“NAKIKIPAGKITA ka sa babaeng iyon?” Puno ng akusasyon at asido ang boses ni Santina habang nanlilisik ang tingin kay Maki. Umiling siya habang mahigpit ang pagkakahawak sa shoulder bag niya. Kanina pa ito tahimik sa sasakyan pero alam niyang parang bulkan ito na nagbabantang sumabog. Pagdating sa bahay at kaharap na nila ang Papa niya ay saka siya nito kinompronta. “Hindi po. Basta na lang siyang lumapit sa akin kanina. Ngayon ko lang po siya nakita. Hindi ko nga po alam na buhay pa siya.” Hinaklit ng madrasta niya ang braso niya at napaigik siya sa pagbaon ng kuko nito sa balat niya. Pakiramdam niya ay nagpasa na iyon dahil sa paulit-ulit na mahigpit nitong hawak sa kanya. Malayo sa malamyos na hawak ng nanay niya na kahit minsan ay di siya pinagbuhatan ng kamay. “Nakipag-usap ka ba sa

