Prologue
Sa malayong kaharian ng Elyndor, isang lupaing sinakop ng katahimikan at kagandahan, umiikot ang lahat sa batas ng mahika isang mahikang matagal nang ipinagbawal. Noon pa man, ang mundo ay nahati sa dalawa: ang mga naniniwala sa kalayaan ng kapangyarihan, at ang mga naniniwala sa kontrol at takot. Sa gitna ng kaguluhan, ipinanganak ang mga nilalang na tinatawag na Marked mga taong may likas na kapangyarihang hindi galing sa pag-aaral kundi sa dugo mismo.
At isa sa kanila ay si Aeryn Vale.
Dalawang buwan pa lamang ang nakalipas mula nang siya’y pumasok sa Arcanum Academy, isang prestihiyosong paaralan para sa mga estudyanteng may potensyal sa mahika. Ngunit ang totoo, hindi basta-basta ang pagpasok niya roon. Nakatago ang dahilan kung bakit siya tinanggap—dahil ang tunay na layunin ng Arcanum ay hindi para sanayin ang mga may mahika… kundi para bantayan at pigilan ang mga tulad niya.
Gabi-gabi, sinusundan siya ng panaginip: isang kagubatan, isang altar ng bato, at isang lalaki na tila pamilyar kahit hindi pa niya nakikilala.
Isang gabi, habang lahat ay tulog, isang lihim na enerhiya ang gumising kay Aeryn. Kumislot ang marka sa kanyang braso, tila tinatawag siya. At hindi niya ito napigilang sundin.
Lumabas siya ng dormitoryo na walang dalang anuman kundi ang kanyang instinct. Tahimik ang buong paaralan, ngunit tila may buhay ang paligid—parang pinagmamasdan siya ng mismong hangin. Tumakbo siya sa kagubatan sa likod ng academy, sa lugar na sinasabing bawal pasukin kapag gabi. Ngunit sa bawat hakbang niya, mas lumilinaw ang kanyang pakiramdam. Parang may naghihintay.
At doon, sa gitna ng sirang altar na inukit sa bato, nakita niya siya—Kael Draxon.
Nakatayo siya sa gitna ng mga aninong umiikot sa altar, suot ang maitim na balabal ng mga propesor, ngunit iba ang presensya niya. Parang hindi lang basta guro. Parang… tagapangalaga ng isang sinaunang lihim.
“Aeryn,” tawag niya, marahan pero matalim.
Nagulat siya. “P-paano mo alam ang pangalan ko?”
“Alam ko kung sino ka.”
Lumingon si Kael sa buwan, na para bang doon niya kinukuha ang lakas. “At alam kong hindi ka lang basta estudyante.”
Umusad si Aeryn ng isang hakbang, ngunit biglang humigpit ang hangin sa paligid. “Ano bang ibig mong sabihin?”
“Ang marka mo. Hindi ito basta kapanganakan. Isa itong panawagan. Pinili ka ng kadiliman... o ng liwanag. Nasa’yo kung alin ang susundin mo.”
Tumigil sa paghinga si Aeryn. “At ikaw? Anong alam mo tungkol doon?”
Tahimik si Kael. Tumalikod siya saglit, at sa boses na halos bulong, sinabi niya:
“Dahil pareho tayo, Aeryn.”
Ang mga salitang iyon ay parang kidlat sa kanyang utak. “Anong ibig mong sabihin?”
“Dati rin akong Marked. Pero mas pinili kong itago, sumunod sa sistema. Hanggang sa…”
Hindi na niya itinuloy. Sa halip, lumapit siya kay Aeryn.
“May dahilan kung bakit tayo pinagtagpo. Pero hindi ito pinahihintulutan.”
“Bawal?” pabulong ni Aeryn.
“Mas higit pa sa bawal. Kapag nalaman nilang may koneksyon tayo, pareho tayong mawawala.”
Bumilis ang t***k ng puso ni Aeryn. Hindi lang dahil sa takot. Kundi dahil sa isang pakiramdam na hindi niya maintindihan. Isang emosyon na unti-unting bumabalot sa kanya.
“Bakit mo ako tinawag?” tanong niya.
“Hindi kita tinawag, Aeryn. Ang kapangyarihan mo ang humila sa akin.”
Biglang lumiwanag ang marka sa kanyang braso, kasabay ng pag-init ng hangin sa paligid. At sa pagitan nila, may biglaang alon ng enerhiya—parang isang pusong pilit ipinaglalapit sa kabila ng mundong pilit silang pinaglalayo.
Dito nagsimula ang gabing hindi nila dapat pagsaluhan.
Isang halik ng tadhana.
Isang sumpang umuukit ng bagong kwento.
At habang lumalalim ang gabi, habang lalong humihigpit ang paniniil ng mga batas ng Elyndor, nabubuo ang simula ng isang alamat—hindi tungkol sa mga bayani, kundi tungkol sa dalawang kaluluwang nilikha upang magmahal, kahit ito’y kasalanan sa mata ng kanilang mundo.
Sa likod ng mahika ay ang puso. At sa gitna ng dilim, ang pag-ibig ang pinakabawal.
Ito ang kwento ng kanilang mga gabi.
Ang mga gabing pilit nililimot ng kasaysayan.
Ang mga gabing tinawag na…
Forbidden Nites.