DUMATING ang araw na pinaka hihintay ni Betong. Ang kanyang kaarawan. Isang numero na naman ang dumagdag sakaniya na magpapaalalang tumatanda na siya at kailangan nang magbatak ng buto.
Naikwento kasi niyang titigil muna siya ng pagaaral pagkatapos grumaduate ng highschool para makaipon pang kolehiyo. Desedido na talaga ang mokong sa pagkuha ng kursong criminology.
Ilang tao mula ngayon, chip(chief) na ang tawag ko sakanya kapag nataong mahuli niya akong hindi sumusunod sa batas trapiko. Sana lang ay matinong pulis.
Galit ako sa buwaya!
Maliit lang ang lugar namin. Sampung minutong pagb-bike, nakarating din ako. Pagkagaling sa eskwela, nagbihis muna akong pambahay, nagpaalam kay ermats at sa utol, saka lumarga. 10 PM ang curfew na pinataw nila sa akin. Kapag wala pa ako sa bahay sa mga oras na 'yun, sila kuya na may dalang sinturon ang susundo sa'kin.
Ayos. Kumpleto ang klase. Napuno ang munting bahay nila Betong ng higit kwarentang tao. Isama pa ang adviser at iilang bisitang galing sa ibang section, ibang barangay at ibang tropa. Mistulang mayor na may pa meet & greet, pa-mañanita sa mga solid supporters niya.
Sikat nga naman si Betong sa buong lugar namin. Bukod sa pilyo ay matulungin din ito. Boy ng buong barangay. Mabilis utusan, may bayad man o wala.
"Hapi sweet 16, Buddha!" Masiglang bati ko kanya. Itinabi ko muna ang bike sa katabing poste ng gate nila. Safe 'yun.
Ngusi si kumag. "T.Y, Lagbu! Natagal ka ata?"May bitbit siyang malaking pitsel na may lamang orange juice.
"May quick mass lang sa bahay, e. 10 PM curfew." Sagot ko.
Inilapag niya 'yung pitsel sa mahabang upuan.
"Nag GM ako sa lahat. Invited lahat!"
"Oo nga, e. Grats meyor! San 'yung tatlong kupal?"
"Saan pa nga ba? Sa loob! Tinitira mga lumpia."
"Deng! Dito ka na o!" Pahiyaw na tawag ni Jasper sa di kalayuan.
Masikip ang bakuran nila na puno ng upuan at nakahilerang tao habang kumakain sa platong nakapatong sa kanilang mga hita. Hindi uso ang lamesa. Wala na ring space para doon. Kung maarte ka, malamang hindi ka invited.
Malakas ang kantang simpleng tao ni Gloc-9 na pinapatugtog sa CD player nila Betong, kaya naman halos hiyawan na ang usapan ng lahat magkarinigan lang.
Binati ang lahat ng kakilala, nakipag kamustahan sa ibang tropa at nakikain ng pambansang handa na lumpiang shangai at spaghetting kulang sa tomato sauce. Yun na lang ang nakain ko, ubos na ang iba. Nag upgrade na rin ng inumin. Ang kaninang juice, naging pale pilsen beer na.
Mga tomador! Wala naman akong interes sa alak kaya hanggang pulutang sisig lang ako. Hindi rin ako pwede. O pwede naman, basta ba handa akong maging palaboy sa daan.
Lumalim na ang gabi, naubos na ang mga bisita. Si Anabelle, Trixie, Ando, Betong, Ako at tatlong solidong tropa ni Betong sa kabilang kanto ang natira. Tamang kwentuhan tungkol sa kalokohan, kaonting tuksuhan at love life. Wala ako nun kaya safe!
Umiyak bigla si Andre, tropa ni Betong, iniiyak 'yung syota niyang ti-nu-time lang siya.
"Tangna! Nagtipid akong baon para mabilhan siyang chocolate tapos biglang iniwan ako? Tanga talaga! Ayoko na mag syota! Gutom lang inabot ko!" Umiiling-iling pa ito. Dapat kasi may batas na bawal mag inom kapag broken hearted, e!
"Si Cindy? Maarte naman 'yun kala mo ang ganda. Galisin naman." Pampalubag loob ni Mico. Umiling muli si Andre, lumakas pa ang iyak.
Ano bang inaarte nito? Ganyan ang iyak ko noong mawalan akong isang daan sa bulsa. Kung ihahalintulad ko 'yun sa nararamdaman niya, masakit nga talaga.
"You know, vro. Gerls layk her do not deserb a guy layk u. You know, vro. Her is not... her ugly. Sandy is more byutipul." Singit ni Junjun sabay baling sa akin.
Siya naman 'yung tipo ng lasing na nagi-ingles. Ano raw? Basta sinabi maganda ako. Totoo naman. Keri!
Tuloy tuloy pa ang usapang lasenggo nila habang kinakamay ko ang pulutan. Tango dito, sangayon doon.
"You... you know, vro..."
"Basta mahal ko si Cindy kahit 3 days pa lang kami..."
Tatlong araw?! Gulat ako doon ah! Tahimik lang ako na nakikichismis sa kanila. 3 days iniyakan na niya? Paano pa kapag 1 week? Baka maglumpasay pa siya sa tapat ng gate nun. Kung 1 month kaya? Nakakaloka!
"Tagay pa!" Alok ni Betong. Hiyawan naman ang lahat. Nakiinom na rin sila Anabelle at Trixie, ilang lakad lang naman kasi ang layo ng bahay nila mula rito.
Tanging si Ando lang ang kaonti lang uminom sa nga lalaki. Bale, siya 'yung matino at magiging tagahatid na klase ng manginginom. Ang responsableng tropa.
"Tagaaay pa!" Pinagumpugan nila ang kani-kanilang baso at nilagok iyon ng diretso.
"Tanda ko noong nakilala ko si Betong, lakas ng loob dumakdak, e. Tapos biglang kinapos!" Sabay tawang malakas ni Mico.
"Gagsti, 'di ba pina-barangay tayo ni Aling Dina kasi pinagtitripan natin doorbell nila sabay takbo? Gago, laptrip! Pinahabol pa tayo sa pitbull nila!" Si Ando.
"Oo, gago. Sakit! Kinagat sa junjun si Junjun, e. Sakit!"
"Vro... you know..."
"Teka... may gitara ka diba?" Tanong ni Trixie kay Betong sabay kuha ng beer sa lamesa at nilagok.
"Dali, dali! Kanta tayong hapi bertde!" Si Anabelle, lasing na ata.
"Wag na! Pambata lang 'yun." Agap ni Betong, pero pumasok din naman sa loob ng bahay nila at may dala nang gitara paglabas.
"Yooooon! Yoooooon! Simulan mo na!" Pumalakpak si Mico at tumayo.
Eto ang gusto ko, relax lang. Tamang kantahan. Tamang enjoy! Naupo na si Betong at tinipa ang gitara. Tuwa naman ang lahat. Mga excited mag mini concert sa barangay tahimik. Kaonting adjust ng wala sa tonong gitara at... pwede na!
"Magbukas ka pa ng tuna at kukulangin ang isa," panimulang nota ni Betong. Naghiyawan lahat at pumalakpak.
"Maglabas ka pa ng baso
At tatagayan ko kayo
Pahingi naman ng yosi
At pa-abot ng pansindi
Maghanap ka na ng pwesto
Akong bahala sa inyo
Tama na 'yan inuman na
Hoy pare koy tumagay ka
Nananabik na lalamunan
Naghihintay nag aabang"
Mahaba-haba ang mini concert namin sa bakuran nila Betong. Sumuka na sila Anabelle at Trixie, naglumpasay na sa semento si Andre kakaiyak sa Cindy niyang galisin daw, tuloy pa rin ang ingles ni Junjun kakaawat, habang kami... nagkukulay talong na sa kakatawa.
Bumanat pa kami ng ilang kanta ng parokya ni edgar. "Cindyyy! Kam bak tu mi!" Gumagapang na si Andre sa damuhan.
"HOY! MAGPATULOG NAMAN KAYO!" Bulyaw ng matandang kapit bahay.
Bahagya kaming natulala, nagtinginan saglit... sabay tawa.
"Si Andre kasi may pasigaw-sigaw pang Cindy!"
"Tanga! Pangit kasi ng boses mo kaya nagalit kapitbahay mong tigang!"
Naudlot ang usapan sa biglaang pagkatok ng kung sino, sabay sabay kaming lumingon..
"Andeng!" Si kuya Roberto!
Taranta kong kinuha 'yung 3210 sa bulsa ko, halos magkandahulog na 'yun kakamadali. 11 PM na! Masyadong lasing mga kasama ko para maawa sa posibleng mangyari sakin.
Paglabas ko sa kalawanging gate... may dala nga talagang sinturon si kuya!