SIMULA

1771 Words
“Sigurado na ba ‘yan, Rene?! Aba! Hindi nauubos ang linggo! Pangatlong buwan n’yo na ito na walang bayad sa renta! Pasalamat kayo at mabait ang asawa ko! Kung ako ang nakatoka dito sa apartment ay baka matagal ko na kayong pinalayas dito!” Umagang-umaga pa lang at halos hindi pa tumitilaok ang mga manok sa kapitbahay nila ay boses na ng landlady ang gumising kay Maureen. Unang araw pa lang ng bakasyon sa eskwela ay ang paniningil sa renta ng bahay na kaagad ang bumungad sa umaga niya. Ilang linggo na rin na ang bunganga ng landlady nilang si Aling Chariz ang gumigising sa kanya. Pero hindi naman siya nagrereklamo dahil hindi na niya kailangan pa ng alarm clock para magising ng maaga. Ang matinis na boses pa lang nito ay sapat na para magising ang bawat himaymay ng pagkatao niya! Naghikab si Mau at agad na bumangon para tingnan ang oras. Pasado alas singko pa lang ng umaga at medyo madilim pa sa labas kaya kailangan niya pang imulat ng todo ang mga mata niya para lang maaninag si Aling Chariz. May kaitiman kasi ang kulay ng balat nito at maitim rin ang budhi kaya lalo itong nangingitim sa paningin niya. “Good morning, Aling Chariz!” malakas na bati niya habang nakadungaw sa bintana. Kumunot ang noo ng ginang habang hirap na hirap ito sa pagtingala dahil mukhang bigat na bigat ito sa suot nitong wig na sa sobrang kapal ay hindi niya alam kung paano nito iyon nagagawang isuot sa araw-araw. Ang sabi ng kaibigan at kaklase niyang si Alisa ay nakalbo raw ang buhok ni Aling Chariz dahil sa paulit-ulit na pagpunta nito sa salon para magpa-unat ng kulot nitong buhok. Bali-balita pa raw na dinemanda nito ang bakla sa parlor na siyang nag-rebond dito dahil sa nangyari sa buhok nito. Kaya halos ilang buwan din na hindi ito nakapunta sa apartment na tinitirhan nila ay dahil nahihiya itong lumabas dahil sa pangyayaring iyon. Ngayon ay mukhang hindi na ito nakatiis kaya gumawa na ng paraan para makalabas ng bahay suot ang isang wig na naging OA naman sa kapal kaya nag mukhang pugad ng manok ang ulo nito. “Walang maganda sa umaga, Mauricia! Magbayad kayo ng renta baka sakaling gumanda ang umaga ko!” mataray na pambabara nito sa kanya. Napangiwi siya sa pangalan na tinawag nito sa kanya. Kung hindi Mauricia ay Marina ang tinatawag nito sa kanya. Mabuti naman sana kung magandang pakinggan ang mga ‘yon ay hindi na siya magrereklamo! Ang kaso lang ay trese anyos pa lang siya pero mukhang pinatanda siya nito ng ilang taon dahil sa mga pangalan na tinatawag nito sa kanya! “Maureen ho, Aling Chariz! Mau…reen! Maureen!” paulit-ulit na pagtatama niya. Hindi niya alam kung bakit pa siya nag-aksaya na naman ng oras para sabihin dito ang pangalan niya samantalang alam niya na maya-maya lang ay hindi na naman nito matatandaan iyon. “Oo na, Marina! Tumahimik ka d’yan at hindi ikaw ang kausap ko!” mariing saway nito sa kanya at muling hinarap ang tatay niya. Bumuntonghininga si Maureen at agad na nagligpit ng higaan para makababa na at makatulong sa stepmother niya sa pagluluto ng agahan nila. Matagal nang namaalam ang nanay niya at halos wala pang isang taon noong nag-asawa ulit ang tatay niya. Tatlo silang magkakapatid at siya ang panganay. Ang pangalawa na si Maxwell ay pitong taon at ang bunso na si Mason ay limang taon at halos wala pang muwang. Nagtatrabaho bilang mason at welder ang tatay niya na si Mang Rene at ang stepmother niyang si Lucia naman ay namamasukan na tindera sa palengke. Kapag walang nakukuhang project ang tatay niya ay kapos na kapos talaga sila at halos hindi alam kung paanong makaka-survive sa araw-araw. Patong-patong tuloy ang utang nila sa renta ng bahay kaya nga naisipan na niyang sumama sa stepmother niya at mamasukan na lang din bilang tindera sa palengke para kahit papaano ay makatulong sa mga gastusin nila. Tutal ay bakasyon naman sa eskwela kaya may dalawang buwan siya para makapagtrabaho. Kumakain na sila ng agahan nang magsabi ang tatay niya na luluwas ito sa Maynila dahil may bagong project na itong nakuha. Hindi tuloy siya makakain ng maayos sa kakapakinig sa usapan nito at ng stepmother niya. “Pwede mong isama si Maureen sa Maynila bilang tagaluto n’yo doon, Rene. Mahusay magluto ang anak mo. Walang masasabi sa luto niya ang mga makakasama n’yo sa trabaho…” Agad na napakislot si Maureen nang narinig ang sinabi ng stepmother niya. Marinig niya pa lang ang lugar na Maynila ay parang kumakabog na ng malakas ang dibdib niya! Nang tumuntong siya ng high school ay palagi niyang naririnig sa mga kaklase niya ang karanasan ng mga ito sa Maynila. Hindi tuloy siya mapakali lalo na at mukhang malapit na niyang ma-experience ang makapunta at tumira sa Maynila! “Ano ka ba naman, Lucia? Ang bata-bata pa ni Mau para magtrabaho! At saka hindi malapit ang Maynila. Hindi siya pwedeng basta na lang sumama sa akin doon. Puro lalaki ang mga kasama ko doon. Babae ng anak ko. Eh kung bastusin ‘yan doon? Edi naloko na!” Gigil at tuloy-tuloy na reklamo ng tatay niya. Dahil sa panggagalaiti ng tatay niya ay hindi na kumibo ang Nanay Lucia niya kaya kahit na gusto niyang umapila sa tatay niya at sabihin na gusto niyang sumama dito ay mukhang hindi naman ito papayag dahil mukhang buo na ang desisyon nito. Buong araw tuloy na tuliro si Mau at hindi mawala wala sa isip niya ang narinig na usapan ng tatay niya at ng stepmother niya kanina. Gustong-gusto talaga niyang sumama sa Maynila pero hindi niya alam kung paanong kukumbinsihin ang tatay niya na isama siya doon. Pati tuloy sa kaibigan niyang si Alisa ay nasabi niya ang kanina pa gumugulo sa isip niya. “Puro lalaki ang kasama ng tatay mo sa construction site? Eh anong problema? Magluluto ka lang naman pala doon!” bulalas ni Alisa matapos niyang magkwento dito. Naghahanda na kasi ito sa gagawing pagluwas sa Maynila para mamasukan sa karinderya na pag-aari ng tiyahin nito. Gusto nga sana niyang sumama kay Alisa pero hindi siya pinayagan ng tatay niya. “Bahala ka, Mau! Maganda sa Maynila! Maraming pogi! Tsaka puputi at kikinis ka doon! Makikita mo! Pag-uwi ko dito sa susunod na pasukan ay hindi mo na ako makikilala! Tisay na tisay na ako panigurado at saka may boyfriend na taga Maynila!” halatang nang-iinggit na bulalas pa nito kaya mas lalo lang tuloy na lumalala ang kagustuhan niyang makarating at makapagtrabaho sa Maynila. “Ano kayang gagawin ko para makumbinsi si Tatay na isama ako sa Maynila?” kunot ang noong tanong niya kay Alisa. Ilang sandali lang ay may naisip na kaagad itong solusyon sa problema niya kaya lang ay hindi siya sigurado kung makukumbinsi niya ang tatay niya na isama siya dahil doon! “Sabihin mo sa tatay mo na tomboy ka! May pusong lalaki! Maton! Sir, yes, Sir! Ganyan!” tuloy-tuloy na bulalas nito habang tuwid na tuwid ang tayo at sumasaludo at umaaktong parang lalaki sa harapan niya. Napangiwi siya habang nakatingin kay Alisa. Hindi niya alam kung paano niyang makukumbinsi ang tatay niya na pusong lalaki siya. Pinuputakti pa naman siya ng mga manliligaw sa eskwelahan at alam na alam iyon ng tatay niya! Kaya hindi ito maniniwala kung sasabihin niya na pusong lalaki siya! Sa haba ng buhok niya na lampas sa bewang ay walang maniniwala na pusong lalaki siya! Hindi naman niya pagkakahirapan na alagaan ang buhok niya kung pusong lalaki siya! Kaya duda siya na maniniwala ang tatay niya sa pakulo na naisip ni Alisa! “Iba na lang, Alisa. Hindi bebenta sa tatay ko ‘yan. Buhok ko pa lang ay hindi na kapani-paniwala!” umiiling na bulalas niya pero tinaasan lang siya ng kilay ni Alisa. “Ay… gaga talaga! Slow! Utak biya!” sunod-sunod na bulalas nito kaya napangiwi siya. Hindi naman totoong utak biya siya dahil alam na alam niya na matalino siya. Consistent honour student siya noong Elementary at natapos niya ang unang taon sa high school na top 1 sa batch nila kaya kahit kailan ay hindi siya magiging utak biya! “May utak biya ba na top 1?” napipikon na bulalas niya. Nagkamot sa ulo si Alisa at saka hinila ang braso niya para dalhin sa labas ng kwarto nito para kausapin. “Ano ka ba naman, Mau?! Malamang ay gugupitan mo ang buhok mo para makumbinsi mo si Mang Rene! Hindi ka talaga papaniwalaan kung hindi ka magpapagupit ng buhok! Sa buhok mo na ‘yan nakasalalay ang pagkabábáe mo!” bulalas nito na mukhang pikon na pikon na rin dahil sa ginagawang pagpapaliwanag sa kanya. Agad na umiling siya. Hindi niya kahit kailan naisip na magpapagupit siya. Hindi niya pinaghirapan na pahabain ang buhok niya para lang gupitan! “Ayoko, Alisa. Hindi ako magpapagupit. Never!” mariing tanggi niya. “Edi never ka ring makakapunta sa Maynila!” bulalas nito at saka nang-aasar na nilabas ang dila! Pikon na pikon siya dahil sa naging usapan nila ni Alisa. Hindi rin siya pinayagan ng tatay niya na mamasukan bilang tindera sa palengke. “‘Wag ka nang dumisplay display pa sa palengke, Mau. Dito ka na lang sa bahay at bantayan si Mason. Baka sa halip na pera ang mahanap mo doon ay boyfriend ang makuha mo!” mariing saway nito sa kanya. Inis na inis tuloy siya at ilang araw ng laman ng isip niya ang sinabi ni Alisa. “Sabihin mo sa tatay mo na tomboy ka!” Napabangon si Mau sa kama nang paulit-ulit na narinig niya sa isip ang sinabi ni Alisa. Tumayo siya at saka naglakad palapit sa harapan ng malaking salamin sa kwarto. Kagat kagat niya ang ibabang labi habang nakatitig sa mukha niya at sa mahaba at itim na itim niyang buhok. “Tutubo ka rin naman ‘di ba? Tutubo ka pa naman kapag… kapag pinutol kita…” mahinang bulong niya habang sinusuklay ang mahabang buhok gamit ang mga daliri. Sunod-sunod na napalunok siya at halos manginig ang kamay nang kuhanin ang gunting sa cabinet. Pikit mata niyang ginupit ang isang bahagi ng buhok niya. Nang dumilat siya at nakita ang kinalabasan ng buhok niya ay muntik pa siyang mapasigaw! Mabuti na lang at napigilan niya ang sarili niya. “Ang purol ng gunting!” iritadong bulalas niya at inis na inayos ang sarili para pumunta sa pinakamalapit na barbershop para tuluyang magpagupit para makumbinsi ang tatay niya na isa nga siyang pusong lalaki!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD