Nasasaktan ako, oh, baby
Sa tuwing nakikita ka...
Naninibugho ako, oh, baby
Pag may kasama kang iba...
Punong-puno ng iba’t ibang ingay ang loob ng Pepper’s Corner. Madami doon ay sumasabay sa pagkanta ng singer. Sa table ni Portia, bagaman nag-iisa siya ngayon doon ay nag-e-enjoy naman siya.
She had already made three “murdered” cookies. Ang isa ay walang ka-effort-effort na binuhusan niya ng hot sauce. Ang isa naman ay pinuno niya ng tusok na toothpick habang ang isa naman ay ibinabad niya sa tatlong shots ng tequila, minus the salt and lime. Aba, ang suwerte naman masyado ni Kit kung kumpleto sa recados ang tequila.
Habang nag-iisip kung kukuha pa siya ng pang-apat na cookie at kung ano ang gagawin doon ay iginala niya ang paningin. Halos lahat naman ng nandoon ay mukhang enjoy na enjoy sa konsepto ng party. Walang patid ang request ng mga kanta sa magaling na singer at meron namang ibang guests na gusto ring pumapel sa entablado. Pinagbibigyan naman ito ng singer.
She looked at the other guests. Others were busy “decorating” their cookies. Karamihan sa mga iyon ay babae. Tila masusi pang inaaral ng mga ito kung paano ang gagawin sa cookies gamit ang icing.
“The hell would I treat you to something sweet,” pabulong na sabi niya. Tumayo na siya at kumuha uli ng isa hugis lalaki na cookie. Nang bumalik siya sa mesa niya, ilang sandali niyang tinitigan ang cookie. Minsan pa, mukha ni Kit ang nai-imagine niya habang pinag-iiisipan kung ano naman ang gagawin niya doon bilang ganti.
Her eyes watered. Sa totoong buhay ay hindi naman siya bayolenteng tao. Maldita siya, oo, pero hindi naman niya gawaing manakit ng kapwa. Pinakamatindi na siguro na kaya niyang gawin ay ang manigaw kapag punung-puno na siya. O kaya naman ay iitsa ang bawat mahakawan niya.
And speaking of iitsa, nilinga niya ang kawawang wall. Hindi nababakante ang “tacsyapo” wall. Mukhang marami ang napapagaan ang kalooban sa pagbabalibag doon ng kahit ano. At hindi rin niya palalampasin iyon. Iyon ang gagawin niyang finale sa pagdalo niya sa party na iyon.
Dinampot niya ang cookie. Pinutol niya ang ulo niyon.
“Ulong pugot,” she told herself. Piningas niya ang isang tenga niyon saka tinitigan. She imagined Kit without an ear. Mapakla siyang ngumiti saka tinanggalan ng isa pag tenga ang cookie. Again, inisip niya ang itsura ni Kit kung halimbawang wala na itong dalawang tenga. With his usual burr, next to bald haircut, isang bagay lang ang pumasok sa isip niya.
Mukha nang itlog si Kit.
Napahalakhak siya.
“Mukhang naka-move on ka na,” sabi sa kanya ng lalaking hindi niya napansing nakalapit na sa kanya. Maayos ang damit nito at maayos din ang tindig. At oo, lalampas pa ito sa kategoryang gwapo. Mukhang artistahin pero isang tingin lang niya rito at inirapan niya ito. Hindi siya interesadong makipagkilala kahit kanino.
“I don’t talk to strangers,” mataray na sabi niya at ibinalik ang atensyon sa cookies. Sa pamamagitan ng kamay ay hinati niya iyon sa gitna.
“Ouch! Kung sinoman iyan, kawawa naman siya,” tukoy nito sa biyak na cookie.
Isang matalim na tingin ang ipinukol niya dito. “Please leave me alone.”
“I’m Ico. Juanico Matthew Abella.”
“Get lost. I’m not interested,” pakli niya.
Eksaherado itong umungol. “Miss, I’m not here to find a new love. I’m here to win back my love. Napansin lang kita at naisip kong hindi naman siguro masama na makipagkilala.”
Umarko ang kilay niya. “Makikipagbalikan ka pala pero ang makipagkilala sa akin ang inuuna mo. Nandito ba iyong gusto mong balikan? Bakit hindi ka sa kanya lumapit?” sopla pa niya dito.
“Nag-iisip pa ako ng move.”
“Kung ako ang hihingan mo ng advice ay wala akong maitutulong sa iyo.”
“Kung halimbawa ba, iyang taong pinag-pira-piraso mo ang mukha sa cookie na iyan ay babalik sa iyo, ano sa palagay mo ang dapat gawin niya para tanggapin mo siya?”
Natigilan siya. She was caught off guard.
Nasasaktan pa rin siya sa broken engagement nila. Hanggang ngayon, hindi pa rin niya alam ang dahilan ni Kit kung bakit ito umatras sa kasal nila. Marami pa ring tanong sa isip at puso niya na si Kit lang ang makakasagot.
“Wala siyang kailangang gawin. I don’t need any of his showbiz stunts. I just want him to come back to me. We will just kiss and make up.” Parang nangangarap siya habang sinasabi iyon. At habang ini-imagine niya si Kit na babalik sa kanya, parang gusto na niyang maiyak.
Mahal na mahal niya si Kit. Hindi naman siya papayag na magpakasal dito kung hindi niya ito mahal. Kaya hindi rin maubos ang tila walang katapusang bakit sa isip niya.
Napasipol ang lalaki. “Just like that? Kiss and make up?”
“Ewan ko sa babaeng babalikan mo. Pero kung ako lang, ganoon lang kasimple. Hindi na kailangan ng kahit anong drama.”
Napatango-tango ito. “Thank you, Miss...?”
Matabang siyang tumawa. “Style mo bulok.” She shooed him away. “Sige na, good luck sa pakikipagbalikan mo.”
I know I’d only hurt you
I know I’d only make you cry
I’m not the one you’re needing
I love you, goodbye...
Pareho silang nabaling ang tingin sa singer. Totoong singer na uli ang kumakanta at hindi na mga guests na pinagbibigyan lang na magwala sa pamamagitan ng pagkanta kahit na obvious namang masakit sa tenga ang timbre ng boses.
Siya man ay hanga sa singer. Kanina pa lang ay nakuha na nito ang atensyon niya. Hindi lang dahil sa magandang quality ng boses nito kundi tunay nararamdaman niya ang emosyon sa kanta nito.
At malamang ang lalaking pilit na nakikipagkilala sa kanya kanina ay nakuha din ang atensyon nito. Tila namamagnetong nakatitig sa singer ang lalaki.
Nagkibit na lamang siya ng balikat at ibinalik ang tingin sa mga cookies na “obra” niya.
Naibuhos na niya ang galit niya sa mga cookies.
Pero bakit patuloy pa ring nasasaktan ang damdamin niya?
How could you hurt me like this, Kit?
At minsan pa ay wala siyang makapang sagot.
NATAPOS na silang kumain. Bagaman espesyal ang pagkaing ipinahanda ni Jack at bahagya lang nabawasan ni Via ang nasa plato nito. Kung sabagay ay ganoon din naman siya. Tiyak niyang masarap ang pagkain pero kinakain ng labis na excitement ang sistema. Punong-puno ng antisipasyon ang dibdib niya.
They exchanged pleasant talks. Sinusubukan niyang makuha ang buong atensyon ni Via. Muli ay napansin niyang may mga pagkakataon na para itong natutulala sa kawalan.
Maybe she was really overwhelmed with the extravagance. Pero masisisi ba siya nito? Gusto niya talagang maging espesyal sa lahat ang gabing iyon.
“Via...” tawag niya sa atensyon nito. She seemed mesmerized with the water dripping from the artificial falls. Doon ito nakatitig nang sundan niya ang direksyon ng mga mata nito. Nginitian niya ito nang bumalik sa kanya ang tingin nito. “Time for the wine,” he reminded her gently.
Mabilis itong tumango at kinuha sa kanya ang kopita na sinalinan niya. Sabay nilang ininom ang espesyal ding alak. Kalabisan mang sabihin, lahat talaga ng mga bagay sa gabing iyon ay tiniyak niyang espesyal.
Hindi siya bumibitiw ng tingin dito bagaman nasa mga labi niya ang kopita ng alak. Una pang nagbaba ng kopita si Via. At bahagya siyang nagulat nang makitang nasaid nito iyon. Mas sanay siyang makita na halos pinapasayad lang nito sa mga labi ang alak, halos tikim lang dahil hindi ugaling uminom.
Isang buntong-hininga ang ginawa ni Via. “Masarap,” sabi nito at ngumiti pa.
Mas nasiyahan naman siya. Mukhang nakabuti ang alak kay Via. Mukhang naging relaxed na ito.
“Want some more?” alok pa niya.
“Hindi na. Baka naman masobrahan ako.”
“Parang mas okay sa iyo, eh. Kanina, parang nawawala ka.”
“Sorry. May iniisip lang kasi ako.” Minsan pa ay iginala nito ang paningin. “But, really, Jack, masyadong malaki ang preparasyon mong ito para sa Valentine dinner natin. Sana iyong mas simple na lang.”
He made a tsk sound. “Later, you’ll understand why.” Inabot niya ang kamay nito. “Can we have this dance?” And like a true gentleman, inalalayan niya ito sa pagtayo at dinala sa isang particular spot.
Sa tapat ng falls ay mayroong malaking bilog na carpet na nakalatag. Hindi mabilang ang mga maliliit na ilaw na nasa paligid niyon. Nang pumwesto sila ni Via sa gitna niyon, namatay ang lahat ng ilaw maliban sa mga tila candlelights na iyon.
Pumailanlang ang musika na siya mismo ang personal na pumili para sa pagkakataong iyon.
All I am, all I’ll be
Everything in this world
All that I’ll ever need
Is in your eyes...
Hinapit niya sa bewang si Via at pinagsalikop ang mga palad sa likod ng bewang nito. She went still for some seconds bago ito gumanti ng yakap sa bewang nito. He settled his face at the crook of her neck. Sadyang napakalapit nila sa isa’t isa. At mas tamang sabihin na magkadikit na. Hindi na siya magtataka kung maririnig na rin ni Via ang malakas na t***k ng puso niya.
I do cherish you
For the rest of my life
You don’t have to think twice
I will love you still...
Jack closed his eyes. Totoong-totoo sa kanya ang mensahe ng kanta na iyon. At parang hindi kakayanin ng puso niya ang labis na emosyong pumupuno sa kanya ng mga sandaling iyon.
Bumitaw siya ng yakap kay Via at buong pagmamahal na pinagmasdan ito. He was so sure now. More than ever.
This is it.
“Via.”
I’ve waited so long to say this to you
If you’re asking do I love you this much
I do...
Tumiklop ang mga tuhod niya. As if on cue, the music faded slowly. Mula sa inner pocket ng suot niyang amerikana ay inilabas niya ang velvet box na naglalaman ng singsing, bagay na pinaka-pinaghandaan niya sa gabing iyon.
“Jack...” parang nakakita ng kung anong mahika ni Via. Ilang beses itong kumurap-kurap habang salit-salit ang pagtingin sa kanya at sa makinang na batong tampok ng singsing.
He gazed at her lovingly, then cleared his throat.
“Will you marry me, Via?”
Kumislap ang luha sa mga mata ni Via. Ang nagdaang dalawang segundo na wala itong reaksyon ay tila katumbas ng iasng habang-buhay sa kanya. Hinawakan siya nito sa balikat. “Please get up, Jack.”
Hindi siya tuminag. “I’m waiting for an answer, sweetheart. Uulitin ko ba uli ang tanong ko?”
“No.”
Gumapang ang nakakaalarmang kaba sa dibdib niya. “No, hindi ko na uulitin?” he casually asked, nakaluhod pa rin at bahagyang nakatingala dito. Ang singsing na hawak niya ay nananatiling nakasuspinde sa hangin. Parang hindi niya gustong bigyan ng interpretasyon ang nakikitang ekspresyon sa anyo ni Via. Pero hindi niya mapigilan. She seemed surprised, yes. And confused and afraid, too.
Kinagat nito ang ibabang labi at umilap ang mga mata sa kanya. “I’m so sorry, Jack. But no, I can’t marry you.”
Kulang ang sabihing namanhid ang buong katawan niya. Tila tumigil ang pag-inog ng buong mundo nang makita na lang niya na humahakbang palayo si Via.
Hindi niya kayang ipaliwanag ang kirot na pumuno sa buong pagkatao niya.