Chapter 3

1758 Words
“Ikinalulungkot ko Sahara,” sabi ng Tita Amanda niya. “T-tiyang Amanda, bakit po wala akong kaalam-alam sa bagay na ito?” lumuluhang sabi niya sa tiyahin. “Hindi ko rin alam ang tungkol sa pagkakasanla ng palaisdaan at nitong bahay at lupa ninyo, Sahara. Walang nababanggit sa akin ang Mommy mo,” tugon nito sa kanya. Apat na araw na ang nakakaraan matapos nilang ihatid sa huling hantungan ang kanyang ate at mga magulang. Dumating nang umaga na iyon ang isang foreclosure notice mula sa bangko. Iniilit ng bangko ang bahay at lupa nila, maging ang palaisdaan nila. Matagal na pala itong naisanla ng mga magulang niya. Nanginginig ang mga kamay na tinupi niya ang liham mula sa bangko. Pinahid niya ang kanyang mga luha na walang tigil sa pagpatak. “Anong gagawin ko ngayon, Tiyang Amanda?” wika niya sa tiyahin. “Kung may maitutulong lang ako, Sahara. Malaking halaga ang kailangan para hindi ito mailit ng bangko. Ang pakwanan naman ng Mommy mo ay maliit lang natin maipagbibili kung aanihin natin ng wala sa panahon,” tugon nito sa kanya. “Ang buong akala ko po ay nasa maayos ang kalagayan namin. Binayaran pa ni Mommy ang tuition ko para sa semester na ito,” mahinang sabi niya sa tiyahin. “Kung talagang hindi na natin matutubos itong bahay at lupa ninyo, ang pinakamabuting gawin natin ay ituloy mo ang pag-aaral mo. Ilang buwan na lang ay magtatapos ka na. Gamitin mo ang mapapagbentahan ng mga pakwan,” payo nito sa kanya. “May halaga pa po ba ang lahat, Tiyang?” lumuluhang tanong niya habang nakatanaw sa labas ng kanilang bahay. “Sahara, alam kong hindi papayag ang mga magulang mo na mabalewala ang pag-aaral mo. Pangarap nilang makita kang makapagtapos,” saad nito sa kanya. Marahan siyang tumango sa tiyahin. “Kailan ang balak mong bumalik ng Maynila?” tanong nito sa kanya makalipas ang ilang sandali. “Nagpaalam po ako sa mga professor ko, sa susunod na linggo po ang balik ko ng Maynila,” tugon niya. Bumuntong-hininga ito, “Maghahanda muna ako ng pagkain natin, kailangang kumain ka. Huwag mong pabayaan ang sarili mo, hija,” masuyong hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Salamat po, Tiyang Amanda,” humihikbing usal niya. Naluluhang tumango ito sa kanya, nagpahid ito ng mga mata at ngumiti sa kanya. Naglakad ito patungo sa kusina. Inikot niya ang kanyang tingin sa buong kabahayan. Napahagulgol siya sa kaisipang mawawala na rin ang bahay at lupa na naging saksi sa masasayang sandaling kasama niya ang kapatid at mga magulang. Isa-isa niyang nilalagay sa mga kahon ang mga gamit nila. Kanina pa na walang tigil siyang lumuluha. Bawat hawakan niyang gamit ng mga magulang niya ay napapahagulgol siya. Napagdesisyunan niya na ibenta na lang ang ilang mga kasangkapan na hindi magkakasya sa bahay ng Tiyang Amanda niya. Madaling araw pa lang ay gumising na siya at sinimulan na niya ang pag-aayos. Ilang oras na rin siyang nag-eempake at papataas na rin ang sikat ng araw. Mahinang katok ang pumukaw sa kanya. Nagpahid siya ng luha at tumayo upang buksan ang pintuan. Bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Tonyo. “Ikaw pala, bakit ang aga mo? Wala ka bang duty?” tanong niya sa binata. “Off ko ngayon. Naisipan kong yayain kang mamasyal,” sagot nito sa kanya. “Tonyo, dito na lang ako, isa pa ang aga-aga. Madami pa rin akong kailangang ligpitin,” tanggi niya. “Sahara, makakapaghintay naman iyan. Pangako, tutulungan kita pagkatapos nating mamasyal. Sige na! Ilang taon na rin na di mo nalilibot ang bayan natin,” nakangiting yaya nito sa kanya. “Tonyo,” malungkot niyang usal. “Please! Alam kong hindi ka pa nag-aalmusal kaya doon na lang tayo kumain sa pupuntahan natin,” pinalungkot nito ang tinig. Naiiling na napabuntong-hininga siya at marahang tumango sa binata. “Basta, saglit lang tayo,” aniya. “Oo, pangako,” tinaas pa nito ang ang kanang kamay. “Sige, mag-aayos lang ako.” “Sige, sa baba na ako maghihintay,” nakangiting paalam nito at dali-daling tinalikuran siya. Humugot siya ng malalim na hininga at lumabas ng silid ng mga magulang. Tinungo niya ang kanyang silid. Binalot siya nang matinding kalungkutan. Noon ay halos magtatalon siya sa tuwa ng pumayag ang Ate Selah niya na okupahin niya ang silid na iyon. Gustong-gusto niya ang tanawin sa tapat ng bintana, ang malawak na niyugan ng katabi nilang lupain. Dapat ang ate niya ang gagamit ng silid na iyon dahil mas malaki ito kumpara sa silid na laan sa kanya. Nagmakaawa siya sa kapatid para pumayag itong makipagpalit sa kanya. Hinawi niya ang kurtinang nakatabing sa bintana. Hindi na tulad ng dati ang tanawing natatanaw niya. Natatakpan na ito ng mataas na pader. Ang balita niya ay naipagbili na ang lupain at ngayon nga ay ginawa itong pribadong resort. Maging ang mga nakapaligid sa kanilang tahanan ay tuluyang binago na rin ng panahon. Katulad ng mga pagbabagong kanyang kakaharapin sa mga susunod na araw, buwan at taon ng kanyang buhay. Sinara niya ang bintana at hinawi pabalik ang kurtina. Dinampot niya ang tuwalya at tumungo siya sa banyo upang mag-ayos. Siguro nga ay kailangan niyang libangin ang kanyang sarili kahit sandali. Nang sa ganoon ay maibsan ang pagdadalamhati na kanyang nararamdaman. “Wow!” bulalas ni Sahara nang marating nila ni Tonyo ang Mercedes Port. Nilingon niya ang binata at tipid niyang nginitian. Bahagyang pumatak ang kanyang luha na agad din niyang pinahid. Naalala niya ang kanyang Ate Selah. “Nagustuhan mo ba?” tanong nito sa kanya. Marahan siyang tumango kay Tonyo, “Na-miss ko ang lugar na ito.” “Natatandaan mo ba noong huling punta natin dito ni Selah,” wika nito sa kanya. Hindi siya kumibo, pumikit siya at humugot ng malalim na hininga. Nang idilat niya ang kanyang mga mata ay nakalahad ang kamay ni Tonyo sa kanya. “Tara, doon tayo sa floating restaurant. Alam ko na matagal-tagal na rin noong huling beses kang nakakain ng mga pagkaing bikolano,” nangiting saad nito sa kanya. Napailing siya, “Alam na alam mo talaga, Tonyo.” “Aba! Dito lang sa atin ka makakatikim ng pinakamasarap na laing, sinantol at kinuot,” saad nito. “Bigla tuloy akong ginutom, kaya lang masyado pang maaga,” nangiti siya sa biglang pagtunog ng kanyang tiyan. “Mukhang hindi sang-ayon ang tiyan mo. Tamang-taman lang ang dating natin para sa almusal at tanghalian,” natatawang tugon nito sa kanya. Inabot niya ang kamay ng binata at tinungo nila ang daan patungo sa floating restaurant na kalapit lang ng port. “Ang dami kong nakain,” mahinang sabi niya kay Tonyo. Naglalakad na sila ng binata pabalik sa sasakyan nito. “Grabe noh! Nakakaawa naman si Selah Marquez!” Napahinto sila ni Tonyo nang marinig nila ang pangalan ng ate niya. Nagtatakang nilingon niya ang kumpulan ng mga kabataang may tinitignan sa cellphone ng mga ito. “Tara na, Sahara,” yaya sa kanya ni