Kakatapos lang ng unang bahagi ng audition. Nasa isang coffee shop si Sahara habang nagpapalipas siya ng oras. Nahagip ng tingin niya ang pagpasok ni DJ De Silva sa loob ng coffee shop. Ramdam niya ang presensya ng lalaki, umupo ito sa katapat niyang mesa. Pakiramdam niya ay nakadarang siya sa apoy sa init ng mga titig nito sa kanya. Matinding pagpipigil ang ginawa niya upang huwag umangat ang kanyang paningin sa gawi nito. Napahawak siya sa kanyang leeg. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay kakaibang kaba ang dulot ng lalaki sa kanya. Dapat ay tanging pagkamuhi lang ang kanyang nararamdaman para rito. Napasinghap siya sa biglang paghila ng upuan sa harapan niya. Kumunot ang kanyang noo sa lalaking preskong umupo at nakangisi sa kanya, Nakataas ang kilay na tinignan niya ito ng masama.

