CHAPTER 10
NAKATULALA ako nang bahagyang hampasin ako sa braso ni Ashely, katrabaho ko sa organisasyon at kumpanya na pinagtatrabahuhan ko. Narito kami ngayon sa counter at nakaupo sa isang stool habang paingay na nang paingay ang tugtugan sa buong night club.
“Ano bang problema mo riyan.” Singhal ko sa kaniya nang malingon sa gawi niya.
Naupo ito sa tabi ko at tinangka pang abutin ang drink ko, tinabig ko ang kamay niya palayo. Ang mahal-mahal ng alak dito tapos iinumin niya lang ang akin.
“Ikaw dapat ang tinatanong ko niyan, anong problema mo. Mukha kang tanga rito na broken, nakatulala sa kawalan?” Pang-aasar niya.
Napalabi ako at wala sa sariling tinitigan na lang siya. Kanina ko pa iniisip ang mga bagay na nalaman ko mula kay Kaijin ngayong araw, pinakawalan niya lang ako noong biglang may tumawag sa assistant niya, mukhang may business silang pupuntahan na hindi ko pa pwedeng samahan.
Nakahinga talaga ako nang maluwag noong pagkakataon na iyon. Tuturuan niya raw akong humawak ng baril sa susunod at kung paano iyon ginagamit, ni hindi man lang tinanong kung okay lang sa ‘kin? Hihimatayin ako, iyon lang ang sigurado akong mangyayari sa ‘kin kapag pinilit niya pa iyon!
Nasabunutan ko ang aking sarili. Kung bakit ba naman kasi kailangang makatagpo ko pa ulit ng landas ang lalaking iyon!
“May kilala ka bang Kaijin?” Frustrated na nilingon ko si Ashely habang nakatukod ang siko ko sa counter at sapo ng aking kaliwang palad ang aking ulo.
“Huh?”
“Bingi ka ba?” Umirap ako rito.
“Ang lakas kaya ng sounds sa paligid, boba ka ba!” Singhal niya. “Pero teka tama ba ang dinig ko, Kaijin ang sinabi mo?!” Aniya habang inilalapit pa ang mukha sa ‘kin.
“Oo nga! Kaijin Valencia!”
Napaisip ito sandali saka namilog ang mga mata. “Bakit?”
“Sa kaniya ako nagtatrabaho ngayon at-” bago ko pa nabanggit ang susunod na mga salita ay saka ko lang naalala ang mga pinag-usapan namin kanina at kung bakit ako nito tinutukan ng baril sa noo!
Bawal nga pala sabihin.
“Basta nagwo-work na ako sa kaniya ngayon. Assistant. ‘Wag ka maingay, ‘wag mong ipagkalat sa iba, okay?” Turo ko sa kaniya.
“HUH?!” Gulat na naman na react ni Ashley. “Pogi ‘yun ah. Pero teka, paano ka naman na-hired noon? Ganoon-ganoon lang?”
“Bakit?”
“Mayaman ‘yon pero bukod doon usap-usapan na... delikado siyang tao.” Nandidilat ang mga mata na kwento niya.
Napakamot ako ng noo. Ayun na nga, Ashley, delikado pa sa delikado!
Totoo talaga... ngayon pa lang nagsisink-in sa utak ko ang lahat!
“Ilag nga ang mga tao rito sa kaniya eh. Pero hindi ka talo roon, uulitin ko mayaman ‘yon. And single.” Nagtaas-baba ang mga kilay niya habang nakangisi. “Minsan nga nandito siya eh, naghahanap lang yata ng maikakama. Sipatin mo minsan, baka naman isama ka sa labas at bigyan ng tip na malaki. Basta galingan mo ang performance!”
Hindi makapaniwalang tinitigan ko ito. Huwag na lang ano. Kung ganoon kasalbahe at ka-aroganteng lalaki? Huwag na lang!
Saka ko naalala iyong unang gabi na nagkita kami. Wirdong detalyado pa rin sa isipan ko ang lahat ng nangyari sa pagitan naming dalawa, bawat haplos niya... bawat halik. Nagpapadala ng kakaibang elektrisidad sa katawan ko. Mariing ipinikit ko na lang ang aking mga mata at tinanggal iyon sa isipan ko.
Inirapan ko lang si Ashley bilang tugon sa sinabi niya at tinungga ang alak sa baso ko bago bumaba ng kinauupuang stool at iniwanan siya roon. Magtatrabaho na ‘ko ngayong gabi, sayang ang perang pwedeng kitain.
“Hi, I’m KC.” Pakilala ko sa target customer na lalaki nang makita itong mag-isa sa bandang dance floor. Sinulyapan ko nang mabilisan ang taga-video ko ‘di kalayuan sa ‘kin saka nagbalik ng atensyon sa mukhang lasing na lalaki sa ‘king harapan.
“Oh hi!” Balik na bati niya.
Nag-usap kami habang sumasayaw sa dance floor at base sa pananalita nito ay mukhang wala siyang pakialam kahit na may girlfriend na siya. Nagbaba ako ng tingin sa kamay nitong nag-umpisang humawak sa ‘king beywang habang ang katawan niya naman ay kanina pa paunti-unting inilalapit sa ‘kin habang sumasabay kami sa tugtog.
Napalingon ako sa kung saan at pasikretong napailing.
How disappointing.
Anyway, dahil naman sa mga ganitong uri ng lalaki kaya nagkakaroon ng mga paranoid na fiancee, girlfriends o wives, at dahil may mga paranoid na babaeng kagaya nila ay nagkakaroon ng customers ang Secret Help Hotline company na pinagtatrabahuhan ko.
Kaya rin ako may sahod na libo nang hindi na kailangan gumawa ng illegal na bagay ‘di katulad ng makulit kong pamilya.
“Wanna go somehwere else, sugar?” Bulong nito malapit sa ‘king tainga saka kinagat pa ang earlobe ko. Napdiretsong linya ang labi ko, pinipigilan na huwag manakit ng isang babaerong kagaya niya.
“Sure.” Nakangiting sagot ko nang humarap ito sa ‘kin.
Hinila niya ang kamay ko habang umaalis na kami ngayon sa dance floor at tinutunton ang exit door ng night club. May sinasabi itong kung anu-ano, obviously flirting with me, pero hindi ko inaatupag ang pakikinig at sa halip ay pahikab-hikab lang habang sinusundan ito sa paglalakad.
Ang plano ko ay aatras na ako kapag mismong huling-huli sa akto na siya sa video ng kasamahan ko rito sa paligid na dinadala niya ako sa kung saan man, dahil obvious naman na gusto niya na akong pagkainteresan.
Pero pagkalabas at pagkalabas pa lang namin sa Parking Lot ng night club ay may sumalubong na sa ‘ming grupo ng mga lalaki. Hindi ko sana masyadong papansinin nang makilala ko kung sino ang nasa gitna nila. Napalunok ako.
“No one’s going anywhere.” Bungad ni Kaijin, abala ang atensyon sa itinutuping red sleeves hanggang sa kaniyang siko. “Ano pang hinihintay mo? Pwede ka nang umalis sa harapan ko.” Dugtong pa niya na ngayon ay bagot ang titig sa lalaking kasama ko.
Pinandilatan ko ito ng mga mata. “Kaijin...” warning ko sa kaniya.
Kahit nakakatakot siyang uri ng lalaki at boss ko na siya magmula pa kaninang umaga ay hindi naman yata right timing na lalapit siya ngayon, halata namang nagtatrabaho ako at may mission pa ako sa lalaking ‘to na hindi pa tapos ano!
“Ako? Pinapaalis mo ‘ko?” Turo ng lalaki sa kaniyang sarili, mapungay na ang mga mata. Lasing na ‘to. “Sino ka ba? Hindi kita makilala, padaan na lang kami. May business pa kaming dalawa ngayong gabi.” Natatawa-tawang aniya pa saka nagdiretso ng lakad palapit sa gitna nila Kaijin.
Mukhang doon siya dadaan para mayabang na lagpasan ang mga ito. Wala akong nagawa kung hindi sumunod, ramdam ko ang matalim at seryosong titig ni Kai ngayon sa ‘kin kaya pinandilatan ko rin siya ng mga mata.
Ano? 12 hours lang ang usapang work ko sa kaniya. Lagpas 12 hours na ngayon, bakit niya ako ginugulo.
Nakita kong hinimas ni Kai ang kaniyang batok bago sinenyas ng kaniyang tango sa mga kasamang tauhan ang gawi namin nitong lalaking may hawak sa ‘king kamay. Mabilis pa sa ilang segundo nang mahabol kami ng mga tauhan niya at maharangan kami sa daraanan.
Pumalatak ang kasama kong lalaki na parang nauubusan na ito ng pasensya. Nagulat ako nang bumunot siya ng baril mula sa kaniyang beywang saka itinutok sa mga tauhan ni Kaijin. “Look, I didn’t do anything wrong tonight, me and this sexy lady beside me just want to have fun, so-“
“Bibigyan kita ng pagkakataong umalis.” Putol ni Kaijin sa sinasabi no’n, pagkalingon ko sa kaniya ay nagulat na lang ako nang makitang nakalapit na pala ito sa ‘min at ngayon ay nakadikit ang hawak na baril sa likod ng ulo ng lalaking kasama ko. Napasinghap ako. “Ayoko ng matagal na usapan, ang gusto ko lang ay umalis ka sa harapan ko at iwan ang babaeng iyan sa ‘kin.”
“Kaijin, ano ba?” Gulat na saway ko rito.
Naglipat siya ng tingin sa ‘kin at inangatan lang ako ng mga kilay, na parang inosenteng nagtatanong sa ibig kong sabihin.
Pagharap ko ay saktong naglabas din ng mga baril ang tauhan ni Kaijin saka itinutok sa lalaking pinaggigitnaan nilang lahat ngayon.
Takot na nagpeke ng tawa iyong lalaki saka dahan-dahang ibinaba ang baril at nagmamadaling tumakbo palayo sa ‘min. Iniiwan ako roon. Napapangiwing sinulyapan ko ang pwesto ng katrabaho kong kumukuha ng video sa ‘min at nakita itong ibinababa na ang videocamera, kamot-ulong naglakad na rin papasok ng night club.
Pumameywang akong lumingon kay Kaijin at sinamaan ito ng tingin. “Ano bang problema mo? Nagtatrabaho ako rito, kailangan pang mahuli sa akto at sa video iyong gagawin niya para naman malaki-laki ang tip ko rito, ngayon mo pa talaga naisipang manggulo.”
Umiling ito na parang inosente lang sa ginawa. “Wala naman. Gusto ko lang sabihing agahan mo ang gising bukas para naman hindi na ako matagal na maghintay sa labas ng bahay ninyo ulit.”
Napaawang ang bibig ko. “Iyon lang? Iyon lang ang rason?” Hindi talaga ako makapaniwala sa lalaking ‘to. Hinilot ko ang pagitan ng aking mga mata at kinalma ang sarili, gusto ko manakit.
“Oo, ‘yun lang. Bakit?” Walang kapaki-pakialam na tanong niya.
“Tsk!” Iritableng umirap ako sa kaniya saka tumalikod na para sana umalis nang marinig ko pa ulit itong nagsalita.
“Umuwi ka na sa inyo para naman maaga kang magising bukas.”
“Huwag ka ng pumunta sa lugar namin, ako na lang ang pupunta sa lugar mo. Malinaw?” Nagsusungit na tugon ko pagkatapos humarap sa kaniya.
“Alam mo ba kung paano pumunta roon?” Nanghahamon na tanong niya.
Itinikom ko ang bibig ko. Hindi pala.
“See you tomorrow, then.”
Umangat ang sulok ng kaniyang labi saka tinapik-tapik ang ulo ko bago tuluyang tumalikod sa ‘kin at naglakad palayo. Nanggigigil na kinagat ko ang ibabang labi ko saka hindi pinag-iisipang naibato ang hawak na bottled water sa likuran niya.
Nanlaki ang mga mata ko nang tumama iyon nang malakas sa bandang batok nito. Napahinto siya ng paglalakad.
Kinagat ko ang mga daliri ko sa kaba nang makitang hawak pa rin nga pala nito ang baril niya, hindi ko naman in-expect na aabutin pa siya ng pagkakabato ko!
Nang lingunin ako nito ay dali-dali akong tumalikod saka naglakad sa ibang daan palayo sa night club.
Nagpapasalamat na lang ako nang makahanap ako ng jeep papunta sa lugar namin at dali-daling sumakay roon, kinuha ko rin ang cellphone ko para mag-update sa organisasyon na pinagtatrabahuhan ko pero agad na bumungad ang text message ni Ashley.
From: Ashley
Eicine buhay ka pa ba?
Napakunot ang noo ko nang mabasa iyon, nagtipa agad ako ng reply.
To: Ashley
Sad to say oo buhay pa ako. At bakit naman ganiyan ang tanong mo, gusto mo na ba akong mamatay?!
Wala pang ilang minuto nang mag-ring ang phone ko. Tumatawag na ito ngayon.
“Bakit?” Bungad ko sa kaniya nang masagot ang tawag.
“Hoy boba ka! Ngayon ko lang naisip! Hindi ba ang pangalan ng customer mo ngayon ay Limuel Manares?!” Malakas ang boses na tanong niya. “Nabasa ko sa schedules natin sa work eh, sabi ko familiar siya hindi ko lang maalala kung bakit!”
Saglit akong napangiwi at nailayo ang phone sa ‘king tainga.
“Huwag ka ngang sumigaw naririnig naman kita. Ano bang mayro’n?” Nakakunot ang noong tanong ko saka nag-abot ng bayad sa kapwa-pasahero. “Manong, bayad nga! Pakibaba na lang ako sa Sitio Dos!”
“Pauwi ka na?! Hay, salamat naman, napadasal ako nang ‘di oras dahil sa ‘yo!”
“Bakit ba?”
“Limuel Manares, teh, bali-balitang matagal ng nakakulong iyan at nakalabas lang dahil binayaran ang mga pulis. Anong kaso niya, sige tanungin mo ‘ko kung ano.”
Salubong na salubong ang mga kilay na nag-focus ako sa usapan namin. “Sabihin mo na!”
“R^pe! Naka-tatlong babaeng ginahasa na iyan tapos lahat iyon pinatay niya after. Kaso iyong fiancee niya ngayon obsessed din siya ro’n pero hindi alam na nambababae siya at may kaso siya kaya lumapit sa Secret Help Hotline natin! Gago, muntik ka na kung tutuusin! Paano ka nabuhay?!”
Napaawang ang bibig ko at hinayaan siyang magkuda nang kung anu-ano habang napapaisip. May baril nga siyang dala kanina.
“Hinarang kami ni Kaijin...” saad ko sa mahinang boses, more like sarili ang kinakausap.
Coincidence lang bang tinopak ang aroganteng Kaijin na iyon at nang-inis lang kaya niya kami hinarang o alam niyang delikado ang kasama ko... nailing ko na lang ang aking ulo.
Pero imposible. Wala namang pakialam sa buhay ko iyon.