Pinaunlakan ko ang pag-anyaya ni Brent na lumabas ngayon. Kasi hindi talaga niya ako tinantanan kahit kaninang paggising ko, boses niya kaagad ang bumungad sa akin para lang ipaalala ang lakad namin.
Kahit nga hindi naman ako pumayag, pero mababalitaan ko na lang na naroon na siya sa kanto namin at naghihintay. Kaya ngayon ay halos hindi ako magkandaugaga sa pag-aayos.
Katatapos ko lang maligo, hindi ko pa alam kung anong susuotin ko, pero bandang huli ay pinili ko ang fitted black t'shirt na pinatungan ko ng black short jacket dahil Tagaytay nga ang pupuntahan namin.
Nakamaong lang din ako at simpleng rubber shoes. Nagdala ako ng pamalit na damit. Mula naman sa isa kong bag na palagi kong dala ay kinuha ko iyong femenine wash at inilipat sa gagamitin kong bag ngayon— mahirap na.
Maganda na iyong palaging handa.
Basa pa ang buhok ko kaya hinayaan ko muna iyong nakalugay. Wala na rin akong oras na mag-ayos pa ng mukha dahil kanina pa naghihintay si Brent.
Palabas na sana ako ng kwarto nang biglang pumasok si Luna. Nakangiti kaagad siya at alam ko nang mang-aasar lang ito kaya nilayasan ko na siya.
"Ate, magkikita kayo ni Kuy Brent?" Ang lakas ng boses niya, animo'y gustong iparinig pa sa kapitbahay namin.
"Manahimik ka, Luna."
Bumilis ang lakad ko ngunit lalo ring binilisan ni Luna. Talagang sinusundan ako. Sa sala ay naroon si Mama, abalang nagtatahi ng uniporme. Hinarap ko si Luna at binigyan siya ng pera.
"Bumili ka ng meryenda ninyo mamaya," pabulong kong sabi para maitikom na niya ang bibig nito. "Huwag ka nang maingay."
Mapang-asar siyang tumawa. "Ikamusta mo ako kay Kuya Brent, ah?"
Sinamaan ko ito ng tingin. Mabilis naman siyang tumuwid ng tayo at umaktong nag-zipper ng bibig.
"Aalis ka?" ani Mama na ngayon ay nakatayo na, sinundan ko ito ng tingin nang pumasok siya sa kusina.
Mayamaya lang din nang lumabas siya, hawak nito sa kamay ang isang karton ng gatas, iyong nabibili sa grocery.
"Hindi ka nag-aagahan. Hindi maganda iyan, ah?" pangangaral niya.
"Kakain naman daw siya sa labas, Ma."
Pareho kaming napatingin ni Mama kay Luna. Kamuntikan ko na siyang batukan kung hindi lang ito tumakbo palayo.
"Bye, Ate! Enjoy!" makahulugan niyang sigaw habang kumakaway pa sa akin.
"Mauna na po ako," paalam ko kay Mama.
Tumango naman ito. Dala ko iyong gatas nang makalabas ako ng bahay. Naglakad lang ako at mula sa kanto ay hinanap ng mga mata ko si Brent, hinanap ko ang kotse nito kung saan nakaparada.
Ilang sandali pa nang maaninagan ko ito sa hindi kalayuan at imbes na kotse ay naka-motor ito. Kunot ang noo nang lapitan ko siya habang maiging pinagmamasdan ang big bike niya.
"Here," aniya at saka pa inilahad sa akin ang isang plastic, kita roon ang laman nitong mga gatas na mukhang binili pa niya sa malapit na convenience store.
Maagap kong itinago ang gatas na bigay ni Mama sa akin, iinumin ko rin naman iyon kaya inilagay ko muna sa bag ko.
"Bakit ka naka-motor?" usisa ko bago kinuha sa kaniya iyong plastic. "Hindi ba ako mamamatay niyan?"
Tumawa si Brent, kapagkuwan ay inilabas niya iyong isang helmet na kulay pink. Halos matawa ako. Naka-all black ako tapos pink ang helmet ko?
Hindi na ako nakapagsalita nang hilain niya ako palapit sa kaniya, saka nito dahan-dahan na isinuot sa akin ang helmet. Maigi niya rin iyong ini-lock at nang okay na ay hinawakan niya ako sa magkabilaang gilid ng helmet.
"At bakit ka mamamatay?" tanong niya, tumitig ito sa akin.
Nag-iwas ako ng tingin. "Sa kotse mo pa lang ay mabilis ka nang magmaneho, ano pa itong naka-motor ka?"
Mahina siyang natawa.
"Hindi mo ba napansing bumagal na akong magmaneho simula no'ng sumakay ka sa akin?" Nagtaas siya ng kilay.
Doble ang maging meaning nito sa akin dahilan para mapakurap-kurap ako. Tinabig ko ang kamay nito at kumawala na sa kaniya. Muli siyang tumawa.
Kalaunan ay umayos din at bumwelo sa kaniyang motor. Umusog siya ng kaunti para makaupo ako sa likod niya. Medyo mataas kaya nahirapan ako, kinailangan ko pang humawak sa balikat niya.
"Ready?" Tumango ako bilang tugon.
Binuksan na nito ang motor, pero bago siya humarurot ay kinuha niya muna ang dalawang kamay ko. Nagmukha iyong seatbelt na ipinulupot at ini-lock niya sa kaniyang tiyan, bali yakap ko na ito.
"Sabihin mo kapag gutom ka, mag-stop over tayo," aniya bago tuluyang lumarga.
Sa biyahe ay tahimik kami pareho. Paminsan-minsan siyang nagtatanong at dinig ko siya mula sa intercom ng helmet. Ang galing, kahit na mahangin at maingay ang mga kasabayang sasakyan ay dinig ko pati ang paghinga niya.
Nakahilig ang dibdib ko sa likod niya. Pakiramdam ko ay gustung-gusto ni Brent itong pwesto namin, ramdam niya ako at yakap-yakap ko siya.
Kahit papaano ay kilala ko na ito, madali siyang matawa kapag nagra-rant ako sa kaniya, tila ba kasiyahan niya na makita akong nagagalit sa kaniya, o binabasag siya. Ngingiti naman kapag nakukuha nito iyong gusto gamit ang pananantsing.
Huminga ako nang malalim. Dinig iyon ni Brent kaya kinapa niya ang isang hita ko, matagal namahinga ang kamay niya roon. Naka-motor gloves ito at kompleto ang protection nito sa katawan, halatang mahilig siyang mag-rides.
"Okay ka lang?" tanong niya at bahagyang humimas sa hita ko.
See? Palatsansing, e.
"Hindi ka inaantok?" dagdag niya, umiling ako kahit hindi naman niya ako kita.
"Sumeryoso kang mag-drive riyan at baka mabangga tayo," paalala ko rito.
Natawa siya. "Ano bang ginagawa ko?"
Hindi na ako nagsalita, baka kung saan pa mapunta itong pag-uusap namin. Kung hindi malamang sa away ay sa kamanyakan niya.
Umaga pa naman kaya hindi rin gaano ang traffic kahit na sa EDSA kami dumaan. Hindi nagtagal nang makalabas kami ng SLEX. Kita ko na ang ganda ng tanawin sa lugar ng Laguna. Sa haba pa ng naging biyahe namin ay naubos ko na iyong gatas na pabaon ni Mama, pati iyong kaninang binili ni Brent. Naiihi naman ako ngayon.
Lumamig na rin ang hangin na siyang humahampas sa amin ni Brent. Walang traffic sa banda roon kaya naman ay kinuha iyong pagkakataon ni Brent na humarurot. Mahigpit ko siyang niyakap.
"Brent," pagtawag ko rito.
"Hmm?"
Hindi na ako sumagot. Gusto ko lang siyang marinig. Kinapa ulit ako ni Brent. Kita ko pa ang pagtanaw niya sa akin mula sa side mirror niya.
"Gutom ka na?" pukaw niya.
"Ang sakit na ng pwet ko."
"Don't worry, mamasahiin ko 'yan mamaya— aray!" kaagad niyang daing nang kurutin ko ito sa kaniyang tagiliran.
Baliw talaga.
"Mapanakit ka."
"Alam mo, kahit saktan kita, feeling ko ay hindi mo pa rin ako pakakawalan."
"Bakit alam mo?"
Humalakhak ako. Isa sa gustung-gusto kong ugali nitong si Brent ay sobrang vocal niya, lahat nasasabi niya kahit minsan ay puro kalokohan na.
Iniisip ko kung anong klaseng pamilya mayroon siya, o kung saang klaseng environment siya pinalaki.
Alam ko naman din na mayaman siya. Hindi hamak na wala pa ako sa kalingkingan niya at hindi na ako maghahangad ng kung ano pa. Hangga't wala akong nasasagasaang girlfriend o asawa niya ay masaya na ako sa ganito.
Sa lalim ng pag-iisip ko ay hindi ko na namalayan ang pagdaan ng oras. Huminto si Brent at nag-park siya sa tapat ng isang coffee shop. Huli ko nang ma-realize na nandito na pala kami sa Tagaytay.
Nauna akong bumaba sa kaniya at inabala ko na ang sarili na tingnan ang paligid. Mahamog sa araw na iyon, na kahit tirik na ang araw ay hindi ko maramdaman ang init. Bagkus ay mas nangingibabaw pa ang lamig, mabuti at nag-jacket ako.
Nakababa na rin si Brent. Hinawakan niya ako sa kamay at iginiya papasok sa coffee shop. Bumungad sa paningin ko ang mga stickers na nakadikit sa pader, kung nasaan iyong parang counter.
Sticker iyon na gamit ng mga motorista. Sa loob ay hindi karamihan ang tao kaya nakakuha kami ni Brent ng pwesto malapit sa bakod, kung nasaan naroon at tanaw ang bulkang Taal.
"Anong order mo?" anang Brent na papunta sa counter.
"Basta may gatas."
"Okay, diyan ka lang."
Iniwan niya ako saglit. Mabilis kong nilingon ang ibabang bahagi, mahamog man ay kita ko pa rin iyong Taal. Kinuha ko iyong cellphone ni Brent na nailapag niya sa lamesa at doon ako nag-picture.
Ilang take ang ginawa ko mula sa bulkang Taal, sa huli ay nag-selfie na rin ako. Nahuli ako ni Brent dahil pabalik na ito dala ang in-order niya kaya natawa ako.
"Halika, picture tayo," anyaya ko rito na animo'y pagmamay-ari ko iyong cellphone.
Imbes na sa tapat ko siya umupo ay mas pinili niyang maupo sa tabi ko.
"Ikaw ang mag-picture," utos ko dahil nasa likod ko iyong Taal, ibinigay ko na sa kaniya ang cellphone.
Sumunod naman siya, saka ako kumapit sa braso niya at nag-peace sign. Nagulat ito sa ginawa ko. Naramdaman ko pang nanigas ang muscle niya ngunit hindi naman siya umangal.
Bagkus ay nakailang take rin siya. May iba roon na nakaakbay siya, nakayakap sa akin, nakahalik sa pisngi at labi ko.