Tahimik si Maki nang umakyat sila sa ikalawang palapag kung saan nandoon ang kuwarto ni Talia para mabigyan sila ng privacy. “Nasa baba lang ako. Tawagin mo lang ako kung kailangan mo ako,” sabi ni Talia bago sila iniwanang mag-ina. Sandaling katamihikan ang namayani sa pagitan nila nang sumara ang pinto. Puno ng tensiyon ang maliit na kuwarto. Nakahalukipkip siya sa pinto habang ito naman ay nakatayo sa paanan ng kama ni Talia. Ilang talampakan lang ang layo nila sa isa’t isa subalit parang napakalayo ng pagitan nila. Pinaglayo ng sampung taon ng sakit at galit. “Kumusta ka na, anak? Dalagang-dalaga ka na at napakaganda,” anitong puno ng paghanga habang nakatitig sa kanya. At kamukhang-kamukha mo ako, nais sana niyang idagdag. Sa kabila ng hapis na mukha at pangungulubit ng balat dahi

