MARY
"Mary, ikaw na muna ulit ang bahala sa baba. May aasikasuhin lang ako."
"Mukhang importante 'yan ninang, ah. Napapadalas ang alis ninyo. Ano ho bang inaasikaso n'yo?" usisa niya.
"Wala naman, mga permit lang sa munisipyo," kaswal na sagot ng ninang niya.
Nagpatuloy sila ng pag-aalmusal. Dose anyos pa lang siya nang mamatay ang nanay niya at ang ninang Agnes lang na bestfriend nito ang kumupkop sa kaniya. Hindi na niya maalala kung nasaan ang kaniyang tatay. Ang natatandaan niya lang ay matagal nang hiwalay ang kaniyang mga magulang at di na ito nagpakita kahit pa namayapa na ang nanay niya. Ang ninang naman niya ay maagang nabalo at ang nag-iisang anak nitong si Carlo ay nag-aaral sa Canada mula nang magkokehiyo.
"Ako'y mauuna na at baka ako'y tanghaliin," paalam ng ninang niya, sabay tayo habang sinasagot ang tawag sa telepono.
Sinundan niya ng tingin ang babaeng napakaganda pa rin sa edad na sisenta. Malakas pa rin ang katawan nito, matuwid pa maglakad at bagay sa balingkinitang katawan nito ang kaniyang pananamit. Maamo ang mukha ito ngunit istrikta ang aura.
Napansin ni Mary ang naiwang envelope sa may side table. Agad niya 'yung inabot para ihabol sa baba. Maaga pa naman at sarado pa ang office kaya okay lang na nakapang-bahay lang siya.
Habang pababa ng hagdan, napansin niya ang tatak sa likod ng envelope. Logo ito ng isang ospital. Nakasulat doon ang pangalan ng Ninang niya at isang pangalang Dra. Divina Panganiban.
Bubuksan sana niya ang envelope nang marinig ang pagbukas ng pintuan sa ibaba.
"Anak," tawag ng kaniyang ninang.
Bumaba siya at iniabot ang envelope. "Napakamakakalimutin ko talaga," salubong nito.
"Oo nga po," ngiti ni Mary.
"Oh, siya. Ang opisina, ha? Kung hindi ka makapagdesisyon, tumawag ka lang," habilin nito.
"Ako na ho'ng bahala," sagot niya.
"Huwag mo nang ibo-book ang sarili mo, malulugi ang negosyo," pabirong habol ni Ninang.
"Never na!"
Natatawa siyang bumalik itaas. Naiisip pa lang niya na may bagong kliyente sa ospital ang ninang niya ay kinikilabutan na siya. Hindi niya na kakayaning magpanggap ng nang-abandonang ina ng may cancer na bata at mas lalong hindi niya kayang magpanggap na doktor o pasyente!
***
"Mary! Mary!"
"Hindi pa pinapasok ng kliyente ang opisina, nag-iingay ka na," salubong niya sa hysterical na si Andre.
"Narinig mo na ba ang balita?" pagbabalewala ng bakla sa reaksyon niya.
"Ano'ng balita?"
Agad ipinakita ni Andre sa kaniya ang cellphone na ikinadugtong ng kaniyang kilay.
"Nagpapanic ka dahil may nanggugulong babae sa JaDine?" nagtatakang niyang tanong.
"Gaga, ano'ng JaDine?!" Hinablot ni Andre ang phone at muling pinakita ang nawalang feed sa screen.
Hindi siya makapaniwala sa headline. Agad niyang binuksan ang TV at inilipat sa local news.
"Oh, my god, totoo ba 'yan?" bulalas niya. Sinagot ng malalakas na boses nina Marielle at Leni ang kaniyang tanong. Ibinabalita rin ng mga ito ang napapanood niya ngayon sa telebisyon.
Ang hinahangaan niyang si Raymond Wang na nagpasabog kailan lang ng kaniyang engagement issue ay nasangkot sa isang major car accident. Ipinapakita ngayon sa balita ang pag-angat ng sasakyan ng aktor mula sa bangin habang isinasakay ang duguan nitong katawan sa isang ambulansiya.
***
"Kawawa naman si Raymond, hanggang ngayon wala pang balita sa kaniya." Napabuntong-hininga si Mary sa sinabi ni Marielle.
Kahit hindi siya presidente o miyembro ng fans club ni Raymond, naging laman ito ng mga wallpaper niya sa phone at mga notebook noong highschool at college pa siya. Sinusundan niya rin ang mga balita tungkol sa buhay nito online.
"I wonder kung sino ang fiancee niya. Lalabas na kaya siya sa TV? Artista kaya?" wika ng kaibigan.
Lumingon siya kay Leni. Pareho sila ng iniisip.
"Totoo kaya 'yun?" di niya mapigilang tanong. "I mean, kahit papaano, dapat may nag-leak na may dine-date siya sa mga special occasion. Like 'yung fourth wedding ng papa niya. Nabalita 'yun, di ba? 'Yung sixtieth birthday ng mommy niya five months ago lang," mahabang saloobin niya.
"Oo nga. Kung may dapat makaalam no'n, ikaw 'yun, Marya," sang-ayon ni Andre. "Stalker ka niya, e."
"OA mo naman sa stalker," komento ni Mary nang tumunog ang telepono na nauna nang sinagot ni Andre.
"Ayan na 'yung informer ni Marya. Magbabalita na ng breaking news," biro ni Marielle.
"Acts of Love Services, how can we help you?" recite ni Andre sa phone.
Seryosong expression ang bumakas sa mukha nito habang pinakikinggan ang nasa kabilang linya.
"May kliyente ba?" tanong niya.
"Mary, si Ma'am Agnes, nasa ospital."
*****
"Ninang, bakit itinago mo?"
Malalim na buntong-hininga ang isinagot ni Ninang Agnes sa kaniya. Inabot niya ang kamay nito at pinisil. Kung hindi pa ito nawalan ng malay ay hindi niya malalaman ang tunay na kalagayan nito.
"Ang sabi ng doktor, madalas itong nangyayari sa mga maagang mabalo at mag-isa sa buhay. Twenty years has passed. I guess landi is life," casual na sagot nito.
"Ninang naman, e," reklamo niya na ikinatawa ng ninang niya.
"Eh 'yun nga ang sinabi ng doktor. We need s*x. And it's kinda healthy. Kaya siguraduhin mong ika'y mag-aasawa," paalala nito.
"Ninang, huwag mo akong intindihin. Kailangan nating pag-usapan ang kalagayan mo," puno ng pag-aalala niyang sabi.
"Huwag mo muna ako'ng iyakan, hija at di pa ko mamamatay. Napakaiyakin mo," biro nito ulit.
"Ninang... " magkahalong reklamo at pakiusap ni Mary. "Magpagamot ka. Gagawin natin ang lahat, okay? Kailangan mong gumaling. Sabihin natin 'to kay Carlo."
"Ang totoo..." buntong-hiniga ni Ninang. "Sinabi ko na sa kaniya. Mas nahirapan pa nga akong aminin sa 'yo ang kalagayan ko kaysa sa kinakapatid mo."
Nakangiti ang maamong mukha ni Ninang pero di ko pa rin napigilan ang mapaiyak at yakapin siya.
"Natural magpapagamot ako. Kaya ko nga inaasikaso, e. Pero tanging Diyos lang ang may hawak ng buhay natin. Ipinapasa-Kaniya ko na ang lahat ng maaaring mangyari sa akin," mahinahong paliwanag ni ninang na yumakap rin sa kaniya at tinapik-tapik siya.
Hinayaan ni Mary na tumulo ang luha niya. Natatakot siyang mag-isa at tuluyang maging ulila sa pamilya. Hindi niya matanggap na na-diagnose ang ninang niya ng cervical cancer. Madali niyang natanggap ang pagkaulila sa nanay niya dahil sa pamilyar na pagmamahal ni ninang Agnes sa kaniya. Pero ngayong ito na ang nasa di magandang kalagayan, hindi niya ubod-maisip kung paano niya ulit tatanggapin at malalampasan ang sakit na maidudulot nito.
*****
"Ninang, magpahinga na kayo sa itaas. Ako na muna ang bahala dito sa opisina." Hinarang ni Mary ang ninang niya.
"Anak, di ako lalakas kung nasa kuwarto lang ako. At least dito, malilibang ako," tutol nito. "Isa pa, kailangan natin ma-clear ang finances natin. Dapat maitabi nang mayos sa dapat kalagyan." Hawak nito ang ledger sa harap ng computer.
Hindi na siya umimik pa. May punto ito. Siguradong malaking halaga ang kakailanganin nila para sa pagpapagamot at future procedures para sa ninang niya. Kung kailangan niyang puntahan si Mr. Arellano sa balanse nito at pakiusapan ay gagawin niya. Gagawin niya lahat para gumaling ang pangalawang ina.
Naputol ang iniisip niya nang tumunog ang wind chime ng pintuan. Agad siyang lumabas ng opisina para masilip sa puwesto ang prospect client. Sa ngayon, kahit labag sa paniniwala niya, ang kailangan nila ay maraming kliyente para kumita. Mas maraming project, mas mainam.
Nagdugtong ang kilay niya sa dalawang lalaking pumasok. Sa suot nilang leather jacket, cap at dark shades, hindi niya maisip kung mag-aaply silang actor o mangho-hold up. Lumapit si Andre para salubungin sila at ituro ang direksiyon niya.
"Good morning, welcome to Acts of Love Services, how can we help you?" bungad niya ng protocol line.
Muntik siyang mapanganga nang ibaba ng isang lalaki ang salamin nito.
"Is Miss Agnes Morales here?" tanong nito.
"Y-yes sir," kinakabahan at excited niyang sabi.
"Do you know who I am?" tanong nito na nakataas ang isang kilay.
Dahan-dahang tumango si Mary. Hindi niya lang ito kilala. Kilalang-kilala!
"Good. I need your service."
Kaharap niya ngayon si Simon Guillermo. Ang manager ni Raymond Wang!