya ang magkaroon ng mabulaklak na dila, o sadyang nadadala lang ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD