THE ABANDONED WIFE | Chapter 4
HIGH SCHOOL ID
LA CARLAN, LA UNION
____
KANINA pa pinagmamasdan ni Melody ang highschool ID niya. Ala-una na ng tanghali.
Napanis na ang lahat ng pagkain na mayroon siya sa tabi niya. Pero wala pa rin siyang ganang gumalaw. Madalas naman siya iniiwan ni Benjie kapag sumasama ito sa laot pero umuuwi din pagkatapos ng bente kwatro oras.
Ibang-iba lang ngayon ang nangyari dahil halos isang-araw na wala siyang balita dito.
Hindi naman sila nag-away para tiisin siya nito ng ganoon katagal.
Pero kahit naman nag-aaway sila hindi pa rin pumapayag si Benjie na hindi sila maging okay. Iyon pa nga ang madalas gumawa ng paraan para maging maayos sa kanilang dalawa ang lahat.
Kung alam niya lang talagang mangyayari 'to, sana hindi na lang siya pumayag kahit na mag-ulam pa sila ng asin ayos lang sa kanya, o hindi sila makapagtapos ayos lang. Basta ba iyong magkasama lang talaga sila at hindi magkahiwalay katulad nito.
"Melody.. Melody.."
Tinabi ni Melody ang hawak-hawak niya para labasin ang kaibigan niyang si Margie.
"Dumalaw ako kay Tita Giselle, ang sabi niya sa akin hindi ka pa raw kumakain at lumalabas?" tanong nito sa kaniya.
Napatingin siya sa supot na dala nito. Napalunok siya dala ng naamoy niya sa dala ng kaibigan; doon niya napagtanto na gutom na pala talaga siya.
"Saluhan mo na ako. Hindi pweding ganiyan, Melody ha."
Tumuloy ito sa kusina niya at kumuha ng dalawang pinggan at isang mangkok para sa kanilang dalawa.
"Ano ba problema mo? Mukhang hindi ka rin naliligo pa ah. Okay ka lang ba?" tanong nito sa kanya habang sinasalin ang kanin at ulam.
"N-nag-alala ako kay Benjie eh. Gie, hindi pa siya tumatawag mula kahapon e," sumbong niya rito.
Kilala ng kaibigan niya si Benjie. Bukod sa nobyo niya ito ang pinakamalapit na tao sa buhay niya.
"Hindi lang tumatawag nagkakaganyan ka na? Melody naman, malaki na iyong jowa mo. Kumpleto na bulbol n'on. Ang oa mo ha," sarkastiko nitong sabi sa kaniya.
"Paano kung may masamang nangyari sa kaniya? Paano?"
"Sige, i-manifest mo iyan. I-attract mo para mangyari nga."
"M-Margie.."
"Paano kung wala? Paano kung sa kaiisip ka ng negatibong bagay magkasakit ka at mamatay ka? Paano si Benjie? Naisip mo ba iyon ha?"
Natigilan siya sa sinabi nito. Sa kabilang banda tama din naman si Margie eh. Hindi lang kasi siya matahimik hangga't hindi niya nakakausap ito.
"Please. Stop. Umupo ka diyan, kumain ka. Kalimutan muna natin ang negatibo, Melody. Hindi kasi nakakatulong e."
Sinunod niya ang payo nito. Napalunok siya nang ilagay nito sa harap nya ang adobong atay at mainit na kanin na dala nito.
"Samahan mo naman ako pagkatapos nito. Gusto ko makausap iyong foreman ni Benjie."
"Okay. Kumain ka muna at maligo ka. Ang oily mo eh."
"Salamat ha."
"Kain na. Kumain ka. Kung 'di pala ako pumunta dito baka patay ka na."
"Grabe ka naman! Hindi naman siguro. Magpapakasal pa kami ng asawa ko, Gie. Kaya nga siya nagtrabaho sa Manila para makapag-ipon sa kasal namin."
Hinawakan ni Margie ang kamay niya't tumingin sa mga mata niya.
"Babalik si Benjie. Babalik si Benjie. Okay?"
Pilit siyang tumango-tango sa kaibigan. Kung umaasa itong babalik si Benjie, siya walang dahilan para hindi magtiwala sa taas na ligtas ang asawa niya.
______
LA CARMELA HOSPITAL, TAGAYTAY
"KAKAIN NA KAMI, BEN. IKAW BA? GUMISING KA NA PARA NAMAN MAKAKAIN KA NA RIN. ILILIBRE KITA," nakangiting sabi ni Priyanka sa wala pa ring malay na lalaki. Nag-text na sa kaniya si Mae para sabihing nasa isang resto cafe na ito at um-order na ng pagkain nilang dalawa. Ala-una na ng tumingin siya sa orasan pambisig niya.
Hinayaan siya nitong matulog sa sofa. Komportable naman siya kahit papano; ang sabi nga sa kaniya ni Mae, umuwi muna siya para d'on na magpahinga sa condo niya. Ayaw niya lang. Muli niyang tinitigan si Ben, sariwa pa rin ang mga pasa sa mukha nito at sa braso.
"Hindi ko sinasadya ha. Hindi ko talaga ginusto ang mga nangyari, maniwala ka sa akin. Sana mapatawad mo ako 'pag gising mo. Sana.' muli niyang usal.
Iyon naman talaga ang totoo, hiling niya na lang ngayon ang mapatawad ng tinatawag niyang Ben mula sa pangalan nitong Benjie.
Napahawak si Priyanka sa hospital bed nito nang may biglang sumikdong sakit sa puson niya. Baka nga talagang gutom na siya, aniya sa sarili.
Nang masiguradong ayos naman si Ben, nagpasya na siyang lumabas muna. Babalik na lang agad siya para tapusin ang ginagawang design at samahan ang lalaki sa silid nito. Madalas niyang kinakausap si Ben. Malaki raw ang maitutulong n'on sa development ng kalagayan nito. Sinusunod niya naman ang lahat dahil gusto niya nang maging maayos ang lagay nito. Ayaw niyang may mawala pang buhay dahil sa kapabayaan niya; hindi niya na siguro matatanggap ang bagay na iyon.
Umiling-iling si Priyanka nang may naalala. Ilang taon niya na rin halos pinipilit kalimutan ang lahat. Ayaw niya nang mag-isip tungkol sa mga bagay na nangyari, isang dekada na ang nakalipas. She let herself to move-on dahil iyon ang dapat.
"SORRY natagalan ako." Salubong niya kay Mae.
"It's okay. Nag-order na ako ng lahat ng bilin mo sa akin ha."
"Ano ang balak mo kay Ben?" tanong sa kaniya ni Mae sa gitna ng pagkain nilang dalawa.
"I don't know. Wala pa rin improvement sabi ni Glory. He's still in coma."
"Wala ka pa rin ba planong sabihin o hanapin ang pamilya niya?" Tumingin siya ritong nagtatanong. Kinuha niya ang bag niya sa tabi at mula rito nilabas niya ang Highschool Id ni Ben.
"May ipapagawa ako sa iyo."
"Anything, Riya."
Inabot niya ang Id ni Ben dito.
"Alamin mo ang lahat ng tungkol sa kaniya. D'on sa lugar kung saan ko siya nabangga baka may nakakilala sa kaniya d'on. Magtanong-tanong ka." Utos niya rito.
"Paano kung may matuklasan ako na hindi angkop sa gusto mong mangyari?" tanong nito sa kaniya.
Ngumiti siya kay Mae. Alam niya ang ibig sabihin nito.
"Lahat-lahat ng tungkol sa kaniya, Mae. Mula sa magulang, kaibigan, kapatid. Lahat."
"Kahit na pati iyong posibilidad na, baka may asawa't anak si Ben?"
Nalipat ang tingin niya sa nakangiting mukha nito sa Id nito.
"In that case! Hindi ko alam kung ano ang tama kong gawin. Hindi ko pa alam sa ngayon. Pero kung malaman mo man iyan, huwag mo na lang sabihin sa akin. Ang gusto ko lang malaman iyong pinagmulan niya, magulang niya at kung ano iyong posibleng itulong pa natin sa kaniya," may kahabaang saad niya rito.
Buo ang desisyon niya, handa niyang ibigay ang lahat ng posibleng tulong na kailangan nito sa kaniya.
Magiging masaya siya kung balang-araw magkaroon ng isang malaking utang na loob sa kaniya si Ben. Hanggang sa hindi ito makatanggi sa kabayarang kailangan niya.