Di alam ni Maki kung saan sila papunta ni Talia. Wala na ring oras para magtanong pa dahil nag-practice na sila ng kakantahin niya habang nasa biyahe. Pilit niyang pinalis ang kaba. Isa itong magandang pagkakataon para maipakita niya ang talento niya. Isa pa ay pabor ito para sa kaibigan niya. At pagkakataong makaawit sa harap ng mga tao na di niya basta-basta magagawa. Higit sa lahat ay malayo sa paningin ng madrasta niya.
Bumagal ang takbo ng sasakyan. Di nagtagal ay tumigil ang sasakyan nila dahil sa dami ng mga taong nakabarikada sa harapan. “Mukhang may rally yata. Kailangan ba nating maghanap ng ibang daan?”
“Pwede na siguro tayong bumaba dito,” sabi ni Talia at binuksan ang pinto ng kotse. Nauna na itong bumaba at isinukbit ang backpack.
Napilitan siyang bumaba. Nasa Welcome Rotonda sila at sa pagkakatanda niya ay wala namang masyadong bar banda doon. “Saan ba talaga ang gig?” tanong niya habang naglalakad sila sa gilid ng karamihan ng mga tao at papunta sa direksiyon ng entablado.
“Dito mismo sa program na ito.”
Gulat niya itong nilingon at tumigil sa paglalakad. “Ano? Pakakantahin mo ako sa rally?” tanong niya sa mataas na boses.
“Saan mo ba inaasahan ang tugtugan natin? Sa isang five star hotel? Alam mo naman na sa ganito lang kami naiimbitahan o kaya sa mga bar na puro OPM ang tugtugan.” Ibinuka nito ang mga kamay. “At ito na ang pinakamalaking audience na mayroon kami kung sakali. Isipin mo nga. Sinu-sino na lang ba ang nakaka-appreciate ng mga OPM at mga kantang may social relevance? Sila lang din na mga mahihirap at api.” Saka ito nagpatuloy sa paglalakad, mas mabilis kaysa kanina.
Napilitan siyang habulin ito. “Oo nga. Pero…pero…”
“Kakausapin ko lang ang organizer. Mukhang kailangan na nating mag-set up.”
“P-Pero…”
Hindi na niya nagawang tumutol dahil iniwan na siya ng kaibigan. Naiwan siya sa likod ng stage na naguguluhan. Gusto niyang tumakas, tumakbo palayo doon. Ang madrasta niya. Tiyak na magwawala ito oras na makarating dito ang pangyayari. Sinapo niya ang pisngi. Ang Papa niya, tiyak na madidismaya ito sa kanya oras na malaman ito. Hindi niya alam kung kakayanin niyang umakyat ng stage para kumanta. Anong gagawin niya ngayon?
Napansin marahil ni Talia ang pag-aalinlangan niya nang balikan siya nito. Ginagap nito ang mga kamay niya. “Alam mo ba kung sino ang mga naghihintay na kantahan mo? Mga magsasaka sila na naghihirap. Ginigipit sa mga lupa nila, binabarat sa mga ani nila habang bumabaha ng mga smuggled na produkto sa bansa natin. Sila ang naaapi. Sila ang aawitan mo para sa mga karapatan nila. Hindi ba gusto mong maipaabot sa iba ang mensahe ng kanta mo? Para sa bayan. Para sa mga mahihirap na mga tao. Bibiguin mo ba sila?”
Lumunok siya at umiling. “H-Hindi. Pero kinakabahan ko. Kasi ang pamilya ko…”
She smiled reassuringly. “Wala kang dapat na ikatakot. Ang sabi sa akin nakaalis na ang mga reporters na nag-cover ng balita. Hindi ka naman siguro pagagalitan ng pamilya mo kundi nila malalaman.” Saka ito kumindat na parang may sabwatan ito.
Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya pero naroon pa rin ang kaba. Mauubusan na siya ng palusot dito. Hanggang isa sa mga organizer ang lumapit sa kanila para sabihing naka-set up na ang banda at siya na lang ang hinihintay. “Umakyat ka na. Its time.” Niyakap siya nito. “Goodluck. Kung kinakabahan ka, isipin mo kung para kanino mo ito ginagawa.”
Maya maya ay ipinakilala ang banda nila ng host. Nanginginig ang tuhod niya nang umakyat sa entablado. Inabot sa kanya ang mikropno. Nanlalamig siya nang hawakan niya ang mikropono. Iginala niya ang tingin sa mga taong nasa ibaba ng entablado. Mga magsasaka. Pawang maliliit na mga tao. Lahat ay may pag-asam sa mga mata. Bawat isa sa mga ito ay lumalaban para sa kabuhayan ng pamilya nito. Para sa kinabukasan ng mga anak nito.
Pumikit siya at pinakaramdaman kung anong nasa puso niya. She hummed a tune… a tune that they didn’t practice. It was not exactly a part of her song either. Pinakiramdaman ang hangin – ang emosyon na nagmumula sa mga magsasaka at maliliit na mga tao, ang sakit at kaapihang naranasan ng mga ito pati na rin ang pag-asa ng pagbabago.
Naramdaman din niya ang pagbabago sa kanya. Naramdaman niya ang unti-unting paglaya niya sa tanikala habang pumapailanlang ang boses niya.
Itinaas niya ang daliri at isa-isang pumasok ang tunog ng mga instrumento para sabayan siya. Nang dumilat siya ay nawalan na siya ng takot. Tanging ang naramdaman niya ang paglaya sa musika. Ang paglaya ng kanyang kaluluwa. At sa palagay niya ay nagawa niya ang layunin niya para sa araw na iyon nang makita niya ang ngiti sa labi ng mga simpleng magsasaka. Ang palakpakan at hiyawan ng mga ito. Dahil nakakapag-usap sila nang puso sa puso.
Umimbay ang katawan ni Maki sa sayaw kasabay ng awitin niya. Pumailanlang ang boses niya. Animo’y tinatangay ng hangin. At nang makatapos siya ng isang kanta at nagpalakpakan at hiyawan ang mga tao ay umapaw ang saya sa puso niya.
Ito ang tunay niyang mundo. Ito ang tunay na siya.
Hello, everyone! This is a VIP story. You can read the first five chapters for free but you have to use coins to read the other chapters until the end.
There are two ways to get coins:
1. Free coins - Go to Earn Rewards and do the tasks to get coins.
Go to Youtube and search Dreame Free coins if you want to watch the tutorial on how to get free coins.
2. Buy coins - go to Store and buy coins via load (Smart or Globe billing), Paypal, Gcash, credit card. This varies on the phone model and country.
Go to Youtube and search Dreame Buy Coins if you want to watch the video tutorials and read this story hassle-free.
Thank you and happy reading!