Dalawang araw akong hindi nakapasok pagkatapos ng gabing iyon. Hindi dahil sa kahihiyan kung 'di dahil nilagnat ako. Kahapon, magdamag akong nakahiga at masama ang pakiramdam.
Ngayon ay nagpapagaling na lang at nagpapahinga para bukas ay kaya ko nang pumasok. Iyon ay kung tatanggapin pa ako ni Brent. Matapos kasi niyang malaman na virgin pa ako ay lumabas siya ng kwarto.
Hindi ko siya sinundan dahil literal na hindi ko alam ang gagawin ko noong mga oras na iyon. Pero nang mahimasmasan ay tiningnan ko ito sa labas, wala siya roon kahit ang anino niya.
Hindi ko na rin inalam kung nasaan siya, marahil nga ay galit ito. Kaya bandang huli ay nagdesisyon na lang akong umuwi sa amin. Doon na ako tuluyang nilagnat na hindi ko rin alam kung bakit.
Kung tama bang dahil sa nangyari, o masyado lang mainit ang katawan ko noon at hindi ko kinaya? O baka pati ang paninibugho ng puso ko ay siyang dahilan?
Oo, aaminin ko naman na nadismaya rin ako— na nabitin ako.
Halos tawanan ko ang sarili. Ngayon na kahit papaano ay nakatakas ako sa gabing iyon, nandito ako at nanghihinayang.
Nasakto ring naubos na ang load ko, kaya hindi ko magawang makapag-text kay Brent. Pero bakit pa? Ni hindi nga rin siya tumatawag o nangangamusta. Ibig sabihin lang ay galit nga ito sa akin.
Totoo nga na ayaw ng mga kliyente nila Sir Ron sa mga babaeng birhen. Hindi ko maintindihan. Sa anong rason? Ayaw nila ng inosente? Ng hindi pa nababahiran? Hindi nila gusto na sila ang mauna?
Bumuntonghininga ako. Alas dies na ng umaga ngunit hindi pa ako bumabangon. Kagigising ko lang din kasi at wala pa ako sa tamang huwisyo para bumangon.
"Lalaine?" Marahan at puno ng pag-iingat nang buksan ni Mama ang pinto ng kwarto ko, dagli siyang sumilip para tingnan ako. "Pwedeng pumasok?"
Kagaya kahapon ay siya ang nag-aalaga sa akin. Hindi ko man gusto pero wala naman akong magawa. Ang mga kapatid ko ay may kaniya-kaniya ring pasok sa school. At kami lang ni Mama ang naiwan dito.
Bahagya akong tumango, rason para makaderetso siya ng pasok. Dala nito ang isang tray na may lamang agahan. Kitang-kita ko pa iyong usok na nanggagaling sa tinimpla niyang gatas.
"Kumain ka na muna para mainom mo itong gamot," ani Mama at saka inilapag ang tray sa lamesa na nasa gilid.
Hindi ako nagsalita. Nakatanaw lang ako sa mga ginagawa at kilos niya. Sa totoo lang ay ayokong magpaalaga dahil ako dapat ang gumagawa no'n sa kaniya.
Kumusta na kaya siya? Nakapagpa-check up ba sila ni Luna noong isang araw?
Ang dami kong gustong itanong sa kaniya, pero katuld pa rin ng dati, nahihiya ako. Pilit kong kinikimkim ang mga bumabagabag sa isipan ko.
"Mamaya... po..." mahina kong sagot.
Tumango siya, kapagkuwan ay pinagmasdan ang itsura ko. Nakakumot ako hanggang dibdib kaya ang mukha ko ngayon ang pinagmamasdan niya.
"Masyado ka yatang nagpapapagod sa trabaho," pagpuna niya habang nakatayo pa rin sa gilid ko. "Huwag kang mag-alala, kapag nakahanap na ako ng trabaho, hindi mo na kailangan itong gawin. Pwede ka na ring bumalik sa pag-aaral."
"Hindi..." Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, saka pa marahang umiling. "Hindi mo naman na kailangan pang magtrabaho. Rito ka na lang sa bahay."
"Paano ang pag-aaral mo? Wala ka na bang balak na tapusin ang kolehiyo? Kaya ko pa naman, Lalaine—"
"Mag-iipon ako ngayon. Sa darating na pasukan ay mag-e-enroll ako habang nagtatrabaho pa rin."
"Kaya mo ba iyon?"
"Oo, nakaya ko nga noong wala ka."
Saglit siyang tumahimik, nagulat sa sinabi ko. Maging ako man ay nabigla rin ngunit hindi ko naman na magawang bawiin pa iyon. Huminga ako nang malalim.
"Kaya ko naman siguro..." segunda ko.
"Ang inaalala ko lang naman ay baka mapagod ka kung ganoon ang magiging sitwasyon mo. Ngayon pa nga lang ay nagkakasakit ka na."
"Okay lang. Kaysa naman na wala tayong makain." Tipid akong ngumiti rito, gusto nang tapusin ang pag-uusap namin.
Tumango-tango si Mama. "Sige, basta ay huwag kang masyadong magpakapagod. Bigyan mo ng limitasyon ang sarili mo, na kapag pagod ka na, magpahinga ka."
Ako naman ang tumango. Hindi nagtagal nang lumabas din siya ng kwarto ko. Sinimulan ko nang kainin ang agahan ko at sa araw na iyon, nasa loob lang din ako ng kwarto ko, magdamag na natulog.
Kinabukasan ay maaga akong nagising dahil sa alarm ng cellphone ko. Sa ganap na alas sais ay nakaayos na ako. Peplum top na kulay white at maong pants ang suot ko, terno sa puti ko ring doll shoes.
Maaga akong nakaalis ng bahay at ngayon ay nasa biyahe na ako. Lulan ng bus ay tahimik akong nakikinig sa earphone ko. Ilang sandali pa nang pumara ako at bumaba sa tamang babaan.
Nilakad ko lang ang kaunting distansya ng Prime Stellar Solutions building mula roon sa waiting shed. Dagli akong tumigil sa tapat nito. Tinanaw ko ang loob, medyo marami ang tao roon dahil malapit na ang oras ng kanilang trabaho.
Sa totoo lang ay hindi ko alam kung may babalikan pa akong trabaho kay Brent. Baka nga nagdesisyon na itong tanggalin na ako bilang personal assistant niya, pero syempre ay alam kong may trabaho pa rin akong dapat na tapusin sa kaniya, iyon ay ang pagiging slave ko.
Nasa sa kaniya naman iyon kung hindi na niya itutuloy, nandito lang din naman ako para malaman kung may babalikan pa nga ba ako. Kung wala na ay ayos lang din naman. Itutuloy ko na lang ulit ang paghahanap ng matinong trabaho.
Bumuntonghininga hininga ako.
Ilang minuto akong nakatayo roon sa tapat, hindi rin alam kung bakit nakatulala lang ako. Mayamaya nang may biglang pumiring sa mata ko gamit ang dalawang kamay. Kaagad kong hinawakan ang braso nito— braso ng lalaki.
"Sino 'to?" Kinapa-kapa ko ang braso nito, kinikilala kung sino nga ba ito.
Pwedeng si Brent, pero para lang ako nag-aasam sa wala.
"Hulaan mo," natatawa niyang banggit.
Napangiti ako. "Renzo!"
Nakilala ko ang boses niya at hindi naman ako ganoon makakalimutin. At saka, iilan lang din naman ang kilala kong lalaki. Sa lugar namin ay puro babae ang kaibigan ko, may mga lalaki rin naman akong nakakausap doon, pero imposible naman na makarating pa sila rito.
Malakas na tumawa si Renzo bago niya tinanggal ang pagkakapiring sa akin. Tumabi ito sa akin habang ang itsura ay nang-uusisa sa mukha ko. Tinanggal ko na rin ang earphone mula sa tainga ko.
"Bakit ngayon ka lang pumasok, ha? Kabago-bago mo, absent ka kaagad?" Tumatawa pa rin siya.
Pero imbes na sumagot ay madalian kong hinawakan ang pisngi nito na may pasa. Napakislot siya para umiwas.
"Anong nangyari riyan?" nag-aalala kong tanong, kapagkuwan ay pilit iyong tinitingnan pero siya ring layo niya.
"Wala 'to! Tsismosa ka rin, e!" aniya habang panay tawa ngunit idinadaan lang niya ako sa tawa. "Huwag mo nang pansinin—"
Mula sa likuran naming dalawa ay may malakas na tumikhim. Sabay pa naming nalingunan iyon ni Renzo, si Brent iyon. Nakatayo siya roon at pinapanood kami. Kasama niya yata si Renzo at mukhang kanina pa siya naroon.
Masama ang tinging ipinupukol niya kay Renzo, tila ba nagbabanta iyon. Isang beses lang din niya akong sinulyapan. Wala pang anu-ano nang dumaan siya sa pagitan namin ni Renzo dahilan para maiiwas ko ang kamay kong nakahawak sa kamay ni Renzo.
Sabi ko na nga ba at galit siya. Nakagat ko ang pang-ibabang labi, kapagkuwan ay sinimangutan ang likod niya.
"Tara na," ani Renzo at nauna na ring maglakad, sumunod naman ako sa likod niya at tahimik siyang sinusundan.
Hindi ko na alam kung nasaan si Brent, siguro ay nauna na sa sarili niyang elevator. Kaya naman ay patuloy kong sinundan si Renzo sa kabilang daan.
"Sandali lang, Renzo!"
Ngunit bago pa man ako makalapit sa kaniya ay may humila na sa braso ko. Halos mawalan ako ng balanse. Sisinghalan ko sana ito nang makita kong si Brent iyon. Dinala niya ako sa kabilang side ng faregate.
Ilang saglit pa ay huminto kami sa tapat ng elevator niya. Pinindot nito ang button at mabilis naman iyong bumukas. Paano at siya lang naman ang gumagamit no'n dahil deretso na ito sa office niya.
Hinila niya ulit ako papasok sa elevator. Binitawan lang nang magsarado na ang pinto. Tinanaw ko ito mula sa reflection ng elevator. Deretso lang siyang nakatingin, tahimik at seryoso ang mukha.
Ngumuso ako. Bahagya ring dumistansya sa kaniya, na naging rason para tingnan ako nito mula sa reflection. Nagtama ang mga mata namin doon.
"Huwag kang mag-alala, kahit tinanggal mo na ako bilang personal slave mo, papasok pa rin ako bilang PA mo," dere-deretso kong pahayag.
Masyadong kasi akong nabibingi sa katahimikan, lalo sa presensya ni Brent.
Nagtaas siya ng kilay sa akin. "Sinong nagsabing tinanggal kita?"
"Naisip ko lang..." Nagkibit-balikat ako.
Baka kasi ayaw talaga niya ng virgin.
"Hindi pa tapos ang three months na usapan natin. So why would I?"
Oo, tama nga naman siya.