Chapter 16

1353 Words
Akala ko iyong binili ni Brent na pagkain ay pangdalawahan lang, tipong para sa amin lang na gusto niyang ipauwi sa akin, pero nagulat ako na nang makitang pang-isang pamilya pala iyon. "Wow, pasalubong!" ani Lance nang pumasok ito sa kusina. Tinawag na kasi sila ni Mama kanina para sa gabihan namin. Sumunod kay Lance sina Luna at Liam. Si Mama naman ay abala nang nagsasandok ng kanin para sa amin. Nakaupo na ako at mataman silang hinihintay na makaupo rin. "Sahod mo, Ate?" tanong ni Luna na nakangiti sa akin. "Nakaraan lang ay sumahod ka ulit." Dagli akong nalito, saka ko naalala na nagbigay nga pala ako rito ng pera na pangpa-check up ni Mama. Natawa ako. "Hindi, sahod ko pa rin 'to." Hindi ko naman pwedeng sabihin na binilhan kami ng amo ko. Baka ano pang maisip nila, lalo ni Mama. Paano at aaraw-arawin yata akong bibigyan ng sustento ni Brent. "Mukhang maganda ang nakuha mong trabaho, ah?" Si Mama na ngayon ay kakaupo lang sa kabisera ng lamesa. "Hulaan mo, Ma," ani Luna. "Hindi na 'yan siya carwasher," pagbibiro ni Lance kaya natawa ulit ako. "Hindi rin cook sa karinderya," si Luna ulit na mukhang hinuhuli lang ako. "Lalong hindi cashier sa gasolinahan." Tumingin sa akin si Mama, nakangiti siya habang pinagmamasdan ako. Tipid naman akong ngumiti rito, hindi pa alam kung paano siya haharapin. Ano bang sasabihin ko? Na isa akong PA? Kahiya-hiya naman kung ipangangalandakan kong parausan ako. Nag-isip ako nang maayos na salita. "Secretary," sambit ko, parang ganoon na rin naman na kasi ang trabaho ko 'di ba? Ang kaibahan lang ay my espesyal na nagaganap sa aming dalawa ni Brent. At lalong hindi ko pwedeng ipagmalaki iyon. Nahihibang na ako kapag nangyari iyon. "Wow!" Pumalakpak si Liam. "Ayan 'yung tagasulat sa blackboard 'di ba, Ate?" Sabay-sabay kaming natawa. Si Mama ay naniningkit ang mga mata sa sobrang pagngiti habang ginugulo ang buhok ni Liam na siyang katabi niya. Ilang sandali ay nagsimula na rin kaming kumain. Nakuntento na ako sa ganoong set up, na kahit alam kong hindi pa kami nagkakaayos ni Mama ay tanggap ko na iyong ganito. Masaya ako na makitang magkaayos sila ng mga kapatid ko. Natapos na kaming kumain. Nakaligo na rin ako kanina kaya ngayon ay nasa kwarto na ako. Suot ko ang ternong pajama at humiga na rin sa kama. Sakto nang mag-ring ang cellphone ko. "Hello?" paunang bungad ko nang makitang si Brent ang tumatawag. "Gising ka pa..." aniya dahilan para tingnan ko ang wall clock, alas onse pa lang. "Maaga pa naman at saka wala naman akong pasok bukas." Tumawa si Brent. "Sure?" "Oo 'di ba? Ang sabi mo ay sabado at linggo ang pahinga ko dahil wala rin namang pasok diyan sa kumpanya mo." "Yeah, as my personal assistant, wala kang pasok," paglilinaw niya. "Oh? So, ano? Ano?" paghahamon ko na labis niyang ikinatawa. Malakas siyang humahalakhak sa kabilang linya na halos mabingi ako, pero sa totoo lang, ang sarap pakinggan ng tawa niya. Parang sa trabaho ay napakaseryoso niya, na minsan ko lang siya makitang ngumiti o makipagtawanan sa mga empleyado niya. Palagi siyang nakakunot ang noo, lalo kapag kaharap nito ang laptop niya. Akala mo ay may kaaway sa screen at malapit na niyang suntukin. Kaya nakapagtataka na nakukuha niyang tawanan ako kahit sa mababaw na dahilan lang. "Pagpahingahin mo naman ako, masakit pa ang katawan ko," dagdag ko. "Akala ko ba, ihi lang ang pahinga mo?" Naalala niya pa iyon? Siguro naman sa oras na ito, alam na niyang nagbibiro lang ako noong mga panahon na iyon? "Hindi na nga kita pinapagod sa office. Wala ka namang ginagawa." "Aba, kasalanan ko ba na kumuha ka ng PA? Mayroon ka naman palang secretary? Bigla-bigla kang nag-o-offer diyan." Natawa ulit siya. "Kasi nga ayoko naman na sobrang pagurin ka sa trabaho, you have a special job for me." Bumagsak ang panga ko. Napalatak ako sa hangin at kung nasa harapan ko lang ito ay kanina ko pa siya sinapak. Hindi ko alam kung bakit puno ng emosyon ang katawan ko ngayon, parang ang gaan, parang walang problema, para akong kinikiliti na ewan. Bumuntonghininga hininga ako. Gusto kong itago ang nararamdaman— ang kilig. Kasi alam ko na sa sitwasyon namin ni Brent, bawal ang mahulog, na sa totoo lang ay may mga bagay akong gustong itanong, pero huwag na lang. Kung madali lang din sa akin na makakuha ng private investigator ay malamang alam ko na ang lahat sa buhay niya, kagaya kung paano nito nalaman ang kwento ng buhay ko. Pero hindi ko iyon gagawin. "May lakad ka bukas?" anang Brent nang hindi na ako magsalita. "Wala naman." Hindi naman ako galang tao at lumalabas lang ako ng bahay kapag trabaho ang pupuntahan ko. "Do you... want us to go somewhere?" "Saan?" "Tagaytay?" "Hmm..." "Sagot ko naman lahat." Napangiti ako. "Hindi ka ba namumulubi sa akin? Kaya ko naman mag-ambag." "It's okay kung mag-aambag ka, tatanggapin ko naman. Pero kung may paglalaanan ka ng pera ay okay lang din sa akin kahit hindi ka magbigay." Humaba ang nguso ko. "Basta kasama ako?" pang-aasar ko. "Basta kasama ka." Halos mapunit ang labi ko sa lawak nang pagkakangiti ko dahil sa narinig. Hinablot ko pa iyong unan at saka iyon niyakap. Tumagilid ako ng higa habang nasa tainga pa rin iyong cellphone. "Baka may magalit," pahayag ko na may gustong iparating— baka may girlfriend siya na pwedeng magalit 'di ba? "Who?" Si Brent na sumeryoso ang boses. "May magagalit ba kapag inilabas kita?" Natawa ako. Gusto ko siyang kaltukan. "Bakit? May nakarating ba sa 'yong balita na may boyfriend ako?" anas ko. "Wala." "Asawa?" "Wala rin." "Oh! Ibig sabihin, sa ating dalawa, baka sa 'yo may magalit." "Wala namang pakialam ang mga kapatid ko sa akin. We have our own business." Napairap ako sa kawalan. "Girlfriend?" "Ah..." Saglit natigilan si Brent, hindi ko ito kaharap, pero tingin ko ay nagpipigil na naman ito ng ngiti. "Do you think may girlfriend ako? Sa sitwasyon nating ganito? May awa pa naman ako, Lalaine." "Kaya nga ako nagtatanong. Nagagalit ka ba?" Nagtaas ako ng boses. "Hindi," maamo niyang sagot. Kumibot ang labi ko. Mayamaya nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko. Sumilip doon si Luna dahilan para mapahinto ako. Sinundan ko siya ng tingin nang dumeretso ito sa kama ko. May dala siyang unan at kumot habang nakangiti ito sa akin, tila nagpapahiwatig ng gusto niyang mangyari. Nagtaas ako ng kilay dito nang walang anu-ano ay humiga siya sa tabi ko. Malawak naman ang kama at kasya kaming dalawa. "Dito na ako matutulog, Ate. Ang sikip na roon sa kabila, e." Lalo siyang ngumiti. Pitong taon ang agwat namin ni Luna, sixteen na ito ngayon at matatawag na siyang dalaga. Tama naman na humiwalay na siya sa dalawang kapatid kong lalaki. Okay lang din naman kung mag-share kami rito sa kwarto ko. Madalas naman akong wala at masosolo niya ito sa hapon. Sa gabi ay pareho naman kaming matutulog kaya ayos lang. Umusog ako sa likod ko upang mas bigyan siya ng espasyo. "Who's that?" Si Brent na kamuntikan ko nang makalimutan. "Kapatid ko," sagot ko na siyang dahilan para mangunot ang noo ni Luna. "Sino 'yan, 'te?" "Kaibigan ko." "Kaibigan..." pag-uulit ni Brent na para bang hindi makapaniwala sa sinabi ko. "Si Ate Tanya?" usisa ni Luna. Umiling ako. "Brent. Brent pangalan niya." "Ayieee—" Ibinato ko ang unang yakap ko lang kanina sa mukha ni Luna dahilan para matigil ito sa kalokohan niya. "Aray ko!" "Shh!" Pinanlakihan ko ito ng mata at baka magising pa sina Mama sa kabila. Ngayon ko na-realize na parang mali na nandito siya, o mali na nag-uusap pa kami ni Brent sa ganitong oras. Kailangan kong mamili. "Sige na, ibababa ko na ito, Brent." "Hi, Kuya Brent!" mahinang sigaw ni Luna. "Hello," si Brent kahit hindi naman naka-loud speaker itong cellphone ko. "I miss your Ate Lalaine." Siraulo ba siya?? Pinutol ko na ang linya para lang balingan si Luna— para lang ibaling sa kaniya ang kilig kong pilit kong itinatago gamit ang galit-galitan kong mukha. "Matulog ka na!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD