2

1238 Words
Pagkalipas ng maraming birthdays ni Jasmin... HINDI napigilan ni Jasmin ang pamamasa ng mga mata. Nasa isang bahagi siya ng maluwang na sala ng bahay ng boss niyang si Sir Gaelle Montalvo, na nang mga sandaling iyon ay nakangiti sa kanilang lahat na naroon—ang mga Department heads kasama ang ilang staff—na mga haligi ng Rayos. Ang Rayos ay ang twenty-five-year-old clothing company na pag-aari ni Sir Gaelle. Limang taon nang assistant si Jasmin ni Sir Gaelle. Sa unang tingin ay walang problema ang boss niya. Naikukubli nito sa mga ngiti ang tunay na kalagayan. Hindi niya sigurado kung gaano kalala ang kalagayan ng puso ni Sir Gaelle. Ang alam lang niya ay hindi biro ang kondisyon nito. Naalala niya ang isang sandali kung kailan sa unang pagkakataon ay nagpakita ng kahinaan ang boss niya. Nakumpirma niya nang gabing iyon na mabigat ang karamdaman nito... "Jasmin," mahinang tawag ni Sir Gaelle nang palabas na sana si Jasmin para iwan ito sa private office. Nilingon niya ang kanyang boss. "Yes, Sir G?" "Sir G" ang tawag dito ng lahat. "May utos pa po kayo?" Marahan itong umiling, nasa dibdib ang kamay at humahagod na parang may dinaramdam sa bahaging iyon. "Samahan mo muna ako..." Kasunod niyon ang paghinga nang malalim. Napapakunot-noong bumalik si Jasmin malapit sa mesa nito. "Are you okay, Sir?" Sa halip na sumagot ay sumandal si Sir G sa back rest ng kinauupuan at mariing pumikit, patuloy ang kamay sa paghagod sa sariling dibdib. Napatitig na lang si Jasmin sa boss niya, hinihintay na magbigay ito ng utos pero nanatili ito sa ganoong posisyon sa ilang sandaling lumipas. Mayamaya ay nagmulat ng mga mata si Sir G, tumayo at umikot sa mesa para lapitan siya. Nang nasa tabi na niya ang lalaki ay tumingala ito at sunod-sunod ang paghinga nang malalim. "Sir G?" Mula sa kisame ay itinuon nito sa kanya ang mga mata. Wala sa loob na umawang ang mga labi ni Jasmin, naghahalo ang damdamin sa mga mata ni Sir G at unang beses niyang nakita iyon sa loob ng limang taong nakasama niya ito. Hindi niya naisip na makikita ang ganoong damdamin sa mga mata ng boss niya—pain, loneliness, fear, and a lost look. Sa kung anong dahilan ay parang may pumitik sa kanyang dibdib pagkatapos magtama ang kanilang mga mata. Natiyak niyang may problema nga ito. "Maaga pa naman, Sir G. Gusto n'yo bang magkuwento bago ako umuwi?" Pinagaan ni Jasmin ang tono. Sa halip na sumagot ay niyakap siya nang mahigpit ni Sir G, na ipinagtaka niya nang husto. Kung nagkataong ibang tao ito—o ibang boss rather—ay kanina pa niya ito itinulak. Pero si Sir Gaelle Montalvo ito, ang nirerespeto nilang boss na walang ibang ipinakita sa kanya kundi kabutihan. Sa loob ng limang taon ay nagawa nitong makuha ang pinakamataas na respetong iniukol niya sa isang tao. Naging mas magaling siya sa trabaho dahil dito. Lahat ng natutunan niya sa mga lumipas na taon ay utang niya kay Sir G. Hindi nakapagsalita nang mahabang sandali si Jasmin. Hindi niya inaasahan ang ginawa ng kanyang boss. At lalong hindi niya inaasahan ang naramdamang higpit ng yakap nito, na para bang natatakot itong mag-isa. Natagpuan na lang niya ang sarili na hinahagod ang likod ni Sir G. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil wala siyang ideya sa kung anumang pinagdaraanan ng boss niya. Nakilala niya itong matatag at walang iniinda. Laging positibo at hindi matatawaran ang enthusiasm. Ano at bigla ay gumuho ang tatag nitong kinasanayan niya? "Samahan mo muna ako, Jas." Tumango lang siya. "Thank you." Sinamahan nga ni Jasmin si Sir G nang hindi nagtatanong ng kahit ano. Hinintay niya itong magsalita subalit nanatili itong tahimik lang. Sa huling minuto na lang niya narinig na nagsalita si Sir G. Dalawang salitang hindi niya alam kung para saan. "I'm scared." Umawang ang mga labi ni Jasmin, hindi alam kung ano ang dapat at tamang sabihin. Ang pananahimik niya marahil ang dahilan kaya nagtuloy-tuloy ang kuwento ni Sir G... mga eksena at pangyayari sa buhay nito na sa palagay niya ay nagdulot ng labis na sakit sa damdamin nito—ang pagkawasak ng sariling pamilya. Hindi namalayan ni Jasmin na iyak na siya nang iyak habang nagkukuwento ang kanyang boss. Sa huling bahagi ng kuwento ay hindi na niya napigil ang emosyon, niyakap niya nang mahigpit si Sir G—sa paraang iyon man lang ay maiparating niya ang kanyang pagdamay. Hatinggabi, nasa bahay na siya nang matanggap ang tawag mula sa ospital. Isinugod doon ang boss niya dahil sa atake sa puso. At ngayon, heto sila—sa farewell meeting na ipinatawag ni Sir G. Nagbiro pa ang kanyang boss na mai-stress out daw ito nang husto kung sa conference room pa gaganapin ang meeting na iyon kaya mas pinili nitong sa bahay na lang. Kanina lang nila narinig ang malungkot na balita. Kailangang umalis ng Pilipinas ni Sir G para mas matutukan daw ang gamutan. Hindi ito nagbigay ng detalye tungkol sa totoo nitong sakit at wala rin sa kanila ang naglakas-loob na magtanong. Ang sumunod na mga sinabi ng kanilang boss ay papuri na tungkol sa bawat team. Napansin ni Jasmin na umiiyak nang tahimik ang bunsong kapatid ni Sir G na si Glaire, ang Designer at head ng Production team. Ang panghuling sinabi ni Sir G ay pakiusap—hiniling na suportahan nila ang pansamantalang kapalit nito na makikilala nila sa mga susunod na araw. Hindi nagbigay ng pangalan ang kanilang boss. Ibigay raw nila sa magiging kapalit ang suporta, respeto, at pagmamahal na ibinigay nila kay Sir G. Tumutok kay Jasmin ang tingin ni Sir G pagkatapos sabihin iyon. Hindi raw perpekto ang kapalit ng kanyang boss. Siya na raw ang bahalang umunawa at magturo ng mga bagay na kailangang malaman ng magiging bagong boss niya. Tahimik siyang tumango. Sa huling sandali ng pag-uusap na iyon ay nagpaalam uli si Sir G kasunod ang pasasalamat sa kanilang lahat. Hindi na napigil ni Jasmin ang mapaluha. Hindi lang naman siya ang umiyak nang mga sandaling iyon, halos lahat sila, patunay kung gaano kabuting leader si Sir G. "Guys, I'm still here, I'm alive! My goodness. Bakit umiiyak na kayong lahat?" Naghalo ang ungol at tawa sa paligid. "Jasmin?" "Napuwing lang ako, Sir G," ani Jasmin na ngumiti, mabilis na tinuyo ang naglandas na mga luha sa mga pisngi. Tumawa nang magaan si Sir G at mayamaya pa ay tinapos na ang meeting. Tulad ng dati, naiwan si Jasmin kasama ang boss. "Come here, Jas." Lumapit si Jasmin. Hindi na siya nagulat nang yakapin siya ni Sir G. "Mami-miss natin ang isa't isa, that's for sure." "Oo naman, Sir G. Kailangan ba talagang mas paiyakin n'yo pa ako?" Naramdaman niya ang pagtawa nito. "Baka hindi na tayo magkita, Jas—" "Sir G," agad na putol niya. "You're going to come back. We'll wait for you. Kahit matagal, hihintayin ka namin, basta bumalik ka." Naramdaman ni Jasmin ang paghinga nang malalim ng boss niya. "Kung sakaling matagalan ako, ikaw na'ng bahala sa anak ko, Jas. Alalayan mo siya sa lahat ng pagkakataon—para sa akin." Natigilan siya. "A-anak, Sir G?" "Si Gareth ang papalit sa akin." Pakiramdam ni Jasmin ay umikot pabalik ang orasan at huminto iyon sa isang eksena sa kanyang nakaraan. Sa batang may itim na itim na mga mata... sa ice cream... sa Sampaguita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD