Chapter 1

1467 Words
Kararating lang ni Sahara Rodriguez sa kanyang inuupahang apartment mula sa bahay ng isa niyang kakalase. Tinapos nila ang kanilang group project. Nasa huling taon na siya ng kursong architecture. Nag-iisa siyang naninirahan sa Maynila habang ang kanyang pamilya naman ay sa Bicol nakatira. Nais ng kanyang mga magulang na sa isang kilalang unibersidad siya magtapos kaya naman pinadala siya ng mga ito sa Maynila. Ang kanyang Mommy na si Aurora Rodriguez ay isang guro sa pampublikong paaralan. Ang kanyang Daddy na si Arnulfo Rodriguez naman ay isang accountant. Nagtratrabaho ito sa opisina ng Vice Mayor. Ang nakakatanda niyang kapatid na si Selah Marquez ay pinasok ang mundo ng pagmomodelo. Mga bata pa lang sila ay ang pagmomodelo na ang pangarap ng Ate Selah niya. Nang tumuntong sila sa kolehiyo, naging madalas ang mga proyekto ng kanyang kapatid. Maraming beses siyang naging saksi sa pagsisikap at tagumpay nito. Kasa-kasama siya ng ate niya sa mga patimpalak na sinasalihan nito. Hanggang isang araw ay inalok itong maging modelo ng DS Modeling Agency. Noong una ay nag-aalangan ang Ate Selah niya. Kaya naman hinimok niya itong gawin kung ano ang magpapasaya rito. Suportado din ng kanilang mga magulang ang mga pangarap nito. Kasalukuyang nasa Singapore ang ate niya para sa isang fashion show. “Hay! Home sweet home,” pagal niyang inihiga ang kanyang katawan. Namiss niya ang kanyang malambot na kama. Halos dalawang gabi din siyang nakitulog sa bahay ng kaklaseng si Minerva, kasama ng iba pa nilang kagrupo. Tunog ng kanyang cellphone ang pumigil sa kanya upang tuluyang ipikit ang kanyang mga mata. Bumangon siya at sinagot ito. “Hello!” aniya sa pagod na tinig. “Sahara, a-anak!” garalgal ang tinig na wika ng kanyang Mommy Aurora. “Mommy, are you okay? Bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong niya. Biglang nagising ang kanyang diwa nang marinig ang paghikbi nito. Tumayo siya, napahawak siya sa kanyang dibdib dahil sa tindi ng kaba niya. “S-sahara, ang Ate Selah mo!” naiiyak na wika ng Mommy niya sa kabilang linya. “Mom, please tell me, anong tungkol kay Ate? Nakauwi na ba siya? Bakit hindi siya tumawag sa akin?” sunud-sunod na tanong niya rito. “Wala na ang kapatid mo, Sahara. Iniwan na niya tayo!” hinagpis na sagot nito. “Mommy naman! Paanong wala, hindi na ba babalik si Ate ng Pilipinas?” saad niya sa ina. “A-anak, patay na ang Ate Selah mo!” humahagulgol na usal nito. “Hindi!” nanginginig ang buong katawan niyang sigaw. Pasalampak siyang napaupo sa sahig. “Oh, God! Please tell me it’s not true!” naninikip ang dibdib niyang usal. Hindi makapaniwala si Sahara sa narinig mula sa kanyang Mommy. “Sahara, kailangan mong umuwi anak!” umiiyak na wika nito. Mariin niyang pinikit ang lumuluhang mga mata niya. “I’ll take the first available trip, Mommy.” “Sahara, kailangan ka namin dito. Hindi namin kakayanin ng Daddy mo, Oh God!” nasa tinig ng Mommy niya ang pagsusumamo. “Opo. Please calm down, Mommy.” Matapos ang pakikipag-usap sa kanyang ina, tumangis nang buong hinagpis si Sahara sa pagpanaw ng kanyang Ate Selah. Halos labing-anim na oras ang tinagal ng biyahe niya mula Cubao hanggang Mercedes, Camarines Norte. Napatigil siya sa tuluyang paglabas ng bus terminal nang mapansin niyang may pinagkakaguluhan ang mga pasahero. Bumuntong-hininga siya bago muling itinuloy ang kanyang paglakad. Napahinto siyang nang mahagip ng pandinig niya ang usapan ng tatlong babaeng pasahero. “Grabe! Nakakabigla naman ang pagkamatay ni Selah Marquez!” “Naku, kawawa naman siya! Sayang nagsisimula pa naman siyang sumikat,” may panghihinayang na wika ng isa sa mga ito. Pigil hiningang nilingon ni Sahara ang grupo ng mga babae. Sinundan niya ng tingin ang tinitignan ng mga ito. Kasalukuyang pinapalabas ang balita tungkol sa kanyang Ate Selah. Makikita rin na tinatanong ng mga reporter ang manager ng Ate niya na si Carlyn Alonzo. Pinahid niya ang luhaang mga mata. Naninikip ang kanyang dibdib na bumuntong-hininga siya. Pinagpatuloy niya ang paglalakad. Pagkalabas ni Sahara ng bus terminal, natanaw niya ang kababatang si Antonio. Ilang taon ang agwat ng edad nito sa kanya at sa kanyang ate. Isang ganap na pulis na ang kanyang kababata. “Sahara!” tipid ang ngiting bungad nito sa kanya. Bakas ang lungkot sa mga mata nito. “Hi Tonyo,” tipid niyang nginitian ang kababata. Kinuha nito ang bitbit niyang bag. “Nakikiramay ako sa nangyari kay Sel,” malungkot nitong wika sa kanya. Naluluhang tumango siya, “Salamat, Tonyo.” Mahigpit siyang niyakap ni Antonio, sunud-sunod ang pagdaloy ng kanyang mga luha na ilang oras na din niyang pinipigilan. Lulan ng sasakyan ni Antonio, dumeretso sila sa kanilang bahay. Mabilis ang naging biyahe nila mula bus terminal. Tinambol ng matinding kaba ang kanyang dibdib nang matanaw niya ang ambulansya na nakahimpil sa tapat ng bahay nila. Nagkatinginan sila ni Antonio, pagkaparada nito ng sasakyan ay dali-dali siyang lumabas. Di niya pinansin ang pagtawag ni Antonio sa kanya. Patakbong pumasok siya sa loob ng kanilang bakuran. Halos panawan ng ulirat si Sahara nang makita niya ang kanyang Tiyang Amanda na naghihinagpis, habang yakap-yakap ito ng Ninang Vivian niya, ang Nanay ni Antonio. Isang stretcher na nakatakip ng puting tela ang inilalabas ng dalawang paramedic mula sa loob ng kanilang bahay. Mabuway siyang naglakad papalapit rito. Huminto ang paramedic na nagbubuhat sa stretcher. “Sahara! Ang mommy mo!” mahigpit siyang niyakap ng kanyang Tiyang Amanda. “Mommy! Mommy!” humahagulgol na sigaw niya. Inalis niya ang nakatabing na tela. “No! Mommy! Please, no!” buong hinagpis niyang sigaw habang yakap-yakap ang katawan nito. “Mommy, nandito na ako, 'wag mong gawin sa akin ‘to!” patuloy na pagtangis niya habang mahigpit na yakap ang wala ng buhay niyang ina. “S-sahara,” humahagulgol na usal ng kanyang Tiyang. “Tiyang!” mahigpit niyang niyakap ito. “Sahara, anak! Wala na din ang Daddy mo, isa siya sa nabaril ng tambangan ang sasakyan ni Vice Mayor Dominguez,” umiiyak na wika nito sa kanya. “Daddy! Daddy!” malakas niyang sigaw. Gumuho ang mundo ni Sahara sa kanyang narinig. Humahagulgol na tumangis siya habang isinasakay sa ambulansya ang bangkay ng kanyang ina. Sa loob lamang ng tatlongpu’t anim na oras ay tatlong buhay ang kinuha sa kanya. “Amanda, Sahara, kailangang puntahan ang labi nila Arnulfo at Selah sa morge,” lumuluhang wika sa kanila ng Ninang Vivian niya. Napatingin siya sa Ninang Vivian niya, “Paanong nasa morge na agad ang labi ni Ate Selah?” nagtatakang tanong niya. “Hija!” nag-aalangang tumingin ito sa Tiyang Amanda niya. “Ninang! Tiyang!” nakikiusap na tawag niya sa mga ito. “Sahara, sa kabilang bayan natagpuan ang bangkay ng Ate Selah mo. Sa isang paupahang bahay,” si Antonio ang sumagot sa tanong niya. Pinahid niya ang kanyang luhaang mga mata. “Pupuntahan ko sila!” saad niya. “Sahara, samahan mo na lang sila Tita Amanda at ang Mama, ako na ang mag-aayos ng mga kakailanganin,” hayag sa kanya ni Antonio. “Sasama ako, Tonyo!” mariing tugon niya sa kababata. Tumango ito sa kanya. Binalingan niya ang kanyang Tita Amanda. Malungkot itong tumango sa kanya habang hilam ang mga mata ng luha. Hinagkan niya ito at mahigpit na niyakap. Magkasamang inayos muna nila ni Antonio ang mga labi ng kanyang Mommy. Atake sa puso ang kinamatay nito. Nagpaalam si Antonio sa kanya na aalamin daw nito kung maari na ding makita ang mga labi ng Ate Selah at Daddy niya. Ilang oras ang lumipas ay nilapitan siya ni Antonio habang nakaupo siya sa waiting area ng morge. “Sahara,” mahinang tawag nito sa kanyang pangalan. Tumayo siya at tumango sa binata. Masuyong hinawakan nito ang kanyang kamay habang papalapit sila sa kinalalagyan ng mga labi ng Ate Selah at Daddy niya. Walang tigil ang pagdaloy ng kanyang mga luha nang lapitan niya at mamasdan ang ate at daddy niya. “A-ate!” humihikbing usal ni Sahara. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang buong dalamhating hinaplos niya ang magandang mukha nito. Sa kanyang paningin ay para lamang itong natutulog. Pero batid niyang tuluyan na siya nitong iniwan. “Ate ko!” humahagulgol niyang niyakap ang malamig nitong katawan. Dahan-dahan niyang nilapitan ang kinalalagyan ng labi ng kanyang Daddy. “Daddy ko!” Buong higpit niyang yakap-yakap ang katawan nito. Halos mawalan siya ng lakas, nabuwal siya. Maagap siyang inalalayan ni Antonio. “Tonyo! Bakit iniwan nila ako? Anong kasalanan ko sa Diyos! Bakit?” buong lakas niyang sigaw. Sa apat na sulok ng malamig na silid na iyon ay maririnig ang malakas na pagtangis ni Sahara. Tatlong tao na pinakamahalaga sa kanya ang magkasunod na nawala. Ang sakit na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon ay walang kapantay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD