Nangibabaw ang galit sa puso ni Maki. Hinawakan niya nang mariin ang balikat ni Lupita at tinulak palayo. “Miss na miss ninyo ako?” tanong niya sa malamig na boses. “Iniwan ninyo kami ni Papa para sumama sa ibang lalaki. Ni hindi nga kayo nagparamdam sa akin sa loob ng maraming taon. Kinalimutan na ninyo ang pagiging ina ninyo sa akin, di ba? Ano pang kailangan ninyo sa akin ngayon?” Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at tiningnan siya sa mga matang tigmak ng luha. “H-Hindi totoo iyan.” Naging bingi siya sa pagtanggi nito dahil inaasahan na niya iyon. “Wala na ba ang lalaki ninyo? Iniwan na kayo kaya bigla ninyong naalala na may anak kayo? O huwag ninyong sabihing sampung taon kayong nagka-amnesia at ngayon lang ninyo ako naalala.” Hinaplos nito ang pisngi niya sa nangininig na kamay.

