“Mr. Gareth Claude Fajardo?” Bungad sa kanya ng isang pulis na nakaharap niya.
“I am. May maipaglilingkod po ba ako?”
“SPO4 Jonathan Villeza po. Nakikiramay po kami ng aking mga kasama sa nangyari sa inyong mga magulang. Napasadya kami rito para magbigay ng update tungkol sa kaso.
“Handa po akong makinig. Marami pong salamat sa pag-pursue ng kaso ng aking parents.”
“Under custody na po naming ang salarin at malinaw na ebidensya ang cctv footage na nakuha namin pati na rin ang testimonya ng ilang kapitbahay na nakasaksi sa pagpatay sa iyong mga magulang.”
Hindi pa rin niya makuhang makaramdam ng kasiyahan kahit na ba nahuli na agad ng mga pulis ang may kagagawan sa krimen. Ang totoo ay nabuhay ang galit sa kanyang dibdib. Nangangalit ang kanyang kalooban. Gusto niya ring patayin ang salarin. Gusto niyang maramdaman rin nito ang sakit na nararamdaman niya ngayon.
“G-gusto ko siyang makausap.” Matigas ang boses niya.
“Sasamahan po namin kayo.” Iginaya siya nito papuntang mobile car.
“Wait, magpapaalam muna ako sa asawa ko.” Pumasok siya saglit sa chapel upang kausapin si Mimi.
Pumasok siya sa isang kuwarto kasama ang isang pulis. Naupo siya sa isang bakanteng silya. ipinatong niya ang mga bisig sa mesa habang magkasalikop ang mga palad.
Sa sasakyan pa lamang habang nagbibiyahe sila kanina ay pilit na niyang kinalma ang kanyang sarili nang ipaalam sa kanya ng kausap na pulis kung sino ang salarin.
Nagtatagis ang kanyang mga bagang kasabay ng bahagyang panginginig ng mga laman niya bunga ng kinikimkim na galit. Samu’t saring katanungan tuloy ang namumuo sa kanyang utak kung bakit nagawa nitong patayin ang kanyang magulang gayong pinagkatiwalaan ito at itinuring na hindi iba. Parang kadugo.
Hindi siya makapaniwala.
Natigil siya sa pag-iisip nang marinig niya ang mga yabag. Kasabay niyon ang pagbukas ng pinto. Iniluwa niyon ang taong inaasahan na niyang makaharap.
Ang katiwala ng kanyang magulang sa kanilang furniture shop, si Mang Dominador Matias. Hindi niya ito magawang tapunan ng sulyap sa umpisa. Pero siguro dahil sa galit niya ay nagkaroon siya ng lakas ng loob.
Naupo ito sa tapat niya.
Titig na titig siya rito. Kung puwede lang maglabas ng apoy ang mga mata niya. Tiyak kanina pa ito nag-aapoy sana.
Nakayuko ito at hindi umiimik.
“Bakit mo nagawa ‘yon, Manong? Anong kasalanan sa ‘yo nina Dad at Mom?” sa wakas ay naisatinig rin niya.
Hindi pa rin ito nag-angat ng tingin. Nanatili pa ring nakayuko.
“May ginawa ba kaming ‘di mo gusto?!”
Lumipas ang ilang minuto na puro katahimikan lang. Hindi na siya nakatiis. Napatayo na siya. Naihilamos niya ang palad sa mukha. “f**k!” Gigil niyang wika. Lumabas na mga litid niya sa leeg. As he was pushed to his limits.
Nilapitan na niya ito at kinuwelyuhan sa suot na shirt.
“Gago ka! Gago! Hindi mo alam ang ginawa mo! Sinira mo ang buhay ko. Inagawan mo ‘ko ng pamilya!” malakas ang boses niya pero minamalat. Niyugyog niya, hindi naman pumalag sa kanya.
Naalerto na ang pulis na nakabantay sa kanila. Inawat siya. “Sir, bawal po ‘yan!”
“Magsalita ka! Magsalita kaaa!” Gigil pa rin siya.
Ilang minuto rin bago niya ito binitawan. Kung hindi lang siya inawat ay isasalya na niya sana ito sa dingding ng kuwarto.
Bumalik ulit siya sa kanyang kinauupuan. Pero hindi pa rin siya mapakali.
Pero nagsalita ang lalaki.
“N-nagsisisi ako sa nagawa ko… patawad. Kung puwede ko lang ibalik ang panahon… hindi ko gagawin. Nilamon ako ng galit ko.” Garalgal ang boses nito.
“Pero ginawa mo!”
“H-handa na akong makulong sa nagawa ko. Hindi rin ako matahimik sa nagawa ko. Nagipit lang talaga ako gawa ng nalulong ako sa online sabong kaya nadispalko ko ang kita ng shop.”
Hinigit niya ang hininga. Bumabalik sa isip niya ang tagpo na nakahadusay ang magulang niya sa harapan ng kanilang bahay.
“N-nangako ako na ibabalik ko sa kanila ang pera. Pero tinanggal nila ako sa shop. Paano ko pa mababayaran ang pera? Ang pamilya ko, iniwan na ‘ko nang malaman nila ang ginawa kong pagdispalko ng pera. Walang-wala na ‘kong makapitan. Kaya sa desperado ko… naisip kong gumanti kina Sir.” Nanginginig ang boses nito habang patuloy na nagkukuwento.
“Ang sakit ng ginawa mo, Manong! Kung puwede lang gumanti, gagawin ko. Pero hindi na maibabalik niyon ang mga buhay na kinuha mo.” Hirap na wika niya dahil parang may nakabara sa kanyang lalamunan.
“Patawad, sir. Patawad…” samo ni Mang Dominador.
“I cannot forgive you! I can’t” Matigas pa rin ang boses niya pero nagsimula na ulit siyang maluha. Ilang galon pa kaya nag iluluha niya maibsan lang ang sakit na pinapasan niya?
Nang sumapit na ang takdang oras ay in-escort-an na ulit ng pulis si Manong pabalik sa selda nito. Ilang minuto pa siyang nanatili sa kuwartong iyon upang ilabas ang emosyon…
Alam niya sa kanyang sarili na matagal pang matatapos ang kanyang paghihirap ng kalooban…
“Kumusta ang kaso? Sino ang gumawa niyon kina Mom at Dad?” Nag-aalalang tanong sa kanya ni Mimi pagbalik niya mula sa police headquarters.
“Katiwala namin sa furniture shop… Si Manong Dominador,” matabang na wika niya.
Umiiling-iling na natutop nito ang bibig, hindi rin makapaniwala.
Naupo siya muli. Pinagmasdan pa rin niya ang nakaburol na mga magulang. Sinusulit na niya ang panahon na kasama niya ang mga ito. Ilang araw na lang pagkatapos niyon ay tuluyan na niyang ‘di makakapiling ang mga ito.
Mapait ang mga ngiti niya sa labi…
Naramdaman niyang hinawakan ni Mimi ang kanyang kamay. Ginagap na tila ipinararamdam sa kanya na narito lamang ito, nasa tabi niya at handa siyang damayan. Na hinding-hindi siya iiwan.
Inihilig niya ang katawan sa asawa. Gusto niyang maramdaman muli ang init ng pagmamahal nito gaya dati. Aminado siyang kahapon ay hindi niya gaanong binibigyan na atensyon ang asawa. Naging focused siya sa sariling nararamdaman. Sa sariling pagsisemtimyento. Nalimutan niya saglit na mayroon pa palang nalalabi sa kanya.
Mabuti na lamang at maunawain ito sa kanyang pinagdaraanan. Lalo tuloy niya itong minamahal, nang higit pa kaysa dati.
Ipinikit niya ang mga mata nang maramdaman niya ang antok. Marahil ay dala iyon ng pagod, na hindi lang physical kundi emotional exhaustion. Drained na siya. Hindi niya akalain na darating siya sa punto ng buhay niya na sobrang bagsak siya.
Hanggang tuluyan na siyang nakatulog sa tabi ng kanyang asawa.