Chapter Twelve

1088 Words
Mabilis ang takbo ni Gareth patungo sa bahay ng magulang nito. Kasunod niya si Mimi na nataranta na rin dahil sa balitang nakarating sa kanila. Kasalukuyang himbing pa silang natutulog ng gisingin sila ng ilang kapitbahay na nakakakilala sa kanila. Kalampag ng mga ito sa kanilang gate ang gumising sa kanila. Hindi pa rin nagsi-sync in sa kanya ang lahat. Para pa nga siyang nabingi dahil sa kabiglaan. “Gareth, ang magulang mo, may masamang nangyari. Binaril sila sa harap ng bahay ninyo!” Daig rin niya ang nabuhusan ng isang timbang malamig na tubig. Biglang namanhid ang buong pagkatao niya. Nakita nila ang mga pulis at ilang taga-subdivision na nag-uusyuso. Nakakordon na ang parte kung saan naroon ang katawan ng kanyang mga magulang. Nakahandusay ang kanyang Dad sa kalye habang yakap pa ito ng kanyang Mama. Kapwa wala nang buhay ang dalawa. Nakakalat ang dugo sa kalsada. “Dad! Mama!” sigaw niya na parang maririnig pa siya ng mga ito. Pinilit niyang makalapit pero kaagad siyang pinigilan ng ilang awtoridad. “Paraanin ninyo ako. Parents ko sila, anak nila ako, please!” samo niya sa mga pulis na humarang sa kanya. “Sir, Bawal po… under investigation pa ang scene of crime. Sorry,” hinging paumanhin nito sa kanya. Pinilit pa rin niyang makalapit pero nang sa huli ay wala na siyang magawa ay sumuko siya. Tila pagal ang katawan na naupo siya sa sidewalk. Naupo rin sa tabi niya ang asawa at humawak sa kanyang braso. Umiiyak rin ito at shocked, at nag-aalala sa kanya. Napayakap siya rito, at naghagulhulan sila. Ang magulang niya… Isinubsob ni Gareth ang mukha sa buhok ni Mimi at hindi niya mapigilang umiyak. Ang pag-iyak ang tanging solusyon na naiisip niya upang mailabas ang sakit na nararamdaman niya sa biglaang pagkawala ng kanyang mga magulang. Gusto niyang magwala at magmura nang malakas hanggang sa mapaos ang kanyang boses. Kaya pala, habang iniaabot ng papa niya sa kanya ang passbook ay hindi ito matigil-tigil sa paghahabilin. Na darating ang panahon na siya na ang hahawak ng family business nila. Ingatan daw niya at lalo pang palaguin tulad nang ginawa nito. Siya lamang ang maasahan nito. Hindi niya pinansin ang lungkot sa boses ng kanyang ama dahil hindi naman siya naniniwala sa premonition. Na puwedeng may masamang mangyari sa mga ito. Nakangiti pa nga itong tinapik siya sa balikat bago umalis. “God! Why did this happen? Ano bang kasalanan nila sa ‘yo? May nagawa ba ‘kong mali?” lumuluhang wika niya. Puno ng hinanakit ang kanyang boses. ‘Di niya makuhang sulyapan ang mga bangkay ng mga magulang habang isa-isang ipinapasok sa loob ng ambulance. Hindi lang magulang ang nawala sa kanya. Ang kanyang buhay at ang dahilan kung bakit nagsisikap siyang abutin ang pangarap. Nanunuot ang sakit at katotohanan sa kanyang sistema. Hindi niya magagawang tanggapin kahit kailan na wala na ang importanteng mga tao sa kanyang buhay. Ito na ang pinakamalungkot na bahagi ng kanyang buhay. Nakita ni Mimi ang pag-agos ng luha ni Gareth. Bumagsak pa nga ang ilang mga patak sa lupa. Nanginginig ang katawan nito habang humahagulgol. Nadudurog ang puso niya habang lumuluhang pinagmamasdan ito. Hindi niya alam kung paano papawiin ang bigat sa dibdib ng asawa. Maging siya ay nagdadalamhati rin dahil sa