Nagdadalamhating nakatunghay si Sahara sa tatlong kabaong na sabay na binababa sa magkatabing libingan. Minarapat nila ng Tiyang Amanda niya na huwag ng patagalin pa ang paghahatid sa huling hantungan ng ate, mommy at daddy niya. Tutal ay wala naman silang hinihintay pa.
Akala ni Sahara naubos na ang mga luha niya nitong mga nakaraang araw. Pero nagkakamali pala siya. Walang patid ang pagbagsak ng mga luha sa kanyang mga mata. Nakaalalay sa kanyang Tiyang Amanda ang kanya Ninang Vivian, na tulad niya ay walang tigil sa pagtangis. Katabi naman niya si Antonio. Si Carlyn, ang manager ng Ate niya ay sinikap na di malaman ng media kung kailan at saan ililibing ang Ate Selah niya. Nagpapasalamat siya sa babae dahil nakatulong nila ito ni Antonio sa pag-aayos ng lahat.
Matapos ang seremonya, isa-isang nagpaalam ang dumalo sa libing ng kanyang kapatid at mga magulang.
“Tiyang, mauna na kayo sa bahay ni Ninang,” masuyong kausap niya sa kanyang Tita.
“Pero hija-” bakas ang pagtutol sa mukha nito.
“Gusto ko po munang dumito sandali, ‘wag po kayong mag-alala,” aniya.
Malungkot itong tumango at mahigpit siyang niyakap. Gumanti siya ng yakap sa Tiyang Amanda niya. Hinagkan niya din ang kanyang Ninang Vivian.
“Ninang, Tonyo, pakisamahan po ninyo si Tiyang,” pakiusap niya sa mag-ina.
“Sahara, di ka pwedeng mag-isa rito,” tutol ng binata sa kanya.
“Please, Tonyo, ayos lang talaga ako. Gusto kong mag-isa,” aniya.
“Sige, hija, mauna na kami sa bahay ninyo. Huwag kang magtagal ha,” wika ng Ninang Vivian niya sa kanya.
“Mama!” bulalas ni Antonio, umiling ang Ninang Vivian niya sa anak nito.
Bumuntong-hiningang napailing ang kababata bago ito naglakad kaagapay ng ninang at tiyang niya.
Nang mapag-isa siya, napahagulgol si Sahara sa matinding pagdadalamhating nararamdaman niya. Matagal din siyang tumangis sa harapan ng puntod ng kanyang ate at ng mga magulang niya.
Kakatapos lang niyang umusal ng panalangin nang may taong tumabi sa kanya. Nilingon niya ito, si Carlyn. Akala niya ay kanina pa ito umalis. Tulad niya ay namamaga ang mga mata nito sa pag-iyak. Ilang sandali ang lumipas bago nito binasag ang katahimikan sa pagitan nila.
“Alam mo bang lagi kang kinukwento ni Selah sa akin. Pinagmamalaki niya ang mga nagawa mong achievements. Lalo na at malapit ka nang matapos ng pag-aaral.”
“Ate Carlyn,” mahinang usal niya.
“Sahara, alam kong nagtataka ka kung bakit wala sa Singapore ang Ate Selah mo gaya ng paalam niya sa inyo.”
Tumango siya rito, “Ate ano ba talaga ang totoong nangyari? Bakit ang sabi ni Tonyo ay nagpakamatay si Ate? Imposible na magagawa ni Ate Selah iyon, malaki ang takot niya sa Diyos,” naguguluhang tanong niya rito.
“Tulad mo hindi ako naniniwalang magpapakamatay si Sel.”
Hindi siya kumibo sa tinuran nito.
“Sa kalagayan ng ate mo, hindi natuloy ang pag-alis niya papuntang Singapore. Naghanap kami ng mauupahang bahay sa karatig-bayan. Pinupuntahan ko siya kada isang linggo para dalhan ng kanyang mga pangangailangan.”
“Alam ba ng Mommy at Daddy?”
Malungkot na umiling ito sa kanya, “Sahara, kinalulungkot ko, alam kong ang mga sasabihin ko sa iyo ngayon ay lalong susugat sa iyo.”
“Ate Carlyn,” mahinang usal niya.
“Sahara, buntis ang Ate Selah mo!” garalgal ang tinig na wika nito sa kanya.
“Oh!” sindak na bulalas niya.
Nanghihinang napaupo siya sa damuhan. Napahagulgol siya sa narinig na sinabi nito.
“Patawarin mo ako Sahara, nakiusap ang ate mo na ilihim muna ang tungkol sa kalagayan niya.”
“Ate Carlyn, bakit nangyari kay Ate Sel ito?” mariing tanong niya sa babae.
“Hindi ko alam, Sahara. Hanggang ngayon ay walang linaw ang imbestigasyon kundi suicide pa rin ang angulong tinitignan ng mga pulis,” anito.
“Sino ang ama ng pinagbubuntis ni Ate?”
“Hindi ako sigurado, Sahara, pero may duda akong si Mr. DJ De Silva ang ama ng pinagbubuntis ni Selah,” sagot nito sa kanya.
“Mr. De Silva?” kunot-noong tanong niya. Parang narinig na niya ang pangalang iyon.
“Siya ang CEO ng Haven Hotel International. Pagmamay-ari rin ng pamilya De Silva ang DS Modeling Agency na pinagtatrabahuhan ng ate mo,” pagbibigay alam nito sa kanya.
“Ang pagkakaalam ko walang kasintahan si Ate Selah, ibig bang sabihin ang Mr. De Silva na iyon ang boyfriend niya,” nagtatakang hayag niya. Hindi ito kumibo.
“Tingin mo ba alam ni Mr. De Silva na buntis si Ate?” malungkot niyang dagdag na tanong rito.
“I’m sorry, Sahara, hindi ko alam ang sasabihin. Ang sa akin ay pawang hinala lamang. Tanging ang ate mo ang nakakaalam ng totoo.”
“Hanggang sa huling sandali, madaya si Ate S-selah,” nanginginig ang tinig na wika niya, “Nangako siya sa akin Ate Carlyn! Nangako siyang walang iwanan! Walang lihiman,”
“Oh, Sahara!” bakas ang awa na wika nito sa kanya.
“Bakit ganoon, Ate Carlyn? Ang nangyari kay Daddy ay wala pa ding linaw,” humihikbing wika niya.
Pinahid niya ang luhang naglalaglagan na naman sa mga mata niya.
“Sahara,” malungkot na usal ni Carlyn sa kanya.
“Sobrang sakit, Ate Carlyn, buong pamilya ko ang nawala!” bulalas niya. Tumalungko siya sa harapan ng puntod ng mga magulang at ate niya.
Walang kibong kinabig siya ni Carlyn at sabay silang lumuha sa pagluluksa. Hindi lamang para sa kanyang mga magulang at kapatid. Kundi pati sa pagkawala ng munting anghel na dinadala ng kanyang Ate Selah.
Samantala, sa isang pribabong resort sa San Juan, Batangas. Isang lalaki ang lumabas sa itim na sasakyan. Palinga-linga ito sa paligid bago nito binuksan ang pintuan ng cabin na laan lamang para rito. Pag-aari ng lalaki ang resort na iyon. Dalawang tao lamang ang nakakaalam na sa kanya ang pribadong resort.
“Bakit ang tagal mo babe?” malambing na salubong sa lalaki ng babae na naghihintay sa kanya.
Nakapameywang ito at bahagyang nakanguso ang mapang-akit na mapupulang mga labi nito.
“Hello, Babe!” nakangising bati niya rito.
Yumapos ito sa kanya at kinawit nito ang mga braso sa kanyang leeg. Binigyan siya ng babae ng isang maalab na halik.
“I’m sorry, tinakasan ko pa ang mga reporter na nakasunod sa akin mula sa airport,” paliwanag niya rito.
Kapwa habol nila ang kanilang hininga.
“Ang importante nandito ka na, babe, I miss you,” mapang-akit siyang kinindatan nito.
Hinila ng babae ang kanyang kamay at inakay siya palapit sa kamang nasa gitna ng silid.
Naiiling na napangisi siya, alam na niya ang gusto nitong mangyari.
“Are you not tired?” tanong niya sa babae. Alam niyang malayo din ang bineyahe.
“Nope, I have good news for you, babe. We are free for a week. Solo natin ang mundo. Just you and me,” tumatawang wika nito sa kanya.
“Really!” di makapaniwalang tugon niya.
“Yes, babe, one week in paradise!” tumitiling wika nito.
“That’s awesome!” nakangiting saad niya bago ito kinabig at buong kapusukang siniil ng halik. Maalab na tumugon ito sa kanya. Sa pagitan ng mapusok nilang paghahalikan ay nagmamadaling isa-isang hinubad nila ang kanilang mga saplot sa katawan.
Minsan pa ay pinagsaluhan nila ng babaeng kanyang iniibig ang isang mainit, mapusok at bawal na pag-ibig. Alam ni DJ De Silva na ang pag-ibig niya para kay Natasha Valle ay isang kabaliwan. Pero gagawin niya ang lahat upang patuloy niyang makasama ito. Kahit batid niyang kasalanan ang patuloy itong mahalin.