Tonyo. “Ah, oo, sige!” Bumuntong-hininga siya bago lumulan sa sasakyan nito. Nasa kalagitnaan sila ng biyahe nang tumunog ang kanyang cellphone. Nagtatakang tinignan niya si Tonyo nang tumunog din ang cellphone nito. Inihinto nito ang sasakyan sa gilid ng daan. Lumabas ito ng sasakyan para sagutin ang tawag. Siya naman ay nilabas ang kanyang cellphone sa bag niya. Sinagot niya ang tawag ng mabasa ang pangalan ni Carlyn. “Oh, Ate Carlyn napatawag ka,” bungad niya sa babae. “Sahara, nasaan ka?” tarantang sabi nito sa kanya. “Ate kasama ko si Antonio, pauwi na kami sa bahay,” kunot ang noong sagot niya. “Sahara, huwag ka munang umuwi sa bahay ninyo. Puntahan mo ako dito sa hotel, nandito ako ngayon sa Daet. Please pumunta ka na agad dito!” Bakas sa tinig nito ang pagkabahala na pinagtataka niya. “Ate Carlyn, ano po ang nangyayari?” kinakabahang sabi niya. “Sahara, dito ko na lang ipapaliwanag sa iyo. Please, trust me,” wika nito sa kanya. Lumingon siya ng tumikhim si Tonyo, seryoso ang mga matang nakatingin ito sa kanya, may dumaang pag-aalala at awa sa mata ng binata na pinagtaka niya. “Sige po, Ate Carlyn, pupunta na po ako diyan,” sagot niya sa babae. Pagkakatapos ng tawag ay walang kibong pinaandar ni Tonyo ang sasakyan. “May problema ba?” nag-aalalang tanong niya sa binata. “Wala naman, tungkol lang sa trabaho,” sagot nito sa kanya. “Okay,” tanging sabi niya. Pagkaparada ng sasakyan ni Tonyo sa tapat ng hotel na tinutuluyan ni Carlyn ay agad na natanaw ni Sahara ang babae na nakatayo sa labas ng hotel. Kakakitaan ito ng pagkabalisa at bahagyang namumutla rin ito, Agad na sinalubong siya ni Carlyn pagkalabas niya ng sasakyan. Hinawakan nito ang kanyang kamay at walang salitang inakay siya nito sa elevator. Kasunod nila si Tonyo na nanatiling walang kibo. Nang makapasok sila sa hotel room ni Carlyn ay di na niya mapigilang mag-usisa rito. Nahihiwagaan na siya sa kinikilos ni Tonyo at ni Carlyn. Nararamdaman niyang may hindi sinasabi sa kanya ang dalawa. “Ate Carlyn, Tonyo, ano ba ang nangyayari?” Nagpalitan ng makahulugang tingin ang dalawa na lalong kinataka niya. “Sahara, kasi,” napahinto si Carlyn sa pagsasalita nang mag-ring ang kanyang cellphone. Agad niyang sinagot ito ng mabasa ang pangalan ng kaklase niyang si Gelai. “Hello Ghie, napatawag ka,” bati niya sa kaklase. “Sahara, nakita mo na ba?” tanong nito sa kanya. “Anong nakita?” nagtatakang tanong niya. “Iyong video ng Ate Selah mo?” sagot nito sa kanya. “Anong video ang sinasabi mo?” kunot-noong wika niya. “Ipapasa ko sa iyo ngayon, I’m sorry, Sahara,” malungkot ang tinig na usal nito sa kanya. “Sige, hintayin ko,” tugon niya. Pinagpalagay niyang may kinalaman iyon sa pagkamatay ng kanyang kapatid. Di pa nagtatagal ay muling tumunog ang alert ng kanyang cellphone. Binuksan niya ang pinadala ni Gelai na video. Itinulos siya sa pagkakatayo, nabitawan niya ang kanyang cellphone. Niyuko niya ang cellphone kung saan kasalukuyang naka-play ang video na pinadala ng kaklase niya. Narinig niya ang malakas na pagsinghap ni Carlyn sa kanyang tabi at ang nag-aalalang pagtawag ni Tonyo sa kanyang pangalan. Subalit ang kanyang mga mata ay napako sa eksenang nasa cellphone. Kasabay ng mga luhang umaagos sa kanyang mata ay ang biglang pagdilim ng kanyang paningin. Malakas na tili ni Carlyn ang huli niyang narinig bago siya tuluyang nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD