Pipikit na sana si Yvone nang biglang tumunog ang cellphone niya. Nagulat siya. Pagkakuha niya ng phone, nakita niya ang isang unknown number. Binuksan niya ang mensahe at agad itong binasa.
"I love you, Yvone. You're always in my heart. Hindi ka kailanman nawala sa isip ko, my sweetheart."
Napatulala siya matapos basahin iyon. Hindi man niya alam kung sino ang nagpadala, ramdam niyang kilala siya nito. Hindi maaaring si Apollo iyon—nasa coma pa rin ito. At kung si Lucian nga lang ang nanggugulo sa kanya, pwes! wala siyang mapapala. Kahit mas gwapo pa siya kay Apollo.
"Arrgghh! Bakit ko pa siya iniisip ngayon?"
Imbes na pag-aalala para kay Apollo ang maramdaman, bigla na lang siyang nainis.
"Lucian!!" sigaw niya habang tinatakpan ng unan ang mukha.
Bago siya tuluyang makatulog, in-off niya ang cellphone at itinabi sa unan.
---
Kinabukasan...
Napalingon si Yvone nang marinig ang ilang katok sa pinto. Pupungas-pungas pa siya nang biglang bumukas ito. Pumasok si Yaya Loty, na agad siyang binati.
"Good morning, Yvone." Nakangiti ang matanda.
"Good morning din po, Yaya Loty," antok pa ring tugon ni Yvone. Hindi niya naalala kung anong oras siya nakatulog kagabi—dahil sa mensaheng gumulo sa isip niya.
"Pasensiya na kung naabala ko ang tulog mo. Pangatlong balik ko na ‘to para silipin ka. Pero sabi ni Sir Luther, gisingin na kita. Hindi ka raw puwedeng malate sa kasal mo."
Halos mapatayo si Yvone sa gulat.
"Oo nga po pala..." Napatawa si Yaya Loty habang pinapanood ang pagmamadali ni Yvone.
"Tila napuyat ka ata kagabi sa kaiisip, iha. Excited ka na ba sa kasal mo ngayon?"
Parang huminto ang mundo ni Yvone. Hindi niya alam kung paano igaganap ang kasal kung wala si Apollo.
Paano siya magsasabi ng "I do"? Paano ang halik? Paano niya maisusuot ang singsing sa palasingsingan ni Apollo?
Tumingin siya nang diretso kay Yaya Loty, may pag-aalangan.
"Yaya... ahmm... sigurado po bang kasal ko ngayon kay Apollo?"
Tipid na natawa si Yaya Loty.
"Hindi ko rin alam, iha. Si Sir Luther lang ang makakasagot niyan. Basta isipin mo na lang na ikakasal ka sa taong mahal mo."
Pero para kay Yvone, bakit ngayon pa? Hindi ba’t mas maganda kung hintayin na lang muna ang paggaling ni Apollo? Bakit parang kabado siya imbes na masaya?
---
Exactly 10 AM...
Nasa loob na sila ng opisina ni Ginoong Luther. Suot ni Yvone ang isang simple ngunit eleganteng puting damit. Katabi niya si Lola Norie, ngunit wala roon ang mga magulang niya. Nakareceive siya ng mensahe mula sa kanila—na hindi raw sila makakarating. Naiintindihan niya iyon kahit hindi sila ang tunay niyang mga magulang.
Bumuntong-hininga siya, pinipiga ang mga kamay.
"Oh my God, Yvone! Ngumiti ka naman," sa isip niya.
Ngumiti ang mga tao sa paligid, pero siya ang hindi mapalagay. Konti lang ang bisita. Isa lang ang hindi niya kilala, kaya napatingin si Ginoong Luther sa kanya.
"Yvone, meet Atty. Rivas. Siya muna ang pansamantalang magkakasal sa inyo. Simple wedding lang muna habang nagpapagaling pa si Apollo."
"Ahmm... Gusto ko po sanang magtanong, Sir. Bakit po hindi na lang hintayin ang paggaling ni Apollo? Hindi po ba mas maganda ‘yon, na hindi tayo nagmamadali?"
Tipid na ngumiti si Ginoong Luther.
"Tama ka, iha. Pero ito ang huling bilin ng anak ko bago siya mawalan ng malay. He wanted to marry you no matter what happens. This wedding is temporary. Kapag gumaling siya, doon natin gawin ang engrandeng kasal."
"Excuse me, Mr. Rivas," dagdag ni Ginoong Luther.
"May tatawagan lang ako sandali."
Lumabas siya ng silid. Pagkalabas niya, hinawakan ni Lola Norie ang kamay ni Yvone.
"Everything will be alright, iha. Kami ang bahala sa’yo. Pag gumaling na ang apo ko, mas engrandeng kasal pa ang ipagkakaloob namin sa inyo."
"Salamat po, Lola," tipid na tugon niya.
---
Habang sila’y naghihintay sa loob, nasa hallway si Ginoong Luther, may kausap ito sa kanyang cellphone.
"Where are you? Mag-uumpisa na ang kasal," galit na sambit ni Luther.
"I'm on my way, Tito," sagot ng boses sa kabilang linya—si Lucian, na nakasuot ng paborito niyang suit.
Pagkababa ng tawag, ngumiti si Lucian sa rearview mirror habang minamaneho ang classic car na hindi niya ipinagpapalit kahit sa mga bagong modelo.
“Charming as always,” sabi niya sa sarili habang inaayos ang collar niya.
Lahat- naman sigurong babae ay mapapahanga sa kan'ya. Kahit marami pang mga babae ang nahuhumaling sa kan'ya. May nag-iisa pa rin sa puso niya na hindi niya kailanman ipagpapalit sa sinumang babae.
Pagkarating niya sa harap ng mansyon, agad siyang sinalubong ng Tito niya.
"You’re so handsome, iho," sabay tapik ni Ginoong Luther sa balikat niya.
"But you are such a womanizer." Sabay tawa nito.
"Thanks, Tito. I appreciate that. But a womanizer? Nah. I doubt it."
Ngumiti si Lucian habang pumasok sa loob ng mansyon.
Malapit na sila sa pintuan ng opisina nang biglang tumunog ang cellphone ni Lucian. Tumawag ang kanyang sekretarya. Saglit siyang huminto upang sagutin ito.
"Yes, Lina? Bakit ka napatawag?" tanong ni Lucian habang inilayo sandali ang cellphone mula sa tenga para silipin kung sino ang tumatawag.
"Sir, narito na po ‘yung report tungkol doon sa taong pinapahanap niyo," sagot ng sekretarya mula sa kabilang linya.
"Okay, just keep it on my desk. I’ll check it later," maiksing tugon ni Lucian bago niya ibaba ang tawag.
Habang naglalakad muli sila papunta sa opisina, nakita nila sa kabilang hallway si Yaya Loty, nagmamadaling papalapit habang hinahanap si Ginoong Luther. Halos hingal na hingal na itong lumapit.
"Sir!" tawag niya agad kay Luther.
"Why, Loty? Parang napagod ka yata. Anong nangyari?" tanong ni Ginoong Luther, na agad kinutuban.
"Sir, si Miss Yvone po… nagmamadaling umalis. Bigla na lang siyang lumabas ng gate. Hindi namin napigilan!" mabilis na paliwanag ni Yaya Loty.
"What?!" sabay na halos napasigaw sina Lucian at Luther. Nagkatinginan ang dalawa.
"Why? What happened?" tanong muli ni Ginoong Luther habang si Lucian naman ay tahimik lang sa tabi, ngunit matamang nakikinig.
"Hindi puwedeng hindi matuloy ang kasal... Nangako ako kay Apollo, bago pa siya mawalan ng—" Hindi na niya natuloy ang sasabihin dahil hinawakan siya ni Lucian sa balikat, marahang pinakalma.
"Tito, relax lang. Babalik 'yon," mariing bulong ni Lucian, kasabay ng bahagyang ngiti. "Trust me, Yvone isn’t the type na basta-basta na lang lalayo."
"Pasensiya na po talaga, Sir. Hindi po namin siya napigilan. Pero sabi niya… babalik din daw siya. Kaya lang, medyo mataas na po ang presyon ni Senyora Norie. Nagaalala po siya." dagdag pa ni Yaya Loty, punung-puno ng pag-aalala sa mukha.
Hindi na nag-aksaya ng oras si Ginoong Luther at agad siyang pumasok sa opisina, kasunod si Lucian.
Sa loob ng opisina, naroon si Atty. Rivas. Kalmado ang mukha, tila walang nangyaring gulo.
"Finally," sabi ni Atty. Rivas, sabay abot ng dokumento,
"She signed the marriage contract."
Napatingin si Ginoong Luther sa papel at agad niyang nakita ang pirma ni Yvone... kasama ang thumbmark nito.
Ngumiti ng malapad si Luther. Halata sa kanya ang ginhawa ng loob.
"Now, she’s married to you, Lucian. Ingatan mong mabuti si Yvone." Sabay abot niya ng marriage certificate kay Lucian.
Tinanggap iyon ni Lucian na may ngiting mayabang ngunit may laman.
"Thanks, Tito. Don’t worry... I’ll take care of her. Hindi kayo magsisisi sa ginawa n’yong desisyon." Nilagay niya ang certificate sa loob ng breast pocket ng coat niya.
"And besides," dagdag pa niya habang bahagyang naglakad palayo,
"Now that she’s mine—even just on paper for now—wala nang atrasan. She's officially my wife."
Napatingin si Luther sa kanya.
"Wag mong gagalitin si Yvone. Mahal na mahal siya ni Apollo."
Bahagyang tumawa si Lucian.
"I know. Pero baka mas mahalin niya ako... eventually." sabay kindat bago siya tuluyang lumabas ng opisina, bitbit ang lihim na alam niyang magpapagulo sa puso ng babaeng pinilit niyang mapasakanya.
*******
Halos patakbong nagtungo si Yvone sa clinic kung saan dinala ang kanyang papa. Clinic ito sa pinagtatrabahuhan ng ama niya. Hindi man niya tunay na magulang ang mga ito, hindi maitatanggi ang pag-aalala at pagmamahal niya sa kanila. Sila lang ang nagpakita sa kanya ng tunay na malasakit noon—sila lang ang pamilya niyang masasandalan.
Ang tanging bumabagabag sa kanya ngayon ay ang kanyang kinakapatid. Tatlong taon na itong hindi nagpapakita mula nang dumating si Yvone sa buhay nila. Hindi man lang ito umuuwi, walang balita—parang hindi na bahagi ng pamilya.
"Mama!" Halos maiyak na tawag ni Yvone nang makita ang ina na nakaupo sa waiting area habang may kausap na nurse.
Tumayo ang kanyang mama at agad siyang niyakap. Mahigpit.
"Ano pong nangyari kay Papa?" tanong ni Yvone, bakas ang pag-aalala sa boses niya.
Saktong lumabas ang doktor mula sa loob ng silid.
"Okay na siya, hija," wika ng doktor.
"Tumigil na ang pagdurugo ng ulo niya, pero hinihintay pa natin ang resulta ng mga tests sa katawan niya. We need to monitor him closely for the next 24 hours."
Napatingin si Yvone sa kanyang mama. "Paano po siya nahulog, Ma? Nag-iingat naman si Papa palagi, hindi po ba?"
Lumungkot ang mukha ng kanyang ina, halatang hindi rin alam ang buong detalye.
"Nahulog siya mula sa second floor, anak. Tumama ang ulo niya sa semento. Wala akong idea kung paano nangyari, pero sabi ng ibang staff, nadulas daw siya habang nag-aayos ng wiring."
Hindi mapakali si Yvone. May kutob siyang may mali—parang may foul play sa nangyari.
"Huwag ka nang masyadong mag-alala, anak. Sabi nga ng doktor, stable na siya." Hinawakan siya sa kamay ng ina.
"Kamusta naman ang kasal mo?" tanong bigla ng kanyang mama.
Napakagat-labi si Yvone. Umalis siyang hindi pa tapos ang kasal. Basta na lang siyang pumirma sa kontrata at agad na tumakbo paalis.
"Okay na po, Ma. Babalik na lang po ako bukas. Dadaan muna ako sa principal mamaya. Ilang araw na rin kasi akong absent sa trabaho."
"Sige, magmadali ka na. Ako na muna ang bahala rito sa Papa mo. Pagkauwi mo, dumaan ka sa palengke. Bumili ka ng ulam. Uuwi na lang kami ni Papa mamaya. Magluto ka na rin para may madadatnan kaming pagkain."
"Opo, Mama," sagot ni Yvone, saka siya nagpaalam at umalis.
---
Isa siyang guro sa kindergarten section ng public elementary school sa kanilang lugar. Nais niyang personal na ipaalam sa principal na papasok na siya bukas matapos ang tatlong araw na pagliban.
Nakasakay siya ng tricycle papuntang paaralan. Pagkarating niya, agad siyang nagtungo sa opisina ng principal. Doon ay nadatnan niyang abala ang mga guro sa tila maingay na pagpupulong. Tumahimik ang lahat nang mapansin siyang dumating.
"Miss Yvone!" tawag ng principal na si Ginang Merrith.
"Good afternoon po, Ma'am Merrith," magalang na bati ni Yvone.
"Maupo ka, iha," paanyaya ni Ma'am Merrith.
Umupo siya sa tabi ni Teacher Sabel, na agad siyang tinaasan ng kilay. Hindi na lang pinansin ni Yvone ang mapanuring tingin ng guro. Alam niyang hindi siya gusto ng ilan sa mga kasama niya, pero wala siyang pakialam. Hindi niya ikamamatay ang hindi nila pagtrato sa kanya ng maayos. At kahit sa lower level siya nagtuturo, alam niyang mas dedicated at epektibo siyang guro kaysa sa iba.
"Sakto ang dating mo, Teacher Yvone," wika ni Ma'am Merrith.
"Isa ka sa mga nominated na guro na a-attend sa Grand Regional Teachers’ Conference next week. Inaasahan kong makakadalo ka. Kailangan nating ipakita ang galing ng school natin. Ikaw, si Teacher Glaiza, at si Teacher Sabel ang napili."
Nagbulungan ang ilang guro sa paligid.
"Lower section lang naman tinuturuan niya, bakit siya ang kasali?" bulong ni Teacher Anna.
"Malay mo, makuha niya ang loob ni Mr. Ferros. Maganda naman siya, 'di ba?" bulong ng isa.
Napakunot ang noo ni Yvone. Mr. Ferros? That name sounds so damn familiar.
"Mr. Ferros...?" tanong niya sa isip, habang dahan-dahang lumilinaw sa kanyang alaala.
"Wait..." bulong niya sa sarili.
"Lucian Ferros?!" Ang lalaking hindi na maalis sa isip niya mula nang araw na iyon. Ang lalaking kumukulit sa isip niya.
"What the hell... siya ba ang regional head? No! Baka ibang Ferros ang tinutukoy. Hindi niya bagay sa ganoong uri ng trabaho. At heto na naman ako.... Iniisip ko na naman ang lalaking iyon na dapat si Apollo lang ang tanging nasa isip ko."
Halos hindi siya makapaniwala.
Kung totoo man iyon, paano na?!