nangyari. Nilapitan niya ito at niyakap. Iyon lamang ang alam niyang magagawa niya para sa kanyang mahal na asawa. Ang iparamdam rito na nasa tabi lamang siya at hindi ito nag-iisa. Kailangan nito ngayon ng makakapitan at pagmamahal. Iyon ang kaya at handa niyang ibigay sa mahal niyang asawa. Pero alam niyang kulang iyon... Tumingala siya sa langit habang malayang naglalandas ang mga luha niya sa pisngi. Hindi niya kayang pawiin ang sakit na dinaranas nito ngayon. Kung kaya niya lang sana gagawin niya… sana… Sa Chapel ng subdivision ibinurol ang mga labi ng mga magulang ni Gareth. Kaagad na nagdatingan ang mga malalapit na kaanak mula sa magkabilang side na nakabalita sa nangyari. Naroon din ang pamilya ni Mimi na unang nagpaabot ng pakikiramay. May ilang malalapit na kaibigan, mga ka-batch at kapitbahay. Tahimik at nakikiramdam si Mimi sa kanyang asawa. Hindi siya umaalis sa tabi nito dahil nauunawaan niya ang pinagdaraanan nito at higit siyang kailangan. Minasdan niya ang larawan ng kanyang mga in-laws na nakapatong sa mga coffins. Kahapon lamang ay nakikisaya ang mga ito sa kanila ni Gareth. Nagsimula ulit mamasa ang paligid ng mga mata niya ng maalala ang naging pag-uusap nila ng kanyang biyenan kagabi. Naghahabilin na pala ito sa kanya at may laman na ang pasasalamat nito. Dumadaloy tuloy sa kanyang isipan ang mga magagandang alaala niya rito mula pa sa unang araw na maging magkaibigan sila ni Gareth. Nang makita siya nitong kasama ang anak nito na naglalaro ay inimbitahan siyang magmeryenda sa bahay. Ang katwiran ng mother ni Gareth ay sobrang cute daw niya. Kaya giliw na giliw ito tuwing isasama siya ng kalaro sa bahay. Doon na nagsimula ang lahat. Nang tumagal ay pati mga magulang niya ay naging kaibigan ng mga ito dahil na rin sa iisang subdivision lang naman ay tinitirhan nila. At kahit pati siya ay nabibigatan ngayon sa sitwasyon. Kailangan niyang maging malakas para sa asawa niya. Dahil alam niyang sa kanya na ito kukuha ng lakas. Siya na lang ang mayroon ito. Hindi pa rin makapaniwala sa nangyari si Gareth. Iniisip nga niyang masamang panaginip lamang ang nararanasan niya ngayon. Kasalukuyang natutulog lamang siya at siguro’y maayos naman ang lahat paggising niya. Pero hindi talaga. Magiging masaya pa rin ba siya sa pang araw-araw kung alam niyang kulang na ang kanyang buhay? Paano pa niya magagawang ipagdiwang ang mga masasayang okasyon na darating? Inihilamos niya ang mga palad sa kanyang mukha. Puno siya ng sobrang kalungkutan at pagtatanong pa rin kung bakit nangyari ang lahat? Hindi niya lubos maisip kung sino ang gagawa ng krimen sa kanyang magulang dahil wala naman siyang nababalitaang nakaalitan ng mga ito. Sa subdivision nila ay alam ng mga kapitbahay nila kung paano sila kagandang makisama. Sa Furniture Business nila ay maayos ang pakikitungo sa mga trabahador. Kaya wala siyang ideya… Nagpaalam muna siya kay Mimi na sa labas muna siya ng Chapel. Gusto niyang sumagap ng hangin dahil pakiwari niya’y nakakulong siya sa isang masikip na kahon. Pero papalabas pa lamang siya ay nakita na niya ang pagparada ng isang sasakyan lulan ang ilang pulis. Nang makababa ang mga sakay niyon ay tinungo agad ang chapel. Mukhang siya ang pakay at balak na kausapin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD