INIWAN ni Portia sa valet ang kotse niya. Nasa likuran naman niya sina Dolfo at Eileen kaya ang mga ito ang bahala doon. Nilinga niya ang entrada ng hotel. Walang dudang madaming guests sa hotel na iyon sa gabing iyon. At wala ring dudang marami ang may date. Couple dates at group dates ang nakikita niyang walang patid na pumapasok doon.
Isang paghinga ang pinakawalan niya. It was too late to back out now. Nang nagdesisyon siyang gumayak ay tinanggap na rin niya ang hamon na lumabas sa gabing iyon. Taas ang noo na pumasok siya sa Grand Davis Hotel.
Naglapat ang mga labi niya nang matanawan na may miyembro ng media na nagko-cover ng kaganapan sa isang bahagi ng lobby. Nilakihan niya ang mga hakbang habang pinapanatiling kaswal ang kilos niya.
“Miss Ilustre!”
Napasimangot siya. Alam niyang siya ang tinutukoy ng mga iyon.
“Miss Porsche Ilustre!”
Napilitan siyang tumigil sa paghakbang. Nang lingunin niya ang media ay isang kaswal na ngiti ang nasa mga labi niya. “Yes?” She looked at Yssa Perez, isang kilalang showbiz lady reporter bago sumulyap din sa nakatutok na camera sa kanya. “Hello, there!”
“Mabuti naman at narito ka, Miss Porsche. Nice to see you here.”
“Parang gulat na gulat ka,” tugon niyang hindi nabubura ang ngiti sa mga labi.
Hindi naman niya itinuturing ang sarili na isang showbiz personality. Last year, she just did a series of You Tube advertisements for the latest and now a popular beauty line products. Nakilala siya doon kasabay ng pagiging visible din sa media ni Kit Hidalgo bilang nakatakdang tagapagmana ng production outfit ng mga magulang nito. Sa kanilang dalawa, mas kilala sa showbiz si Kit. Paminsan-minsan ay lumalabas din itong artista sa pelikula at TV subalit nitong huli, mas nakikilala ito bilang isa sa mga bagong henerasyon sa larangan ng produksyon.
Nagkaroon lang naman ng kaunting ingay ang pangalan niya nang kasabay ng sunod-sunod na You Tube ads niya ay ini-anunsyo din ni Kit ang tungkol sa engagement nila.
She was also featured in some lifestyle magazine bilang isa sa mga hindi gaanong kilalang heredera ng bansa na nakatakda namang maging reyna ng Bright Star Cinema Productions pagdating ng panahon na si Kit na ang talagang hahawak ng negosyo ng pamilya nito.
Maayos naman ang nananahimik niyang buhay. Maliit lang ang sirkulo ng mga kaibigan niya, na gaya niya ay anak din ng mga malalaking negosyante ng bansa. Hindi nila kailangan ng limelight pero nadamay siya sa showbiz exposure ni Kit.
She fell madly in love with Kit. At tinangay siya ng pag-ibig na iyon sa kaitaasan ng kaligayahan. Upang ibagsak lang din pala sa bandang huli.
Kit called the engagement off.
Kulang ang sabihing bangungot ang pagkabigong iyon.
Maybe, if Kit was not into showbiz, baka nakabawas pa sa sakit at insultong nararamdaman niya ngayon ang pagkasira ng engagement nila. But then, their engagement was one for the books! Kasing-bongga ng isang eksena sa pelikula ang ginawang paghahanda ni Kit nang mag-propose ito sa kanya. Mabusisi ang preparasyon na walang iniwan sa highlight ng isang big-budgeted na pelikula. She was swept off her feet. Bukod pa sa talagang mahal na mahal niya si Kit. Halos hindi ito natapos sa proposal at ibinigay niya ang nilalanggam niyang oo.
“No, Miss Porsche. We love to see you here. We’ve been looking for you for some time now.” Mas makahulugan ang ngiti sa kanya ni Yssa. “It is indeed a surprise seeing you here. Oo nga pala, Happy Valentine’s Day!”
“Happy Valentines’ Day to you, too.”
“Puwede ba naming itanong kung may ka-date ka ngayon at kung sino?” prangkang tanong nito.
Parang gustong umusok ng ilong niya pero sa halip ay pinanindigan niya ang composure. “I have the option not to answer your question, Yssa. Tama ba ako?”
“Yes, you are right. But you know, I’m just asking because---”
“Trabaho lang at walang personalan,” pakli niya. “Don’t you worry, I understand you perfectly. If you’ll excuse me, I got to go.”
“Okay, Miss Porsche. By the way, you got a lovely dress. Kasing-kulay ng Valentine’s.”
Her lips formed the sweetest smile at lumiyad na gaya ng isang modelo. “But of course, I am dressed up for the occasion. Bye!” Tinalikuran na niya ito.
“PERFECT! Just Perfect!” Kulang na lang ay pumalakpak si Jack dahil sa labis na kasiyahan.
Arkilado niya ang buong roof top ng Grand Davis Hotel. Sukdulang brasuhin niya ang pagkakaibigan nila ni Stephen ay ginawa niya upang masolo lang ang lugar na iyon. Kung gaano ang todong effort na ginagawa nila ng staff niya para sa Valentine events ng restaurant niya, mas lalong matindi ang preparasyon para sa ayos niyon.
Everything was set according to plan, pati ang man-made falls na kabilin-bilinan niya sa detalye ay nasunod. Puno din ng mga sariwang bulaklak at halaman ang paligid. May nakalinyang red carpet patungo sa bilog na mesa sa pinakagitna ng roof top. Sa magkabilang gilid ng carpet ay nakalinya ang mga tea lights. Sa hudyat niya maya-maya lamang ay sisindihan iyon ng nakatalagang staff doon.
Jack also checked the special menu. Tiniyak niyang ubod ng sarap ang pagkaing ihahain sa kanila. But his chest was full of anticipation. Duda siya kung makukuha niyang kumain mamaya.
“Sir, nakahanda na rin po ang sound and light system. Gusto ninyo pong makita?” sabi ng staff niyang si Edward.
“Yes, please.”
Lights turned on from different strategic places. Parang likidong kristal ang tubig na umaagos sa falls. At nang pumailanlang ang My Valentine na kanta, may pakiramdam si Jack na unti-unting natutunaw ang puso niya. The night sky is full of stars. The whole setting is utterly romantic.
Yes, tonight is the night.
Kumapa ang kamay niya sa inner pocket ng suot niyang jacket. And his lips made a sweet smile.
Bumaling siya kay Edward. “Huwag mong kakalimutan lahat ng napag-usapan natin, ha. Sisilip lang ako sa ibaba.”
Nilisan na niya ang roof top. Habang lulan ng elevator ay nakatanggap siya ng tawag buhat kay Belle.
“Jack Hammer, you are so brilliant,” ecstatic na sabi agad nito. “We never expect this kind of event. And we are almost full! I was told na fully-booked na ang reservations natin at unti-unti na silang dumarating.”
Napangiti naman siya. “Can you run some job for me?”
“Of course, what is it?”
“Oversee both halls for the night. Tig-isa kayo ni Pepper. Make sure that every single thing is running smoothly.” Sa kambal ay higit na mas mapagkakatiwalaan niyang humawak ng responsibilidad si Belle. Siguro dahil na rin sa pagiging mas matanda nito ng pitong minuto sa kakambal.
“Easy. But wait, bakit kami? How about you?”
He made a low laugh. “Siyempre naman, special occasion din ito para sa amin ni Via.”
“What?! Ang daya mo naman! You cancelled our dates tapos ikaw pala ang makikipag-date?”
Lalo siyang napatawa. Parang nakikita niya ang kapatid na pumapadyak pa. “Alam ko namang hindi kayo seryoso sa mga date ninyo. Itong akin, seryoso ito. I’m older than you, guys. Pagbigyan ninyo na ako. Paminsan-minsan lang ito.”
“Ow-em-gee!!!” tili nito. “Don’t tell me you are going to do what I have in mind right now?”
“Well, I do not exactly know what do you have in mind right now, but I am determined to do what is indeed in my mind at this very moment,” nanunudyong tugon niya dito.
“Grabe ka! Alam ko na ang mangyayari! Kinikilig ako!!!” Belle’s voice went an octave higher.
“So, maaasahan ko ba kayong dalawa? Please handle the restaurant tonight.”
“Sure! Sure! You gotta give us some good news after. Promise me that.”
“If there’s someone who wants the best of good news, that is me. Huwag ka nang magulo diyan at itikom mo rin iyang bibig mo kay Pepper. Mas matabil pa sa iyo iyon.”
“Okay, as you wish.”
“At oo nga pala, Porsche is coming. Huwag ninyo siyang pababayaan.”
“Porsche is coming?” Umakyat na naman sa panibagong antas ang excitement nito. “Nagkabalikan sila ni Kit? Or may bago na siyang date?”
“Silly. She’s my special guest for the Valentine Party For Singles.”
“Naku naman, napaka-ano mo. You’re insulting her! Alam mo namang hindi biro ang nangyari sa kanya.”
“Of course not. Gusto ko siyang makabangon kaya ko ginawa iyon. Time is running, Belle. I still got some things to do. Kayo na ni Pepper ang bahala diyan.”
“Hindi ka na magpapakita dito?”
“I will try but you know it already, I’m on my top priority.”
Belle laughed. “Break a leg, brother. Magpapogi ka nang husto, Kuya!”