Chapter 1
"Zely, ano na? Baka may itatagal pa 'yan. Gutom na gutom na 'ko."
Narinig ko na ang maarteng reklamo ni Isha sa tabi ko. Kanina pa niya ako kinukulit na kumain. At kanina pa ako walang imik dahil sa nakausap ko sa omegle.
I'm Timothy
For real, I promise
Tiningnan kong mabuti ang convo. Ilang minuto ko nang paulit-ulit na binabasa pero hindi maproseso sa utak ko.
Did I really just talk to Timothy Vern Samaniego? As in the guy who I had a crush on for four long years, ay nakausap ko sa Omegle ilang minuto lang ang nakalipas. Sa libo-libong estrangherong pwede kong makausap, siya pa talaga? This is like an almost impossible coincidence.
"Sino ba 'yang ka-chat mo?" Sinilip ni Isha ang phone ko. Kumunot ang noo niya nang makitang nag-Omegle ako.
"Ikaw, ah. Kaya pala ang tagal mo sa phone kasi lumalandi ka na! Sino 'yan?" pang-aakusa niya sa akin.
Bumaling ako sa kanya at pinaningkitan siya ng mata. Grabeng bruha to, landi agad? Parang natauhan siya sa sinabi.
"Ay, oo nga. Omegle. Strangers." Bahagya siyang natawa. Dinungaw niya ulit ang phone ko. "Hindi ba nagpakilala?"
"Nagpakilala..." sagot ko nang hindi tumitingin kay Isha.
Agad kong ni-save ang conversation sa omegle bago lumipat sa ibang app. Twitter.
"Oy, bakit mo tinanggal? Pabasa 'ko."
"Wait lang, Isha."
Hinanap ko agad ang profile ni Trish Ardino sa twitter. Alam na alam ko ang profile niya dahil isa ako sa mga followers niya. She is famous, pretty and smart. And I admire her for that.
Hindi ako makapaniwala nang mabasa ko ang huli niyang tweet. It was just tweeted a few minutes ago.
Trish @ardinotrish • 29m
currently on omegle
May isa pang tweet.
Trish @ardinotrish • 7m
I am so done with omegle. someone recommended this site to me and I tried it only to find out na ang dami talagang perverts sa mundo
Oh my God! Trish really tweeted about Omegle. Ibig sabihin hindi nagsisinungaling ang kausap ko kanina! Trish's part is confirmed but not the real identity of the stranger I've talked to.
Yes, stranger. Hindi ko naman sigurado kung talagang si Timothy ang nakausap ko kanina. For all I know, he or even she, was just bluffing with me.
"Bakit mo inii-stalk si Trish, hoy?" Narinig ko na naman ang makulit na boses ni Isha sa tabi ko.
"Hindi ko siya inii-stalk, noh. May tinitingnan lang ako," pagdepensa ko sa sarili ko. Hindi naman talaga, e.
"Weh? Ano ba 'yong tinitingnan mo? At saka ano ba yung kanina? 'Yung sa omegle." Makulit talaga 'to at buti na lang sanay na ako.
"Kumalma ka. Akala ko ba nagugutom ka na? Tara kwento ko sa ‘yo habang kumakain."
Tiningnan niya ako ng mapanuri bago umirap. Sabay kaming tumayo mula sa kinauupang bench at naglakad paloob sa mall.
Since, pareho kami ng bestfriend ko na walang pera dahil bakasyon, sa Mcdo na lang kami kumain. Um-order kami ng dalawang Mcfloat at isang large fries at hati na kami roon.
"So, ano nga? Huwag mo sabihing jowa mo na 'yung naka-chat mo sa Omegle? Omg! Tapos anong kinalaman ni Trish? Bakit bigla-"
Hindi niya natapos ang sinabi dahil sinubo ko ang fries sa bibig niya.
"Teka, ang OA mo! Makinig ka muna kasi. Ganito 'yan..."
Sinimulan kong ikwento sa kanya na na-bored lang ako habang nag-aantay kami sa labas ng mall. So I tried the latest trending site on social media, Omegle. It is where you can chat with strangers.
"Hindi ko nagustuhan 'yong huli kong naka-chat. Parang may pagka-maniac 'yong dating. Titigilan ko na sana kaso napindot ko ulit 'yong next, e. So, I talked nicely na roon sa sunod dahil parang ang disrespectful kung disconnect ko bigla. Medyo suplado nga kausap, e," pagkukwento ko sa kanya.
Si Isha naman ay alertong nakikinig sa akin. Nakalapit pa ng kaunti ang mukha niya mula sa kabilang side ng table para magkarinigan kami. Huminto ako saglit para ngumuya ng kinakain na fries.
"Tapos ano?" sabi niya sabay higop sa kanyang Mcfloat. Interesado talaga siya.
"E, di nag-usap kami. It turns out na kaya pala nandoon 'yong nakausap ko ay para makausap si Trish," sabi ko sa kanya na parang dapat ay hindi rin siya makapaniwala sa coincidence.
Ngumunguya siya habang nakakunot ang noo sa akin. Hindi niya agad naintindihan kung sinong Trish ang tinutukoy ko.
"Tapos?" tanong ni Isha.
Naghihintay siya ng sagot.
"Wait, sinong Trish ba? Malay mo ba sa Trish na 'yan, ang daming Trish sa mundo," aniya ulit.
Umayos ako ng pagkakaupo at sumipsip muna sa aking Mcfloat bago nagpatuloy.
"Oo nga pero kilala ko at mo kung sinong Trish 'to."
Naintindihan niya siguro ang ibig kong sabihin ng maalala ang tiningnan kong profile kanina.
"Huwag mong sabihing si Trish Ardino, 'yong muse natin no’ng Grade 10 'yan!"
"Siya nga!" pagkukumpirma ko.
Napahinto siya saglit at tila nagulat. "Ang galing naman! Kaya ba inii-stalk mo si Trish kanina? Pero wait, so, iba pa 'yong nakausap mo talaga? Anong kinalaman niya kay Trish? Baka-"
Pinigil ko muna ang mga side comments niya dahil alam kong madami 'yon.
"Wait! Ako muna. 'Yong nakausap ko kanina, sabi niya may gusto siya kay Trish. So. ako bilang mabait na tao, nagmagandang-loob na tumulong sa kanya kasi parang totorpe-torpe, e. Pero hindi ko alam na si Trish na kilala natin ang tinutukoy niya no’n."
"Panong tulong ba in-offer mo?"
I am a fan of Korean dramas. Usually, romance ang pinanonood ko kaya madami akong alam na mga love advice. I thought it would really be kind if I help him win the heart of the girl he likes by sharing my knowledge.
"Sabi ko tutulungan ko siyang ligawan 'yong girl niya. Binigay ko sa kanya 'yong twitter account ko. Na-touch kasi ako at parang sincere talaga siya dahil talagang sinundan niya pa sa Omegle si Trish. Nagbabaka sakaling makausap. Ang sweet 'di ba?"
Medyo umasim ang mukha ni Isha. Hindi naman siya bitter pero baka nakornihan lang.
"Wow, ang haba ng hair ni ate girl, ha. Okay, tapos?"
Tumango ako. True, maganda talaga si Trish.
"So. ayon nga, okay naman 'yong pag-uusap hanggang sa nagkaalaman na Filipino kami pareho."
"Obviously. Unless, umabot ang ganda ni Trish worldwide. Siya na talaga. Pero wait. Sino ba 'yang nakausap mo kasi? Baka kakilala natin! O kaya baka kaklase pa natin. Wow!"
Halos nababasa kong pareho ang nasa isip namin. What a coincidence!
"Yes, kakilala natin. Kilalang-kilala natin dahil lagi nating pinag-uusapan."
"Lagi nating pinag-uusapan?" Tumigil siya sa pagkain at umarteng nag-iisip. "Halos lahat naman pinag-uusapan natin, chismosa tayo, e. Sino ba kasi?"
Gusto ko sanang sabihing siya lang iyong chismosa pero pinagpaliban ko muna.
"Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko. Naka-omegle ko lang naman si Timothy. Yes, si Timothy Vern Samaniego! 'Yung crush ko since grade seven."
Napasinghap si Isha nang malaman kung sino ang nakausap ko. Kumarap-kurap pa siya at tila hindi rin makapaniwala. Ganyang-ganyan din ako kanina.
"Omg..." Kalmado pa siya noong una. "OMG! Shet, totoo? As in legit bang si Vern 'yan, Zely? Napakaswerte mong gaga ka! Crush mo pa talaga!"
Hindi ko alam kung swerte ba talaga dahil nagkausap nga kami. Pero ang usapan namin, tutulungan ko lang naman ang crush ko na ligawan ang crush niya.
"Sabi niya siya raw si Timothy, e."
Nilabas ko ang phone ko at ipinakita sa kanya ang conversation namin. Agad naman itong dinampot ni Isha sa kamay ko at masinsinang binasa. Nagawa niya pang bitawan ang iniinom na Mcfloat.
"Hindi ko alam kung maniniwala ba ako na si Timothy talaga 'yan. Kasi parang grabeng coincidence na 'yon kung totoo. Tsaka ang weird..."
Binabasa pa rin ni Isha ang conversation namin sa Omegle. "Bakit?"
"Ang weird kaya. Nabanggit ko kasing crush ko si Timothy na hindi ko naman lubos akalain na mismong Timothy na tinutukoy ko 'yong kausap ko mismo!"
Napabaling siya sa akin. Halos dama ko ang kahihiyan na nahawa ko sa kanya.
"Zely, ibig sabihin alam ni Timothy na crush mo siya?! Tapos sinabi mo pa na tutulungan mo siya sa crush niya? Hala ka! Ang weird nga ng set-up! Fudge!"
Oo, sobra! Kahit ako hindi rin makapaniwala. Malay ko ba kasing si Timothy ang kausap ko. Sa dinami ng users na pwede kong makausap, siya pa talaga.
"Sobra! Pero, Isha, kumalma tayo. Huwag tayong OA dahil hindi ko naman sinabi kung sino ako."
Hindi ko alam kung tama bang hindi ako ako nagpakilala. Bukod sa wala akong lakas na loob na humarap sa kanya, nakakahiya kasi at parang ang weird naman ng sitwasyon. Alam niyang crush ko siya at tutulungan ko pa siya sa crush niya!
"Ano? Bakit mo ba kasi sinabi sa kanya na crush mo siya?"
"Hindi ko naman alam na si Timothy 'yon! Nasabi ko na dahil sa basta, pero nasabi ko 'yon bago siya nagpakilalang si Timothy."
"Hay, nako. Ang g**o mo, Zely! So, ano ngayon kung nasabi mo nga. Hindi ka naman pala kilala, e."
Hindi niya ako kilala. Pero ako, kilala ko siya at araw-araw ko siyang makikita sa school. Mula grade 7 hanggang ngayon, crush ko siya. Hindi lang kami close pero kilalang-kilala ko na siya.
Crush lang naman, e. Ano nga bang big deal doon? Crush is just paghanga, sabi nga nila. It won't hurt, right?
"Oo nga…" medyo kalmado kong sabi.
Pinagpatuloy namin ang pagkain. Dumampot siya ng fries bago binasa ulit ang conversation. Tuloy-tuloy ang pag-scroll niya sa phone ko.
"Isha, binigay ko rin 'yung number ko sa kanya. Sabi ko roon niya ako kontakin kapag may tanong siya, gano’n."
"Sana huwag na siyang mag-text kung ganoon. Para iwas issue ka na. Baka masaktan ka pa," sabi niya at binalik na ang phone sa akin.
Bakit ako masasaktan? Hindi ba dapat matuwa ako dahil makakatulong pa ako sa crush ko? Yes, he is my crush for years but it's all just for inspiration. I admire him for many reasons and that's all. I can still help him like I offered.
"Okay lang naman sa akin na tulungan siya kay Trish, Isha. Sa chat lang naman kami mag-uusap."
Tiningnan niya ako ng masama. "Talaga ba? Sure kang okay lang sayo na i-support si Vern na crush mo sa crush niyang si Trish?"
"Crush ko lang naman, Isha. Hindi ko naman siya gustong-gusto talaga. It's okay. It won't hurt to help."
Umiling-iling siya. "Oo nga, e. Apat na taon mo lang naman siyang crush. Tama ka, crush lang naman 'yan."
Narinig ko ang pagka sarkastiko ng sinabi ni Isha. Ngumuso ako at nagpatuloy na lang din sa pagkain namin. Ayaw ko ng pag-usapan iyon.
I'm not even sure if Timothy will actually take my offer. Hindi na nakakagulat kung hindi niya ako kontakin. It was really a weird idea. Baka nga hindi niya pa kakailanganin iyon kahit kailan. Pero ang sabi niya pwede naman daw.
I know, Timothy. For what he could be, atleast. Based on how he acts and treats people in our school. And I am sure he is not the type to deal with nonsense things.
Nonsense things like trying to know who he talked to on Omegle, right? Hindi naman niya siguro ipagtatanong sa batch namin kung sino ako.
I decided to stop thinking about it. Saka na kapag nag-text or chat nga si Timothy.
Namasyal pa kami saglit ni Isha sa loob ng mall. Naglibot kami sa Watsons, NBS, at Department Store pero wala naman kaming binili. Tamang tingin-tingin lang.
Bago pa kami maghiwalay ay hindi niya nakalimutang ipaalala sa akin.
"Hoy, Zely! Kapag nag-text or dm sa twitter mo itong si Vern, sabihin mo agad sa akin. Huwag kang magrereply agad, ichika mo muna sa akin, okay? Sure 'yan, ah. Ingat ka sa pag-uwi. Bye. Love you!"
When I got home, dumiretso agad ako sa kwarto ko. I settled nicely on my bed before wasting my time on social media.
Naisipan kong bisitahin ang twitter account ni Timothy. Buti na lang talaga at walang nakakapagsabi sa kung sino ang mga tumitingin sa profile mo. If ever twitter will reveal how many times you've been stalked by an account, I will be doomed. Kotang-kota ako sa account ni Timothy.
I scrolled on his tweets. Napabalikwas ako ng bangon nang mabasa ang isang tweet niya.
Vern @vernsamaniego • 5h
Who are you?
Assuming ako masyado pero sa tingin ko alam ko ang ibig sabihin ng tweet niya.
I checked immediately if I faved his tweet. It was a habit to me to fave his tweets. Buti na lang at hindi ko pa nagagawa. But wait, it will be suspicious if I will suddenly stop faving his tweets, right? Hindi niya naman mapapansin siguro pero para sigurado, I faved the tweet.
Kinakabahan pa ako. Natanto kong sakto ang tweet niya. 'Who are you?' It is possible that he's looking for me, right? He asked for my name pero hindi ako nagpakilala kanina.
I couldn't even think that it's really Timothy. Omegle is a completely random site for strangers worldwide and to think that I'll meet him there, it's almost impossible to believe.
Kaya noong sinabi nang kausap ko na naroon siya sa Omegle dahil baka sakaling makausap niya ang babaeng gusto niya, namangha ako.
I mean, it would take destiny's blessing for such coincidence. And to hope for something like that just shows how sincerely you want it to happen.
Sadly for Timothy, he didn't get what he wanted. Coincidence is with him but it is not on his side. Instead of Trish, he met Me on Omegle.
It wasn't really new to hear that he likes Trish. Matagal ko nang naririnig ang isyu na 'yan sa campus. It was just this time that I confirmed it. Mula pa mismo kay Timothy.
I have no hard feelings. He is my crush but I am not bitter about him liking someone else. Lalo pa na maganda at hinahangaan ko rin mismo ang babaeng gusto niya. It's okay. Bagay sila. They deserve each other.
I'll gladly help to bring them together.
I remembered I told him two ways to contact me if ever he would want my help. First is on my dummy account on twitter. Second is my number.
Wala akong natatanggap na kahit anong text o tawag. So I checked my other twitter account.
I opened my dummy account in twitter: @lovelyoppaa. Ginagamit ko lang ang account na ito for Kdrama purposes. Kapag gusto kong maglabas ng hinanakit at kilig sa mga pinapanood kong kdramas, I tweet here.
I opened the notifications.
And I almost screamed when I saw that I have a new follower.
Vern @vernsamaniego started following you.