Chapter 23

1459 Words
"Sigurado ka bang boss mo ang lalaking iyon, Lala?" usisa ni Mama sa akin nang mapag-isa kaming dalawa sa sala. Nakaalis na si Brent, hinatid ko lang din siya sa kanto at ngayon ay kauuwi ko lang. Naabutan ko pa rito si Mama na mukhang hinihintay ako, samantalang ang mga kapatid ko ay nasa kwarto na. Isinarado ko na ang pinto ng bahay, ini-lock nang mabuti at nagpunas ng paa. Gustuhin ko mang dumeretso na sa kwarto ay saglit akong pumirmi sa kinatatayuan ko at nilingon si Mama. "Oo naman po," sagot ko sa tanong niya. "Para kasing mas boss ka pa kaysa sa kaniya." Ngumiti si Mama, pero may bahid ng pag-aalala ang kaniyang mukha. Bahagya akong natawa. "Ganoon lang talaga kami, parang magkaibigan lang. At saka wala lang naman sa kaniya iyon." "Kaibigan lang ba talaga, Lalaine?" Tumitig ako kay Mama. Higit dalawang taon kaming hindi nakita ni Mama, pero mas matagal pa rin iyong taon na nakasama namin siya. Siya ang nag-alaga sa amin simula sanggol, nagpalaki at umaruga. Kaya kahit ilang taon man ang lumipas, mananatili pa rin iyong pagiging ina niya sa amin. Sa madaling salita, kilala na niya kami. Alam na niya ang ugali namin. At syempre, bilang anak din ni Mama, alam na alam ko rin kung ano ang itinatakbo ng isip niya ngayon. "Oo, kaibigan lang." Muli akong natawa. "Bakit? Mukha bang magkakagusto sa akin ang lalaking iyon?" Mapait na ngumiti si Mama. "Iyon ang gusto kong ipabatid sa 'yo, anak. Hindi naman masama kung magmamahal ka, hindi ko haharangan kung ano ang magiging kasiyahan mo, pero gusto ko lang na piliin mo iyong tao na hindi ka sasaktan. Iyong hindi ka pababayaan at kaya kang ipaglaban." Napatitig ako sa mukha ni Mama. Puno iyon ng pag-aalala, para bang alam na niya iyong mga pasikot-sikot pagdating sa pag-ibig. Alam na niya iyong mga tamang desisyon at maling rason. "Masyado siyang mataas... pakiramdam ko, hindi tayo matatanggap ng pamilya niya. At ayokong dumating sa punto na ipagtatabuyan ka nila." "Ma..." Bumuntonghininga ako. "Alam ko kung gaano kalayo ang agwat naming dalawa, kaya hindi ko rin naman gusto na manghimasok sa buhay niya. Hindi ko naman siya... gusto..." Tumigil na ako at baka ano pang kasinungalingan ang lumabas sa bibig ko. "Sige na po, matulog ka na. Matutulog na rin ako," paalam ko rito. Tumango na lamang din siya bilang tugon. Nauna ko nang tinungo ang kwarto ko. Maaga akong natulog sa gabing iyon dahil may pasok na bukas. Maaga rin naman akong nagising kinabukasan. Simple lang ang naging damit ko, ternong fitted t'shirt, denim midi skirt at converse. Hindi pang pormal dahil hindi naman ako kasali sa corporate world ng Prime Stellar Solutions. Parang pambahay nga lang siguro ito ng mga mayayaman. Ipinatong ko sa ulo iyong binili naming bucket hat ni Brent. Dala ang shoulder bag ay lumabas na ako ng bahay. Hindi naman ako mahilig mag-almusal simula noong nagtrabaho ako ng night shift. Paano kasi ay gumigising na rin ako ng gabi. Sa umaga ang una kong ginagawa ay ang pag-aasikaso ng mga kapatid, tanghalian na kaagad ang ginagawa ko at saka ako matutulog sa hapon. Sa biyahe ay sobrang traffic. Bigla akong nagsisisi at sana pala ay nag-taxi na lang ako. Nawala sa isipan ko na Monday pala ngayon at ganitong oras ay rush hour para sa mga kagaya kong commuter. Inunahan ko nang i-text si Brent na baka ma-late ako. Wala naman siyang reply sa akin at naisip ko na baka nasa meeting na kaagad ito. Ilang oras pa ay nakarating din ako sa paroroonan. Masyado ng late, pero at least may abiso ako 'di ba? Nakangiti pa ako habang naglalakad papasok sa building. Wala ng tao sa hallway, kahit sa elevator area. Syempre ay nasa kaniya-kaniya na silang workplace at nag-uumpisa nang magtrabaho. "Good morning!" pagbati ko kay Gladys, iyong receptionist dito. Tipid siyang ngumiti sa akin. "Good morning din. Late ka ulit?" Ulit? Oo nga pala. "Sobrang traffic, e." Tumango-tango si Gladys. Hindi na rin nakapagsalita dahil nilingon niya ang entrance, malawak siyang napangiti. "Good morning, Ma'am!" maligaya at ganado niyang bati dahilan para lingunin ko rin iyong bagong dating sa likod ko. Imbes na lumapit ito sa information desk ay dere-deretso siyang nagtungo sa right wing ng faregate, kung nasaan iyong elevator para sa mga may posisyon. Hindi nito pinansin si Gladys ngunit nananatili pa rin siyang nakangiti hanggang sa mawala ito sa paningin namin pareho. Baka isa nga sa mga shareholders o executive kaya ganiyan na lamang ang trato niya, kumpara sa akin na parang nadidismaya pa kapag nakikita ako. Simple ko itong inungasan at nilayasan na rin. Sa kabila naman ako nagpunta, dito naman ako palagi dumadaan. Kapag kasama ko lang si Brent ay saka ako napapadpad sa kabilang wing. May ilan akong nakasama sa elevator pag-akyat, pero isa-isa rin silang bumaba sa nahintuang mga palapag. Ako na lang mag-isa dahil sa tenth floor ang punta ko. Mayamaya lang din nang bumukas ang pinto at unang bumati sa akin ang malaking signage ng company. Lumabas na ako, kaagad ko ring napansin si Renzo sa table nito. Abala siyang nagtitipa sa kaniyang keyboard kaya hindi ko na inistorbo pa. Deretso sana akong papasok sa opisina ni Brent nang marinig ko ang pagpigil niya. "Halika," aniya at saka pa itinuro ang upuan na nasa harap ng table niya. "Rito ka muna. May sasabihin ako." Nangunot ang noo ko. "Ano 'yon?" Dahan-dahan akong lumapit sa pwesto niya. Ngumiti ito sa akin, kapagkuwan ay bumalik sa kaninang ginagawa. Rinig ko ang bawat pagpindot nito sa keyboard habang nakatitig siya roon. Lalo lang nagsalubong ang dalawang kilay ko. Naupo na rin ako sa upuang sinasabi niya, saka ko dinungaw ang ginagawa nito sa computer niya. Normal lang na trabaho iyon, wala namang kakaiba. "Bakit? Anong sasabihin mo?" Umiling siya. "Wala, rito ka lang muna." "Bakit nga?" Napatingin ako sa pinto ng opisina ni Brent, nakasarado iyon. "Wala ba siya roon? Nasa meeting?" "May bisita siya," sagot ni Renzo. Iyon naman pala, akala ko kung ano na. Tumango-tango ako bilang pagsang-ayon. Pirme akong umupo sa silya, mukhang matagal pa sila roon sa loob kaya rito muna talaga ako tatambay. "Sinong bisita niya?" tanong ko pa ulit, curious lang, siguro VIP. Hindi sumagot si Renzo dahilan para mahulas ang emosyon sa mukha ko. Minsan ay okay kasama itong si Renzo, pero madalas din ay snob. Nadala na yata noong sinapak siya ni Brent, kaya pili na lang iyong mga sinasagot niya sa akin. Humalukipkip ako at nabuburyo siyang pinapanood. Wala talaga siyang imik, walang pakialam. Hindi man lang natitinag sa bulgar kong paninitig sa kaniya. "Matagal ka nang nagtatrabaho kay Brent?" usisa ko sa kaniya, hindi rin matahimik dahil masyado akong nabibingi sa katahimikan ng paligid. "Three years." Matagal-tagal na rin. Kaya pala loyal din siya pagdating kay Brent. "Marami ka nang naging girlfriend, 'no?" Hindi ko rin alam kung bakit iyon ang lumabas sa bibig ko. Nanlaki ang mga mata ko. Samantala ay nag-angat naman ng tingin sa akin si Renzo. Seryoso ang mukha niya, pero kalaunan ay biglang natawa. "Bakit mo tinatanong?" mapang-udyo niyang sambit, nangingisi pa. "Wala naman..." "Wala akong girlfriend ngayon, Lalaine." Nagtaas siya ng kilay. "Medyo mahaba ang pila, pero kung ikaw, priority kita." Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung tatawa ba ako o ano, pero sa pagkamangha ko rito ay tumitig lang ako sa kaniya. Muli siyang tumawa, umiling-iling at ngumiti sa akin. "Gusto mo ay mag-date tayo ngayon para malaman mo kung gaano ako ka-gentleman at caring." Nagawa pa niyang hawakan ang kamay kong nakapatong sa table nito. Napasinghap ako. Gusto ko nang humagalpak ng tawa, pero nauna kaming naistorbo dahil sa bumukas na pinto mula sa opisina ni Brent. Pareho kaming napalingon doon ni Renzo. Unang lumabas iyong babae na siyang nakita ko kanina sa baba. Naka-dress ito at pink na pink ang kulay. Straight at mahaba ang buhok niya. Nasa balikat nito iyong maliit niyang shoulder bag habang dinig ko ang tunog ng takong niya sa bawat marahan niyang paglalakad. Lumabas din sa opisina si Brent. Mabibigat ang mga yabag niya at mabilis din siyang natigilan nang makita ako. Naabutan niya ang kamay ni Renzo na nakahawak sa akin, pero wala roon ang atensyon ko, kung 'di sa reyalisasyong nabubuo sa utak ko. "You should go there, Leander," mahinahon na pahayag ng babae, sa sobrang lamyos ng boses niya ay para siyang naglalambing. Ang gaan ng awra niya, mukha ring mabait. Sa sobrang puti pa niya ay nagmistulan siyang anghel sa paningin ko. Sa sobrang perfect ng mukha niya ay mahihiya ka na lang at manliliit. "We've been together for six years, parang wala naman tayong pinagsamahan." Leander... six years... Parang gusto ko na lang umuwi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD