Chapter 8

3550 Words
Hindi niya inakalang mas nauna pang mag-online sa kanyan ang lalaki at in-add siya sa f*******:. Ayan tuloy ang kilig niya na para bang naglulupasay sa sobrang tuwa. Hindi niya ugali ang mag-confirm ng mga nagpapa-add sa kanya kung kaya hanggang ngayon nasa 500 pa lang ang mga friends niya. Pero nang makitang si Jonard ang nag-friend request ay parang idinuduyan siya nito sa alapaap . Sa isang iglap confirm agad. "Onad pala ha!" Sambit niya sa sarili nang maisip na kahit alam pala niya kung ano ang apilyedo nito ay mahihirapan din pala siyang i-search iyon dahil sa iba ang ginamit nitong pangalan. Noong tinignan niya ang wall nito ay doon na siya bumulusok paitaas sa sobrang kilig dahil naka-share sa wall ng lalaki ang kantang YOU'RE THE INSPIRATION na pumailanlang sa car stereo nito kanina at may naka-caption pang I JUST FOUND MY INSPIRATION. Kunwari pa siyang nababaduyan rito, iyon pala kilig na kilig siya. Iyon bang parang dalaginding na nagsisimula pa lang makaramdam ng crush. "John, umayos ka. Hindi bagay sa'yo ang ganyan. Maari ngang malambot ang iyong puso ngunit lalaki ka pa rin!" Saway ng isang bahagi ng kanyang pagkatao. Umayos din naman siya. Bago niya naisipang maglog-out ay naisipan niyang i-download na muna iyong kanta. Mabuti na lamang at may bluetooth iyong computer na ginamit niya. Nasa kanyang kama na siya ulit ngunit gaya nung kanina, hindi pa rin siya makatulog. Sa tingin niya ay mas lalo pang naging mailap sa kanya ang antok. Sana pala nag-download na rin siya ng kantang INSOMNIA dahil iyon mismo ang nangyayari sa kanya ngayon. Dumapa siya at isinubsob niya ang kanyang mukha sa unan. Wala na, talagang bumigay na ang kanyang puso sa binata. Ngunit patuloy na pinipigilan iyon ng kanyang utak na alam niya na iyon ang dapat. Ang puso ay walang isip. Walang tainga. Walang mga mata. Tanging ang pagpintig lamang ang nagagawa nito. Ang utak ay sadyang nilagay ng Diyos sa pinakamataas na bahagi ng ating katawan upang ito ang magdidikta sa atin kung ano ang tama at dapat nating gawin. May kakayanan itong tukuyin kung ano ang tama sa mali. Ngayon, inaamin na niya, mahal na nga niya si Jonard. Ngunit kailangan niyang isantabi ang pagmamahal na iyon para bigyang daan ang mga pangarap niya sa buhay. Kinakailangan na muna niyang may marating. May maipagmamalaki. Bilang sa ipinangako niya sa ibabaw ng puntod ng kanyang ina. Kailangan niyang unahin ang kanyang mga priorities, at ang pumasok sa pag-ibig na iyan ay hindi kabilang. Matapos ang huling subject sa hapon ay natungo na muna si John sa library upang isauli ang mga hiniram niyang libro. Nang palabas na siya sa aklatan, tumambad sa kanyang harapan ang nakangiting si Jonard. Hindi niya inaasahan iyon. "Anong ginagawa mo rito?!" Ang tanong niya. "Can I invite you for a dinner. And I don't entertain a 'no' answer!" Ang wika naman ni Jonard sabay angat sa dalawa nitong kilay. Iginiya naman niya ang mga mata sa paligid. Umaasang walang ibang taong nakarinig sa sinabi ng binata. Hindi naman kasi karaniwan iyon sa isang lalaki na susunduin ang isang lalaki at yayayain na mag-dinner. Hanggang ngayon kasi ay takot pa rin si John na pagdududahan ang pagkatao niya Mukha namang hindi siya makatanggi sa isang ito kaya napapayag na siya. At lubos naman ang kasiyahan ni Jonard ang nababanaag sa kanyang mukha. Nang nasa loob na sila ng kotse nito ay sinabi niyang magpapaalam na muna siya kay Fred at Shawie dahil paniguradong naghihintay na ang mga iyon sa kanya sa flowershop. Tumalima naman si Jonard sa sinabi niya at pinatakbo na nito ang kotse patungo sa kanilang flowershop. Nasa kalagitnaan pa lang sila ng highway ay pinigil din naman niya ang binata at sinabing ete-text na lamang niya si Shawie para deretso na sila sa kanilang pupuntahan. Pero ang totoo niyan, ayaw lang niyang makita sila ni Jonard na magkasama at baka kung ano pa ang iisipin ng mga iyon. Lalo na si Fred na nagsimula ng makaamoy sa kanya. Kahit naman kasi kapamilya na niya ang mga iyon ay wala pa siyang balak na mag-out sa mga ito. Nang umarangkadang muli ang sasakyan sa lugar na pupuntahan nila ay saka pa lang naisip ni John na naka-uniporme nga lang pala siya. Taliwas sa suot ng binata na napakapormal. Kung sabay silang lalabas, mapagkamalan siyang alalay nito. Dapat sana pala dumaan na lang muna siya ng bahay para makapagbihis at makaligo na rin. Kaya bigla niyang nasambit na hindi na lamang siya tutuloy na siya namang ikinabigla nang husto ni Jonard. Naapakan pa nga nito nang hindi sinasadya ang brake ng sasakyan. "Sa gwapo mong iyan, mahihiya ka? Ang biglang bulalas ni Jonard sa kanya. Tiningnan niya ang kanyang sarili bago sumagot. "Wala pa kasi akong ligo. Saka nakauniporme lang ako, tingnan mo!" "Iyon lang ba ang inaalala mo. Akala ko aatras ka na dahil sa pang-uyam ko sa'yo kanina. Takot ako roon ah!" "At bakit ka naman takot?" "Dahil bigo akong maka-date ang pinaka-gwapong Business student ng UST!" Sabay tawa. Hayun na naman ang kilig niya. Katahimikan. Medyo malayo rin ang kanilang binyahe. Hanggang sa namalayan na lamang niyang pumasok sila sa isang exclusive na subdivision sa Quezon City. Halos malula siya sa ganda ng mga bahay na kanilang nadadaanan. Sa tatlong taon niya sa Maynila, ngayon lamang siya nakapunta sa ganoong lugar. Sinong mag-aakalang nasa Pilipinas lamang siya at wala sa ibang bansa. Huminto sila sa tapat ng isang napakatayog na gate. Rehas iyon kaya tanaw niya ang napakagandang bahay na nasa loob. "Nandito na tayo..." Si Jonard ang nagsalita. "...Okey lang ba sa'yong pumasok tayo sa loob? Baka kasi maging hysterical ka naman, gaya nung minsang dinala kita sa hotel" "Diyan ba tayo magdi-dinner?" Ang tanong naman ni John na hindi parin naalis ang mga paningin sa magandang bahay. "Hindi. Ang isang kagaya mo ay sobrang espesyal para sa akin kaya bago kita dalhin sa kung saan, kailangan muna kitang dalhin sa aking pamamahay upang ipakilala sa mga taong malapit sa akin" Puno ng pagamamahal na sabi sa kanya ni Jonard dahilan para mapalunok siya. Hindi niya alam kung ito ba'y isang biro. May hatid iyong sobrang tuwa sa puso niya na para bang ipinaghehele siya nito sa ere. Batid niya talagang pinagsusumikan nitong kunin ang kanyang tiwala. At pinaninindigan nito na siya ay isang tunay na kaibigan "A-ayos lang ba Tisoy na pumasok na muna tayo sa loob?" Untag sa kanya ni Jonard sa biglaang pananahimik niya. "Oo, ayos lang Onad" Iyon ang bagong tawag niya sa binata. Pagkasabi niyang iyon ay bumusina na si Jonard upang mapagbuksan sila ng gate. Nang nasa loob na sila ng bahay ay doon niya napagtanto kung gaano kayaman sina Jonard kahit wala pa namang ikinukwento ito tungkol sa buhay niya. "Ang yaman n'yo pala Onad!" May halong pagkamanghang tinuran ni John habang iginiya ang mga mata nito sa kabuuan ng bahay. "Ang mga magulang ko lang ang mayaman, Tisoy!" "Pwede ba 'yon? Anak ka nila, e di, mayaman ka rin" Ngumiti lang si Jonard. Nang nasa may sala na sila ay sinalubong naman sila ng isang may edad ng babae. Ayon sa pagpapakilala nito sa kanya, siya iyong nag-aalaga kay Jonard simula nung maliit pa lang itong bata. Si Manang Laura. Ipinakilala naman siya ni Jonard sa matanda bilang matalik nitong kaibigan. Nagulat naman ang huli dahil ito ang pinakaunang beses na nagdala ng isang kaibigan ang binata sa bahay. Kahit kailan kasi ay wala itong ipinakilala, ni girlfriend nga ay wala. Nagpaalam sandali si Jonard upang ihanda ang banyo niya sa kwarto sa taas upang makaligo si John. May titingnan din siyang damit na babagay na ipasuot sa binata. "Iho, paano nga pala kayo nagkakilala niyang alaga ko?" Ang tanong sa kanya ng matanda nang sila na lamang dalawa ang naiwan sa sala. "Nagsimula po kasi iyon Manang noong nabundol niya ako" Ang sagot naman niya. "Ah, ikaw pala 'yong sinasabi niyang nabundol niya at naging kaibigan niya na gustong ipakilala sa akin" "Ako nga po. Naikwento niya pala sa inyo?" "Oo, pero naguguluhan lang ako. Ang sabi niya kasi may nabundol daw siya at naging crush na niya ngayon. May maganda raw itong mga mata. Matangos ang ilong. Mamula-mulang mga labi at pisngi. Maputi at matangkad. Nasaisip ko na isang napakagandang dilag ang dadalhin niya rito at ipakilala. Pero nang makita ko na ikaw na isang lalaki ang dinala niya rito ay mukhang taliwas naman iyon sa inaasahan ko. At kung ikaw nga ang nabundol niya, ay naku, sana naman mali ang iniisip ko. Sana hindi bakla si Sir!" Magsasalita na sana si John nang marinig niya ang tawag sa kanya ni Jonard upang makaligo na. Nagpaalam siya sandali sa matandang nakatatak sa isip niya ang sinabi nito tungkol sa nabundol ni Jonard at crush nito. Sa pagkakaalam niya, siya lang naman ang nabundol ng binata at wala ng iba. Kung ganun, siya ba ang tinutukoy na crush nito? May kung anong dalang kiliti naman iyon sa puso ni John. Ngunit sinabi niya rin sa sariling huwag siyang maging assuming. Hindi naman siguro silahis ang binata. "Kailangan ko ba talagang magsuot ng ganito?" reklamo ni John habang tinitingnan ang sarili sa salamin suot ang itim na longsleeve na tinupi hanggang sa siko at itim din na semi-fit na pantalon. Fully black. Lalong tumingkad ang maputi niyang balat. "Maganda diba at bagay na bagay sa'yo, Tisoy!" Bulalas naman ni Jonard na may kakaibang kislap ang mga tingin nito sa kanya. Napapalunok. Hindi naman sa ayaw ni John ang bagong itsura niya dahil maging siya mismo ay napapahanga sarili. Hindi lang talaga siya sanay na magsuot ng ganoon ka pormal na kasuotan. Mas lalong napapahanga si Jonard kay John sa nakita nitong ayos. Gwapong walang duda ang binata. Iyong guwapo na mapapalingon ka talaga at hindi ka magsasawang ito ay titigan. Ngunit batid niyang kulang ito sa self confidence at hindi naman niya ito masisi dahil ito ang kauna-unahang beses na magsuot ito ng ganoong damit kaya pinapalakas niya ang loob nito. "Diba sabi mo kaninang nahihiya kang sumama sa akin dahil sa naka-uniporme ka lang, so ngayon magsing-guwapo na tayo oh tingnan mo. Walang panama sayo si Alden Richard na bagamat pareho kayong may dimples pero di-hamak na mas gwapo ka pa rin sa kanya. Be confident Tisoy. You've got the looks that will surely catches everbody's attention!" Napakingiti naman si John sa mga compliment sa kanya ni Jonard. Sa kabilang banda tama rin naman ang sinabi nitong dapat maging confident siya sa kanyang sarili. Mawawalan ng saysay ang talino at pagiging maitsura ng isang tao kapag wala itong confidence sarili. Sa isang mamahaling restaurant siya dinala ni Jonard. Pinili nito ang pinakasulok na mesa. Ang binata na rin ang nag-order ng pagkain para sa kanya. Wala rin naman kasi siyang alam na putaheng nakalagay sa menu. Tanging mga ordinaryong pagkaing Pinoy lang naman ang alam niya na kadalasang nakahain sa kanilang mesa. Hindi naman ganoon ka seryoso ang kanilang naging usapan habang sila ay kumakain. Mga simpleng biruan at kunting bolahan lang ang naging takbo ng kanilang pag-uusap. Ini-enjoy lang nila ang mga sandali habang sila ay magkasama. Ngunit hindi pa rin maalis ni John ang pagkailang tuwing nahuhuli niyang pinupukulan siya ng malalagkit na titig ng binata. Iyong titig na parang nangungusap at may nais na ipabatid. Kung anuman iyon, hindi niya alam. Basta ramdam niya lang. "Marami nga palang salamat, Onad" Ang sabi niya nang malapit na siyang matapos kumakain. "Salamat saan?" Ang tanong naman ni Jonard habang nilalagyan ng redwine ang kopetang nasa malapit sa kanya. "Sa lahat. Hindi kasi ako nagkamaling kaibiganin ka. Nang una kasi ay nahusgahan ko ang pagkatao mo" Sabay tungga sa kopetang may redwine. "Walang anuman yun, Tisoy. At hindi rin ako nagkamaling kaibiganin ka. Noong una pa lang kasi kitang makita, I felt something special for you. Not just a mere friend but more than that!" Deretsahan nitong wika sa kanya na ikinabilog ng kanyang mga mata. "What do you mean?" "We're not born yesterday para hindi natin alam kung ano itong mga nararamdaman natin" May gitla na gumuhit sa noo ni John sa napakalayong sagot na iyon ni Jonard. Hindi naman kasi iyon ang kanyang inaasahan.Naguguluhan siya. Mukhang napansin naman iyon ng binata kaya muli itong nagsalita. "Gusto kita. Or shall I say, mahal kita. Hindi bilang isang kaibigan kundi bilang isang katipan. Isang Kasintahan" Halos maibuga ni John ang redwine na kalalagok pa lang niya sa walang kagatol-gatol na pahayag sa kanya ni Jonard. Tama ba ang dinig niya? Hindi kaya ito nalalasing lang? O baka naman siya iyong lasing na? Pero nakaisang lagok pa lang naman siya. Hindi pa nga nangangalahati iyong laman ng kopita at isa pa manamis-namis din iyong alak kaya siguradong hindi siya lasing. At lalong hindi din naman lasing si Jonard dahil kasisimula pa lang din nitong uminom. "A-ako ba ang tinutukoy mo?" Maang-maangan niyang sagot. "May iba pa ba? Ikaw lang naman ang kaharap ko Tisoy at wala ng iba!" "Pero bakit ako? Alam mo namang—?" "—Yes I know, pareho tayong lalaking nagkakagusto rin sa isang lalaki!" Putol ni Jonard sa sasabihin niya na siya namang labis niyang ikinagulat. Napayuko siya. Nag-aapuhap siya ng sasabihin.Nasukol na nito ang pagkatao niya. Paano pa niya iyon itatanggi. Kabaro na niya ang nagsabi nito, iiwas pa ba siya? "Hindi ko naman ipagpipilitan ang sarili ko sa'yo kung talagang kaibigan lang ang pwede mong maibigay sa akin. Alam ko, sa tulad nating nasa gitna ay hindi nauuso iyong tipikal na ligawan na katulad sa isang normal na lalaki at babae . Sa tulad natin, unang tingin pa lang, alam na nating kung gusto ba natin yung tao o hindi. Wala ng maraming salita. Kusang damdamin ang kumikilos. Pero sa tingin ko, mukhang dadaan pa ako sa tipikal na ligawan dahil nga hindi ka pa ganoon ka open sa ganitong relasyon" "Bakit ako pa? Ano bang nakita mo sa akin?" Sa wakas nakapagsalita rin si John. Nagawa na rin niyang makipagtitigan sa binata. Mahal din naman niya si Jonard. Mahal na mahal. Kung pwede nga lang, sasagutin na niya ito agad. Kaya lang gusto na muna niyang sukatin ito. Kung gaano ito katapat at kasiguradong mapanindigan siya nito. Unang beses niyang magmahal at ipagkatiwala ang puso sa iba, kaya nararapat lang na ito ay kanyang susuriin. Kailangan niyang pagtimbangin kung ano ang mas uunahin, ang pag-abot ba sa mga pangarap niya o ang pumasok sa isang relasyon? "Hindi ko alam" Simpleng tugon ni Jonard. Sabay tungga ng redwine sa kopita. Sinaid niya ang laman nun. "H-hindi mo alam? Kasasabi mo lang na mahal mo ako tapos hindi mo naman pala alam ang kadahilanan?" Dismayadong pahayag ni John. Sinaid din niya ang laman ng kanyang kopita. Hindi niya inaasahan na ganoon ang sagot ng binata. "Kailangan ba na kapag magmahal tayo ay may dahilan at kalakip na paliwanag o may kundisyon? Hindi pa pwedeng sundin na lang kung ano ang itinitibok nito?" Ang sagot din naman ni Jonard sabay turo sa dibdib nito. "Kung sabihin ko sa'yo na kaya kita minahal dahil mabait ka, paano naman kung sa kalaunan ng pagsasama natin ay hindi ka na maging mabait, mawawala na din ba pag-ibig ko niyan? Kung minahal naman kita dahil sa gwapo ka, paano naman kung tatanda na tayo, mangungulubot at mapanot na, ibig sabihin lang ba niyan maglalaho na rim ang pagamamahalan natin dahil hindi na tayo tulad ng ating kabataan na may maayos pang itsura? Tisoy, ang tunay na pag-ibig ay hindi naghahanap ng dahilan o katwiran, kusa itong nararamdaman. Wala rin itong kundisyon dahil puso ang nagpasya nito at hindi ang isip. Kung ang iniisip mo naman ngayon ay tungkol sa pareho tayo ng kasarian. Ang pag-ibig ay para sa lahat. Hindi natin pwedeng lagyan ito ng label na katulad ng sa comport room na may nakabitin ng "MEN" at "WOMEN" dahil walang kasarian ang tunay na pag-ibig" Napag-isip na John na may punto ang lahat ng mga sinabi ni Jonard. Bakit ni minsan hindi sumagi sa isip niya ang ganoon. Masyado kasi niyang dina-down ang sarili. Naikintal niya sa kanyang isip na ang tulad niya ay wala ng karapatang umibig at ibigin. Pero dumating itong si Jonard sa buhay niyang higit pa sa isang kaibigan ang pagtatangi nito sa kanya. Tatanggi pa ba siya? Hindi man niya aminin pero minsan rin siyang nangangarap na balang araw may magmamahal rin sa kanya gaya ng pagmamahal niya at tanggap siya sa kabila ng estado niya sa buhay. Pero naisip niya ang kanyang mama. Ang ipinangako nitong magtatagumpay siya sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Kung tuluyan siyang magpadala sa pag-ibig, matutupad pa kaya niya ang mga pangarap nilang mag-ina? Nagdadalawang isip siya. Naroon pa rin ang mga agam-agam niya. "May mga pangarap pa ako na gustong abutin. Sa ngayon, pag-aaral ko na muna ang siyang pagtutuunan ko ng pansin. Saka na lang ako papasok sa ganyang bagay kapag nakapagtapos na ako!" Hinawakan ni Jonard ang kamay niya. Mahigpit iyon. Damang-dama niya ang init niyon na tumutupok sa kanyang kaibuturan. Ngunit hinayaan niya lamang iyon. "Hindi naman nangangahulugang kapag nagmahal ka masisira na nito ang iyong pag-aaral at hindi mo na maabot ang iyong mga pangarap. Bakit hindi mo subukang gawing inspirasyon ang pagmamahal ko sa'yo, John?" "Nasasabi mo lang iyan Jonard dahil hindi mo naranasan ang maghirap. Nakapagtapos ka na rin at may mga naipundar na kaya madali lang sa iyo ang sabihin iyan!" "Hindi ko man naranasan ang hirap na dinanas mo. Oo nga't nakapagtapos na rin ako pero hanggang ngayon hindi ko pa rin naaabot ang aking mga pangarap, ang mahalin ng taong mahal ko, ang mahalin ng mga magulang ko at intindihin ako sa kung ano mang gusto kong gawin sa buhay at hindi iyong ipinagpilitan nilang gusto na sa tingin nila ay tama!" Doon niya nakitang may kunting butil ng luha ang nangilid sa mga mata ng binata lalo pa't sinimulan na nitong ikwento ang istorya ng buhay nito mula noong siya ay bata pa hanggang sa kasalukuyan. Hindi pala lahat ng mayayaman ay may natatamasang tunay na kaligayahan sa buhay. Kailanman ang salapi ay hindi ang siyang nakapagpapasaya sa tao kundi ang pagmamahal. Sinong mag-aakalang sa kabila ng masayahin nitong mukha. Sa kabila ng tamis ng ngiti nito at tawa ay naroong nakakubli ang isang kalungkutan. Pangungulila sa magulang at paghahangad na mahalin ng taong