"TALIA, nandito si Benedict. Nagpakita siya sa akin," humahagulgol na wika ni Maki nang tawagan ang kaibigan sa cellphone. Tumuloy agad siya sa restroom at nagkulong sa isa sa mga cubicle doon. Hindi na niya napigilan ang sarili na umiyak sa labis na emosyon. Ngayon lang siya ulit umiyak nang ganito matapos ang napakaraming taon. Umungol si Talia. Nagising ito sa sa pagtawag niya. "Maki, kulang ka lang sa tulog. Tumawag sa akin si Tita Lupita. Napanaginipan mo nga daw iyan kanina." "Hindi ako nananaginip o nahihibang. Nandito talaga si Benedikt sa La Reina." "Naku! Wala akong oras sa halusinasyon mo, Maria Makiling. Wala pa akong matinong tulog dahil alas kuwatro na kami nakapagsara kanina. Nirentahan ang bar namin ni Mayor Hagedorn para sa birthday ng isa sa bisita niya galing Japan.

