3

1342 Words
"JUICE, Ate Jasmin?" salubong ni Joey, ang sixteen-year old na malayong pinsan ni Jasmin. Si Joey na ang naging lalaking anak-anakan ng mga magulang ni Jasmin mula nang umalis ng Pilipinas si Kuya Joshua. Hindi nasayang ang mga pangaral noon ng papa nila sa kanilang magkapatid. Lumaki silang pareho na baon ang mga itinuro ng kanilang ama, lalo na tungkol sa pera at kaalaman. Hindi nga lang nangyari ang inaasahan ng papa nila na susunod sa yapak nito si Kuya Joshua. Pero hindi man naging tulad ng kanilang ama na tinapay ang buhay ay naging chef naman si Kuya Joshua—isang cruise chef sa kasalukuyan. Si Jasmin naman ay graduate ng Marketing. Sa Rayos ang first job niya pagkatapos ng graduation, napasama siya sa marketing team. A year later, personal siyang pinili ni Sir G para maging personal assistant. Umalis na ng Pilipinas si Kuya Joshua nang panahong iyon. Ang papa at mama naman nila ay ang bakery ang pinagkakaabalahan—ang "MJP" o Mang Jay Pandesal sa Calle Amor. Hindi gusto ng kanilang ama na mag-branch out sila sa labas ng Calle Amor. Gawin daw nila iyon kapag handa na silang magkapatid na bitiwan ang kanya-kanyang trabaho para tutukan ang negosyo. Darating ang araw na mapapagod din daw silang magkapatid sa pagtatrabaho para sa ibang tao. Iyon na raw ang tamang pagkakataon para sa pagpapalaki sa MJP. Sa ngayon ay ang mga magulang nila, si Joey, at dalawang katulong na pawang mga kamag-anak din ang nakatutok sa MJP. "Tubig," sagot ni Jasmin kay Joey. "Malamig na malamig na tubig. Thanks." Nilampasan na niya ang pinsan. Pumasok siya at tumuloy sa bakery area kung saan niya naririnig ang malakas na tawanan. Ang papa na naman niya ang pasimuno sa kuwentuhang pulos kalokohan. Iyon siguro ang isang bagay na kaibahan ng MJP—ang saya at tawanan sa gitna ng trabaho. "'Pa! 'Andito na ako!" ani Jasmin pagkatapos sumilip. "Kumusta ang trabaho? Pawis na pawis kayo, ah," baling niya sa dalawang alalay ng ama na abala sa kanya-kanyang ginagawa. Ngumiti sa kanya ang dalawang alalay. Ang papa naman niya ay huminto saglit sa pagtawa at tiningnan siya. "Kumain ka na, Jasmin. Umalis lang saglit ang mama mo." "Hindi pa ako gutom, 'Pa. Bababa na lang ako mamaya." Nagpaalam na siyang tutuloy sa kanyang silid. Mayamaya pa ay nakasunod na sa kanya si Joey dala ang tubig. "May mga dumating bang orders si Papa, Joey?" "Isa lang, Ate Jas, birthday cake. Tinanggihan niya 'yong dalawang wedding cakes, eh." "Bakit?" "Para kay Kuya Joshua raw ang mga ganoon kasosyal na orders, eh. Masyado raw madetalye." "Kaya naman niya 'yon, ayaw lang niya." "Alam mo na naman si Tito Jay, mas gusto niya ang maraming kuwentuhan kaysa maraming trabaho. Ayaw n'on ng pressure. Ikaw na kasi ang pumalit sa kanya, Ate Jas. Marunong ka namang mag-bake at mag-decorate ng cake, 'di ba?" Marunong nga siya pero wala roon ang puso niya. Hindi rin siya into sweets. Kaya kung tututukan nilang magkapatid ang negosyo sa mga susunod na araw ay hindi siya puwede sa production. Marketing at Accounting lang siya. Inabot niya ang tubig mula kay Joey at halos masaid niya iyon. "May problema ka ba, Ate Jas?" Napatingin siya kay Joey. "Wala. Bakit mo naisip 'yan?" "Ngayon ka lang kasi humingi ng tubig, eh. Parang may iniiisp ka rin mula kaninang dumating ka." "Pagod lang ako." Tumango lang ang kanyang pinsan at nagpaalam nang lalabas ng silid. Sa isang sulok ng mata ni Jasmin ay nakita pa niya ang paglingon sa kanya ni Joey bago tuluyang lumabas. ILANG segundong nakatitig lang si Gareth Montalvo sa wineglass sa harap niya. Animo ay tuod siyang nakatayo lang pagkatapos ibaba ang telepono. Bakit ba puno ng mga unexpected calls ang buwang iyon? At hindi lang iyon mga simpleng tawag kundi mga tawag na may dalang masamang balita. Una ay ang aksidenteng pumatay sa mommy niya... Mariing pumikit si Gareth. Tila pait at talim ng lason ang gumuhit sa kanyang dibdib. Kumalat ang sakit na iyon hanggang sa magsikip ang paghinga niya. Pahablot niyang niluwagan ang kanyang neck tie. Tatlong buwan na ang lumipas pero hindi nabawasan kahit katiting ang sakit. Pakiramdam nga niya ay mas nagiging miserable siya sa bawat araw na lumilipas. Naalala niyang isang linggo siyang halos wala nang malay sa kalasingan dala ng gabi-gabing pag-inom. Hindi niya kinaya ang labis na kalungkutan nang mga unang gabing mag-isa na lang siya. Dalawang buwan ang lumipas, nagkaroon siya ng dahilan para patuloy na mabuhay—ang balikan at harapin ang walang kuwenta niyang ama na nang-iwan sa kanilang mag-ina noon para sa ibang babae. Haharapin niya ang ama para ibalik ang sakit ng loob na ipinaramdam nito sa kanilang mag-ina mula noong fourteen years old lamang siya. Subalit hindi pa man nauumpisahan ang mga plano ay tinanggap na ni Gareth ang regalong para sa kanya na iniwan ng kanyang ina sa best friend nito—isang video clip na nagbibilin na bumalik siya sa kanyang ama dahil iyon daw ang dapat. Hindi nagbigay ng paliwanag sa mga sinabi ang mommy niya, ang binanggit lang ay magiging masaya raw ito kapag sinunod niya ang gusto nito. Mas sumidhi ang galit ni Gareth. Alam niyang may ginawa ang daddy niya na nagpabago sa isip at damdamin ng mommy niya. Hanggang sa huling pagkakataon ay tila alipin pa rin na napapasunod ng kanyang ama ang kanyang ina. He hated his father all the more for that. Labag man sa loob ay sinunod ni Gareth ang bilin ng kanyang ina. Hinarap niya sa unang pagkakataon si Gaelle Montalvo. Gusto niyang humalakhak nang walang laman nang sabihin ng kanyang ama na isang malaking pabor ang kailangan nito mula sa kanya. His father wanted him back because he was the one suited for the position he would vacate soon, not because he needed him as his son. Humalo ang sakit sa galit. Gusto niyang sugurin ang ama na kalmadong nakaupo sa silya para saktan, para sabihin kung gaano ito kawalang kuwentang ama, para isigaw sa mukha nito kung gaano sila sinaktan ng mommy niya, at kung paano sinira ng kanyang ama ang magandang tingin niya sa mundo noon. Ngunit mas piniling manahimik ni Gareth. Agad niyang naisip na tanggapin ang trabaho para sirain ang lahat ng pinaghirapan ng daddy niya—ang magandang image nito sa trabaho, ang respeto ng mga tao, ang kompanyang pinahahalagahan nito. Gusto niya ring durugin ang pride at puso ng kanyang ama. Iyon ang plano hanggang sa tinanggap niya ang tawag ni Auntie Glaire—na malapit sa kanilang mag-ina—at ipinaalam ang masamang balita. May sakit ang kanyang ama, malubha ang lagay ng puso sa kasalukuyan. Nagulo ang mga plano ni Gareth. Paano niya sisirain ang isang taong walang kalaban-laban? Sa loob ng isang linggo ay ilang beses niyang natagpuan ang sarili sa puntod ng kanyang ina. Paulit-ulit niya itong kinakausap para ilahad ang maraming bagay na gumugulo sa kanyang puso. Kagabi naman, sa kawalan ng mapupuntahan ay natagpuan ni Gareth ang sarili na nasa loob ng isang simbahan. Wala siyang ginawang kahit ano. Hindi siya nanalangin, tahimik lang siyang nakatitig sa altar, at pinakikiramdaman ang katahimikan. Pagkalipas ng mahabang sandali ay natagpuan niya ang sarili na umiiyak nang tahimik, nagbalik sa kanya kung gaano naging miserable ang buhay niya sa mga nakalipas na taon na wala siyang kilalang emosyon kundi galit. Puno ng pait ang puso niya na hindi na nagkaroon ng espasyo sa kanyang dibdib ang mga positibong emosyon. Nagtapos ang gabing iyon na nag-pass out na naman siya sa kalasingan. Ngayon, sa ikatlong buwan ng impiyernong sitwasyon ni Gareth ay tinanggap niya ang tawag mula kay Auntie Glaire—lumipad na ito patungo sa States kasama ang daddy niya. Kailangan na niyang tuparin ang usapan nila. Kailangan na niyang magpakita sa Rayos at ituloy ang mga trabahong iniwan ng kanyang ama. Bigla niyang dinampot ang wineglass at marahas na ibinato sa dingding kasabay ng malakas na pagsigaw na nilunod lang ng malakas na rock music na pumupuno sa apat na sulok ng silid...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD