MAUREEN’S POV
“Ayos ka na ba dito sa terminal, Mau? May raket pa ako mamayang gabi. Kailangan ko nang maghanda…”
Halos mapaubo ako nang ibuga ng matalik kong kaibigan na si Alisa ang usok ng sigarilyo sa mukha ko. Kakarating ko lang dito sa Maynila para makipagsapalaran at maghanap ng trabaho.
Ang kapatid kong si Maxwell ay high-school na at malapit na ring maka-graduate ng Elementary ang bunsong kapatid kong si Mason. Ilang linggo ko nang naririnig ang reklamo ng stepmother ko kay Tatay na patigilin na sa pag-aaral si Maxwell at patulungin na lang sa palengke. Ayaw kong magaya ang mga kapatid ko sa akin na hanggang dalawang taon lang sa college ang natapos kaya hirap na hirap tuloy akong makahanap ng permanenteng trabaho.
Nagkakaroon naman ako ng pagkakataon na maging permanent sa trabaho. Pero dahil sa lala ng discrimination sa probinsya dahil sa baba ng pinag-aralan ko ay palagi na lang akong nangungulelat sa mga kasabayan ko. Priority na i-promote ang mga nakatapos ng apat na taon sa college kahit na nangungulelat naman sila sa performance! Siguro ay gano’n talaga sa probinsya. Mas mataas ang tingin ng mga tao sa mga may matataas ang pinag-aralan.
Kaya nang kumbinsihin ako ni Alisa na dito na lang sa Maynila magtrabaho ay hindi na ako nagdalawang isip pa na muling bumalik dito at makipagsapalaran.
Noong unang beses na pumunta ako dito sa Maynila ay batang-bata pa ako at kung anu-ano pa ang mga nangyari sa akin.
Kada bakasyon noon sa eskwela ay sumasama ako kay Tatay dito sa Maynila para maging cook sa construction site na napapasukan niya. Dahil sa kaibigan kong si Alisa ay kung anu-ano ang nasalihan kong grupo. Umabot pa ako sa pagsali sa isang fraternity at inilihim ko iyon kay Tatay dahil siguradong hindi na niya ako pababalikin sa Maynila noon kung sakaling nalaman niya ang mga pinaggagawa ko kasama ang kaibigan ko.
“Ayos na ako dito. May susundo naman sa akin–”
“Sino?! ‘Wag mong sabihin na magkikita na kayo nung member ng frat na nakakausap mo sa chatroom ng Enigmas?!” malakas na bulalas niya kaya halos ang mga napapadaan sa harapan namin ay hindi maiwasan na mapalingon sa amin! Minsan ay masarap na lang talaga na pasakan ng kung ano ang bunganga ni Alisa dahil masyadong eskandalosa.
“Sabi ko naman sa’yo, Mau! Mayayaman ang mga members ng fraternity natin kaya kung ako sa’yo, patusin mo na kapag may lumandi sa’yo!” pagpapatuloy niya. Dahil hiyang-hiya na ako sa lakas ng boses niya ay hinila ko na siya sa parte ng terminal na konti lang ang dumadaan.
“Ano ka ba naman, Alisa? Hindi ba at alam mo namang bawal ang landian sa fraternity? Isa pa, dalang-dala na ako sa mga lalaking hindi nagpapakita ng mukha. Hanggang pastime lang ang pakikipag-usap ko doon. Wala akong balak na magpakilala sa kanya,” mabilis na paliwanag ko.
“Sabagay! Ang swerte mo kung magpapakita sa’yo ‘yon. Pero malay mo naman? Ikaw nga lang ang iniinvite sa private chat room ‘di ba? Ano bang pinag-uusapan n’yo? Baka nakikipag SOC ka doon ha?!” bulalas niya. Agad na nagsalubong ang mga kilay ko. Sa tagal ni Alisa dito sa Maynila ay sobrang dami na niyang terms na sinasabi na hindi ko madalas maintindihan.
“Ano na naman ‘yang SOC, Alisa? Pwede bang tigil-tigilan mo ako sa mga acronyms na hindi naman madalas gamitin ng mga tao!” mariing saway ko sa kanya na ikinatawa niya lang.
“Kung may SOP, edi may SOC at SOT din!” bulalas niya. Mas lalong nagsalubong ang mga kilay ko kaya agad na nagpaliwanag siya. “Sēx on phone, chat and text!” bulalas niya. Umawang ang bibig ko at halos tadyakan na siya. Hindi ako makapaniwala na umaabot na siya sa ganung pag-iisip!
“Ganyan ba ang natutunan mo dito sa Maynila, Alisa? Ang umasta na parang pokpok?” Hindi makapaniwala na bulalas ko. Tawa siya nang tawa dahil sa sinabi ko kaya agad na tinaboy ko na siya lalo na at alam kong parating na ang pinsan kong si Kuya Mark. Kapag nalaman niyang may kaibigan ako dito sa Maynila ay siguradong sesermonan niya ako. Hindi naman kasi niya alam na nakapunta na ako ng ilang beses dito sa Maynila. Ang akala niya ay first time ko dito kaya nag alok pa na susunduin ako dito sa terminal. Pumayag na ako lalo na at wala naman akong ibang matutuluyan kundi sa kanya.
“Gwapo ba ‘yang pinsan mo? Ipakilala mo muna sa akin para naman hindi masayang ang pagpunta ko dito!” pamimilit pa ni Alisa pero hindi ako pumayag.
“Umuwi ka na, Alisa! Hindi ka nga pwedeng abutan ng pinsan ko dito. Baka pauwiin ako–”
Hindi ko na natuloy ang pagtataboy kay Alisa nang tumunog ang phone ko at agad kong nabasa ang sinabi ni Kuya Mark na nandito na siya sa terminal. Sinabi niya ang kulay ng sasakyan na gamit niya na agad ko namang nahanap dahil hindi naman basta-basta ang model ng sasakyan ng Boss niya.
“Ayan na ang pinsan ko, Alisa! Umalis ka na! Bilisan mo!” mariing pagtataboy ko sa kanya at hinila pa ang braso niya palayo pero nanghahaba na ang leeg niya sa kakasilip sa pinsan ko.
“Yun ba ang pinsan mo? Teka lang naman, Mau! Mukhang masarap magmahal ‘yan ah? Ang tangkad!” bulalas niya habang nakatingin sa gawi ni Kuya Mark na lumilinga sa paligid at mukhang hinahanap ako!
Mabilis na tinulak ko si Alisa at agad na tinakbuhan siya para lumapit kay Kuya Mark.
“Kuya!” nakangiting tawag ko sa kanya.
“Sakay na, Mau. Nagmamadali ako…” sambit niya kaya mas bumilis ang lakad ko palapit sa sasakyan. Tumango lang ako at agad na pumasok na sa sasakyan.
Sobrang bango sa loob ng sasakyan ng amo niya at halatang mamahalin ang sasakyan kaya feel na feel ko na nandito na talaga ako sa Maynila.
Mas lalo pa akong na-excite nang makita ang magandang babae na kasama namin sa sasakyan. Inisip ko pa kung artista siya dahil hindi naman ako madalas na manood ng TV.
Nang sabihin ni Kuya Mark na girlfriend ng Boss niya ang kasama namin ay agad na napamaang ako at napatingin sa kabuuan ng babae sa likod ng sasakyan.
Wala siyang gaanong ayos sa mukha pero sobrang ganda at makinis na makinis ang balat! Napaka simple lang din ng suot niyang damit pero dahil maganda ay parang naging model ng damit na suot niya!
Iba rin talaga ang taste ng mga lalaki dito sa Maynila! Kaya sa itsura at pananamit ko ngayon ay malabo na magkaroon ako ng love life dito!
Natigil ang paninitig ko sa babae nang tumunog ang phone ko at nakitang may invitation na naman ako sa private chat room ng matataas na miyembro ng Enigmas, ang tawag sa mga miyembro ng anonymous fraternity kung saan ilang taon na akong kasali.
DarkWin is inviting you to his private chat room…
Agad kong dinecline ang invitation niya bago hinarap at kinausap ang pinsan ko.