tinatangi nito. "Hindi sa pini-pressure kita, pero gusto ko lang marinig ang 'oo' o "hindi" mula sa'yo. Kung meron ba akong pag-asa o wala!" Napabuntong-hininga si John. Pakiramdam niya masyadong nakakabakla na. Talagang sinusuyo na siya. Ang totoo niyan mahal din naman niya si Jonard pero parang hindi pa talaga siya handa. Parang natatakot ba sa kung anong sasabihin ng mga tao pag nalaman ang kanilang relasyon. Hindi kaya maapektuhan ng pang-aalipusta ang kanyang pag-aaral? Tinitigan niya muli ang binatang nag-aabang sa kanyang sagot. Kitang-kita niya ang malamlam nitong mga mata. Nakikiusap. "Hayaan mo muna akong makapag-isip. Sobrang dami lang ng aking inaalala sa ngayon!" Kung nagkataong andito lang si Fred kasama niya at narinig ang ligawang nangyayari, malamang nabatukan na siya nito sa kaartehan niya at nasabing, " Ano yan te, dalagang bukid lang? Maria Klara? Virgin? Baka naman pagsisibakin mo pa 'yan ng kahoy bago mo ibigay ang matamis mong oo. Diyos ko naman, chossy ka pa niyan? Ang guwapo na o!" Pero talagang pinanindigan niya ang kanyang sinabi. Humihingi siya ng kunti pang panahon para makapag-isip. Nakita niya ang pagsilay ng isang mapait na ngiti ng binata. Hinawakan uli siya nito sa kamay. Pinisil iyon. Bakas pa rin sa mukha nito ang pag-asa. Hinatid siya nito pauwi hanggang sa eskinita papasok sa kanilang bahay. Bago nito muling pinatakbo ang kotse sinabi nitong isang linggo siyang mawawala para sa isang seminar. "I Love you!" Ang huling katagang kanyang narinig mula rito na tanging isang matamis na ngiti ang kanyang naging tugon. Isang linggo ngang hindi na muna nagpakita si Jonard sa kanya. Wala siyang text o tawag na natatanggap mula rito. Naisip niyang sinadya nito marahil para makapag-isip siya nang mabuti at upang hindi siya ma-pressure. Naging epektibo naman ang ginawang iyon ng binata dahil nami-miss na niya ito nang husto. Kung dati hirap siyang makatulog sa kaiisip dito, ngayon, ay talagang inaabot siya ng madaling araw bago makatulog. Walang duda, mahal na niya si Jonard. Tama nga ang sinabi nito, hindi naman nakakasira ang isang pag-ibig sa pagkamit ng mga pangarap kung gagawin itong inspirasyon. Tamang kontrol at pagdadala lang naman ang kailangan upang hindi mawala sa tamang direksiyon. Napansin din niyang naging mas ganado siya sa pag-aaral habang iniisip ang binata. Hay pag-ibig nga naman! Naisip niyang tawagan na lamang ito upang ipabatid ang kanya ring pagtatangi sa binata. Ngunit naisip niyang hintayin na lamang ang araw na muli silang magkita nito para personal niyang masabi iyon. Nagpaka- Maria Klara na rin lang siya, paninindigan na niya. Isang gabi ng Sabado habang naghugugas siya ng mga napagkainan nila sa lababo ay nagulat siya sa malakas na sigaw na may kasamang tili ni Fred habang nakatotuk sa telebisyon sa may sala. Ngunit naisip niyang baka may kinakiligan lang itong palabas kaya nagkaganun. Pero maya-maya lang ay, "Tisoy, halika dali!" Ang tawag nito sa kanya. Hindi naman kasi kalakihan ang kanilang bahay kaya dinig na dinig niya iyon. "Bakit ba? Naghugugas pa ako ng mga plato e!" Sigaw din naman niya. Hindi na muling sumagot pa si Fred. Sa halip bigla siya nitong pinuntahan sa kusina at hinila patungong sala. "Kung ano-ano 'yang mga pinapanood mo idadamay mo pa ako!" reklamo pa niya habang hawak ni Fred ang isa niyang braso. Ang isang kamay naman niya ay napakamot sa ulo. "Panoorin mo, Tisoy!" Ang kinikilig nitong sabi na akala mo'y nasasaniban na habang tinuturo ang telebisyon. Napatutok din naman si John. At nagulat din siya sa kanyang nakita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD