MAKI was humming with her eyes closed. Nakadipa ang mga kamay niya. Ang buhok niya na kanina ay nakapusod ay malayang tinatangay ng hangin. Nakatayo siya sa gilid ng dalampasigan habang pinaliliguan ng liwanag ng buwan. Wala siyang pakialam kung nababasa na ng alon ang laylayan ng mamahalin niyang Filipiniana terno at natitilamsikan ng tubig alat. Maaring pagalitan na naman siya ni Santina dahil doon pero saka na niya iyon iisipin.
Gusto niya ang ganito - tahimik, malaya at walang patakaran. Mas komportable siya sa sarili niya. Mas mabuti na ito kaysa sa loob ng ancestral house kung saan de numero ang kilos niya. Dito lang siya nakakahinga at nakakaawit nang walang nanggugulo sa kanya.
Kalayaan. Iyon ang nais niya.
"Alam mo ba kung gaano kapanganib na manatili nang mag-isa dito sa dilim? Bakit nandito ka at wala ka sa loob?"
Nahigit niya ang hininga at pumihit sa pinagmulan ng maigting na boses na iyon. Nakatayo ilang metro mula sa kanya ang pinakaguwapong lalaking nasilayan niya.
Nakaplastada ang buhok nito palayo sa pangahan nitong mukha. Itim ang mga mata nito na nagmimistulang pilak dahil sa kislap ng buwan. Aristokrato ang ilong nito na kaiinggitan sa mga modelo at artista. At ang matiim nitong labi ang laging nagbibigay ng matatamis na salita sa kanya.
Nakasuot ito ng long white polo shirt na may ruffles sa harap at may kaparehang coat subalit sa halip na pormal na suit ay naka-jopur pants ito at bota na hanggang gitna ng binti nito. Mukha itong isang haciendero. Isang panginoong may lupa. At handa siyang maging alipin nito para lang makasama ito.
"Benedikt!" tawag niya dito at dali-dali itong sinugod ng yakap. Wala siyang pakialam kung may buhangin man na dumikit sa paa niya niya at sa laylayan ng saya niya. "Nandito ka na."
"Oo. Nandito na nga ako."
Lumabi siya. "You are late."
"You know how things are. Sinasanay na ako ni Papa na humarap sa mga kliyente. Para din naman sa kinabukasan natin ito.” At hinaplos nito ang pisngi niya.
Sa kabila ng dilim ay nararamdaman niya ang pagmamahal sa mga mata nito. Yumakap siya sa baywang nito. "Alam ko. Sabi ko naman sa iyo na sisikapin kong maging pinakamabait at maunawaing girlfriend sa buong mundo."
Nag-iisang anak ito nina Teresina at Malvar Valenciaga. Ito ang tagapagmana ng Valenciaga Builders, isang construction company na ang expertise ay ang pagtatayo ng mamahaling mga resort. At dahil nagpapakita na ito ngayon pa lang ng senyales na isa itong magaling na engineer at negosyante kaya naman ito na ang pinahaharap sa ibang kliyente. Galing ito ngayon sa Bilar, Bohol kung saan may itatayong isang mountain resort doon. Ito ang nakipag-deal sa kliyente.
“How’s your meeting?” tanong niya.
“Great. Pipirma na sila ng kontrata.”
Bumuntong-hininga siya. “Buti ka pa.” While she had a rotten and boring night. Hindi na nga siya nakatulong sa pamilya niya sa gabing iyon ay nakasama pa siya.
"Sinubukan kong makarating agad dito pero wala ka naman para salubungin ako." May himig ng pagtatampo sa boses nito at bumaba ang tinig nito nang sabihin nitong, "I miss you."
Nalusaw na ang lungkot na nararamdaman ni Maki at ang lahat ng di masamang nangyari nang gabing iyon. Trust Benedikt to make everything right. Kahit na gaano pa kasama ang maranasan niya at kahit na masama ang loob niya, makita lang niya si Benedikt ay parang wala nang masamang nangyari sa kanya.
"I am sorry. Pero hindi kasi ako makahinga sa loob. Una, pinaglabanan din nila kung kanino ang mas magandang terno. Your mother won it hands down, pero di naman papayag ang madrasta ko dahil mas bagay daw sa kanya ang terno ng mama mo. And of course, nagkokompitensiya ang mga nanay natin kung anong dapat gawin sa kasal natin. Na parang malapit na ang kasal natin at hindi six years from now at parang sila ang ikakasal. They have tons of ideas, one trying to best the other. Parang nasa gitna ako ng giyera.
Bumuga ito ng hangin. "That's nasty. Pero alam naman natin na hindi nila iyon kayang gawin kapag kaharap ako." Bagamat masunuring anak at straightlaced ang karakter. Sapat na ang presensiya nito para mangimi ang kahit sino na magtatangkang gipitin siya. Ilang beses na siya nitong dinepensahan. He was her champion. "At kapag oras na para asikasuhin ang kasal natin, ikaw ang magdedesisyon."
Yumakap siya sa leeg nito. "Thank you!”
That was quite an assurance. Isa sa mga bagay na gusto niya kay Benedikt ay hindi ito nagpapadikta sa ibang tao. At kapag may namimilit sa kanya na ibang tao, namamagitan agad ito para sa huli ay siya ang malayang makapagdesisyon sa kung anong gusto niya. The reason why she loved Benedikt was because he gave her the freedom she craved. Hindi siya nito sinasakal. Kapag kailangang magdesisyon tungkol sa relasyon nila ay siya muna ang tinatanong nito kung anong gusto niya. Kapag sa palagay nito ay may mali siya, maingat nitong ipinapaliwanag sa kanya ang sitwasyon makita rin niya ang side nito.
“Pero bakit nagmumukmok ka dito mag-isa? Akala ko pa mandin masaya ka dahil pinatugtog ka ni Mama ng piano sa harapan ng mga guest,” sabi nito at hinaplos ang dulo ng ilong niya.
Nanlaki ang mga mata niya. "Alam mo?"
"Tinawagan niya ako nang tutugtog ka na. She didn’t cut the phone call either. Kaya narinig ko ang performance mo. Kaya nga tinapos ko agad ang meeting ko para makarating agad dito. Gusto kong i-congratulate ka agad. You were great."
Pilit siyang ngumiti at kinintalan nito ng halik ang labi niya. Subalit di niya mapigilan ang lungkot na bumalong mula sa dibdib niya.
"Hindi natuwa si Papa at Mama sa ginawa ko. S-Sabi ni Mama Santina, hindi naman daw ako ganoon kagaling. Naipahiya ko lang daw sila."
Kinintalan nito ng halik ang noo niya. "I am sorry, baby."
Lumabi siya. "G-Ganoon ba talaga kapangit ang tugtog ko? Sabihin mo nga sa akin."
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Alam nating pareho na hindi iyan totoo. You are a natural. Kung hindi ka pinatigil sa piano lesson mo o sa kahit anong may kinalaman sa musika, baka sikat ka nang concert pianist ngayon. O baka musikera gaya ng nanay mo."
Nakadama siya ng pait sa dibdib. "That's why they considered my talent as something vile and unacceptable. Na parang kasalanan ng musika ang pang-iiwan sa amin ng nanay ko. Na parang masama rin ako dahil nanay ko siya."
Umiling ito at ikinulong ang pisngi niya sa palad nito. "Of course not. Don't let them get you, baby. Magaling ka. Music is in your soul. Iyan ang pamana sa iyo ng nanay mo. Isa iyan sa dahilan kung bakit minahal kita. It is the fire in your soul. Nakakapagod ang mga ginagawa ko pero nawawala iyon kapag tumutugtog ka."
Ngumiti siya dito at gumaan ang pakiramdam niya. Trust Benedikt to say the right words. "Kaya nga exclusive lang para sa iyo ang mga performance ko. Naa-appreciate mo ako at hindi ako natatakot na may magbabawal sa akin."
"Oras na ikasal tayo, pwede kang mag-music lesson."
Umiling siya. "Nah! Too old for that."
"Ang mga anak natin kung ganoon. Ano pala ang hina-hum mo kanina?"
"Uhmmmm... freestyle humming."
Kumunot ang noo nito. "Freestyle humming?"
"Basta ko na lang naisip.” Nagkibit-balikat siya. “Alam mo naman na ganoon ako. Kung anuman ang nararamdaman ko, basta ko na lang kinakanta."
"Yes. Minsan pakiramdam ko nasa musical play ako kapag kasama kita. Kapag intense ang emosyon mo, kumakanta ka na lang." Humalakhak ito. "You can write a song about it."
"H-Hindi ko na rin naman naaalala," aniya at yumuko.
That wasn't true. Isa sa sekreto niya na nagko-compose siya ng mga kanta subalit gusto niyang panatilihin na sekreto. Sa takot na matuklasan ng pamilya niya at magagalit na naman ang madrasta niya sa kanya.
Sinapo nito ang pisngi niya. “Masaya ka ba habang tumutugtog ka?”
Tumango siya at ngumiti. Biglang gumaan ang pakiramdam niya. “Oo. Sobrang saya kapag naa-appreciate ako ng ibang mga tao. Pero-”
“Never mind the world. Just do what you love most. Do whatever makes you happy. Darating ang araw makakapag-perform ka sa harap ng maraming mga tao. At naroon ako para suportahan ka.”
Ihinilig niya ang pisngi sa dibdib nito. “Thank you! Ikaw talaga ang number one fan ko, no?”
“More than a fan. I love you, Maria Makiling,” tawag nito sa totoong pangalan niya.
“I love you, too.” At handa siyang mahalin pa ito kaysa sa pagmamamahal nito sa kanya. Maisip lang niya kung gaano siya nito kamahal ay di na siya makahinga.
“Dance with me.”
Kumunot ang noo niya. “Hindi ba dapat babalik na tayo sa loob.”
“Kanina pa kita gustong isayaw mula nang makita kita kanina na nakadipa habang nakaharap sa dagat at kumakanta. You look like that fairy from the mythical mountains except you also conquered the sea.”
Yumakap siya sa leeg nito. “Alam mo naman na di mo na ako kailangan pang bolahin.”
“Sing for me.”
Hinapit nito ang baywang niya at humawak siya sa balikat nito. Then she hummed a new tune that would surely become his favorite song soon. Dahil pipilitin niyang buuin ang kantang iyon para awitin sa kasal nila. Their wedding waltz.