Dexter
“Huwag mo siyang iiwanan ah. Balitaan mo ako kung may mga lumalapit sa kanya” utos ko sa tauhan ko habang nandito kami sa opisina ko.
“Yes boss” umalis ito saka ko tinignan ang litrato ni Luisa na pinakuhanan ko sa isa kong tauhan.
Matapos ang insidenteng kamuntikan itong mabiktima ng Black Spider Gang, sigurado akong pagiinitan din ito ng grupo kahit na nga ba ang target nila ay si Charice. Upang hindi ito madamay, kinausap ko si Charice upang sumama sa aming grupo sa pagtugis sa grupo. Bukod sa matatapos na ang kaso sa campus nila, masisiguro ko pang ligtas ang babaeng ngayon lang nakapagbigay ng ganitong pakiramdam sa akin. Sa lahat ng bagay, kaya at handa akong lumaban pero pag dating sa kanya, bigla na lang ako nakakaramdam ng takot at tila ba gusto ko itong idikit palagi sa katawan ko upang maprotektahan ito.
Maswerte na at pumayag si Charice sa plano hanggang sa naging kasapi na rin ito ng organisasyon. Kung minsan ay pilit niyang inilalapit sa akin si Luisa pero hindi ko ito pinapansin. Natatakot akong malaman nito kung anong klase ng trabaho mayroon kami ni Charice. Natatakot din ako na madamay ito dahil sa mga kalaban namin. Kaya naman para masiguro ko ang siguridad nito, palagi ko itong pinapabantayan sa mga tauhan ko.
Kung minsan ay ako ang nagbabantay dito. Sinusundan ko ito saan man ito magpunta. Hanggang sa makapasok ito sa Manila Airlines. Sinigurado kong makakapasok ito sa kumpanyang pagmamayari ng pamilya ko. May pagkakataon pa na nagpanggap akong pasahero nang magsimula ang unang araw ng flight nito sa aming airlines.
“Sir” tinanguan ako ng isa sa piloto ng eroplano nang makita ako nitong papasok. Sinenyasan ko naman itong huwag maingay.
Nagsuot ako ng shades at sumbrelo upang hindi ako makilala ni Luisa. Pinagmamasdan ko lang ito na may halo pang kaba at excitement habang nagdedemo ito sa gitna para sa safety protocols.
Natatawa ako habang nagdedemo ito kasi naman napaka cute nito dahil sa halatang ninenerbiyos ito. Ngunit gayunpaman, hindi ko nakitang panget ang ginagawa nito bagkus ay natutuwa pa ako.
Kumuha din ito ng isang unit sa Diamond Tower, ang condo unit na ako ang nag supervise na maitayo. Nang malaman kong nagiinquire ito, kinausap ko ang sales representative na bigyan ito ng pinaka malaking unit sa mababang halaga. Nagtaka pa nga si Luisa nang ialok ito sa kanya base sa paguulat ng sales representative ngunit sa huli kinuha pa rin ito ni Luisa. Ang dinahilan ng sales representative ay naka promo ang unit kaya nagustuhan naman niya ito.
Siniguro ko rin ang seguridad nito nang magumpisa itong lumipat sa condo. Pinabantayan ko ito sa tauhan ko. Pinalagyan ko rin ng kama at sofa ang condo unit nito upang makabawas na rin sa gagastusin nito at maging komportable rin ang pagtulog nito. Hindi naman ito nagtaka dahil ang sabi ng sales representative ay kasama sa promo ang kama at sofa.
Nang isang araw inulat sa akin ni Hector, ang taong inatasan kong magbantay kay Luisa, sinabi nitong nakipagkita si Luisa sa restaurant kasama ang isang babae. Sinusubukan kong tawagan si Charice upang masiguro na ito ang kasama ni Luisa ngunit hindi ito sumasagot.
“Saan yung restaurant?” Tanong ko kay Hector. Binigay nito sa akin ang pangalan at lugar ng restaurant na agad ko namang tinunton.
Nang makarating, agad akong lumapit sa table nang makita ko si Luisa. Nakahinga ako ng maluwag nang makita kong si Charice ang kasama nito. Nilapitan ko na rin ang mga ito.
Matapos ang ilang buwan, ngayon lang ulit ako nakita ni Luisa kaya naman nagulat din ako ng yakapin ako nito. Gustuhin ko mang sagutin ang yakap nito ngunit nasa isa kaming public place. Natatakot akong baka may nagmamatyag o nakasunod sa amin kaya naman pinilit kong maging pormal kahit na ba iba ang dating ng pakiramdam ko nang maamoy ko na ito. Lalo pa nang dumikit ang katawan nito sa akin, iba rin ang dating sa akin. Ngunit pinilit kong labanan ang sarili at nagiwas dito saka ko tinawag si Charice.
Nang masigurong si Charice ang kasama. Umalis na rin ako at binilinan si Hector na huwag iiwanan hanggang makauwing ligtas ito.
Habang nasa condo ako at kinakalma ang sarili sa pagkakadikit namin ni Luisa, nagulat ako ng biglang tumunog ang cellphone ko. Tumayo ako sa bath tub at kinuha ang cellphone. Walang sumasagot sa kabilang linya hanggang ako na ang tumawag. Alam kong si Luisa ito. Nagpanggap akong nagalit upang sumagot ito. Hanggang sa makompirma ko ngang si Luisa ito. Inaya ko itong lumabas.
“Sunduin na lang kita” sabi ko dito
“Ah sige, dito ako sa Diamond Tower nakatira”
“I know”
“Alam mo?” Bigla akong nagsisi, bakit ko ba iyon nasabi. Umisip ako bigla ng dahilan.
“Charice told me” alam kong magtataka ito dahil alam kong maging si Charice ay hindi pa alam kung nasan ito. Ngunit mabuti na lang at sinawalang bahala niya iyon.
Pinuntahan ko ito sa condo. Nang makapasok, sinaluduhan ako ng guard na agad ko namang tinanguan. Nang masabi ko kay Luisa na nandito na ako sa lobby, bumaba ito at agad ko itong sinalubong.
“Hi” lapit ko dito saka ako nagbeso. Tila nagulat pa ito ngunit sinagot ako ng ngiti. Inalalayan ko ito sa paglakad hanggang makalabas kami sa condo. Sumaludo pang muli ang guard ngunit pinanlakihan ko lang ito ng mata saka ito matuwid na tumayo. Nakita kong nagtaka pa si Luisa sa inasta ng guard.
“Tara?” Pagiiwas ko naman dito.
Inalalayan ko itong makasalay sa sasakyan. Nilagay ko rin ang seatbelt nito saka inumpisahang paandarin ang sasakyan.
“Saan tayo pupunta?” Tanong nito.
“Sa condo ko, i will cook for you” sagot ko naman. Mas mabuti na rin at sa pribadong lugar kami magkita dahil sobrang delikado kung may makakakita sa amin sa public place.
“Ok lang ba sayo?” Tanong ko dito. Alanganin naman itong sumagot pero sa huli, pumayag din naman ito.
Nakarating kami sa condo saka ko ito inalalayang makaupo sa sofa.
“Wait me here” sabi ko dito. Tumango naman ito saka ako tumuloy sa kusina.
Sinimulan ko ang pagluluto nang maramdaman ko si Luisa na pumasok sa kusina. Tinignan ko ito at nginitian habang hinahalo ang niluluto kong sauce ng Pasta Alfredo.
Umupo ito sa bar stool saka ako pinanood.
“What?” Tanong ko dito.
“Wala lang” sagot naman nito. Nagpatuloy ako sa pagluluto saka ito muling hinarap. Pinatikim ko dito ang sauce ng niluluto kong pasta alfredo.
“Hmm, sarap ah” ngumiti ako dito saka ito kinindatan.
Bumalik ako sa kusina at nagumpisang maghanda. Tumayo si Luisa upang tumulong sa paghahanda. Luto na rin ang steak kaya naman nilagay ko na rin sa lamesa. Pagkakuha ko nang kutsara, hindi sinasadyang nagkabungguan kami ni Luisa na kakakuha lang din ng baso. Napayakap ako dito upang alalayan itong huwag malaglag hanggang sa magkatitigan kami nito. Hindi ko napigilan ang sarili, dinampian ko ito ng isang matamis na halik.