BAHA
__
PALAKAS nang palakas ang hangin nang umuwi si Melody sa bahay nila. Mabuti na lang at nakasakay naman agad siya, hindi siya nahirapan kahit na maraming pasahero nakabantay sa daan.
Pauwi na siguro sa mga kaniya-kaniyang bahay ang mga ito dahil nga sa nagbabantang sama ng panahon.
Inuna niyang puntahan ang kandila niyang nakahanda. Matagal na iyong nasa drawer nila ng asawa niya.
Hinde naman nawawalan ng kandila si Benjie lalo na't maya-maya ang brown out sa kanila— ganoon din iyong mga pagkakataong hindi sila nakapagbabayad ng kuryente.
Mas gugustuhin pa nilang mawalan sila ng mga de-latang stock pero ang kandila hindi pweding mawala sa bahay nila.
Hindi niya muna inalala ang nangyari sa lakad niya, gusto niya muna paghandaan ang bagyong darating ngayon.
Kahit na sa bus na sinakyan niya narinig niya rin ang balitang iyon at sa malakas na usapan ng mga pasaherong nasa tabi at sa likod niya. Mabuti nga ay may nasakyan pa siyang bangka sa terminal.
Umusal siya nang panalangin kasama na rito na sana ligtas din si Benjie sa darating na sama ng panahon. Nang sa pagtingala ni Melody, nakita niya ang naka-awang na yero sa bubuong niya sa maliit na sala nila ni Benjie.
Sumilip siya sa bintana. Mas dumilim na nga ang panahon isabay na siguro ritong mag-a-alas-sais na rin naman ng gabi.
Binalingan ng pansin ni Melody ang pagkain niya. Kahit nakakaramdam siya ngayon ng pagkabalisa dahil sa pagkawala ni Benjie hinde siya dapat magpabaya. Buo ang pag-asa niyang babalik ito at makikita ulit nila ang isa't isa; magsasama sila sa ginhawa at sa lahat ng hirap na ipaparanas sa kanilang dalawa.
Nagmadali siya para iligpit ang mga damit nilang nasa karton lang ilalagay niya ito sa papag na higaan nila. Hindi naman bahain sa lugar nila dahil sinigurado ni Benjie ito n'on bago sila magpatayo ng isang maliit na barong-barong.
Napasinghap si Melody dahil wala man lang silang TV hindi niya tuloy malalaman kung ano na ba ang balita sa lagay ng panahon. Hindi naman kasi nila priority ni Benjie ang bagay na iyon.
Gastos lang madalas niyang sabihin sa sarili, kapag tinatanong siya ni Benjie na kung gusto nya ito. Pero heto nga at kailangan niya ngayon. Wala naman siyang cellphone tulad ng nakita niya kanina sa ibang touchscreen, Nokia 3310 lang ang cellphone na mayroon siya tanging text lang ng pag-asa ang natatanggap niya para sa update.
Nang maalala ang selpon niya, nilabas niya ito sa bag niya't nagpasyang i-charge muna. Malaking bagay kung full ang battery niya, nang nasapo niya ang nuo dahil hindi man lang siya nag-load.
Ano pa ang perang gagamitin nya kung ubos na ito sa pamasahe niya paroon at parito. Halos singkwenta na nga lang ang pera niya.
Awang-awa siya sa sarili niya.
Wala naman siyang magagawa dahil baka— sinubukan lang siya ng panahon kung hanggang kailan siya malakas. Tapos na siyang umiyak, kailangan niyang magpakatatag ngayon. Hindi man siya sinanay ni Benjie mag-isa sa loob ng limang taon, tatatagan niya ngayon ang loob niya dahil iyon ang kailangan niya. Magiging proud sa kaniya si Benjie kapag nalaman nitong tumatayo siya sa sarili niyang mga paa.
__
"MISS PRIYA, TOUCH DOWN NA PO AKO SA LA UNION."
Hininto ni Priya ang ginagawa nang makatanggap ng tawag mula kay Mae. Kaninang umaga ito umalis papunta ng La union ilang-oras lang naman ang flight mula Manila hanggang San Fernando kaya inaasahan niya na talagang nakarating na ito at heto nga tumawag na ito sa kaniya.
"Mabuti naman. Kamusta?" masaya niyang tanong dito.
"Okay naman, Ms. Priya. Salamat naman at nakarating ako sa kabila ng bagyo," sagot nito sa kaniya.
"Pupunta ka na ba sa lugar ni Ben?" tanong niya.
"Oo. Bagyo nga rito, Ms. Priya. Lumalakas na rin ang hangin sa labas ng paligid. Sana bago mag land fall makarating ako sa bahay nina Ben."
"Oo, Mae. Please. Gawin mo ang lahat para maabutan mo sila para mailikas mo sila kung kinakailangan."
Nagpaalam na sa kaniya si Mae, dahil dumating na raw ang grab car na pina-book nito. Umusal na lang siya ng panalangin na maging ligtas ito. Hindi pweding may mangyaring masaya kay Mae, ganoon na rin sa pamilya ni Ben.
LA UNION 4:30 PM
"TAO PO... TAO PO.."
Malakas na pagtawag ni Mae sa tao sa labas ng bahay nina Ben. Sinigurado sa kaniya nang napagtanungan nya na ito na nga ang bahay ng pamilya nito.
"Tao po.." Muli niya pang untag.
Isa pang pagtawag ang pinakawalan niya nang bumukas ang pinto nilabas nito ang batang lalaking sa tantiya nasa sampung taong gulang.
"Bakit po?" tanong nito sa kaniya.
"Nandiyan po ba si Manang Berna?" ganting tanong niya rito. Hindi ito bumaba sa maliit na terasa na mayroon ito sa maliit ding bahay na gawa sa kalahating semento at kalahating plywood.
"Bakit mo po hinahanap si mama?" tanong nito sa kaniya.
"Kaibigan ako ng Kuya Benjie mo, pwedi ko ba siyang makausap?"
Napataas kilay siya dahil mas lalo nang dumidilim ang buong paligid kailangan niya nang mailikas ang mga ito.
"Sino ba iyan Benoy?" May isang ginang ang lumabas. Ito na siguro ang nanay ni Benjie, aniya ng isip niya.
"Sino ka?" tanong nito sa kanya.
"Ako po si Mae, Ma'am. Kaibigan ako ng anak niyong si Benjie."
May liwanag siyang nakita sa mga mata nito pagkarinig sa pangalan ni Benjie. Lumabas ito at pinuntahan siya.
"Ano sabi mo? Kaibigan ka ng anak ko?"
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa, paa hanggang ulo. Parang sinisino siya. Kung pagmamasdan niya ito mukha ngang simple lang ang pamumuhay ng mga 'to. Payat ang ginang ganoon din ang kapatid ni Benjie.
"Oho. Huwag ho kayo mag-alala tungkol kay Benjie. Okay lang ho siya, katunayan po pinapunta ako ng kaibigan kong nag-alalaga sa kaniya ngayon para makita kayo at madala sa kaniya."
Nilingon nito ang anak nyang nasa pinto.
"Dadalhin mo ako sa anak ko? Kamusta ang anak ko?"
"Okay lang ho siya. Kung gusto niyo ho siyang makita, dadalhin ko po kayo sa kaniya para po mailikas ko rin kayo dahil mukhang may babagsak na bagyo dito," kumbinse niya rito.
Mukha naman itong nakumbinse sa mga sinabi niya. Inakay siya nito sa loob ng bahay nila. Sa isip ni Mae, mukhang hindi naman siya mahihirapang madala ito. Mukhang magagamit nga ni Miss Priyanka, ang sitwasyon ng mga ito para manatili ang lalaki sa tabi nito hanggang sa gumising na ang lalaking hindi magawang iwan kahit sandali lang sa hospital.
___
Trevor Santillan Hotel 5:45 PM • LA UNION.
••
NAGAWANG isama ni Mae ang magulang ni Benjie pati na ang mga dalawang nakababatang kapatid nito sa isang hotel. Dala ang iilang gamit at damit na sinabi niyang dalhin ng mga ito pansamantala habang narito sila. Hindi niya pa nagawang ipaalam kay Priyanka ang magandang balita dahil gusto niya muna sabihin sa magulang ni Ben ang pakay niya sa mga ito.
"Ang sabi mo kanina kaibigan ka ni Ben hindi ba?" tanong nito sa kaniya. Hinarap nila akong umupo sa sofa pagkatapos ayusin ang mga gamit sa tabi. Tumingin siya sa mga kapatid ni Ben na abala sa panunuod ng TV sa kaliwang bahagi; mukhang sabik na sabik ang mga ito.
"Opo."
"Paano kami nakakasiguradong kaibigan ka nga ni Benjie?" tanong ng tatay ni Ben. Sa isip ni Mae mukhang dito siya mahihirapan, dahil pansin niya ang pagiging mailap nito.
"Ito ho.." Mula sa bag niya kinuha niya ang xerox ng ID ni Ben, ganoon din ang picture nitong nasa 82|10 niyang cellphone.
"Ano ang nangyari kay Totoy? Hospital ba ito? Bakit siya nandito? Kamusta siya?" sunod-sunod na tanong ng nanay nito.
Tiningnan mariin ng tatay ni Ben ang mga pinakita niya't tumingin nang nagtatanong sa kaniya.
"Maayos na po ang lagay niya."
"Ano ang nangyari sa kaniya?" tanong ni Manang Berna.
"Tulad ho nasa maayos ng lagay si Ben. Nagpapagaling na lang ho siya."
"Oo nga. Nagpapagaling kamo? E, ano nga nangyari sa kaniya?"
Tinampal sa braso ng ginang ang asawa nito nang marinig nitong tumaas ang boses na kinalingon pa ng dalawang bata sa isang gawi.
"Nasagasaan ho siya. Pero tinulungan na ho siya ng kaibigan ko para maging maayos ang lagay niya, wala go kayong dapat intindihin sa bayarin at pagpapagaling ni Ben. Nasa maayos hong kamay siya sa Manila," tugon niya.
Gusto niyang kunin ang mga loob nito sa gayon madala niya ang buong mag-anak sa pamilya. Gusto niyang sumama ang mga ito sa kaniya bago pa may makaalam na iba sa kalagayan ni Ben at makarating sa taong iniiwasan niya. Hiling niya na sana hindi ipaalam ng mga ito sa babaeng kinakasama ni Ben na hindi pa alam ni Priyanka.
"Alam na ba ni Melody 'to?" mahinang tanong ni Mang Amboy. Napalunok si Mae nang lihim dahil sa pangalan ng babaeng nasambit nito. Lihim niya ring pinalangin na sana hindi ito ang babaeng iniisip niya kani-kanina lang.
"Bakit pa natin ipapaalam sa babaeng iyon, Ambrosio? Iyon ang dahilan kung bakit pumunta ng Manila si Benjie at nasagasaan ito, dahil sa luho ng magaling na babaeng iyon!" Pasaring ni Ginang Berna.
Kuntento siyang pinakinggan lang ang mga ito. Mukhang hindi siya mahihirapan sa nanay ni Ben, aniya ng isip niya.
"Hindi pweding hindi malaman ni Melody ang kalagayan ni Benjamin, Berna. Mag-asawa ang dalawang iyon. Hahayaan mo na lang bang mag-alala si Melody kay Benjie kapag hindi nito nalaman?" dugtong pa nito.
Umiling-iling si Berna sa harap ng asawa. Mukhang buo ang desisyong walang sasabihin sa babaeng pinagpipilitan ng ama nito.
"Sandali lang ho.." aniya.
"Matinding bilin ni Priyanka sa ngayon na walang pweding may makaalam dahil baka nasa panganib si Ben, dahil hindi pa nakikilala ang sumagasa rito. Pwedi ho ba iyon?" pagsisinungaling niya.
"May asawa ang anak namin, Hija.." ani ni Mang Amboy.
"Ambrosio, ano ba! Hindi mo ba narinig si Mae, walang ibang pweding may makaalam. Naiintindihan mo ba iyon? Baka hiwalay na silang hindi lang natin alam kaya nasa Manila si Benjamin, kaya hayaan mo na lang pwedi ba! Huwag mo na lang intindihin ang babaeng iyon, dahil kung hinahanap nito si Benjie pumunta na ito sa atin noon pa para ipaalam!" mahabang pagkakasabi ni Aleng Berna. Lihim siyang natuwa sa naririnig na pag-uusap ng mga ito. Mukhang magkakaroon sila ng kakampi ni Priyanka sa katauhan ni Aleng Berna.
"Kayo ang mag-usap diyan."
Sinundan niya ng tingin si Mang Amboy. Naiintindihan naman ni Mae kung bakit ganoon na lamang ang mga sinasabi nito. Inalam niya ang tungkol sa pangalan ng babaeng nabanggit nito kanina sa kaniya. Mas aalamin niya pa ang lahat ng tungkol dito kapag gumanda ang panahon. Malaking pera ang binigay sa kaniya ni Priyanka, para sa lahat ng inuutos nito sa kaniya. Mahigpit nitong bilin na huwag na huwag pababayaan ang pamilya ni Miguel, huwag niya daw ito gutumin. Kung kinakailangan niya pa ng pera huwag daw itong mag-atubiling tumawag dito.
"Aleng Berna, gusto ko po sana sumama kayo sa akin sa Manila."
"Ha?" gulat na turan nito sa kaniya.
"Wala kaming pera, Mae. Gustuhin man namin makita si Benjie, salat kami sa salapi. Magbabagyo pa, tiyak na madadamay na naman ang lupang sinasaka namin."
Ngumiti si Mae dito. Hinawakan niya ang kamay nitong magkada-up palad na nakapatong sa tuhod nito.
"Si Ma'am Priyanka na ho ang bahala sa lahat-lahat; mula sa pamasahe, gastusin hanggang sa bahay na tutuluyan niyo. Si Ma'am Priyanka na ho ang bahala d'on. Wala ho kayong dapat ipag-alala," aniya rito.
Lumingon ito sa mga anak niya ganundin kay Mang Amboy na malayo nakahiga sa tabi ng mga bata.
May inilabas na pera si Mae sa bag niyang dala; sampung libo ang pinakita niya't inabot dito.
"Ito ho, tanggapin niyo tulong ho ito ni Miss Priyanka sa inyo." Kitang-kita niya sa mga mata ni Aleng Berna ang pamimilog nito't liwanag sa mukha nang iabot niya sa kamay nito ang perang paunang alam niyang sohol sa pamilya.
'Mukhang pera..' sigaw ni Mae sa isip niya. Sa pinamalas nitong emosyon, sampung libo pa lang mukhang bayad na ang kalayaan ni Ben.
"HELLO, MISS PRIYA.."
"Kamusta, Mae? Okay na ba sila?" tanong ni Priya sa assistant. Nag-report na ito sa kaniya tungkol sa pamilya ni Ben; dinala nito sa hotel ang buong mag-anak.
"Okay na, Miss Priya. Alam mo bang mabilis natin makukuha ang loob ng nanay. Mabilis 'tong masusuhulan, Miss Priya.." sabi nito.
Napangiti si Priya. Nasa labas siya. Iniwan niya muna si Ben nang makaramdam ng gutom.
"Pero hindi kami makakabalik agad ng Manila. Palagay ko suspendido ang mga flight ngayon dahil sa masamang panahon."
Nabalitaan niya nga ito sa TV. Mabuti na lang at naging mabilis ang bawat kilos ni Mae, kaya nalikas niya ang mga magulang ni Ben. Alam nyang matutuwa ang lalaki kapag nabalitaan nito ang ginawa niyang iyon.
"Huwag mo silang pababayaan, Mae ha. Sabihin mo lang sa akin kapag may kailangan ka pa. Anytime, magpapadala agad ako. Okay. Kumain kayo, kahit na ano ang gusto niyong kainin o kung ano ang gusto nila. Sabihin mo lang sa akin," mahigpit niyang bilin dito.
"I will, Miss Priya. Sapat naman ang perang dala ko para sa kaniya. Wala kang dapat ipag-alala,ako ang bahala," sambit nya.
Napangiti siya. Pakiramdam niya umaayon sa kaniya ang langit; lahat ng gustuhin niya nangyayari. Hindi siya nahirapan. Ang pinagdadasal niya na lang ngayon ay ang gumising na si Ben. Excited na siya sa mga posibleng pagsasamahan nilang dalawa; sa mga lugar na gusto niyang puntahan kasama ito. Ganoon din sa buhay na gusto niyang ibigay sa buong pamilya ng lalaki.
"Ma'am Priya, kailangan ko na ibaba ang tawag dahil babalik na ako sa loob. Baka gustong kumain ng mga kapatid ni Ben, aliw na aliw sa panunuod eh."
"Go ahead, Mae. Iyong aircon ha. Kapag mainit itawag mo agad sa maintenance o iyong shower nila tingnan mo i-sure mo ang heater.." bilin niya rito.
Nagpaalam sa kaniya si Mae. Inubos niya na rin ang natitirang creamy latte at chocolate cupcake na in-order niya. Babalikan niya na si Ben, baka magising na ito at wala siyang ibang gustong makita ng lalaki kun 'di siya lang.
___
LA CARLAN, LA UNION. 10:55 PM
HINDI na alam ni Melody kung ano ang gagawin dalawang oras na halos umuulan; sinasamahan pa ng matinding kidlat at kulog. Takot na takot na siya, basang-basa na rin halos lahat ng mga damit na mayroon siya sa papag nila dahil lagpas na sa katawan niya ang bahang pumasok sa bahay nila ni Benjie. Sa sulok lang siya ng isang tabi habang nakasampa sa higaan nilang mag-asawa.
Hawak-hawak niya ang isang rosaryo na binigay sa kaniya ng mama niya n'on. Nananalangin siya na sana hindi na magtuloy-tuloy ang masamang panahon. Hindi niya alam kung saan siya pupulutin kapag nagkataon. Niyaya naman siya ni Tiya Giselle niyang lumikas na; naging matigas lang ang ulo ni Melody at mas pinili niyang manatili sa munting barong-barong nila.
Umaasa siyang uuwi si Benjie ng gabing iyon. Nabigo lang siya; umasa lang siya.
Mas tumindi ang hangin ganoon na rin ang malakas na ulan. Hindi niya napigilan ang sariling mapaiyak. Naisip niyang baka hanggang dito na lang ang buhay niya. Kung wala na rin si Benjie, kung may masamang nangyari din dito sa lugar na pinuntahan nito; mas gugustuhin niya na lang din mamatay. Wala nang dahilan para lumaban sya sa buhay.
Sunod-sunod ang pagluha niya nang pumikit siya para sa taimtim na panalanging pinakawalan niya sa sarili.
____
NATIGILAN si Priyanka nang pagpasok niya ng silid ni Ben; nakita nyang nakadilat ang lalaki.
"Ben.. Ben.."
Tawag niya sa pangalan nito.
Lumapit siya rito. Napangiti siyang hindi maintindihan kung anong saya ang naramdaman nang naabutang nakadilat ito.
"Ben.. Ben.."
Paulit-ulit na tawag ni Priyanka sa pangalan ni Benjie. Pero tanging wala itong emosyon; maliban lang sa nakapakong tingin nito sa kisame nang hospital. Mabilis ang naging pagkilos ni Priyanka; lumabas siya para tumawag ng doctor o nurse na pweding magtingin sa lalake kung bakit ito nagkakaganoon. Mabilis naman ang naging pagkilos ng mga nar'on at nilapitan si Ben; tatlong nurse at isang doctor ang nag-unahang pumasok sa silid. Nilapitan agad ng mga ito si Ben, may kaniya-kaniyang tingin ng vital signs ng lalaki ganoon din si Dok Glory na tiningnan ang mga mata nitong nanatiling nakadilat sa kawalan gamit ang maliit nitong flashlight.
Tumingin sa gawi niya si Dok Glory; hindi niya mabasa ang gusto nitong iparating sa kaniya. Nang muli siyang napatingin kay Ben, muli na itong nakatulog.
"Glory, anong nangyari?" tanong niya kay Glory nang makalapit siya rito.
"Everything is normal. Normal din iyong nangyari sa kaniya, ang pansamantalang pagdilat ng mga mata niya sa kabila ng pagiging coma niya, Ms. Priya." Paliwanag nito sa kaniya.
"Bakit nagkaganoon? Bakit nakatulala lang siya? Is it normal too? O, may amnesia ba siya gaya ng mapapanuod at nababasa ko?"
Ngumiti sa kanya si Glory.
"Hindi pa natin alam sa ngayon, Ms. Priya. But hopefully no. Since, may malaking chances na wala."
"May chances na gumising siya dahil may bagay siyang naalala o nag-alala siya sa isang bagay o taong mahalaga sa kaniya," malinaw nitong paliwanag sa kaniya.
Biglang naalala ni Priyanka ang pamilya ni Ben, maging ang sitwasyon sa probinsya nito. Posibleng iyon ang dahilan kung bakit biglang nagising ang lalaking inaalagaan niya.
Ang hindi alam ni Priyanka, si Melody ang dahilan.. Si Melody na tuluyan nang mawalan ng pag-asa sa hanggang leeg na tubig na pumasok na sa bahay nilang mag-asawa.
Ang babaeng mahalaga para sa lalaking humahawak sa maliit na porsyento kung ang araw ay sisikat pa sa kaniya.
______