Tahimik lamang si Mimi na nakaupo sa sofa habang pinapanood si Gareth habang kumakanta para sa mga viewers nito sa online live streaming. Halatang ganado ito at inspired, kung dahil man sa kanya ay ayaw niyang isipin. Panay pa nga ang ngiti at sulyap sa kanya na dinededma lang niya.
Nasa isang katamtamang laki ng kuwarto sila na katabi ng mismong kuwarto ng binata. Isa ‘yong dating bodega na pinagkaabalahang i-convert ni Gareth para maging session room nito. Well-ventilated at sound proof ang room.
Ilang araw na ang lumipas mula ng mapag-usapan nila ang tungkol sa pagpapakasal. At dahil ikatlong araw na nga ay nararapat na niyang sabihin rito ang nabuo niyang pasya. Makailang ulit niyang pinag-isipan. Pati nga kanyang nararamdaman ay tinimbang na rin niya. Naging bukas rin siya sa kanyang pamilya. Wala siyang itinago sa mga ito tungkol sa pasiya na gagawin niya. Para sa kanya kasi, hindi porke may nangyari na sa kanila ni Gareth ay isusubo na rin niya ang sarili na matali.
HAPPINESS IS A CHOICE, Ika nga ng marami…
At may mga alinlangan pa rin siya.
Pero kailangan na niyang magpasya para sa ikatatahimik ng kanilang mga oldies. At para sa kanilang dalawa na rin ng binata.
Ilang kanta pa ang inawit nito hanggang sa magpaalam na sa mga viewers nito. Inayos lang saglit ang mga gamit at nang makatapos ay tinabihan siya sa sofa at umakbay sa kanya. Hindi pa rin nakaligtas sa kanyang pang-amoy ang bango nito.
Pilit ang mga ngiti niya sa labi. Hindi dahil sa naasiwa o ayaw niyang maakbayan nito, kundi dahil sa isipin kung matatanggap kaya nito ang pasya niya?
“Ang layo ng tingin mo. Pati isip mo lumilipad rin yata. Huwag mong isipin ‘yon. Mahal na mahal ka niya,” untag sa kanya nito ng pabiro, at bahagya siyang tinapik sa pisngi.
“Hindi ko kaya iniisip ang taong ‘yon. Tsura niya lang!” Umingos siya.
“Guwapo at may appeal. At magiging future husband mo,” biro pa nito. Hindi mawala-wala ang mga ngiti sa labi kahit nakikita siya nitong nakasimangot.
“Paano mo nasabing magpapakasal ako sa ‘yo?”
“Ramdam ko rito.” Tinuro nito ang dibdib. Walang anumang mababakas rito na kaba sa kung anumang magiging pasya niya. Napaka-chill at relax. “Teka, kumain ka na ba?”
“Hindi pa… mamaya na lang after natin mag-usap, pag-uwi ko.”
“Labas tayo… sa labas na lang tayo kumain, then mamasyal tayo. I missed those moments na after ng aking gig ay kumakain tayo sa labas,” suhestiyon nito sa kanya.
“Gabi na kaya?!” alanganing tugon niya.
Pero hinatak pa rin siya nito patayo sa sofa. “Para namang ‘di tayo lumalabas ng gabi. Tara na! Pag-usapan na rin natin ang about sa ating dalawa. Hopefully, nakapagpasya ka na.”
Sa huli ay napahinuhod na rin naman nito siya dahil talaga namang nami-miss niya ang mga dati nilang gala at kain.
Sa malapit na resto na lang sila pumunta ni Gareth. Malapit sa kanilang subdivision…
Gaya ng dati, marami pa ring pagkaing in-order ang binata para sa kanilang dalawa.
“Ang dami mo namang in-order… Hindi natin mauubos ‘to?” puna niya.
“’Di ka na nasanay… Dati namang marami akong um-order ng food para sa atin. Saka ‘di ka naman tumataba kahit malakas ka kumain. Kung sakaling magbago man ang figure mo, ikaw pa rin ang babaeng mahal ko.”
Hindi pa rin naman niya maiwasang pamulahan ng mukha lagi na lang kapag pinupuri siya nito.
Sinimulan na nilang kumain. Good ambiance ang resto na kinakainan nila. Maraming customer. Abalang-abala ang mga waiters sa pagsisilbi. Ihawan style. May art deco ng bamboo at sawali mula sa walls. Ang mga ilaw ay may pagka-dim na combination ng orange at white sa bawat parte. Bagama’t hindi yari sa pawid ang roof ng resto at naka-tiles ang floor ay masasabing kuha nito ang klase ng resto na hinahanap ng mga taong mahihilig sa ihaw-ihaw style na mga food.
Dagdagan pa ng background music na puro OPM.
Habang kumakain si Mimi ay iniisip na niya kung paano niya sasabihin kay Gareth ang kanyang pasya na hindi magkakaroon ng tension sa pagitan nila – kung papayag ba ito sa gusto niyang mangyari. May ganoong isipin. Noong nakaraan nga ay nakadagdag alanganin pa sa kanya na kung hindi siya magpapakasal rito ay mawawala rin ito sa kanya, na ayaw niyang mangyari dahil sa matagal na ang samahan nila.
Noong nakaraan nga ay halos magulat na ang mga oldies nila nang sabihin niyang bigyan muna siya ng three days para mapag-isipan ang lahat. Abala na ang mga ito sa pagpaplano habang nag-uusap sila ng binata sa gilid ng bahay. Pero salamat naman at naunawaan siya dahil na rin siguro sa pagsegunda na rin sa kanya ni Gareth na sundin na lang muna ang kagustuhan niya.
“G-Gareth…”
“Yes?” Pinunasan nito ng table napkin ang bibig.
“Puwede na siguro nating pag-usapan ang lahat… It’s been three days passed.” Parang nahihirapan pa siyang magsalita dahil biglang tumubo ang kaba sa kanya. Sinubukan niyang ikalma ang sarili at huminga ng malalim.
“Uhhmm… Sure, actually… gusto ko na rin malaman ang pasya mo.”
“Pinag-isipan ko naman ‘to ng makaraming beses. At maniwala ka na hindi madali ang lahat.”
“Nauunawaan ko naman. At nakahanda naman ako na tanggapin ang pasya mo kung sakali. Pero sabi ko nga, sana maging positive… I hope so.”
Kita niya ang biglang pagpapawis ng noo ni Gareth. Halatang kinabahan na rin.
Humugot muna siya ng lakas ng loob. Ramdam niya ang bikig sa lalamunan. Bagama’t maingay ang paligid ay nagmistulang tahimik iyon para sa kanilang dalawa. Hindi na nila pansin ang mga taong nag-uusap at mga katabing kumakain.
“Ayokong magpakasal Gareth…”
Natigilan ang binata. Bumakas sa mukha nito ang kabiglaan, at parang naaninag pa niya sa mga mata nito ang matinding kalungkutan. Nahinto ito sa pagkain.
“B-bakit?” mahina ang boses nito.
“Dahil para sa akin… panghabang-buhay na commitment iyon. May takot pa rin ako. Paano kung magpakasal tayo dahil ang pagmamahal mo sa akin ang naging basis ko? At sa panahon ng pagsasama natin… hindi ko nakuhang tugunan ang pagmamahal na ini-expect mo? Magiging unfair iyon sa part mo… ayokong mangyari iyon. Ayokong masaktan ka.”
“At ano ang gusto mong mangyari? Hayaan na lang ang lahat na parang walang nangyari sa atin? Hindi naman ako nakakaramdam ng guilt kaya gusto kitang panagutan. Sinabi ko na sa ‘yo na mahal kita. I mean it. At kung sakaling mabuntis ka… gusto mo bang mag-isa sa halip na kasama mo ako?” Medyo napalakas ang boses ni Gareth kaya napatingin sa kanila ang mga katabing kumakain.
Uminom muna siya ng tubig. “M-may isa pa akong gusto kung okay sa ‘yo.”
Nagpatuloy sa pagkain ang binata. Pero halata nang nabawasan ang gana nito.
Nagpatuloy siya. “Kung papayag ka. Para na rin sa ating dalawa at sa ikapapayapa ng kalooban ng mga parents natin… magsama tayo… bilang mag-asawa. Tingin ko, less pressure iyon sa pagitan natin. Hindi tayo nakatali sa kasal. Para kung sakaling gusto ko ng commitment sa iba o kung ma-in love ka sa ibang babae… madali lang sa atin ang makawala.”
“Parang naiplano mo na yata ang lahat,” wika nito na ‘di niya alam kung sarcastic ba.
“Kaya nga tinatanong kita kung papayag ka. Kasi, wala na ‘kong maisip na ibang option,” giit niya.
“Magtataka sila at magtatanong sa atin. About sa kasal.”
“Gawan mo na lang ng rason. Basta ako na ang bahala kina itay at inay.”
“Okay, as you said…” kibit-balikat ni Gareth.
“So… payag ka?” paniniyak niya.
“Mas gusto ko na ‘yang option mo, kaysa hindi kita makasama sa araw-araw at mahawakan sa bawat gabi,” kaswal nitong sagot. Wala na ang lungkot sa boses.
“Okay, so kakausapin na natin sila about sa arrangement natin.”
“As soon as possible.” Bumalik na ulit ang gana sa pagkain ni Gareth.
Bumalik na rin siya sa pagkain dahil marami silang uubusin ng binata, o kung ‘di naman mauubos ay maaring i-take out.
“Puwedeng makahingi ng advance payment?” hirit ni Gareth, may ngiti sa mga sulok ng labi nito.
“Anong advance payment ‘yan?” maang niyang tanong rito.
“Kiss.”
“Okay, mamaya…” Nakahinga siya nang maluwag. Ang akala niya at kung ano na. Okay rin naman itong humalik. Kung magsasama sila bilang mag-asawa, siguro kailangan na ring masanay siya, hindi ba?
Pero bakit nae-excite ka d’yan, hahalikan ka lang… ikaw, ha?
Pasalamat lang siya talaga na inunawa ni Gareth ang pasya niya. Iyon lang iyon. Maayos na sa kanila ang lahat at iyon ang mahalaga, katwiran niya sa sarili niya.
Bonus na iyong kiss. Bakit, hindi naman ibig sabihin na may kiss, in love na, ‘di ba?
‘Di ba?