bc

Calle Amor (Complete)

book_age16+
895
FOLLOW
2.2K
READ
contract marriage
family
fated
goodgirl
self-improved
inspirational
beta
sweet
office/work place
like
intro-logo
Blurb

Tahimik ang mundo ni Jasmin bilang assistant ng limang taon na niyang boss na si Sir G. Masaya siya sa trabaho, nag-e-enjoy kasama ng mga kaibigan sa trabaho, at naging best friend pa niya ang guwapong abogado ng kanyang boss.

Hindi niya naisip na sa isang iglap ay magbabago ang lahat nang magkasakit ang boss niya. Kinausap siya ni Sir G bago ang gabing isinugod ito sa ospital—inilahad sa kanya ang isang bahagi ng kuwento ng pamilya nito. At bago lumipad patungo sa Amerika para magpagamot ay ibinilin sa kanya ni Sir G na alalayan ang nag-iisa nitong anak—si Gareth na naging pansamantalang kapalit bilang bago niyang boss.

Hindi napaghandaan ni Jasmin ang animo ipuipong pagdating ni Gareth sa kanyang buhay. Kung anghel ang ama nito, si Gareth ang buhay na counterpart niyon. Lahat sila ay tila gustong idamay ni Gareth sa galit sa mundo at sa miserableng buhay nito. Ngunit nang mamatay ang dati niyang boss ay naipit si Jasmin sa isang sitwasyong maglalapit sa kanya kay Gareth.

Unti-unting lumalim ang pagkakakilala niya kay Gareth... at hindi niya napaghandaan ang unti-unti ring pagbabago sa t***k ng kanyang puso...

chap-preview
Free preview
Part 1: Dark Eyes, Promises and Ice Cream
Noong memorable pa ang birthday ni Jasmin... PINIPIGILAN lang ni Jasmin na pumatak ang mga luha. Sinumpong na naman ng pagka-bad boy ang Kuya Joshua niya. Bumili ito ng ice cream para sa sarili lang. Alam niya kung bakit ginawa iyon ng kapatid—paiiyakin na naman siya para makabawi sa kanya. Nasa mall kasi sila nang araw na iyon para sa birthday niya sa susunod na araw. Ibibili siya ng regalo ng papa nila. Siya ang bunso kaya papa's girl siya. Hindi nakakalimutan ng papa nila na ibili siya ng regalong bagong damit tuwing birthday niya samantalang kapag birthday ni Kuya Joshua ay tinapay ang ibinibigay na regalo rito ng kanilang ama—tinapay na pagkatapos tikman ni Kuya Joshua ay itinuturo ng ama nila kung paano iyon gawin. Ang laging naririnig ni Jasmin sa ama ay mas pakikinabangan ni Kuya Joshua ang "regalong kaalaman" na iyon kaysa sa gusto nitong laruan o bagong damit. Si Jasmin naman, bilang babae, ay prinsesa ang turing ng kanilang ama, bagay na laging ugat ng tampuhan nilang magkapatid. Pakiramdam kasi ng kuya niya ay paborito siya ng papa nila. Kapag silang dalawa na lang ang magkasama ay ginagantihan siya ni Kuya Joshua sa pamamagitan ng pagkakait ng mga bagay na gusto niya—tulad ng ice cream na sarap na sarap nitong kinakain nang mga sandaling iyon. Nakabungisngis pa ang kapatid niya habang tinatakam siya. Maganda raw ang naging resulta ng assignment na ipinagawa kay Kuya Joshua ng papa nila kaya bilang premyo ay binigyan ito ng pera na ginamit pambili ng ice cream. "May sukli pa ako," nang-aasar pang sabi ni Kuya Joshua. Kung hindi lang talaga mas matanda nang tatlong taon ang kapatid niya ay baka lagi niya itong sinasabunutan sa mga ganoong pagkakataon. Ten years old si Kuya Joshua at si Jasmin naman ay magse-seven years old pa lang sa susunod na birthday. "Isusumbong kita kay Papa!" nakangusong banta ni Jasmin. Alam niyang sapat lang ang perang ibinigay kay Kuya Joshua dahil mahigpit ang papa nila pagdating sa pera. Mahalaga ang bawat piso, iyon ang turo ng ama nila sa kanilang magkapatid. Tuwing hihingi sila ng pambili ng candy ay hihingan sila ng ama ng maraming rason kung bakit kailangan nilang bumili niyon. Hindi nito tinatanggap na rason ang "gusto lang" nilang bumili, kailangan daw ay may paliwanag. Wala silang maibigay na paliwanag kaya isusuko na lang nilang magkapatid ang kagustuhang bumili ng candy. Alam ni Jasmin na may nagawang maganda ang kuya niya para bigyan ito ng papa nila ng premyong pang-ice cream. "Di magsumbong ka!" ani Kuya Joshua na hindi man lang natakot sa banta niya. "Hindi kita bibigyan nito at hindi ko rin ibibigay ang binili ko sa sukli nito—para sa 'yo 'yon, itatapon ko na lang. Magsusumbong ka pala, eh!" Namilog ang mga mata ni Jasmin. "May binili ka para sa akin, Kuya? Ano 'yon?" "Mangako ka munang hindi mo ako isusumbong kay Papa." Nalukot ang kanyang mukha. "Pangako na naman?" Tulad ng pagpapahalaga sa piso ay tinuruan din sila ng kanilang ama na magpahalaga sa pangakong binitiwan sa kahit kanino. Importante raw ang pagiging tapat sa salita. "Ayaw mo?" "Sige na nga! Promise..." Ang sama na ng pakiramdam ni Jasmin. Hindi na nga niya matitikman ang ice cream ay hindi pa niya maisusumbong ang kapatid sa papa nila. Ngumisi si Kuya Joshua. Lalong napasimangot si Jasmin. Ang ngising iyon ang nagsasabing naisahan na naman siya ng kapatid. Inilagay ni Kuya Joshua sa likuran ang isang kamay at may kinuha. "O, heto para sa 'yo," sabi nitong nang-aasar ang ngiti. "Prinsesa ka ni Papa, 'di ba? 'Yan, Sampaguita, para sa prinsesa!" Ikinuwintas nito sa kanya ang flower necklace. "Hindi masarap maging prinsesa, 'no? Mas masarap ang ice cream ko!" Nang-aasar pang tumawa ang kapatid niya at patakbong umikot-ikot sa paligid, tinatawanan siya. Napapaiyak na inirapan ni Jasmin si Kuya Joshua. Hindi siya basta susuko. Makakahuha rin siya ng ice cream gamit ang Sampaguita na bigay nito. Katakot-takot na irap ang iniwan niya sa kapatid bago tinakbo ang kinaroroonan ng nagtitinda ng ice cream. May ilang mga batang naroon na ibinibili ng mga magulang ng ice cream. Nakontento muna siyang magmasid, saka na lang lalapit kapag mag-isa na lang ang nagtitinda. Mayamaya pa ay nangyari na ang nais ni Jasmin. Umalis na ang huling mag-inang bumili ng ice cream. Handa na sana siyang makiusap pero naudlot iyon nang may nagsalita sa kanyang likuran—malaking boses ng lalaki, bumibili rin ng ice cream. Bigla siyang lumingon, wala sa loob na hinawakan ang Sampaguita na nakakuwintas pa rin sa kanya. Sinalubong ang paglingon ni Jasmin ng itim na itim na pares ng mga mata. Isang batang lalaki na kasintangkad at kasing-edad yata ni Kuya Joshua ang nasa likuran niya. Hawak sa bisig ang bata ng lalaking narinig niyang nagsalita. Ibinigay ng tindera ang isang ice cream sa lalaking hindi pa rin hinihiwalayan ni Jasmin ng tingin dahil nakangiti ito sa kanya na parang kilala siya. Ibinigay naman ng lalaki sa bata ang ice cream—na marahan namang iniabot sa kanya ng batang may itim na itim na mga mata. Hindi nagsalita ang bata, nakatingin lang sa kanya habang iniaabot ang ice cream. Napalunok si Jasmin. Ano ang gagawin niya? Gustong-gusto niya ng ice cream pero hindi niya maaaring suwayin ang mahigpit na bilin ng mga magulang niya—na hindi sila dapat tumanggap ng kahit ano mula sa mga taong hindi nila kilala. Isusuko na ba niya ang pagiging prinsesa at mas gugustuhin niya ang ice cream? Wala sa loob na hinawakan niya ang kuwintas na Sampaguita. "Gusto mo 'yan, hindi ba?" anang ama ng bata. "Kunin mo na, malinis 'yan." "Gusto ko po... Kaya lang..." "Kaya lang?" "Kaya lang po, hindi ko kayo kilala, eh. Bilin po ni Papa na 'wag kaming kumuha ng kahit ano mula sa hindi namin kakilala. 'Tapos po, hindi n'yo basta pinulot lang 'yong mga pisong ipinambili sa ice cream na 'yan. Hindi daw po tamang tatanggapin na lang namin ang mga bagay na may halagang hindi naman namin pinaghirapang makuha." Sa pagtataka ni Jasmin ay tumawa ang lalaki. Kumurap-kurap lang siya sa harap nito. Ibinaba ng lalaki ang sarili para magpantay ang kanilang mga mukha. "Ibigay mo na lang sa anak ko ang isang bagay na mahalaga sa 'yo kapalit ng ice cream, okay na ba 'yon?" Hindi napigilan ni Jasmin ang matamis na pagngiti. Sa bagay na iyon ay magkakasundo sila. Marahan niyang hinubad ang flower necklace niya. Mas gusto niya ang ice scream kaysa maging prinsesa nang mga sandaling iyon. "Okay na po ito?" Hindi sumagot ang lalaki at bumaling sa anak na nakatingin lang kay Jasmin. Walang reaksiyon ang batang lalaki pero tumango. Lumapit si Jasmin at ikinuwintas ang Sampaguita sa bata. Iniabot uli sa kanya ng bata ang ice cream na nagsisimula nang matunaw. Bumaling uli si Jasmin sa ama ng bata na nakangiti namang tumango pero bago niya nahawakan ang cone ng ice cream ay pinigilan siya ng boses nito—sabihin daw muna niya ang kanyang pangalan. "Jasmin po." Kinuha na niya ang ice cream. Sa bata na siya nakatingin, sa batang hindi pa rin umiimik pero nakatingin din sa kanya. Napahinto tuloy siya sa unang tikim sa ice cream, naalala niya ang pakiramdam kaninang pinagkaitan siya ni Kuya Joshua. Inilapit niya sa bata ang ice cream. Umiling ang bata, nilalaro ng mga daliri ang kuwintas na Sampaguita. Bibili sana ng isa pang ice cream ang ama ng bata pero hindi na natuloy dahil umiling ang bata, tanda na ayaw nitong kumain ng ice cream. "Jasmin!" Boses iyon ng kanyang ama na ikinalingon niya. Kasunod ng papa niya si Kuya Joshua. Sa tingin ni Jasmin ay pinagalitan ng papa nila ang kapatid niya. At siya naman ang lagot ngayon dahil kumakain siya ng ice cream mula sa hindi niya kakilala! "Papa..." Hindi niya alam kung ano ang sasabihin nang makalapit na sa kanila ang kanyang ama. Sa ama ng batang lalaki nakatuon ang tingin ng papa niya sa halip na sa kanya. Mahigpit siyang hinawakan sa bisig ng kanyang ama. "Please, don't get mad at her, Sir." Natigilan si Jasmin kasabay ng papa niya nang magsalita ang bata na mula pa kanina ay tahimik na tahimik lang. Napatingin silang lahat sa bata na sinalubong ang mga mata ng kanyang ama. "Hindi po niya hiningi 'yan, ibinigay ko po kapalit ng kuwintas niya." Napatitig nang ilang segundo ang papa ni Jasmin sa bata bago lumipat ang tingin sa ama ng bata na napapangiti naman. Ginulo pa ng lalaki ang buhok ng bata bago nagpaalam. Malayo na ang mag-ama ay nakasunod pa rin ang tingin ng papa ni Jasmin sa dalawa...

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Playboy Billionaire's Desire (tagalog)

read
1.1M
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
87.4K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
67.5K
bc

The Father of my Child- (The Montreal's Bastard)

read
156.7K
bc

His Obsession

read
71.6K
bc

The Hot Professor (Allen Dela Fuente)

read
18.4K
bc

Pleasured By My Bestfriend's Brother

read
10.2K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook